***
Malawak ang opisina ni Police Chief Miguel Arboleda. Makikita sa mga naka-display sa cabinet ang mga parangal na natanggap nito sa higit dalawampung taon nito sa serbisyo. Ang pagkakakilala niya rito ay isa itong matuwid na pulis, ngunit, competitive ito at matakaw sa resulta.
Magkaharap silang nakaupo sa sofa. Kapansin-pansin naman sa kalapit na mesa ang nameplate nito kung saan nakasulat ang pangalan nito at katungkulan.
Alam na alam na ni Timothy kung bakit siya narito.
Muli na namang nagkaroon ng panibagong report ng mga biktima ng 'Putol-Daliri Case', at ngayon ay nangyayari pa mismo sa distrito nila. Noong isang taon pa ito naging talamak, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nareresolba.
Iyon ang mismong kasong hawak niya noong nasa Investigation Bureau pa siya, at ang dahilan kung bakit siya na-demote at napunta rito sa Central Police Station.
Mukhang nag-uumpisa na naman ang hindi makilalang suspek, na may kakaibang trip sa pamumutol ng mga daliri.
"Ano ba talagang nangyari noon? Hindi ba at iniimbestigahan niyo 'yon noon ng partner mo bago siya namatay?" tanong ng chief nila matapos nitong humigop ng kape.
"Chief, bakit kung makapagtanong kayo, parang ako 'yong kriminal noon?" usisa niyang nagsalubong ang kilay.
Umayos nang pagkakaupo si Chief Arboleda at inilihis ang mata mula sa kanya. "Hindi naman sa gano'n, Police Officer Sanchez. Gusto ko lang alamin ang buong detalye, dahil sobrang kakaiba itong kaso na ito. Baka lang may nalaman kayo noon bago ang nangyaring shootout?"
Kahit duda pa rin siya sa dahilan nito, tumugon siya tungkol sa naaalala noon. "Ang alam ko lang ay may hinahabol na suspek ang partner kong si Police Liutenant Trinidad, at kasama niya ako nang mga oras na 'yon. Kalaunan, nalaman kong ang hinahabol pala namin ay ang suspek sa 'Putol-daliri case'."
Inalala niya ang gabing 'yon habang tinatahak nila ang kahabaan ng highway. Paulit-ulit siyang nagtatanong ng impormasyon sa partner niya, pero hindi naman ito sumasagot at tutok na tutok lamang sa pagmamaneho nito.
"Hanggang sa magkaputukan na, pareho kaming nabaril, pero ako lang ang nakaligtas. Nagpakamatay rin ang suspek na nagbaril sa sarili niya. Mabuti na lamang at 'yong biktima na kasama niya ay hindi napuruhan at nakaligtas, dahil mabilis na nagdatingan ang ibang kasamahan naming pulis."
"Pero, ang ipinagtataka ko, paanong napagbintangan ako ng kapabayaan at nagkaroon ng kaso?" dagdag niya habang napapaisip pa rin siya sa bagay na 'yon. "Ang laking pasasalamat ko na lang at hindi ako sinibak sa pwesto. Nailipat lamang ako ng istasyon at binabaan ng ranggo."
Napatango-tango ang kaniyang kausap, huminga nang malalim bago ulit nagsalita, "Ganito 'yon, posibleng maipasa kaagad ang kasong ito sa Investigation Bureau, kahit pa sa distrito natin nangyayari ito. Lalo na kung muling madadagdan pa ang mga kasalukuyang biktima."
"Magdudulot ito ng malawakang pagkatakot sa publiko at ayaw kong mangyari 'yon kaya kailangan natin itong maresolba kaagad." Huminto ito sa pagsasalita at tinitigan siya nang mariin. "Kailangan pa rin naman nating magsagawa ng paunang imbestigasyon. Gusto sana kitang ilipat sa Crime Investigation Unit ng istasyon kung maaari."
"Ang kaso ay parang imposible, lalo na at wala tayong makuhang lead. Isa pa, halos hindi makapagbigay ang mga biktima ng magandang pahayag na makakatulong sa kaso, dahil tila wala naman sila sa sarili nang mangyari ang insidente at hindi rin nila matandaan kung sino ang gumawa niyon sa kanila."
"Opo, nakakapagtaka po, kung paano nangyari 'yon. Ilang araw silang mawawala, pero bumabalik sila nang hindi nila namamalayang wala na ang ilan sa mga daliri nila?" pahayag niyang pinagdaop ang palad habang napapaisip.
"Kailangan nating mahanap kung sino ang gumagawa nito para hindi na madagdagan pa ang mga biktima. Nakakapagtaka lang kung anong motibo nila para gawin 'yon?" tanong ng hepe nilang nangunot ang noo. "Anong gagawin nila roon? Ititinda ba nila 'yon?"
Kaagad naman siyang tumugon, "Kung papayagan n'yo po akong imbestigahan ulit itong kaso na ito, maaari kong matingnan ang case file namin noon para makita ko kung may pagkakapareho ba sa kaso namin noon, ang panibagong kasong sumusulpot sa ngayon," suhestiyon niya.
Nakita niyang medyo may pag-aalinlangan ang Chief nila sa bagay na 'yon. "Pero, alam mong hindi ka pa rin maaaring mapabilang sa Crime investigation Unit? Ayos lang ba 'yon sa'yo?"
"Opo, gagawin ko po ang lahat para matulungang maresolba ang kaso na to kahit po para lamang sa mga biktima."
Napangiti naman ang Hepe nila. "Huwag kang mag-alala, pipilitin kong maibalik ka sa dati mong ranggo, kakausapin ko ang mga nakatataas para matulungan ka," pangako nito.
"Marami pong salamat," pahayag niyang tumayo at sumaludo.
***
Tuwang-tuwa si Timothy dahil sa narinig. Kulang na lamang ay lumundag siya sa sobrang kaligayahan. Matagal na niyang hangad na malipat sa Cyber Investigation Unit. Gusto niyang nagtatrabaho sa mga computer, lalo pa't iyon ang kinahiligan niya noon pa man. Ang una ngang kurso na napili niya noon ay gaya ng kay Mia, pero dahil ginusto niya ring mag-pulis kaya siya nag-shift.
Alam niyang bibisita si Jenina ngayon para dalhan siya ng pagkain sa cafeteria, at dahil isa rin ito sa mga psychologist na kinukunsulta ng istasyon, kaya madali lang ditong makalabas-pasok. Humakbang na siya patungo roon dahil break na rin niya.
Mas lalo pa siyang napangiti dahil sa pananabik na makita ang girlfriend. Mag-iisang taon na rin sila, pero 'di pa rin nagbabago ang nararamdaman niya rito. Lalo pa ngang tumitindi. Marami na rin siyang plano patungkol sa nalalapit nilang anniversary. Gusto niya sanang magkaroon sila ng masayang weekend getaway. Mamamasyal sila sa in-demand na lugar at kakain sa mga hottest restos at pagkatapos...
Bigla na lang siyang napahagikhik na parang dalaginding.
"Sanchez, anong ginagawa mo? Nakakagulat ka, ah?" pansin ng nakasalubong niyang kasamahan na nanlalaki ang mata sa kaniya. "Aba, iba na iyan."
"Wala kang pakialam." Nakangisi pa rin siya saka ipinagpatuloy ang paglalakad.
"Pakunsulta ka na, ha! Hindi ba, psychologist ang girlfriend mo?" pahabol ni Ynares. "Ah, malamang, siya ang may kagagawan niyan," dagdag nito.
"Inggit ka lang!" parinig niya at 'di na ito inintindi pa.
Saka naman biglang nabura ang pagkakangiti niya nang maalala ang kapatid. Kaya pinadalhan niya ito ng maikling mensaheng may pagbabanta.
[Hindi pa tayo tapos, lagot ka sa akin pag-uwi ko!]