Mayen’s POV
“Kuya bakit napatawag ka?” nagtataka kong tanong dahil isang oras at kalahati pa lang mula nang umalis sila.
“Sasabihan lang kita na huwag ka ng magluto dahil magte-take out na lang kami ng pagkain,” aniya.
“Talaga kuya?! Yehey! Tamang-tama tinatamad ako magluto ngayon saka nandito si Rica,”
“Sige, uuwi na rin kami maya-maya. Tumawag sakin si Mama sinumbong mo ata ako eh,” biro niya.
“Hala hindi po kuya. Nagtanong lang si Mama at sinabi ko lang ang totoo,” pagtatanggol ko sa sarili.
“Joke lang, sige na!” saad niya at pinatay ang tawag. Akala ko galit siya dahil baka naudlot ang gala nila ni Kuya Vincent dahil pinapauwi siya ni Mama.
Mahigpit na ipinagbilin ni Papa at Mama na pagkauwi galing trabaho ni Kuya at pagkagaling ko naman sa school ay umuwi agad. At ipinagbilin din ni Papa kay Kuya na huwag akong iiwan lalo na kapag gabi dahil matatakutin ako at babae pa.
Pero bigla akong kinabahan ngayon dahil maya-maya ay babalik na sila.
“Bakla! Pauwi na raw sila maya-maya, anong gagawin ko?” Tili kong tanong kay Rica na abala sa pag-scroll ng f*******: niya.
“Para kang tanga diyan Mayen, kung makatili ka wagas,” aniya.
“Eh ano nga gagawin ko? Pabalik na sila dito,” tanong ko ulit. Tama siya para akong tanga. Hindi naman ako ganito dati.
“Edi maligo ka, magpaganda ka! Dali aayusan kita, bilisan mo,” utos niya.
“H-Ha?! Naku sigurado magtataka si Kuya kapag nakitang nakaayos ako, hindi yun sanay na makita akong may make up,” sagot ko.
“Basta! Akong bahala sayo, bilis na maligo ka na. Magsuot ka ng pambabaeng damit mo huwag yung damit nang Kuya mo,” anito.
Mabilis ko naman siyang sinunod, naligo ako at nag-lotion at nagpabango pa. Ewan ko lang kong hindi pa ako mapansin ni Kuya Vincent.
Paglabas ko ng kwarto ay nakita kong naghahalungkat ng bag niya si Rica. Kinukuha niya yung pangkolorete niya sa mukha.
“Bakla, grabe ang tapang naman ng pabango mo! Niligo mo ata ang pabango mo eh. Malala na talaga yang tama sa Vincent na yon,” saad niya.
“Hindi naman ah, kaunti nga lang ang ini-spray ko eh,” tanggi ko.
“Sige na upo na,” utos niya. At sinimulan niyang ayusan ang mukha ko.
“Itong suot ko ayos na ba to? Parang masyadong maikli ata tong shorts ko baka tuktukan ako ng kapatid ko,” wika ko.
“Okay na yan, para mas mapansin ka lalo. Oh ayan tapos na. Ang ganda mo naman pala kapag nakaayos ka bakla!” Sabi niya.
Maya-maya’y nakarinig kami ng tunog nang sasakyan na pumarada sa harap ng bahay.
“Bakla sila na yan!” Nae-excite kong sabi kay Rica. “Ipagpatuloy mo lang kunwari ang pag-aayos sa akin tapos sabihin mo pinag-eekspirimentuhan mo lang ako.” Untag ko.
“Sige,” anito.
“Bumukas ang pinto at inuluwa noon ang kuya ko na may dalang isang bilao ng pansit kasunod niya naman ay si Kuya Vincent na may bitbit na supot ng isang manok.
“Oh my!” Gulat na reaction ni Rica nang makita si Kuya Vincent.
“Anong ginagawa niyo?” bungad agad ni Kuya nang mapansin kami. Ngunit nahuli ko naman ang tingin ni Kuya Vincent sakin. Titig na titig siya. Nagandahan siguro sakin. Umiwas ako ng tingin dahil siniko ako ni Rica.
“Hi Kuya Jester, Hi din sayo Kuya Vincent,” bati ni Rica sa kanila. Kung makabati ‘tong si Rica akala mo magkakakilala na sila ni Kuya Vincent. Ngunit napansin ko ang pagkunot ng noo ni Kuya Vincent pero kalaunan ay nawala din ito. Baka nagtaka lang siya.
“Uhm… Nag-experiment lang po itong si Rica Kuya at itong mukha ko ang napagdiskitahan niya,” sagot ko.
“Ihain mo muna tong pagkain,” utos niya sakin.
“Sige po,” tugon ko. “Bakla tara tulungan mo ako sa kusina,” aya ko kay Rica. Kinuha niya ang pansit na hawak ni kuya at kinuha ko naman ang dala ni Kuya Vincent. “Akin na po,” sabi ko ng hindi nakatingin sa kanya. Nahihiya ako dahil nanunuot talaga sa kalamnan ko ang mga titig niya. Tiningnan niya ako mula ulo hanggang paa. Mukhang effective ang plano namin ni Rica. Lihim akong napangiti.
“You look gorgeous,” puri niya sabay abot sa akin ng supot na dala niya.
Hindi ko na napigilan ang ngumiti sa kanya. “Salamat po,” sagot ko.
“Sige na Mayen,” untag ni Kuya. Kaya lumakad na kami ni Rica sa kusina.
“Grabe! Ang gwapo nga!” Napalingon ako sa gawi ni Rica.
“Sabi ko sayo eh, di ba?” sagot ko.
“Mukhang maniniwala na talaga ako sa balita na babaero siya kasi may asset eh,” aniya.
“Bakla, pwede ba? Tigilan mo na yan kasi hindi pa rin ako natu-turn off sa kanya, gusto ko pa rin siya,” saad ko habang nililipat ang manok sa bowl.
“Hi, Ladies excuse me!” Sabay kaming napalingon ni Rica ng pumasok si Kuya Vincent sa kusina namin. Para akong nangamatis dahil sa init ng mukha ko. Siguradong pulang-pula ang pisngi ko dahil baka narinig niya ang sinabi kong crush ko siya.
“K-kanina ka pa po ba diyan?” Nauutal kong tanong.
“Nope! I just want to give you this, your favorite,” aniya sabay abot ng box ng doughnut.
“Wow! Ang sweet naman!” Sabat ni Rica.
“P-po? Para sa akin ‘to? P-paano niyo po nalaman na paborito ko ‘to?” Kinikilig kong tanong. Si Rica naman ay panay ang ngiti habang naglalgay ng plato.
“You’re blushing, syempre tinanong ko ang Kuya mo kung anong paborito mo kaya binili ko kasi nanghihingi ka ng pasalubong,” saad niya.
“Salamat po dito Kuya Vincent ha? Nag-abala pa po kayo, binibiro ko lang naman si Kuya kanina,” sabi ko.
“No, it’s okay! Para sayo talaga yan!” Anito at tinitigan na naman ako. Nag-iwas ako ng mukha.
“Uhm...S-si Rica nga po pala kaibigan ko po,” pagpapakilala ko kay Rica sa kanya. Para ilipat ang atensyon niya.
Tumango ito at kumaway kay Rica. “Hi,” tipid niyang bati rito.
“Hi po ulit,” bati ulit ni Rica. “Tawagin ko lang si Kuya Jester bakla ha at kakain na tayo,” paalam ni Rica. Pero alam kong sinadya niya iyon para makapagsolo kami ni Kuya Vincent. Kung tutuusin pwede ko naman tawagin sa isang sigaw ko lang si Kuya. Hindi naman kalakihan tong bahay namin para sunduin pa kung saang sulok. Sinundan ko na lamang ito ng tingin.
“Umupo na po kayo, Kuya Vincent,” sabi ko sa kanya.
“How old are you again, Mayen?” tanong niya na ikinalingon ko. Wait, interesado rin kaya siya sakin? Oh my gosh!
“Magna-nineteen na po ako next month,” sagot ko.
“Okay! So, pwede ka na pala mag boyf—,”
“Kain na tayo guys, at iinom pa kami nitong si Vince,” bigla na lang sabat ni Kuya kaya naputol ang sasabihin ni Kuya Vincent.
Tahimik kaming kumain, nag-uusap sila tungkol sa mga negosyo. Hindi ko maintindihan kaya tahimik na lang ako dahil wala naman akong maiaambag kung umimik ako. At itong si Rica naman panay ang kalabit sa hita ko kasi alam kong napapansin din niyang pasulyap-sulyap sakin si Kuya Vincent.
Nang matapos kaming kumain ay bumalik sila sa sala at kami na lang naiwan ni Rica dito sa kusina.
“Hoy, bakla!” untag sakin ni Rica ng mapansing pasilip-silip ako sa sala.
“Ano?” Lingon ko sa kanya.
“Lakas talaga ng tama mo! Tingnan mo oh, halos ubusin mo yung donut na binigay niya sayo. Hindi ka man lang nag-alok sa amin. Kaya siguro panay ang tingin niya sayo kanina kasi para kang patay gutom kung lantakan mo yan,” wika niya na may kasamang tawa.
Para akong napahiya sa sinabi niya. Tama siya dalawang piraso na lang ang natira sa isang box at ako lang ang kumain.
“Eh kasi di ba? Paborito ko yon saka hindi ako sanay mag share ng pagmamay-ari ko,” biro ko.
“Wow, hugot?” Hindi pa nga kayo eh kung makaasta wagas. Masyado kang halata girl, di mo pa nga alam baka may girlfriend pala yan,” kontra niya.
“Kaya nga aalamin natin! Saka feeling ko wala siyang girlfriend kasi kung mayroon edi sana sinama niya na dito yon.” saad ko.
“Ewan ko sayo! Bahala ka. Sige na maghugas na tayo,” aya niya.
Pagkatapos naming magligpit sa kusina ay bumalik kami sa sala at tumambay muna saglit at nanood ng netflix. Doon siguro sila uminom sa kwarto ni Kuya. Dito kaya siya matutulog? Hindi ako makapag concentrate sa pinapanood ko dahil si Kuya Vincent lang ang tumatakbo sa utak ko. Ngayon lang ako nakaramdam ng ganito at doon pa sa lalaking ang laki ng agwat ng edad sa akin. Pero sabi nga nila age doesn’t matter as long as you love each other!