Bumukas na ang pinto ng apartment ko nang itulak ko na ito. Sa wakas! Nasa bahay na ako, makakapagpahinga na ako!
Pumasok ako sa loob habang buhat-buhat ang dala-dala kong box at gamit ang paa ko ay sinarado ko na ang pinto. Nilapag ko kaagad sa sahig ang box at saka ay dali-daling itinungo ang katawan ko sa higaan at doon ko sinalampak ang buong katawan ko sa ibabaw ng higaan.
Nakaramdam agad ako ng init at magaan sa pakiramdam nang maamoy ko na ang higaan. Ngunit, unti-unting sumisikip na naman ang aking dibdib nang pumapasok sa ala-ala ko ang nangyari kanina.
Naramdaman ko na lang ang pagsakit ng aking ilong dahil sa sipon at kasabay nu'n ang pagbara sa aking lalamunan at ang pamumuo ng mga luha sa aking mga mata. Napahikbi na lang ako nang maalala ko ang masasayang araw na kasama ko si Sir Wild, kung saan ay masaya kami, 'yung mga panahong una ko siyang nakilala no'ng muntikan niya akong masagasaan sa gitna ng highway at in-offeran niya ako ng trabaho, tapos 'yung first kiss namin sa opisina niya, at marami pang iba.
Nahuli ko ang sarili ko na nakangiti habang ina-alala ang lahat ng iyun, nakangiti ako habang umiiyak, para akong baliw pero masakit at nakakamiss isipin, pero ayaw ko na, ayaw ko nang bumalik pa, nakakapagod na. Pagod na akong umasa, pagod na ako kay Sir Wild, pagod na ako sa lahat.
|༺☬༻|
Kinagabihan. Binuksan ko ang refrigerator ko at pagbukas ko rito ay kakaunti na pala ang laman. Naisipan ko pa namang magluto ng hapunan ko ngayon.
Napabuntong-hininga na lang ako matapos kong ilibot ang paningin ko sa loob ng ref at saka ay umayos ng tayo. Napatingin ako sa wall clock, hindi pa naman late, mag-grocery na lang muna ako, bibili na lang muna ako ng kalahating kilo ng marinated chicken, bread crumbs, at crispy fry.
Sinarado ko na ang pinto ng ref at saka ay kinuha ang eco bag ko. Tapos na rin akong magsaing sa rice cooker kaya pag-balik ko rito ay diretso luto na lang ako sa fried chicken ko. Ayaw ko kasing mag-order ng mga pagkain online dahil hindi ko alam kung paano mag-order, nakalimutan kong magpaturo kay Natalia, maybe next time?
Ilang minuto ang nakalipas at nakalabas na ako sa building ng apartment ko. 'Yung grocery store ay mga singkwenta ka hakbang ang kailangan ko papunta sa grocery store na 'yun, medyo malayo-layo siya sa apartment building ko.
Ilang minuto pa ang lumipas at nakarating na rin ako sa grocery store at pumasok na rito. Una kong pinuntahan ay ang frozen meat section at kumuha na ako ng kalahating kilo ng marinated chicken. Sa katabing chest nung kinuhanan ko ng marinated chicken ay nandoon naman 'yung bread crumbs at crispy fry at saka ay kinuha ko na ang mga ito at nilagay sa basket.
Pagkatapos kong bilhin ang mga kailangan ko ay nagtungo na ako sa counter para magbayad. Habang nakapila ay natuon ang atensyon ko sa labas ng grocery store nang mahagip ng mga mata ko ang pamilyar na sasakyan na kulay pula. Hindi ko maalala kung kanino 'to, basta nakikita ko ito paminsan-minsan sa parking area ng Cyrene.
Well, baka kaparehong kotse lang, marami namang kaparehong kotse, eh, hindi lang naman nag-iisa ang design ng mga kotse. Iwinaksi ko kaagad ang isipang iyun nang ako na ang nasa harapan ng counter para magbayad.
"Ito po lahat, ate," saad ko sa babaeng nasa counter at nilapag ko ang basket na dala-dala ko.
"May eco bag po ba kayo, Ma'am?" Tanong niya sa akin habang ini-scan niya sa computer ang mga binili ko.
"Opo," saad ko at pinakita ko sa kan'ya ang dala-dala kong eco bag at inilapag ito sa ibabaw ng counter.
"May discount card po ba kayo?" Tanong niya pa at tumango ako. Suki na kaya ako sa grocery na ito, malamang may discount card na talaga ako.
"Yes po," tanging tugon ko at saka ay hinalughog ang pitaka na dala ko.
Ilang sandali ang lumipas at lumabas na ako sa grocery store dala-dala ang pinamili ko. Itong kalahating kilo ng manok na binili ko, aabot pa hanggang bukas, malaki ang kain ko pero nanatili pa ring shape ang katawan ko, hindi ko nga alam, eh, hindi naman ako nag-eexercise, hindi ako pumupunta sa gym kasi mahal.
Iwinaksi ko na ang mga iniisip ko nang mapansin kong nagiging kakaiba ang paligid ko. Habang naglalakad ako pabalik sa apartment building ko ay ramdam kong parang may nakatingin sa akin, nakasunod, at nagmamasid.
Ayaw kong lingunin ang kung anuman ang nasa likuran ko. Nanatili pa ring nakatutok ang mga mata ko sa harapan at patuloy lang ako sa paglalakad. Medyo madilim din kasi ang bahaging tinatahak ko, kahit nasa gilid lang ako ng highway ay madilim dito dahil sa mga puno na tinatanim sa gilid ng highway.
"Ah!" Napa-igtad na lang ako nang biglang may humawak sa kamay ko.
"Stella? Saan ka galing?" Tanong ng isang pamilyar na boses ng babae kaya napalingon agad ako sa katabi ko at bumungad sa akin ang mukha ni Manang Loleng na puno ng pagtataka.
Agad akong napahawak sa dibdib ko at napahinga ng maluwag nang siya ang nakita ko. "Ikaw pala 'yan, Manang, ginulat niyo naman po ako," hinihingal na saad ko at bumuntong-hininga pagkatapos.
"I see, mukhang nagulat ka nga, pero saan ka ba galing? Mag-aalas syete na ng gabi, kaka-uwi mo pa lang galing sa trabaho mo?" Sunod-sunod na tanong niya.
"Ah, sa grocery store lang po ako galing, bumili ng hapunan ko. Wala na po akong trabaho, umalis na po ako roon," tugon ko naman at napakunot ang noo niya sa sinabi ko.
"Umalis ka? Stella naman, ilang buwan kanang naghahanap ng trabaho tapos ngayong may magandang trabaho kana umalis ka pa talaga?" Hindi makapaniwalang saad niya kaya nahihiya akong napangiti sa kan'ya at napakamot sa batok ko.
"Tara na po? Balik na po muna tayo sa building," anyaya ko sa kan'ya at saka ay lumakad na ulit kami.
"Delikado ang buhay ko roon—" napatakip na lang ako sa bibig ko nang marealize ko ang sinabi ko at napatingin kay Manang na punong-puno ng pagtataka ang mukha niya habang nakatingin din sa akin.
"Delikado? Anong delikadong sinasabi mo, Hija?" Puno ng pagtatakang tanong niya sa akin at nanatili pa ring nakakunot ang noo niya.
"Wala, wala, ibig ko pong sabihin ay delikado ang buhay ko roon, masyado kasing stressful ang trabaho, baka ikamatay ko pa 'yun, mas importante ang kalusugan ko kaysa sa ibang bagay," tugon ko naman habang kinaway-kaway sa harapan ko ang isang palad ko.
"Okay, ganoon ba? So, saan kana magta-trabaho ngayon?" Tanong niya pa sa akin.
"Siguro uuwi na lang muna ako sa amin sa Bukidnon at samahan ang nanay ko roon," tanging tugon ko at napatango-tango naman siya.
|༺☬༻|
"Hindi, hindi!"
"Ah! Hindi!" Sigaw ko ng subrang lakas na para bang pinalo ako ng latigo at napaiyak ng subra-subra.
"Gising please! Please, h'wag niyo..."
Agad akong napabalikwas ng bangon dahil sa bangungot na iyun. Kumakabog ang dibdib ko, subrang lakas na para bang kumakawala na ito sa akin.
Agad akong napahawak sa pisngi ko nang mapansin kong namamasa ito dahil sa luha. Napaiyak na lang ako nang tuluyan na namang bumabalik sa ala-ala ko ang bangungot na iyun na mahigit isang buwan ko nang hindi na napapanaginipan. Huling panaginip ko nito ay noong nakaraang buwan pa at ngayon lang din naulit.
Agad akong napayakap sa sarili ko dahil sa bangungot na iyun.
"Hindi, hindi, please, tama na, please," mahinang saad ko at umiiyak na naman.
"Gising please," pabulong na saad ko.
Bigla na lang natuon ang atensyon ko sa pinto ng apartment ko nang marinig kong may nagbabalak na buksan ito. Agad kong inabot ang lampshade na nasa bedside table ko at binuksan ito.
Kumunot ang noo ko at saka ay umalis sa higaan. Kinuha ko ang gunting na nasa drawer ng bedside table ko at saka ay mahigpit itong hinawakan. Ito lang ang mabilis kong magagamit kung may magtatangka man sa akin, pero natatakot ako.
Agad akong nagtungo sa madilim na parte ng apartment ko na malapit lang din sa pintuan. Bigla itong bumukas na ikinagulat ko kaya napatakip na lang ako sa bibig ko para iwasan ang kung anuman ang lalabas na ingay mula sa aking bibig.
Pumasok ang isang lalaki na may dala-dalang kutsilyo at sinarado niya ulit ang pinto. Hindi niya ako nakita sa pinagtataguan ko at nanatili pa ring tahimik. Kumakabog ng husto ang aking puso at gusto kong pigilan ito at baka marinig niya pa ang malalakas na pagkabog nito.
Napansin ko siyang nagtungo sa higaan ko at parang may kinapa siya roon. Tumayo siya ng tuwid matapos niyang kapain ang higaan ko at saka ay naglakad ulit. Hinahanap nga niya ako.
"Gotcha!" Natutuwang saad niya sabay ilaw sa flashlight niya at itinutok niya ito agad sa pwesto ko. Agad nanlaki ang mga mata ko nang makita niya ako.