BAKIT ba simula nung pumasok ako palagi ka nalang nagmamadali. Saka isa pa, saan ka nagpupunta?” salubong ang mga kilay na tanong sa kanya ni Tristan. Martes at gaya ng dati kasabay niya ito sa pagkain ng lunch. Ang kaibahan nga lang ay wala sina Carol at Joy. Kagaya niya ay may nobyo narin kasi ang dalawa kaya hindi na niya nakakasabay sa pagkain ng pananghalian ang mga ito ilang araw narin ang nakalipas.
“Ano bang sinasabi mo?” medyo irita niyang tanong saka nakasimangot na sinulyapan si Tristan.
Aminin man niya o hindi, talagang naiinggit siya kina Joy at Carol. At least ang mga ito malayang nakakasama ang kani-kanilang mga nobyo. Habang siya, guwardiyado ni Tristan. Maiintindihan pa siguro niya kung kuya niya ito. Dahil gaya na nga ng sinabi niya noon, may limitasyon ang panghihimasok ng isang kaibigan. Mabuti na nga lang at mabait si Lawrence, naiintindihan nito ang sitwasyon ni Tristan kaya ito nagbibigay.
“O, bakit parang galit ka? Ikaw lang naman ang inaalala ko ah?” hindi parin nagbabago ang tono nito kaya lalo siyang nairita. Itinulak niya ang plato ng pagkain saka dinampot ang baso at uminom. “hey!” si Tristan nahalatang nagulat sa kanyang ikinilos.
Hindi siya umimik, sa halip ay sinamsam ang kanyang mga gamit saka tumayo at iniwan ng binata. Nakalabas na siya ng kainan nang marinig ang magkakasunod nitong pagtawag sa pangalan niya. Pero hindi niya ito nilingon. Dahil nang mga sandaling iyon isa lang ang gusto niyang gawin. Ang ipagsigawan sa pagmumukha ng binata na napapagod at nagsasawa na siya sa ginagawa nitong pakekealam sa buhay niya.
“Ano ba Anya!” ang mariin at awtorisadong wika sa kanya ni Tristan nang abutan siya nito. Mahigpit nitong hinawakan ang kanyang braso pero agad din niya iyong binawi.
“Pwede ba! Sawang-sawa na ako sa panghihimasok mo sa buhay ko! Ano ba sayo kung umalis ako? Kung gusto kong pumunta kung saan? Daig mo pa ang Mama at Papa ko kung manduhan mo ako! Hindi na ako bata!” ang galit niyang sabi sa mahinang tinig sa kagustuhan niyang huwag matawag ang pansin ang mga estudyante sa paligid.
Tumaas ang makakapal na kilay ni Tristan sa sinabi niyang iyon. “Wow! Sa tinagal-tagal ng pagkakaibigan natin ngayon ka pa nagsawa! Bakit sino bang pinagmamalaki mo ah? Si Lawrence? Alam mo bang hindi ka kayang bigyan ng magandang buhay noon? Kahit tanungin mo pa ang lalaking iyon siguradong magaling siyang magsaka kasi lumaki siya sa bukid! Ano, iyon ba ang gusto mong buhay?” saka pa nito sinundan ng nakakalokong tawa ang sinabi.
Parang sinampal si Anya sa narinig. So, totoo nga ang sinabi sa kanya ni Tristan. Kung minsan mas mainam pang magtiwala sa isang estranghero, kaysa matagal ng kaibigan na hindi mo naman talagang kilala. At iyon ang tingin niya ngayon kay Tristan.
“Huwag mo siyang insultuhin! Wala kang karapatan! At saka anong masama kung magaling siyang magsaka? Marangal na trabaho iyon! At least hindi siya kagaya ng ibang tao na batugan at pabigat sa magulang!” ang namumula sa galit niyang sagot. “nakakatawa, ang tagal na nga nating magkaibigan pero kahit minsan hindi ko naisip na matapobre ka!” aniyang iniwan na ang binata.
Ilang beses ang narinig niyang magkakasunod nitong pagtawag sa pangalan niya pero hindi na niya nilingon si Tristan. Hangga’t maaari hindi na muna niya ito gustong makausap dahil sa kabila ng masasamang pinagsasabi nito, kaibigan parin naman niya ang binata.
“TAHAN na, ano ka ba” si Lawrence na sinundan pa ng mahinang tawa ang sinabi. Inilayo siya nito saka marahang tinuyo ang luhaan niyang mukha. “baka na mi miss kalang niya kaya ganoon siya” pagbibigay nito ng katwiran kay Tristan nasa apartment sila noon ng binata.
Pagkatapos ng pagtatalo nila ni Tristan ay pinadalhan niya agad ng text message si Lawrence na mauuna na siya sa apartment ng binata. Mula kasi ng maging sila ay binigyan na siya ng binata ng duplicate ng susi at ipinakilala narin siya nito sa landlady nito bilang nobya.
Sa totoo lang kahit sabihing wala pang halos isang buwan mula nang maging boyfriend niya si Lawrence, iba ang sayang nararamdaman niya kapag kasama niya ito. Dahil bukod sa masayang kasama ang binata, kahit hindi sila mag-usap, kumpleto ang araw niya makita lang ito. Siguro ganoon talaga kapag mahal mo ang isang tao.
Oo, mahal niya ang binata, pero hangga’t maaari ayaw muna niyang aminin iyon sa nobyo. Dahil para sa kanya, masyado pa namang talagang maaga. Gustung-gusto niya itong ipakilala sa pamilya niya. Lalo na sa Mama niya, pero dahil nga kay Tristan, hindi niya iyon magawa. Kapit-bahay niya ito at tiyak na malalaman nito kapag nagpunta sa kanila si Lawrence.
“Hindi naman tamang insultuhin ka niya ng ganoon, masakit sa akin iyon” sagot niya saka muling nag-init ang mga mata.
Naglalambing siyang muling kinabig ni Lawrence saka mahigpit na niyakap. “Totoo naman iyon, mahirap lang ako. Kaya nga ako nag-aaral para maging maganda ang future ko at ng magiging asawa ko” ang binata binigyang diin ang salitang asawa habang matamang nakatitig sa kanya. “kung hindi ako magsisikap, hindi kita mabibigyan ng magandang buhay someday” dugtong pa nito.
Nagdulot ng kakaibang init sa puso niya ang sinabing iyon ng nobyo kaya matamis siyang napangiti. “Maganda ba sa lugar ninyo?” ang curious niyang tanong.
“Magandang-maganda. Maraming palay, may dagat, may bundok. Hayaan mo sa sembreak isasama kita doon para makilala mo narin ang pamilya ko” nasa tono ni Lawrence na seryoso ito kaya mangha siyang napatingala sa binata.
“I-Ipapakilala mo ako sa pamilya mo? Are you serious?” ang hindi makapaniwala niyang tanong habang ang puso niyang nag-uumapaw sa sayang nararamdaman.
Noon siya niyuko ni Lawrence saka hinalikan. “Walang ibang babae akong gustong ipakilala sa pamilya ko maliban sa’yo, kasi mahal na mahal kita” naramdaman niya ang katapatan sa tinig ng binata.
“Oh Lawrence” ang naiiyak nanaman niyang tugon pero nagkontrol siya.
Matamis na muling ngumiti ang binata bago nito hinawakan ang kanyang mukha ang saka nagsalita. “Paulit-ulit, alam mo bang nai-in love ako sa’yo? Lalo na kapag tinatawag mo ako at sinasambit mo ang pangalan ko? Pakiramdam ko nga hindi ako buo kapag wala ka sa tabi ko. Kasi ang talagang kumukumpleto sa akin ay ang yakap mo, ang presensya mo, ang buong pagkatao mo” ani Lawrence.
Kinikilig niyang niyakap ang nobyo. “Ang sweet mo naman” aniyang ngiting-ngiting inilayo ang sarili kay Lawrence pagkatapos.
Malagkit siya nitong tinitigan. “I can love you, forever.”
“Naniniwala ka ba sa forever? Ang iba sinasabi nila walang forever?”
Amuse na kinurot ni Lawrence ang tungki ng kanyang ilong dahil sa tanong na iyon. “Listen” simula nito. “ang forever ay tumutukoy sa nararamdaman ng dalawang tao at hindi sa dalawang taong involve sa relasyon mismo.”