Ilang beses pa akong napahinga nang malalim bago sumilip sa unahan ng kotse. Kung bibilangin ko ang pagbuntong-hininga ay baka lampas na iyon sa bilang ng lahat ng daliri ko, kasama na pati ang dalawa kong paa. Tatlumpung minuto na yata akong nandito sa loob ng sasakyan at hanggang ngayon ay hindi ko pa rin magawang bumaba para pumasok sa entrada ng San Sebastian University. Sobrang naninibago ako dahil ito na yata ang kauna-unahang pagkakataon na kinabahan ako nang ganito. Lunes na at araw na ng pagbalik namin sa eskwelahan. Araw na ng pag-aaral at pagseseryoso sa buhay. Araw na kulang na lang ay hilingin kong huwag muna sanang dumating pero hindi naman nangyari dahil heto nga ako, narito na sa parking lot ng eskwelahan. Hapon na nang makabalik kami rito sa siyudad kahapon. Tanghali ka