Ledesma Mansion
Circa 1931
Unknown Point of View
“Mga bata, hinahanp na kayo sa loob. Halina kayo,” dinig kong tawag ni manang Cleopatra. Pero hindi ko siya muna sinunod. Bagkus ay nagtanong ako sa kaniya ng tungkol sa sagot ni tiyo Hermano.
“Paumanhin, manang pero may nais lamang akong itanong sa iyo. Maaari ko bang makuha ang iyong kaunting oras?” tanong ko.
“Kung kaya ko namang sagutin, ay bakit hindi. Sige, ano ba ang iyong itatanong sa akin?” magiliw at nakangiting sagot niya.
“Nakausap po namin si tiyo Hermano at nagtanong ng tungkol sa nangyari kay tiyo Isidro,” panimula ko na ikinagulat niya nang bahagya. Pansin ko rin ang biglaang paglunok-laway nito.
“Iho, ikaw ay kailangang mag-ingat sa iyong pananalita. Pagkat nalalaman mong hindi magugustuhan ng iyong ama na mabanggit ang tungkol sa iyong tiyo Isidro. Magmadali ka sa iyong katanungan dahil baka tayo na lamang ang hinihintay sa loob,” aniya ni manang Cleopatra.
“Hindi na po mauulit, manang. Nais ko lamang tanuning kong totoo ba ang aming narinig na isang binabae si tiyo Isidro,” diretsahan ko ng tanong sa kaniya. Pinupukaw lamang ako ng aking kuryusidad sa edad na iyon, kaya nais ko lamang na malaman ang kaniyang sagot sa aking katanungan.
“Wala akong basihan kung totoo nga o hindi ang bintang ng tiyo Teodoro mo sa iyong tiyo Isidro, ngunit kung tatanungin mo ako tungkol riyan ay isa lamang ang aking masasabi. Bayugin man o binabae ang tiyo Isidro mo ay hindi sapat na dahilan iyon para hamakin ng tiyo Teodoro mo ang iyong tiyo Isidro. Lahat ng tao ay may karapatang magmahal mapa-babae man ito o sa kaparehong kasarian. Tatandaan ninyong dalawa iyan ha? Mas mainam na malaman na ninyo nang mas maaga. Ngunit, hindi ko sinasabing maging katulad din kayo ng inyong tiyo Isidro. Alam naman ninyo ang magiging kahihinatnan kapag may nakaalam. Kaya, nakikiusap ako sa inyong dalawa na ito na ang huling beses na marinig ko pa sa inyong bibig ang tungkol riyan. Malinaw ba?”
Tumango na lamang ako. Gayundin si Sergio na kanina pang tahimik sa aking tabi at tila walang balak yatang magsalita. Hindi na rin kaming dalawa umimik nang mauna nang maglakad si manang Cleopatra sa amin. Sumunod na rin kaming dalawa ni Sergio at habang sinusundan siya at may ibinulong siyang tanong sa akin.
“Sino kaya sa atin ang magiging binabae?” aniya sabay siko ko sa kaniya.
“Hindi magandang biro ang sinabi mo, Sergio. Manahimik ka na lamang. Baka marinig tayo ni manang,” mahinang sagot ko at muli itong siniko sa tagiliran.
“Oo na. Sundan na lang natin si manang Cleopatra,” huling sabi nito at ako naman ay napailing na lamang.
Hindi na kami dumaan sa kapilya dahil alam kong may nakabantay naman roon. Sa entrada ng mansiyon na lamang kami dumaan at sabay-sabay na nagtungo sa malawak na hapag-kainan. Pagdating namin doon ay nakita ko ang aking mama at papa kasama si tiyo Hermano at tiya Matilde. Ngumiti ang mga ito sa amin. Nang makita si Sergio ay agad nilang binati ito.
“Mabuti naman at nandito ka pa, Sergio. Ang buong akala namin ay umuwi ka na kasama ng iyong ama. Pumili ka na lamang ng iyong mauupuan na komportable ka,” komento ng aking papa.
“Maraming salamat po, tiyo Alejandro. Dito na lamang po ako uupo sa tabi ng inyong anak,” sagot naman ni Sergio nang makita akong umupo sa tabi kanang bahagi ng aking ama, kaharap ang aking ina.
“Huwag mo na akong biruin, Sergio. Magpinsang-buo tayo sa ama. Ang aking ama at si tiyo Teodoro ay magkapatid. Umayos ka na la mang ng upo at huwag nang magsalita pa. Malinaw ba?” saway ko sa kaniya at inirapan lang ako.
Lihim na lang ding natawa sina mama at papa sa aking inasal na kahit na sampung taong gulang pa lamang ay matatas na at parang matanda na kung magsalita. Maingat na maingat din kasi ako sa aking mga sinasabi. Kahit na hindi naman istrikto ang aking ama at ina ay ginagawa ko na lamang iyon sa aking sarili.
“Nakikita ko ang magandang kinabukasan ng iyong kaisa-isang anak, Alejandro. Alam ko ring pinalaki mo siyang mabait at masunurin pa, Leonora. Hindi na ako magtataka kung sa kaniyang pagbibinata ay lalago pa nang lalago ang inyong negosyo. Baka nga siya na ang ipapalit mong susunod sa iyong yapak o ‘di kaya ay ipalit na rin kung sakali kay Teodoro,” komento ni tiya Matilde na parang pinaparinggan pa ang nangyari.
“Maging maingat ka rin sa iyong pananalita, Matilde. Nasa harapan tayo ng pagkain. Kung maaari ay huwag mong banggitin ang kaniyang pangalan sa harapan ng pagkain. Lalo pa at nandito ang kaniyang anak na si Sergio,” sabat naman ni tiyo Hermano na nakasubo na ng isang kutsarang kanin at naghihiwa na nga ng karne gamit ang maliit na kutsilyo.
“Kalimutan na natin pansamantala ang nangyari at tayo ay kumain na lamang. Hindi nararapat na tayo ay may pinariringgan sa harapan ng pagkain. Manang Cleopatra, pakikuha na lamang ng mga hiniwang prutas at ibigay sa mga bata,” pumagitna na lang si papa sa pagitan nina tiyo Hermano at tiya Matilde.
“Dahan-dahan at baka ikaw ay mabilaukan, Sergio. Wala ka namang kalaban dito,” saway ko sa katabi kong kanina pa pala subo nang subo ng kanin at mga hiniwang karne. Napailing na lamang ako at natawa nang humarap siyang punong-puno ang bibig.
Natapos ang aming kainan nang tahimik at wala na ring nagsalita pagkatapos ng sinabi ng aking papa. Nasa labas na ako ngayon. Sa may gazebo kung saan laging tipanan ng miting de abanse ng aking ama at ng aking tinatawag na mga tiyo. Sa gazebong ito ko nasaksihan ang nangyari sa aking tiyo Isidro at kahit anong polit kong iwaksi sa aking isipan ang nangyari ay hindi ko pa rin ito mawaglit. Hindi na tuloy namalayang pumatak na pala ang aking mga luha nang mga oras na iyon.
“Nandito ka lang pala. Kanina pa kita hinahanap,” dinig kong may nagsalita sa aking likuran at kilala ko na ang boses na iyon.
“May kailangan ka ba, Sergio?” tanong ko nang humarap at nagkunwaring napuwing lamang na pinupunasan ang aking pisngi.
“Umiyak ka ba?” tanong niya. Pilit kong inilalayo ang aking mukha sa kaniya pero sadyang makulit ang aking pinsan. “Dahil ba kay tiyo Isidro ang mga luhang iyan?”
“Manahimik ka nga, Sergio. Hindi ba malinaw sa iyo ang sinabi ni manang Cleopatra kanina?” ipinaalala ko lang naman sa kaniya.
“Paumanhin. Nag-aalala lang naman ako sa iyo, insan,” aniya na bahagyang ikinagulat ko dahil hindi ko pa nakikita ang ganoong pag-uugali niya. “Itago mo man o hindi sa akin iyang pagluha mo, nalalaman ko pa ring nasaktan ka rin sa nangyari. Wala man ako noong nangyari ang insidenteng iyon, alam ko ang sakit na nararamdaman mo.”
Nakatayo ito sa aking harapan at nakatingin sa maliit na lawang nasa harapan ng gazebong aming kinatatayuan. Pansamantalang katahimikan ang namayani nang mga oras na iyon. Nang tumabi ako sa kaniya ay nagulat ako sa kaniyang salitang binitiwan.
“Sana ay nasa mabuting kalagayan ngayon si tiyo Isidro. Sana sa kaniyang pupuntahan ay makapaghintay siya sa kaniyang tunay na iniibig at doon ay maipagpatuloy nila ang kanilang naudlot na pag-iibigan.”
Hindi ko alam kung tama ba ang narinig ko sa kaniya. Kaedaran ko lamang siya at ni minsan ay hindi ko narinig na magsalita nang seryoso si Sergio. O baka nga dahil sa hindi ko siya masyadong nakakausap sa kadahilanang bibihira lang kaming magkita.
“Maestro! Maestro, Alejandro!” natigil ang aking pag-iisip nang pareho naming narinig ni Sergio ang isang tinig.
Magkasabay pa kaming nagkatitigan at mabilis na umalis sa gazebo upang tingnan kung sino ang tumatawag sa aking papa. Mula sa maliit na tulay na nag-uugnay sa gazebo at sa malawak na hardin patungo sa entrada ng aming mansiyon ay nakita naming dalawa si tiyo Julio.
“Bitiwan mo ako! Gusto kong makausap si maestro! Alejandro! Alejandro!” panay ang tawag nito sa aking papa at nakatikim pa siya ng sampal at suntok sa aming mga bantay.
“Anong kaguluhan ito? Julio, anong ginagawa mo rito?” lumabas na rin ang aking papa kasama ang aking mama at sina tiyo Hermano at tiya Matilde. Maging ang mga utusan namin at mayordomo ay naroon rin upang makiusyuso.
“Alejandro, nakikiusap ako. Gusto kong makita ang labi ni Isidro. Pahintulutan mo sana akong pumasok sa kapilya. Pakiusap.” Nakaluhod ito sa harapan ng aking ama at nakayuko pa.
“Hindi ka ba nahihiya sa iyong ginagawa, Julio? Lalo mo ba akong ipinapahiya sa mga narito ha? Ilabas ang lalaking iyan at huwag na huwag nang papasukin rito kailanman!” utos ng aking ama. Malinaw na malinaw sa pandinig ko iyon.
“Hindi maaari!” galit na sigaw ni tiyo Julio. Tumayo ito at may kinuhang balisong at tinakot ang aking papa. Kaming lahat ay nangangamba sa gagawin ni tiyo Julio at ang sumunod na nangyari ay hinding-hindi ko makakalimutan kailanman.
“Hindi namin kasalanan ni Isidro na mahalin ang isa’t isa, Alejandro. Tama siya sa pagsasabing hindi bukas ang iyong isipan sa isang tulad naming bayugin na nagmahal lamang ng kaparehong kasarian. Kung hindi mo ako pahihintulutang makita ang labi ng aking mahal kahit sa huling pagkakataon lamang, dudungisan ko ng aking dugo ang lupang ito at isusumpang darating ang panahong sa iyong lahi magmumula ang aming naudlot na pag-iibigan!”
Pagkatapos sabihin iyon ni tiyo Julio ay mabilis niyang itinarak sa kaniyang dibdib ang balisong at ibinaon pa iyon. Habang natutumba ito ay bigla na lamang kumulog at kumidlat na naging dahilan para magsitakbuhan ang lahat upang makasilong at naiwan ang nakahandusay na si tiyo Julio sa harapan ng aming mansiyon.
...
DISCLAIMER:
Ang akdang ito ay kathang-isip lamang at bunga ng malilikot na imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakahalintulad sa pangalan, lugar, negosyo, pangyayari, at ibang kaganapan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.