Sa Mansiyon ng mga Ledesma
Circa 1931
Unknown Point of View
Pagkatapos ng insidenteng iyon ay heto ako at nakaupo sa harapan ng lamay ng aking tiyo Isidro. Katabi ko ang aking Mama at Papa. Parehong hindi matanggap ang sinapit ng aking itinuring na tiyuhin. Pero mas nakikita kong nasaktan nang sobra ang aking papa sa pagkawala ng aking tiyo. Ninong ko rin kasi si tiyo Isidro kaya mas malapit kami sa isa’t isa kaysa sa aking ama. At ang tungkol sa kaniyang pakikipagkaibigan kay tiyo Julio na siyang kaniyang kanang kamay at katiwala ay hindi naman lingid sa aking kaalaman. Pareho silang mababait na tao at may mabubuting mga puso, kaya pareho akong napalapit sa kanilang dalawa.
Sa maliit na kapilyang pagmamay-ari pa rin ng aking magulang, doon nakalagak ang ataul ng aking ninong Isidro. Naroon din sa loob ang tatlo sa mga miyembro ng makapangyarihan at mayaman sa buong Talisay. Hindi rin siyempre mawawala ang mukha ng demonyong si tiyo Teodoro. Tinawag ko na siyag demonyo sa aking isipan dahil sa ginawa niyang eskandalo. Siya lang naman ang naging dahilan kung bakit nagpatiwakal ang aking ninong. Kung mayroon mang dapat sisihin sa nangyari, hindi si ninong o tiyo Isidro kung hindi si tiyo Teodoro.
“Mabuti na lamang at winakasan na ni Isidro ang kaniyang buhay. Tama ang iyong ginawang alisin ang karapatan niyang maging tagapangasiwa ng iyong negosyo at ibigay sa akin. Dahil kung hindi ay baka kumalat pa sa buong Talisay ang kaniyang sakit. Hindi ba, Alejandro?” wika ng itinuturing kong demonyo at m asaman tao sa harapan ng aking amang nakayuko ang ulo. Nagluluksa pa rin ito at hindi matanggap na magagawa ng aking ninong Isidro na kitilin ang kaniyang buhay sa harapan namin.
“Hindi si Isidro ang may sakit dito, kung hindi ikaw Teodoro. Kaya kung ayaw mong bawiin sa iyo ang ibinigay kong titulo, mas mainam na huwag ka na lamang pang magpakita sa aking harapan at gawin na lamang ang iyong responsibilidad bilang bagong tagapangasiwa. Makakaalis ka na,” sagot naman ng aking papa. Nanatili pa ring nakayuko ito habang sinasambit ang mga salitang iyon.
Ako naman ay nakatingin lang kay tiyo Teodoro na halatang nagpipigil ng kaniyang galit. Maiksi ang pasensiya nito kaya, alam kong gagawa na naman ito ng eskandalo. Naghihintay lamang ako sa mga susunod niyang gagawin.
“Sundin mo na lamang ang sinabi ng pinuno ng mansiyon na ito, Teodoro. Huwag kang gumawa na ng isa pang bagay na magdadala sa iyong kapahamakan,” sinang-ayunan ng aking tiya Matilde ang sinabi ng aking papa, kaya kahit paano ay nakahinga kami ni mama nang maluwag.
Nagpakawala na lamang ng malalalim na buntong-hininga si tiyo Teodoro at saka isinuot ang kaniyang sumbrerong gawa sa mamahaling tela ng abaka’t nilisan ang kapilya. Muling namayani ang katahimikan sa loob ng kapilya. Tumayo ako at nagpaalam sa aking mama at papa na lalabas lang muna pansamantala upang lumanghap ng sariwang hangin.
“Cleopatra, ikaw na muna ang bahala sa iyong alaga. Samahan mo na siya sa labas,” sagot naman ng aking ina na kailanman ay ayaw akong hayaang lumabas ng walang kasama. Pero sa pagkakataong iyon ay ipinilit kong umalis nang mag-isa.
“Mama, hindi na po kailangan na samahan pa ako ni manang Cleopatra. Mas kailangan po siya rito sa loob ng kapilya. Huwag po kayong mag-alala dahil mag-iingat naman po ako. Saka, hahanapin ko lamang po si tiyo Hermano at may itatanong lamang po ako sa kaniya. Maaari po ba?” nakangiti kong sabi at paalam sa kaniya.
“Matalino ang ating anak, Leonora. Hayaan mo na muna siyang mag-isa. Marami naman tayong mga bantay sa loob at labas ng ating mansyon. Walang mangyayaring masama sa kaniya. Payagan mo na lamang siya, Leonoro,” dinig kong sabi ng aking papa na inangat ang mukha at tiningnan ako ng nakangiti. Kita ko pa rin ang lungkot sa mga mata nito kahit hindi niya ito sabihin. Kaya, hanga ako sa aking ama pagdating sa kaniyang emosyon. Nagagawa niya itong kontrolin maliban na lamang kung gagalitin ito nang malala.
“Narinig mo naman ang sinabi ng iyong papa, hindi ba? Maaari ka nang umalis. Ipapahanap at ipapatawag na lamang kita kay Cleopatra kapag oras na ng pagkain. Mag-iingat ka, anak,” nakangiting pagpayag naman ng aking mama. Kinuha ko na lamang ang kaniyang kamay at hinalikan ito at hinalikan ko naman sa pisngi pareho ang dalawa.
Habang naglalakad palabas ng kapilyang iyon ay hindi ko maiwasang tanungin ang aking sarili tungkol sa sinabi ng tiyo Teodoro tungkol sa sekswalidad ng aking tiyo Isidro. Alam kong isang tao lamang ang may kasagutan sa aking tanong, kaya nais ko siyang makita. Nang makalabas ng kapilya ay nagtungo ako sa malawak na hardin, malapit sa fountain. Sa aking paglalakad ay hindi ko inasahang makita ang anak ni Teodoro. Gustuhin ko mang iwasan ito ay hindi ko magagawa dahil kahit masungit ang ama nito at ayaw na ayaw siyang pinapalapit sa akin, bastardo rin itong gusto akong kaibiganin nang hindi ko malaman ang totoong dahilan.
“Saan ang iyong tungo, kaibigan?” tanong niya sa akin. Ako naman ay nginitian lamang siya at nagtuloy sa paglalakad.
“Hindi mo na kailangang malaman pa, Sergio. Hindi mo ba kasama ang iyong ama o sinuway mo na naman siya para lang manatili ka rito sa mansyon?” tanong ko sa kaniya habang naglalakad.
“Alin man sa sagot na nais mong marinig mula sa akin ay sigurado akong hindi mo rin naman paniniwalaan. Maiba ako, saan ka nga ba tutungo?” sasagutin ko na sana ang kaniyang tanong kung hindi lamang nahagip ng aking mga mata ang presensya ni tiyo Hermano.
“Tiyo Hermano!” pagtawag ko.
“Sergio,” si Sergio ang unang napansin pero ako ang tumawag sa kaniya. May paboritismo pa rin siya. “Anong ginagawa mo rito? Hindi mo ba nakita ang iyong amang umalis?”
“Tiyo Hermano, magandang araw po,” pagpapansin ko.
“Magandang araw din sa iyo, hijo. Anong pakay mo sa akin at bakit magkasama kayo ni Sergio?” mabuti naman at sinagot din niya ang tanong ko.
“Nais ko lamang malaman kung ano ang ibig sabihin ng binabae, tiyo. Paano ito nakakapasok sa puso at isipan ng isang lalaki?” ang aking katanungan ay tila nagdulot sa kaniya ng pagka-asiwa. Marahil ay hindi niya inasahan na itatanong ko ito.
“Oo nga tiyo Hermanon. Ang sabi pa sa akin ni ama ay homosekswal daw ang tawag doon. Hindi ko rin po maintindihan,” sinegundahan naman ni Sergio na ikinagulat ko. Sa pagkakatanda ko kasi ay wala siya noong miting de abanse kahapon.
“Mga bata pa kayo para alamin ang katotohanan pero sige, bibigyan ko kayo ng isang maikling kuwento. Pinamagatan itong Ang Pinakamamahal na Alipin ng Datu. Walang nakakaalam na ang pinaka-pinagkakatiwalaang alipin ng datu noon ay siya palang kaniyang iniibig. Nalaman lamang ito ng lahat nang mahuli ng isang tagasilbi na pumasok sa silid ng datu na kasiping ang aliping nakahiga sa kaniyang mga bisig. Ang sagot sa inyong katanungan ay simple lamang, binabae o homosekswal ang tawag sa lalaking nagmahal ng kaparehong kasarian.”
Pareho kaming natigilan ni Sergio nang malaman namin ang tunay na kahulugan ng aming mga narinig. Magkasabay pa kaming nagkatitigan at iniwas agad iyon nang muling magsalita si tiyo Hermano.
“Maiintindihan din ninyo ang lahat sa tamang panahon. Maiwan ko na muna kayo at ako ay kailangan nang pumasok sa kapilya.”
...
DISCLAIMER:
Ang akdang ito ay kathang-isip lamang at bunga ng malilikot na imahinasyon ng manunulat. Anumang pagkakahalintulad sa pangalan, lugar, negosyo, pangyayari, at ibang kaganapan ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.