Chapter 02

1119 Words
PINAGPAG ni Candy ang pang-upo nang matanawan na papalapit sa puwesto niya ang kanina pang hinihintay na si Neri. Katulad ng sinabi nito kagabi kaya naman nagsuot siya ng party dress. Kulay itim iyon na nabili pa niya sa ukay-ukay noong nakaraang taon. Tamang-tama lang iyon sa balingkinitan niyang katawan. Maging ang kaniyang mukha ay nakaayos din. Doon ay animo nakawala siya sa kasimplehan ng buhay na siyang ginagalawan niya sa pang-araw-araw. Walang mag-iisip na isa siya sa mga taong naghahanap-buhay sa tabi ng kalye ng Quiapo at nakatira sa squatter. Kung lumitaw man ang ganda niya sa ginawang ayos sa sarili ay tila wala namang nagbago kay Neri na bagaman at nagbihis din ng maayos na damit ay animo wala namang nagbago. Palibhasa ay palagi itong may kolorete sa mukha kapag nagtitinda sa Quiapo. Inabot nito sa kanya ang isang maliit na pouch. "'Wag mong bubuksan ‘yan dito sa Quiapo.  Kapag nasa bar na tayo sa may Tomas Morato ay saka mo buksan." Tumango siya. Hinawakan din niya nang mahigpit ang pouch. Matapos mag-usap ay umalis na rin sila ni Neri. Sumakay sila sa LRT hanggang sa may 5th Avenue sa Quezon City. Pagdating doon ay nakadalawa pa silang sakay ng jeep bago narating ang pakay na bar sa may Tomas Morato. Huminga muna nang malalim si Candy bago sumunod kay Neri. Nagtaka pa siya nang hilahin siya nito papunta sa gilid ng bar. May kadiliman sa parte na iyon. "A-anong gagawin natin dito?" May kinuha ito sa maliit ding pouch na dala nito. Dalawang perdible. "Akin na ‘yong pouch na dala mo," sa halip ay wika nito. "Bilisan mo at kanina pa tayo hinihintay sa loob. Panigurado naroon na rin ‘yong ibang kasamahan natin." "May kasama pa tayo?" Hindi nagsalita si Neri. Pagkatasok nito ng perdible sa pouch ay ibinalik nito iyon sa kanya. "Ikabit mo sa suot mong panloob. Siguraduhin mong hindi iyan makakapkap ng guard kapag pumasok tayo sa loob." Hindi maiwasan na kabahan siya sa inaasta ni Neri. Parang may mali. Napatingin siya sa pouch. Ano nga ba talaga ang laman ng pouch na iyon? Napakislot siya nang kunin iyong muli ni Neri sa kanya at ito na ang magkabit niyon sa suot niyang itim na maikling cotton short na isa sa pang-ilalim niya sa suot na dress. "Tara na sa loob Candy," anito na hinila na siya papunta sa may entrance. "Siguraduhin mo na hindi ‘yan makakapkap sa iyo," bulong pa nito. Nang maayos silang makapasok parehas sa loob ay siya naman ang humila kay Neri sa isang tabi. "Neri, kinakabahan ako sa raket na ito. Umamin ka nga sa akin. Ano'ng laman ng pouch na ito?" mariin niyang bulong dito. "Candy, kikita ka naman ng malaki rito." "Ano ngang laman?" mas mariin niyang bulong. Marahas itong bumuntong hininga. "Party drugs." Hinamig nito ang braso niya nang bitiwan niya ito at may pagbabanta na sa boses nito nang muling magsalita. "Binabalaan kita Candy na trabaho lang ito at walang personalan. Kung gusto mong kumita ng halagang sinabi ko sa iyo ay ayusin mo ang pagbebenta mo. Limang libo para sa apat na pirasong party drugs. Alam na iyan ng mga buyers dito. Kaya ayusin mo. Kuwarenta piraso ang dala mong party drugs. Mabebenta mo iyang lahat dahil lilipat din tayo mamaya ng bar na maraming party buyers." Gimbal pa rin si Candy sa nalaman. Umiling-iling siya pagkuwan ay pagak na tumawa. Wala sa hinagap niya na maging p****r ng droga. Hindi pa siya baliw at nawawalan ng pag-asa para kumapit sa ganoong uri ng trabaho. "Putik naman Neri. Kaya kong gawin lahat pero nakalimutan kong sabihin sa iyo na hindi ko rin masisikmura na kumita ng malaking pera sa ganitong paraan. Marangal na trabaho ang kailangan ko at hindi ganito." "'Wag ka na ngang maarte. Parehas lang tayong gustong kumita ng pera at isang gabi lang ito kung ayaw mo talaga sa ganitong uri ng trabaho ay ito na ang una at huli mo. Sa tingin mo ba ay gusto ko rin ito? Ginagawa ko lang din ito para sa mga anak ko." Nang lumuwag na ang pagkakahawak ni Neri sa kamay niya ay napasandal siya sa pader na nasa likod niya. Sino nga ba siya para husgahan din si Neri sa trabahong ginagawa nito ngayon? Pero hindi talaga niya kaya na gawin ang trabahong inalok nito sa kanya. Kahit pagbalibaliktarin pa rin ay malinaw na droga iyon. "Magtrabaho na tayo," anito na lumayo na sa kaniya. Sandali siyang pumikit at nanalangin sa kanyang isipan. Mayamaya ay muli siyang nagmulat ng mga mata. Bago pa man niya ilibot ang tingin ay nahagip na ng side vision niya ang mga matang nakatitig sa kaniya. Titingnan sana niya iyon nang kawayan siya ni Neri buhat sa hindi kalayuan. "Haaay. Bahala na nga." Pinapuwesto siya ni Neri sa isang table na malapit sa dance floor kung saan buhay na buhay sa pagsasayaw ang sa tingin niya ay mga kabataan pa na mga happy go lucky. Naaawa siya sa mga ito. Dahil sigurado siya na maaga pa lang ay nalululong na sa droga. Imbis na magsipag-aral ng mabuti ay pagpapasarap at pag-a-adik lang ang ginagawa sa buhay. "Hindi man lang nila pahalagahan ang bawat sentimo na hinihingi nila sa mga magulang nila. Hindi naman nila iyon pinupulot lang para ibigay sa kanila. Mga kabataan talaga ngayon, mga walang pagpapahalaga." Napailing pa siya. "Hayaan mo na sila at wala naman tayong magagawa. Dito ka pumwesto sa table na ito at doon ako sa kabilang side nitong bar. Um-order ka na lang kung nauuhaw ka," ani Neri bago siya iniwan sa table na iyon. Nasapo niya ang noo nang maiwan siya sa table. "Pambihira ka talaga, Neri." Maaari siyang umalis na lang kung gugustuhin niya ngunit ayaw naman niyang iwan doon si Neri. Muli niyang inilibot ang tingin sa paligid. Nahuli pa niya ang ilang babae sa hindi kalayuang table sa tabi niya na may ininom na tableta. Panay ang tawanan ng mga kasama nito. Sandali niyang napigilan ang paghinga. Hula niya ay party drugs ang ininom na iyon ng babae. Huminga siya nang malalim. Tuloy pa rin ang kasiyahan ng mga kabataan sa dance floor habang lumalalim ang gabi. Hindi na rin niya gusto ang amoy ng usok mula sa sigarilyo. Pasimple niyang hinawakan ang pouch na nasa pagitan ng mga hita niya. Handa na sana niyang tanggalin doon ang pouch nang magsitayuan ang mga naka-civilian na kalalakihan na pawang mga PDEA. "Raid ito! Walang gagalaw!" Nagimbal siya nang makitang posasan si Neri na huli sa akto na may hawak na party drugs. Bago pa man siya makakilos o ano pa man ay may kamay ng humila sa kaniya palayo sa nagkakagulong mga tao.      
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD