"BOSS, yosi?" Alok ni Candy sa driver ng jeep na huminto sa tapat niya.
"Isang light na Fortune," tumaas-baba pa ang kilay ng driver habang nakangiti sa kaniya.
Naiiling na lang na ikinuha niya ito ng sigarilyo nito. Inabutan din niya ito ng lighter. "Samahan mo na rin ng kendi, boss," hirit pa niya.
"Puwede bang ikaw na lang ang kasama ng yosi ko?" biro pa nito.
Tinawanan niya ito. "Naku, can't afford. Kahit buong buhay ka hong mag-drive ay hindi mo ako afford." Tinapik niya ito sa balikat bago tinanggap ang bayad nito. Sumaludo pa siya rito bago lumipat ng puwesto at pinatunog ang kaniyang dalang takatak. Sanay na naman siya sa mga ganoong klase ng driver dahil sa halos kalahati ng buhay niya ay ang mga iyon ang nakakahalubilo niya. At dahil madalas siyang nagtitinda roon kaya kilala na rin siya roon ng mga suki niyang jeepney drivers.
Kapag hapon at walang ibang raket ay siya ang pumapalit sa kaniyang ama sa pagtatakatak o pagtitinda ng mga sigarilyo at kendi sa may tabing kalsada. Hindi naman siya mapili pagdating sa trabaho. Halos lahat ng kaya niyang gawin na trabaho ay pinapatos niya lalo na at, 'the price is right'. Kailangan din kasi niyang pag-ipunan ang nalalapit ng pasukan ng kaniyang apat pang nakababatang kapatid. Bilang panganay sa limang magkakapatid at simula noong makatapos siya sa high school ay siya na ang umako sa ibang gastusin sa pag-aaral ng apat pa niyang mga kapatid. Ang Nanay naman niya ay nagtitinda ng mga meryenda sa hapon. Sa umaga ay tumatanggap ng labahin. Habang ang ama niya ay nagtitinda ng sigarilyo at kendi sa umaga at hapon. Sa gabi matapos kumain ay nagtitinda naman ito ng balut at penoy. Ang kinikita naman ng mga magulang niya ay nakalaan para sa bayad sa upa ng bahay nila at sa pagkain. Pati na rin sa kuryente at tubig. Madalas ay doble kayod siya upang mabayaran ang ibang bayarin sa bahay nila. Okay lang iyon sa kaniya. Hindi niya iniinda ang pagod basta makaraos lang sila. At isa pa ay hindi rin naman nagkukulang sa pag-aalaga sa kanila ang kanilang magulang. Bilang ganti niya sa mga ito kaya pinagbubutihan niya ang pagtatrabaho. Habang ang mga kapatid niya ay sinisipagan lalo ang pag-aaral para sa mga magulang nila.
Sa edad niyang twenty-four ay palaging positibo ang tinitingnan niyang bahagi ng buhay. Kung dumating man sa puntong magkaroon ng problema ay hindi na niya iyon ipinapaalam pa sa kaniyang mga magulang. Malalaman lang ng mga ito ay kapag naayos na niya. Lalo na pagdating sa financial. Ayaw na ayaw niyang magkakaroon ng isipin ang mga ito. Dahil ayaw niyang ma-stress ng husto ang kaniyang ina.
Sa ngayon ay kailangan niyang kumita pa ng malaki dahil dalawa ang college sa mga kapatid niya. Ang sumunod nga sa kaniya ay graduating na sa college. Matalino si Margaux kaya scholar sa pinapasukan nitong Unibersidad. Baon at ilang school projects lang ang ginagastusan nila. Gayon din si Angel Rose na first year college pa lamang.
"Miss Beautiful, tatlong stick ng Malboro. 'Yong pula."
Nang tingnan niya ang binatang driver ay halatang nagpapa-cute pa ito. Hindi lang naman ito ang gumagawa niyon sa kaniya. Marami na. Hindi lang niya pinapatulan dahil sagabal lang para sa kaniya ang pumasok sa isang relasyon. Ginantihan niya ito ng ngiti. "Limahin mo na, boss."
Napalunok ito nang makita ang matamis niyang ngiti. "S-Sige, lima na. Ang ganda mo talaga, Candy."
Pagkabigay niya rito ng sigarilyo ay sinamahan pa niya ng kendi para wala na itong suklian. "Matagal ko ng alam." Pagkakuha ng bayad nito ay sinaluduhan din niya ito bago iniwan.
Hindi lang siya ang nagtatakatak doon. May iba pa. Pero dahil nangingibabaw ang ganda niya sa mga kapwa vendor sa Quiapo na karamihan ay lalaki kaya mas nakakarami siya ng customer. Napangiti pa siya nang makita na paubos na ang mga tindang sigarilyo. Bumaling siya sa simbahan ng Quiapo at nag-sign of the cross. "Salamat po!" Huminga siya nang malalim bago bumalik sa pagtitinda.
Pauwi na sana si Candy nang lapitan siya ng isa pang vendor sa Quiapo. Babae rin iyon na may dala namang mga rosaryo. "Candy."
"Oh? Ano'ng sa atin?"
"Gusto mo ng raket? Twenty thousand ang kikitain mo. Isang gabi lang ‘yon."
Kunway may pagdududa niyang tiningnan si Neri. "Ang laki naman noon. Hoy, Neri, kahit anong trabaho ay alam mong pinapatos ko basta 'wag lang pagbebenta ng katawan sa mga club."
Umiling ito. "Hindi ka magbebenta ng katawan mo. May dadalhin ka lang sa isang bar kung saan maraming naghihintay sa dadalhin mo. At boila, kikita ka ng malaki."
"A-ano'ng dadalhin?" kumunot ang kaniyang noo sa sinabi nito.
"Malalaman mo lang kapag pumayag ka. Isang gabi lang. Ikaw rin sayang ‘yon. At kapag nagustuhan ka ni boss ay tiyak na gagawin ka niyang regular. Tuwing gabi lang naman kaya makakaraket ka pa sa araw. Ano, deal na ba?"
Sumulyap muna siya sa simbahan ng Quiapo. Safe naman siguro ang trabahong iyon. At isa pa ay malaking halaga ang perang maiuuwi niya sa kanila. Hindi na rin masama. Para sa twenty thousand pesos. Pero may doubt pa rin siyang nararamdaman dahil ang bilis kitain ng perang iyon sa loob lamang ng isang gabi. Sa huli ay iwinaksi na muna niya iyon sa kaniyang isipan.
"Saang bar ba ‘yon?" tanong na rin niya.
"Sa may Tomas Morato."
"Sige. Call ako," pagpayag niya sa inaalok nito. "Tamang-tama para sa pasukan ng mga kapatid ko."
Napangiti rin si Neri dahil sa pagpayag niyang iyon. Magkita na lang daw sila bukas sa harap ng simbahan ng Quiapo. Kung ano man ang raket niya bukas ay nagpapasalamat siya sa Diyos dahil may maitatabi siyang malaking halaga para sa pamilya niya.