NANGINGINIG pa rin si Candy dahil sa matinding shock. Muntikan na siya. Mabuti na lamang at hindi pa niya nailalabas ang dala niyang pouch na kipit ng mga hita niya kanina sa loob ng bar. At higit sa lahat ay sa lalaking hanggang nang mga sandaling iyon ay mahigpit pa ring hawak ang isang kamay niya papalayo sa pinanggalingang bar. Dumaan sila nito sa pinaka-kusina ng bar kaya wala silang kahirap-hirap na nakalayo.
Humihingal na huminto sila sa tapat ng isang kotse. Halos hindi niya magawang lingunin ang pinanggalingan nila dahil sa matinding nerbiyos. Daig pa niya ang may naghahabulang kabayo sa kaniyang dibdib.
Napaiktad siya nang balabalan siya ng lalaking naglayo sa kaniya sa kapahamakan ng suot nitong itim na coat. Lantad ang likas na maputi niyang balikat. At dahil sa coat nito kaya naibsan ang panlalamig niya. Unti-unting umangat ang tingin niya rito. At sa alanganing sitwasyon na iyon ay hindi nagawang pigilan ang sarili na magpigil ng hininga nang makita ang guwapo nitong mukha. Na-star struck siya rito. Matangkad ang lalaki na halos umabot lang siya sa may baba nito. Maputi ang kutis at napakakinis ng guwapo nitong mukha. Matangos din ang ilong. Nakakatunaw kung makatitig ang mga mata nitong may pagka-almond eyes. Artistahin ang datingan ng lalaki para sa kaniya. Na may pagka-businessman looks dahil sa tindigan nito. At sa sitwasyon na iyon ay dinig niya halos ang pintig ng puso niya. She felt something weird inside her chest. Bago iyon sa kaniya. At kahit sandali lang ay tila nalimutan niya ang problemang muntikan ng kasangkutan. Iyon pa ang isang sobrang weird. Ngayon lang siya natulala ng ganito sa isang lalaki.
Mayamaya pa ay napapahiyang nag-iwas siya ng tingin nang magsalubong ang mga tingin nila. Nahalata kaya nito na pinag-aralan niya ang mukha nito? Hiling lang niya na sana ay hindi. Dumistansiya na rin ito sa kaniya habang mataman pa ring nakatitig sa mukha niya. Bakit parang may kakaiba rin sa paraan ng pagtitig nito sa kaniya? Parang ayaw pa ngang tantanan sa pagtitig ang mukha niya. Mayamaya ay binuksan na nito ang pinto sa tabi niya.
"Sakay na." Umiling siya kaya napabuntong-hininga ito. "Kung ayaw mong makita rito ng mga PDEA ay sumakay ka na. Once na umiling ka uli at magmatigas ay iiwanan na kita rito."
Paano nga kaya kung idamay siya ni Neri? At sabihin nito na may kasama ito na pumunta roon? Hindi siya puwedeng mahuli. Iyon ang nag-udyok sa kaniya para sumakay sa kotse nito. Hindi naman ito mukhang masamang tao. Muli ay nanginig na naman ng bahagya ang kaniyang kamay. Hinimas-himas niya iyon.
"Saan kita ibababa?" anang lalaki nang makasakay rin ito.
Lumunok muna siya. Saka lang niya naramdaman ang panunuyo ng kaniyang lalamunan. "S-sa may sakayan ng jeep papuntang LRT Station kung p-puwede."
Binalot ng katahimikan ang paligid nang pasibarin na ng lalaki ang kotse nito. Muli siyang nabalot ng takot. Paano na kaya si Neri? Ito lang ang inaasahan ng mga anak nito. Nakaligtas nga siya pero nahuli naman ito. Hindi niya napigilan ang pamumuo ng luha sa mga mata niya. Agad siyang pumaling sa may bintana at pinahid ang luhang papatak pa lang. Hindi talaga maganda ang easy money. Kapit sa patalim. At higit sa lahat, mainit sa mata ng batas. Parang bigla ay lumiit lalo ang mundong ginagalawan niya dahil sa nangyari. May takot na bumangon sa dibdib niya.
Naisip niya ang mga magulang niya at mga kapatid niya. Paano ang mga ito kung nahuli siya? Nanikip lalo ang dibdib niya dahil sa isiping iyon.
Lord, kayo na po ang bahala kay Neri, piping dasal niya. Naroon pa rin ang awa niya para sa babae dahil ito ang bumubuhay sa mga anak nito.
Ang kaninang inaasam niya na twenty thousand pesos na maiuuwi sa pamilya niya ay animo tinangay lang ng hangin. Masama talaga ang umasa. At higit sa lahat ay masama ang perang galing sa masamang trabaho. Ipinapangako niya na hinding-hindi na mauulit na masasangkot siya sa masamang trabaho na iyon. Kung kikita man siya ng malaking halaga ay tinitiyak niyang galing iyon sa mabuti. Matagal mang kitain pero hindi galing sa masama.
Napakurap-kurap siya nang makitang idineretso na ng lalaki papuntang LRT station ang sasakyan nito. Napabaling tuloy siya rito. "Sa tabi na lang ako."
"Gabi na at mukhang madalang na rin ang jeep na bumabiyahe. Kung magko-commute ka pa ay siguradong hindi ka na aabot sa last trip ng LRT ngayong gabi."
May punto na naman ito. Kung sino man ito ay taos-puso ang pasasalamat niya rito. Mukha namang wala itong ibang hangad kundi ang iligtas lang siya. Her knight without shining armor.
Inilahad nito ang kanang kamay sa kaniya. May pagtatakang tiningnan niya iyon bago ibinalik ang tingin sa guwapong mukha nito. Naka-side view ito at nang muling sumulyap sa kaniya ay saglit na naman niyang napigilan ang paghinga.
"Ano’ng—"
"Akin na ang party drugs na dala mo," kaswal lang nitong sabi.
"H-ha?"
'Di yata at drug user naman ito? At kaya siya iniligtas ay upang makuha nito ang lahat ng party drugs na dala niya? Nabulag ba siya masyado nang kaguwapuhan nito? A drug user. Hindi niya maiwasan na manghinayang para dito. "Akala ko pa naman matino ka. Drug user ka rin pala. Ibaba mo na ako sa tabi. Wala ako ng kailangan mo."
Ganoon na lang ang paghalakhak nito. "Do I look like one to you?"
Napalunok siya nang makita ang umaliwalas lalo nitong mukha dahil sa pagtawa nito. Hindi na naman niya maiwasan ang pag-iinit ng mga pisngi niya dahil mukhang napagkamalan niya itong user ng drugs. He looks damn hot and gorgeous at this very moment. At ngayon lang siya nakakita ng ganito kaguwapo sa malapitan. Kung user nga ito ay siya na ang kauna-unahang manghihinayang para dito.
"Ano pa bang iisipin ko, eh, hinihingi mo sa akin ang party drugs."
"Miss, hindi pa ako nababaliw o nawawalan ng pag-asa para gawing sandalan ang droga. Now, give me those party drugs that you have. Mapapahamak ka kapag hindi mo ibinigay."
Napasiksik siya sa may pinto ng kotse nito dahil sa huling sinabi nito. "A-ano’ng gagawin mo sa akin?"
Napatawa na naman ito. "Wala akong gagawin sa iyo kaya tigilan mo ang pag-iisip ng kung ano-ano sa akin. Pero kapag nakita ka ng iba sigurado akong mayroon silang gagawin sa iyo."
"Wala akong party drugs,” tanggi pa rin niya.
Isa pang sulyap sa kaniya bago nito ibinalik ang tingin sa daan. "Alam kong mayroon ka."
She sigh. Kung bakit gusto nitong makuha ang party drugs na dala niya ay wala siyang ideya. O baka naman p****r din ito? At ito ang magbebenta ng party drugs na hindi niya nabenta? Malaki ring halaga iyon kapag nabenta.
"p****r ka siguro," she hissed. "Kunware iniligtas mo ako sa nangyari sa bar pero ‘yon pala ay may iba ka pang pakay. Pasensiya na pero wala ako ng kailangan mo. Pakibaba na ako sa tabi."
Hindi na ito nagsalita pa nang tuluyan nitong ihinto sa tabing kalsada ang kotse nito. Huminga muna ito nang malalim bago siya hinarap. Seryoso na ang guwapo nitong mukha. "Hindi ako katulad ng iniisip mo," mahinahon nitong wika. "Alam kong may dala kang party drugs. Narinig ko kayong nag-uusap ng kasama mo at 'wag mo ng itanggi pa," anito ng akmang sasabad si Candy.
Nawalan tuloy siya ng masasabi sa sinabi nito. Napalunok siya pagkuwan. "H-hindi ako kagaya ng iniisip mo." Nayapos niya ang sarili at nagbaba ng tingin. "Hindi ko naman inaasahan na pagbebenta ng drugs ang tinutukoy niyang raket namin ngayon. Sabit lang ako." Nakagat niya ang ibabang labi. Muli ring nagbalong ang luha sa mga mata niya nang maalala ang nangyari kanina. Bigla ay para siyang nagkaroon ng trauma.
Muli nitong inilahad ang mga kamay. "Ibigay mo na sa akin."
Napatitig siya sa kamay nito. Hindi rin naman niya puwedeng iuwi sa kanila ang naturang droga dahil tiyak na magtataka ang mga magulang niya kapag nakita iyon. Isang hinga pa nang malalim bago umayos ng upo.
"Tumalikod ka muna," pakiusap niya rito. Sandali pa siya nitong pinagmasdan at wari ay tinatantiya ang sinabi niya bago tumalikod ng upo sa kaniya. Mabilis niyang tinanggal sa pagkakaperdible sa suot niyang short ang pouch. "Puwede ka ng humarap," aniya nang makuha ang pouch.
Pagkaharap nito ay mabilis niyang iniumang dito ang pouch. Kinuha nito iyon at agad binuklat. Napatingin pa ito sa kaniya matapos makita ang laman. Wala naman sa reaksiyon nito na natuwa ito sa droga na nakita. Sa halip ay tila may galit na sandaling bumalatay sa mga mata nito na hindi nakaligtas sa matalas niyang paningin.
She took a deep breath. "Puwede na ba akong bumaba?" Gusto na niyang matapos ang sandaling iyon. Sandaling may kinalaman sa drogang hawak na ng binata. Alam naman niya na iyon na rin ang una at huli nilang pagkikita at sinisigurado niya na hindi niya iyon makakalimutan. Kung may ititira man siyang alaala sa gabing iyon ay iyon ang makasama ito. A completely stranger guy who get her attention that fast. At ang lalaking walang kiyemeng tinulungan siya.
"No. Ihahatid kita."
Muli nitong pinasibad ang sasakyan. Habang daan ay binuksan nito ang bintana sa tabi nito. Tahimik lang na nakatingin si Candy rito. Hanggang sa itaktak nito ang laman ng pouch sa kalye. Napamaang siya sa ginawa nito. Nang maubos ang laman niyon ay itinapon na rin nito ang pouch nang makalayo sila ng husto sa pinaglaglagan ng mga party drugs. Pagkasara sa bintana ay napabuntong-hininga pa ito.
"Hindi ako manghihinayang sa itinapon ko. Mas okay na kalye ang makinabang kaysa may mapariwarang tao ng dahil sa party drugs na ‘yon. Now," he pause then look at her for a couple of seconds. "Mag-ingat ka sa mga pinapasok mong trabaho."
Marahan siyang tumango. Mas nakahinga na siya ng maluwag noong mga sandaling iyon. Thanks to this man. Pero may parte sa pagkatao niya na parang ayaw pang matapos ang biyaheng iyon. Ipinilig niya ang ulo at nagbaling na sa may bintana.
Nang ihinto ng lalaki sa mismong tapat ng LRT station ang kotse nito ay nagmamadali na siyang bumaba ng walang lingon-likod dito. Kahit ang magpasalamat dito ay hindi na niya nagawa pa dahil sa pagmamadaling makauwi. Ngunit ng makaakyat sa hagdan ay napahinto siya sa paglalakad. Napalingon siya sa pinanggalingan.
At bago nga dumiretso sa itaas ay muli siyang bumaba. Wala na sa tapat ng entrance ang magarang kotse ng lalaki. Napabuntong-hininga siya. "Salamat sa iyo kung sino ka man," anas niya bago pumihit pabalik sa may hagdanan.