NAKATITIG lang si Candy sa kapirasong papel na galing pa kay Mhorric. Hindi niya alam kung tatawagan na ba niya o ‘wag muna ang numero nito. May tatlong araw na rin na nagtatalo ang isip niya. Marahas siyang bumuntong-hininga. Simula nang umuwi siya ay wala na siyang iba pang inisip kundi si Mhorric. Kung kumusta kaya ito o kung ano ang ginagawa nito nang mga sandaling iyon. Ang kaibahan lang ngayon, maaari niya itong matawagan dahil may cellphone number na siya nito. Hindi katulad noon na wala siya kahit na anong contact dito. “Ate Candy, pabili ho ng isang kilong bigas. Ate Candy!” malakas ng ulit ng bata na nasa harapan ng kanilang munting tindahan. Napakislot si Candy sa malakas na boses na iyon. Agad niyang itinago sa bulsa ng suot niyang pantalon ang kapirasong papel at hinarap a