NAALIMPUNGATAN si Candy nang sa pakiwari niya ay may mga matang nakamasid sa kaniya. At sa pagmulat nga niya ng mga mata ay hindi nga siya nagkamali. Tumutok agad iyon sa prenteng nakaupo na si Mhorric sa may tapat niya. Sa isip ay nagtataka siya kung bakit ito naroon. Ngunit nang luminaw sa kaniyang diwa ang kinaroroonang silid ay napabangon siya bigla mula sa pagkakahiga sa sofa na nasa loob ng silid ni Mhorric. Saka lang luminaw sa isip niya ang lahat. Nakatulog siya kanina habang nasa banyo si Mhorric. Pasimple niyang pinahid ang pisngi at baka may tumulong laway roon habang natutulog siya kanina. Sa isip ay nagpasalamat siya dahil walang bakas doon na tulo-laway siya. Gaano ba siyang katagal na tulog at pinagmamasdan ni Mhorric? Nag-iinit na naman ang kaniyang pisngi sa pagkapahiya