Chapter 04

1233 Words
HINAGOD-HAGOD ni Candy ang likod ng kaniyang ama nang muli itong ubuhin. "'Tay, pahinga na lang po kayo rito sa bahay. Ako na lang po ang magbebenta ng sigarilyo at kendi sa may simbahan ng Quiapo. Wala naman po akong raket ngayon," ani Candy sa kaniyang ama. Ayaw niya sa lahat ay iyong nakikita na nahihirapan ito. Maging siya ay nahihirapan ang kalooban. Kaya niyang pasukin lahat ng trabaho, basta ‘wag lang magkakasakit ang isa sa miyembro ng kanilang pamilya. Lalo na ang kaniyang ama at ina. Umiling ang kaniyang amang si Tatay Henry. "Hindi na. Ako na." Matigas ang naging pagtanggi niya. "Ako na po. Magpahinga kayo ngayon para bukas ay malakas na uli kayo. Inumin niyo na lang din po itong maligamgam na kalamansi na may tinadtad na bawang." Iyon ang turo sa kaniya ng kaibigan niya na nurse sa isang ospital. Turo daw iyon dito ng isang doktor. Mabisa iyon lalo na sa may mga ubo. Iyon ang alternatibong gamitin na gamot. Antibiotic din kasi iyon at subok na niya. "Mahiga na po kayo at magpahinga. Aalis na po ako para maubos na agad ‘yong mga yosi at kendi." Hindi na niya hinintay pang kumontra ang kaniyang ama na habol siya ng tingin habang palabas ng bahay. Sa ngayon ay nangungupahan sila, malayo sa dati nilang tirahan, dahil sa takot na baka isang araw ay may sumulpot na mga PDEA sa kanilang bahay. Mas okay na iyong sigurado siya na safe ang pamilya niya dahil baka maituro siya ni Neri na kasama nito sa pagbebenta ng party drugs nang gabing iyon. Isa pa ay walang kaide-ideya ang kaniyang mga magulang sa pinasok niya na raket na iyon. Hindi nga siya gumagala sa labas na walang suot na face mask sa mukha. Naging alerto rin ang mga mata niya sa mga tao sa paligid. Kapag nakaluwag-luwag na siya, iaalis niya sa Maynila ang kaniyang pamilya. Nang makarating siya sa puwesto ng kaniyang ama malapit sa may simbahan ng Quiapo ay napagpasyahan muna niyang dumiretso sa simbahan at taimtim na manalangin sa panginoon. Inalis muna niya ang suot na face mask sa kaniyang mukha. "Lord, bukod po sa maging maayos ang buong pamilya ko. Pagalingin niyo rin po agad ang Tatay ko. Ayaw ko pong may nagkakasakit sa amin. Gabayan niyo rin po kaming lahat. Lalo na si Nanay Rose at mga kapatid ko. Kung okay lang po ay hihiling ako ng isa pa. Extra raket po sana dahil malapit na naman po ang pasukan. Kahit ano po basta marangal na trabaho..." Malungkot na napamulat siya at napatitig sa panginoon. Naalala niya si Neri na nasa loob ng kulungan ngayon. Kung may pera lang siya ay matutulungan niya itong makapag-piyansa. Kaso wala rin. Nagpapasalamat siya rito dahil hindi siya nito idinawit sa ngayon. Tikom pa rin ang bibig niyon. Pero hindi niya alam kung hanggang kailan. Lalo na at mabigat na kaso ang drugs. "Gabayan niyo rin po si Neri at ang mga anak niya." Matapos mag-sign of the cross ay tumayo na rin siya at binitbit ang dalang takatak. Malapit na siya sa may pintuan ng simbahan nang may tumawag sa kaniya. Nalingunan niya ang may edad ng babae na postoryosa ang ayos. "Ako po ba 'yong tinatawag ninyo?" Paninigurado niya nang huminto ito sa harapan niya. Mabilis itong tumango. "Oo, hija. Puwede ka bang makausap? Kung okay lang?" Sa ayos nito na mukhang may sinasabi sa buhay ay mukha namang hindi ang tinda niya ang pakay nito. Napasulyap tuloy siya sa sigarilyo at kendi sa lalagyanan na dala niya bago ibinalik sa matandang babae ang kaniyang tingin. "Tungkol po saan?" Hinila muna siya nito paupo sa mahabang upuan ng simbahan at doon ay mahinang nagsalita. "Narinig ko ‘yong dinasal mo kanina, hija. Kailangan mo ng ekstrang trabaho, hindi ba?" Marahan siyang tumango na ikinaluwang ng ngiti nito. "May iaalok ako sa iyo. Sana tanggapin mo. Hindi ko na nga alam kung saan pa ako maghahanap ng tatanggap sa trabahong iaalok ko sa iyo." Hindi niya maiwasang ma-curious sa trabahong iaalok nito sa kaniya. Ginagap ng ginang ang isa niyang kamay. "Panandaliang trabaho lang naman siya, hija. Pero sinisigurado ko sa iyo na malaki ang kikitain mo." Nabawi niya ang kamay niyang hawak nito at alanganing ngumiti. Halos ganoon din ang sinabi sa kaniya noon ni Neri. Kikita siya ng malaki, iyon pala ay drugs ang dahilan kaya malaki ang kikitain niya. "Ang totoo po niyan ay pass muna ako sa mga raket na malakihan ang kikitain. Noong nakaraang buwan po kasi ay may nag-alok din ng malaking halaga na kikitain sa akin. Muntikan pa akong makulong dahil doon. Kaya kung drugs din po ang raket niyo ay tigilan niyo ho ako. Pasensiya na po at kailangan ko ng magsimulang magtrabaho." Tumayo na siya pero mabilis siyang napigilan ng matanda sa pag-alis. "Hija, marangal na trabaho ang iaalok ko at sinisigurado ko iyon sa iyo. At sa pagkakataong ito ay desperado na ako. Kailangan ko ng taong mahaba ang pasensiya at kayang tagalan ang kasungitan ng aking apo na may sakit ngayon. Someone who can be his personal maid." Nagsusumamo na maging ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya. "Ilang nurse na at kasambahay ang sumuko sa apo ko. Ikaw, hija, sana matulungan mo ako. Isang milyong piso para sa trabahong ito. Tanggapin mo lang." Isang milyong piso... Isang milyong piso... Isang milyong piso. Napalunok siya sa halagang sinabi ng matanda. Isang milyong piso para sa raket na inaalok nito. Marangal na trabaho at hindi siya mapapahamak. Umandar na naman ang pagiging mukhang pera niya. Kapag tinanggap niya iyon ay tiyak na secured na ang pag-aaral ng mga kapatid niya. Tiyak na may pangpuhunan pa ang Nanay Rose niya para maipagpatayo niya ito ng kahit maliit na tindahan. At makakalipat na sila sa labas ng Maynila. Pero hindi pa rin niya maiwasan na magduda sa alok ng matanda. Ngayon lang sila nito nagkita. Dapat ba siyang magtiwala agad? “Totoo pong kailangan ko ng trabaho ngayon. Pero po kasi, too good to be true po ‘yong isang milyon na iaalok ninyo sa akin. Sa pagkakaalam ko po ay hindi naman umaabot ng bente mil ang sahod ng isang maid.” “Hija, ang trabaho na in-offer ko sa iyo ay hindi lang basta trabaho ng isang maid para sa akin, dahil involve ang nag-iisa kong apo rito. He’s your priority. At ang isang milyon ay hindi ko panghihinayangan na ibigay sa iyo. Mukha namang deserve mo ‘yon dahil sa narinig ko sa dasal mo ay mapagmahal ka sa pamilya mo at lahat ay gagawin mo para sa kanila. Kung tatanggapin mo ang trabaho na ito, alam kong malaking bagay sa iyo ang isang milyon. Hija, please, do me a favor. Accept this job. Kung kulang pa, sabihin mo lang, hija. Madali akong kausap.” Lihim siyang napalunok. Mukha namang hindi siya bubudulin ng ginang dahil kitang-kita naman sa hitsura nito na mayaman ito. Kahit nga ang amoy nito ay amoy yayamanin. Sandali siyang sumulyap sa may altar. Lord, ito na ba ang extra raket na marangal na hinihiling ko? Napakabilis Niyo naman pong ibigay. Makalipas ang ilang sandali ay muli niyang ibinalik ang tingin sa ginang. Naupo rin siyang muli sa tabi nito. "Kailan niyo po ako gustong magsimula?" tanong niya na ikinahinga nang maluwag nang ginang. “Hija, as soon as possible.”              
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD