MAHIGPIT na hawak ni Candy ang cellphone na ipinahiram sa kaniya ni Tala. Sa unang pagkakataon matapos niyang umalis sa kanila para sa isang trabaho ay ngayon pa lang ulit siya makikikumusta sa kaniyang pamilya. Gabi na at tapos na rin ang oras ng kanilang trabaho. Malamig ang simoy ng hangin at kita ang hamog sa paligid. Hindi naman iyon naging hadlang kay Candy para hindi tumuloy papunta sa may kinaroroonan ng kubo. Nakasuot siya ng jacket na may hood na nakasuot na rin sa kaniyang ulo para iwas sa lamig at hamog nang gabing iyon. Nang makarating sa kubo ay agad niyang binuksan ang ilaw roon. Ang ilaw sa kubo ay pinagagana ng solar energy. Pagkuwan ay naupo na siya. Huminga muna siya nang malalim bago tinawagan ang cellphone number ng kaniyang ama. May cellphone ito na may keypad na