(Chapter 3 - November 23, 2017)
Inaapoy ako ng lagnat ng gumising ako ng umagang 'yon. Mabigat ang pakiramdam ko habang bumababa ako sa hagdan. Pakiramdam ko ay tuyot na tuyot ang lalamunan ko. Ngayon nalang ulit ako nilagnat simula ng magkasakit ako nun sa manila. Mayo pa ata nung huling magkasakit ako. Madalang kasi akong magkasakit dahil araw-araw akong nagba-vitamins. Nito lang ako nahinto ng umuwi ako sa garay.
Pagbaba ko sa ibaba ay agad akong tinapunan ng tingin ni Mama. Unang tingin palang niya saakin ay alam na niya agad na may sakit ako. Binigyan niya agad ako ng gamot at agad ko na ding ipinahinga para mawala na ng lubusan.
Nagising ulit ako ng hapon, pero nandoon parin ang masama kong pakiramdam. Ang masama pa ay lamig na lamig ako. Tinignan ko ang aircon ng kwarto, pero patay naman. Nginig na nginig ako. Ganun ulit, nanunuyot na naman ang lalamunan ko. Tinawag ko si Mama. Pagpasok niya sa kwarto ko ay nagulat siya ng makita akong nanginginig.
"Bakit nanginginig ka?" Tanong niya agad.
"H-hindi ko po alam," sagot ko. Hinipo niya ako at lalo pa siyang nagulat "Anak, napaka-init mo. Mukhang mataas ang lagnat mo," saad niya saka ako inabutan pa ng makapal na kumot.
"Sandali at tatawagin ko si Cora," saad niya "Jusko, sana naman huwag ng mangyari ang taon-taon na ginagawa niya," dinig kong sabi niya habang papalabas ng kwarto ko. Hindi ko alam kung ano ang ibig niyang sabihin. Binaliwala ko na lang dahil ang sama talaga ng pakiramdam ko.
Pagbalik ni Mama ay kasama na niya si tita Cora na may dala-dalang palangganang may tubig at kandilang puti.
"A-ano ang gagawin niyo?" Tanong ko.
"Tatawasin ka ng tita mo. Baka kasi may nakabati sa'yo dito sa Garay. Marami kasing tao dito ang malakas ang pang-usog," saad ni Mama.
Kumuha ng isang titis ng posporo si tita at sinindihan na niya ang puting kandila. Nang magka-apoy na'yun ay pinatulo niya ang patak ng kandila sa tubig habang may binubulong at nadinig ko pang sinabi niya ang pangalan ko.
Tila may binubuo ang kandila sa tubig ng palanggana. Ang pagkakakita ko sa tubig ay siyang nagpaalala saakin sa babaeng nagpapakita saakin. Tila ba ito nakayakap sa isang lalaki na nakahiga. 'Yun ang kumorte sa mga patak ng kandila sa tubig.
"Nakayakap siya kay Lester, kaya lamig na lamig siya. Siya din ang dahilan kung bakit nilalagnat siya," saad ni tita.
"S-sino ang nakayakap saakin?" Tanong ko. Natakot ako. Huwag nilang sabibin na hanggang dito ay sinusundan niya ako?
" Anak, isuot mo ito para hindi na siya makalapit sa'yo," saad ni Mama at saka niya sinuot saakin ang kwintas na may pulang tela.
"Sabihin n'yo nga, sino ang babaeng 'yun?" Tanong ko.
"W-wala. I-isa lang siyang ligaw na kaluluwa na pinaglalaruan ang mga gaya mong dayo sa garay," sagot ni Mama.
Lalo akong natakot. Ganun pala. Ibig sabihin ay isang ligaw na kaluluwa ang babaeng 'yun? Pero bakit sa dinadami ay ako pa? Bakit ako pang duwag? Sana naman ay tigilan na niya ako.
Matapos ang pantatawas saakin ni tita ay pinainom pa niya ako ng isang kutsarang tubig na ginamit sa pangtawas saakin.
Habang patulog na ulit ako ay hindi na ako inalisan ni Mama. Binantayan niya ako. Sinabi ko kasing huwag niya akong iwanan at natatakot ako. Nakakabakla lang na, kay laki-laki ko ng tao, napakaduwag ko parin. Sino ba naman kasi ang hindi matatakot sa itsura ng babaeng 'yun. Nakabistidang puti tapos duguan pa. Ngayon lang talaga ako nakakita ng multo o ligaw na kaluluwa. Isama mo pa si Bino na unang bumungad saakin. Nakakakilabot talaga.
Kinagabihan ay medyo umayos na ang pakiramdam ko. Nagkaroon na ako ng panlasa kaya naman nakakain narin ako. Mag isa lang ako nun sa bahay dahil umalis sina Mama at tita. Namili ata sila sa palengke para sa umagahan namin bukas.
Habang kumakain ako ay pakiramdam ko ay may nakamasid saakin. Kinikilabutan ako dahil para bang may bumubulong sa kaliwang tenga ko. Mahina at garalgal 'yung boses niya. Para siyang umiiyak. Hindi siya makalapit saakin dahil suot ko ang kwintas na bigay ni Mama. Napakabisa nga pala nun. Nagtataka ako kung bakit may ganun si Mama. Saan kaya niya nakuha ang pangontrang 'yun?
Nang sa wakas ay umuwi na sina Mama ay nawala na ang takot ko. Wala na ang sakit ko kaya nag-aya naman ako sa perya. Ilang gabi na kasi akong nanunuod sa patio. Gusto ko naman sa perya. Nung una ay ayaw akong payagan ni Mama. Baka daw mabinat ako. Pero dahil sinabi kong matanda na ako at alam kong malakas naman na ako ay pinagbigyan na nila ako. At sa huli, sumama pa sila.
Maraming ng tao doon ng makarating kami sa perya. Hati pala ang nangyayari. Ang iba ay nandito para magsugal at sumakay sa mga rides, habang ang iba naman ay nanunuod ng palabas sa patio. Kanya-kanyang aliw ang mga tao. Ikaw na ang bahala kung saan ka pupunta.
Nakakatuwa sa perya dahil may mga rides na ferris wheel, octopus, space rocket, horror train, jollibee at elepante. Ganitong-ganito parin. Walang pinagbago. Tapos ang mga sugal naman ay bingo, color game, hagisan ng coins at 'yung tayaan ng iba't-ibang kulay tapos ang tatamaan ay mga plato at kagamitan sa bahay. Doon nagpunta sila Mama at tita Cora. Ako naman ay nandito sa color game. Ang pinagbago lang ay lowest ten na. Dati kasi, piso lang pwede na.
Makalipas ang ilang minuto ay tawang-tawa ako. Ang saya dahil ang bente pesos na puhunan ko kanina ay six hundred pesos na ngayon. Ang swerte ko dahil laging nagdodoble ang color na tinatayaan ko. Hindi naman sa pagiging duwit, pero umayaw ako. Pumunta ako kina Mama at tita—at saka ko sila binigyan ng tig-dalawang daang piso. Tuwang-tuwa sila at sinabihan pa akong duwit. Ibig sabihin ay madaya daw ako. Hahaha!
Nagpaalam ulit ako sa kanila para bumalik doon. Nang makalapit na ulit ako sa color game ay bigla akong hinarap ng matandang pulubi. Siya na naman? Hanggang dito ba naman ay nakakarating siya?
"Ikaw na naman po. Ano naman ang kailangan n'yo?" Tanong ko.
Nakatingin siya sa kwintas ko. "Walang say-say 'yan. Makakalapit at makakalapit parin siya sa'yo. Huwag mong harangan ang kasiyahan niya," saad niya saka niya inagaw at piniktas ang kwintas ko at mabilis na tumakbo palayo saakin. Hindi ko nalang hinabol. Hinayaan ko nalang. Malakas din talaga ang trip niya. Bakit ba lahat nalang sila ay trip ako. Mapamulto, baliw at kaluluwa. Ano bang problema nila saakin at ginaganito nila ako?
Garay, ano bang meron sa'yo? Bakit ganito dito? Ilayo mo naman ako sa mga ito please.