20: Finale

2460 Words
"MASYADO yata kayong nakampante!" Dumagundong ang galit na boses ni Blue sa loob ng opisina niya. Naroon pa siya nang matanggap niya ang balita na may dumukot kay Page. Kaya kung sumisigaw siya ngayon na litaw na ang halos lahat ng litid sa leeg niya, walang pakialam ang lahat ng taong naroon. Ang sisita sa kaniya ay siguradong sasamain. He's the CEO of the company anyway, subukan lang nga mga 'to, kundi siya manibak sa trabaho, ora mismo. "La—Lalabas po muna ako, Sir, I will give you an update 'pag meron na 'kong natanggap, excuse me." Tumalilis na ang sekretarya niya pagkasambit nito niyon. Hinayaan na lang niya 'to. Inis niya sinuntok ang office table niyang gawa sa primera klaseng wood. "Kumalma ka, Blue, ginagawa naman ng mga pulis ang trabaho nila," sabi ni Grey. "Kumalma? You want me to calm? Hah! Seriously?" He answered sarcastically. Nakakaloko lang siyang nginisian nito. "Kaya mo namang kumalma, ano ka ba, noong hinahanap mo naman si Page na kasama niya si Yanie ay hindi ka ganyan kaligalig," ani pa nito. Mabilis niya 'tong nilapitan. Mabilis din niya 'tong kinuwelyuhan at sinapak sa panga sa sobrang inis niya rito. Sumadsad 'to sa tiles na sahig. Tumitiling dinaluhan 'to ni Haya. "Alam mo kung bakit, Grey? No'n kasi ay wala ka sa harap ko." Dinuro niya 'to. "Ngayon na narito ka, magagawa ko nang sapakin ang mukha mo sa sobrang b'wisit ko sa mga tirada mo!" "Hey, hey, Blue," awat ni Red sa kaniya. Matinis na tili ang pinakawalan ni Haya nang akmang hawakan niya ulit sa kuwelyo si Grey at buhatin niya 'to paangat at sinandal sa pader. Nakakabingi 'yon at nakakarindi sa kaniyang pandinig kung naiba lamang ang sitwasyon. Ngayon kasi ay kaya niyang palampasin ang nakakatulig nitong tili, masaktan lang niya si Grey. "Stop, oh, please! Hindi pa ba kayo tapos sa mga selosan niyo?!" Patiling sambit ni Haya sa kanila. Hindi pa 'to nakuntento, hinampas sila. Siya sa braso niyang nananatiling nakahawak sa kuwelyuhan ng polo ni Grey, ang huli ay sa noo. Kung naiba rin sana ang sitwasyon ay magtatawanan sila. Dahil kung naiba sana ang sitwasyon, si Grey pa mismo ang unang hahalakhak nang makatikim siya kay Haya ng hampas. "Tumigil na kayo, walang magagawang buti ang pag-aaway," malumanay na saway ni Red sa kaniya. Pabalagbag na lang niyang binitawan si Grey, nang hawakan siya ni Red sa braso at ibaba nito 'yon. "Napakaseloso, wala naman sa hulog," bubulong-bulong na ani Grey habang inaayos na nito ang nalukot na polo. "Enough!" agap na saway ni Haya, akala yata ay tumanda na 'to kaysa sa kanila sa gano'ng paraan. He scoffed. Siguro nga ay nagseselos pa rin siya kay Grey hanggang ngayon. Kahit alam naman niyang hindi dapat. Siguro rin, mawawala lang ang selos na nararamdaman niya kung magkakaroon na 'to ng asawa. Humahangos na iniluwa ng pintuan ng kaniyang opisina si Euna, fiancé ni Red, "Nakatanggap na ang mga pulis ng report kung nasaan na si Page. Kumalma tayo dahil siniguro naman nila na mauuna na sila sa lugar, siniguro rin nila na safe na si Page." "Thank God!" bulalas ni Haya. Tila isang tao naman silang tatlong mga lalaki na nagsikilos. Tumayo silang lahat nang sabay-sabay, bitbit ang kani-kanilang coat, nilagay sa kanilang siko, saka inalis ang mga neck tie. 'Yon ang hudyat ng pag-alis nila sa kanilang opisina para sa mga employees nila. Basta na lang sana niyang ihahagis ang neck tie niya nang maalala niyang naiinis si Page sa tuwing ginagawa niya 'yon. Page, hintay lang, Love... "Mag-asawa ka na," asik niya kay Grey, out of the blue. "Ano?" "Mag-asawa ka na para hindi na kita pagselosan." "Tumigil na kayong dalawa ah," paalala naman ni Red kaagad. Kasalukuyan na silang naglalakad papunta sa private elevator na magbababa sa kanila sa parking lot ng Henson Corp. "Ayokong mag-asawa pa." "Then, bubuyuin ko si Grandpops na pag-asawahin ka." "Oy, hindi porque CEO kita at mataas ang posisyon mo rito, basta mo na lang ako mapag-aasawa." Lukot ang mukha na tugon ni Grey sa kaniya. "We'll see," mahina na lang niyang sambit. Sobrang hina niyon na alam niyang hindi nito narinig pero sadyang pinarinig naman niya kay Red at Haya. "T—TAGAYTAY? Teka, papunta 'to sa resto ni Grandpops ah," untag ni Blue sa mga pinsan nang mapuna niyang pamilyar sa kaniya ang daan na tinatahak nila. Nagkibit ng mga balikat si Grey. "Papunta nga," tugon nito sa kaniya. Nang sulyapan niya 'to ay nakita niyang pumutok ang labi nito mula sa sapak na inabot sa kaniya. Dinukot niya ang panyo na mula nang si Page na ang nag-aasikaso sa susuotin niya ay hindi na nawala. Walang salita na inabot niya 'yon dito. Sinulyapan nito 'yon muna bago nauunawaan at wala ring salita na kinuha mula sa kaniya. Gano'n naman sila sa tuwing may pinagtatalunan. Parati nga lang na superior siya. Lumaki kasi sila na tinuring siyang kuya ng mga 'to. Pero alam niya, ang gano'ng nakalikahan na nilang walang salitaan na batian pagkatapos ng pagtatalo ay hudyat na nang pagpapasensya at paghingi ng sorry sa isa't-isa. Ang init ng ulo niya talaga 'pag nasimulan ay mahirap masawata. Oo nga, aaminin niyang pinagselosan niya 'to, kaya kaninang ngumisi 'to sa kaniya nang nakakaloko ay sumabog siya. "Dito niyo 'ko dinala no'ng dinukot niyo 'ko kunwari 'di ba?" Nagtataka rin na tanong ni Euna. "Yes, dito nga, Babe," tugon ni Red sa fiancé. Tapos ay binalingan ang driver nila na si Mang Dante. "Sure po ba tayo ng location, Mang Dan?" paniniguro nito. "Yes, Sir Red, sure naman sa binigay na location ng mga pulis 'to," sagot ng driver. "Bakit dito kaya 'no?" Inosenteng tanong naman ni Haya. "Si Sky, kumusta? Gising na raw ba?" "Nagliligalig nga, kakatext lang ni mommy," reply ni Haya sa kaniya. Napabuntonghininga siya. Ayaw niya sanang kabahan pero hindi niya na yata maiiwasan. Isa pa sa inaalala niya ay ang anak niya, na kung sakaling umiiyak 'to sa mga oras na 'yon, malamang ay nararamdaman nito ang pinagdaraan ng ina nito. "Chill ka lang," pagtapik ni Grey sa balikat niya. "nagsabi naman ang mga pulis na nasa ayos na si Page." Tumunog ang phone nito kaya hindi niya 'to natugon, do'n na napunta ang atensyon nito. "O! Ito, nag-text si Yanie!" "What?" Sabay pa nilang sambit ni Red dito. "Ayos lang daw sila. Sila? Magkasama pala sila?" "No, iniwan ko si Page sa bahay kanina. Binilin ko na huwag na siyang umalis ng bahay. Bukod kasi sa delikado para sa kaniya ay lately, parati siyang nahihilo, particular sa mornings," he said. "Unless, of course, pinuntahan niya si Page sa bahay." Patlang. Nagkatinginan lang ang bawat isa sa kanila. He sighed. "Pakibilis na lang po, Mang Dan." "Copy, Sir Blue." ISANG paakyat na daan o maliit na bundok, ang daraanan nila bago sila makarating sa resto ng lolo nila na naroon na nga mismo sa location na pinagbabaan sa kanila ng driver nilang si Mang Dan. Kakatanggap lang nila ng isa pang text mula kay Yanie, ayos lang daw talaga ang mga 'to, pinakakain nga raw ng lolo nila. Dinukot daw talaga 'to at si Page kanina ni Hanz Marciano, hindi lang malinaw sa kanila kung saan dinalo 'to ng governor at paano ang pag-rescue na nangyari sa mga 'to dahil text lang, ayaw sagutin ng babae ang calls nila. Dahil pakagat na ang dilim, mahirap nang maglakad do'n. Sadya kasing doon inilagay ang resto ng lolo nila para sa mga turista sa lugar. Maaari naman silang dumaan sa kabila, 'yon kasi ang daan talaga papunta sa restaurant, kaso ay siguradong makakatawag sila ng atensyon sa mga tao. Lalo at humahangos pa silang lahat. Siya na rin ang nag-utos sa driver na do'n na sila ibaba tutal din, ayon kay Yanie ay naroon ang mga 'to malapit sa twin lake. Tumbok kasi ng daan na 'yon sa view ng twin lake. "Tsss, kakaiba naman ang dilim dito ngayon," reklamo ni Grey. Totoo 'yon. Nakakapagtaka nga ang kadiliman sa lugar na 'yon. In fact, kaniya-kaniya na nilang binuksan ang mga flashlight ng cellphones nila habang tinatahak ang mamasa pang daan dahil sa fog ng lugar. "Ikuha mo 'ko ng report about this, dalhin mo lang sa office ko anytime," atas niya naman dito. Gaya ng inaasahan niya na ay napaamang sa kaniya si Haya. "Grabe! Pagkatapos mong sapakin 'yong tao, uutusan mo na kuhanin ang report dito sa Tagaytay branch resto, 'yan tayo e. Talagang dapat talaga na magbakasyon ka na muna, Blue, kayo ni Page, after this." "Hindi ko hinihingi ang opinyon mo, H," pasuplado niyang sabi rito. Grey laughed. "Baka kayo naman ang magsapakan." Red chuckled. "That won't happen. Hindi niya makakanti si H." "Paano mo makakanti ang babaeng papatayin ka sa tili pa lang niya?" ganti naman niya. Maingay na insimiran siya ni Haya. "Tse! Ang sabihin mo, hindi mo 'ko kayang saktan kahit na unahan pa kita. You, you, and you." Dinuro silang tatlo nito. Pagak na lang silang natawa. Silang tatlong magpipinsan ay hindi naman talaga pinatulan ang nag-iisa nilang babaeng pinsan na si Haya. Biro nga ni Grey, 'pag pinatulan nila 'to ay para silang nagtampo sa bigas, malakas kasi 'to sa lolo nila. "W—Wait, ano 'yon...?" pukaw ni Euna sa gitna ng pag-aasaran nilang magpipinsan. Napamulagat siya. Sa pagkakatanda niya ay 'yon ang kulay ng suot ni Page kanina na daster. Lately kasi ay nahilig 'to sa mga daster na pambahay. Inalok daw ng kapitbahay. Dahil nagkaunawaan na naman na sila ay hindi na 'to naka-scrub suit sa loob ng bahay niya, s'yempre. "P—Page..." Tumakbo na siya bago pa manghina ang mga tuhod niya at hindi 'yon makagalaw sa kinatayuyuan. Bakit kasi naro'n ang damit ni Page, mula sa malayo ay para 'yong nakayukyok na ewan. Naguguluhan siya... "Page!" Dahil madilim nga masyado at dinudunggol na siya ng kaba, hindi niya agad napuna na isa 'yong standee na may nakapatong na tela na kakulay ng natatandaan niyang suot ni Page nang iwan niya. Napatda muna siya bago sinipa 'yon. Mukhang itinapon na ang standee na 'yon ni Haya o tinambak muna ro'n dahil papalitan ng bago. Ang huli naman kasi ang modelo ng mga foods sa business nila. "E, standee mo pala 'to," dinig niyang turan ni Grey kay Haya. Naghuntahan ang mga 'to. Sinipat ang tambakan na nakita nila. "Pageee!" sigaw niya naman sa kawalan. Medyo malayo pa mula ro'n ang restaurant pero maaari naman na madinig na siya ng tinatawag para salubungin na siya kaysa naman pinapatay na niya ang sarili sa takot. "Pageee! Umuwi na tayo, tara naaa!" patuloy niyang sigaw habang lumalakad. Dahil naka-focus siya sa pagsigaw, nagulat siya nang biglang may pumutok. Sina Euna at Haya ay napatili rin sa gulat. Pagkatapos ng tila pagsabog na narinig nila ay isang liwanag naman sa paligid ang kasunod... fireworks pala 'yon. Fireworks na nagsaboy ng liwanag at iba't-ibang ilaw sa paligid. Fireworks na sinundan ng isa pa, at isa pa, at isa pa... "Pageee!" sigaw ulit niya. Hindi siya puwedeng malibang sa mga paputok na 'yon, hindi naman na siya bata. Siguro ay isa 'yon sa programa ng branch manager nila ro'n. "Hmp! Ang ingay na ng fireworks pero sumisigaw ka pa rin." Malapad siyang napangiti nang makilala niya kung kaninong tinig 'yon. Kaagad siyang luminga sa likod niya. "Page!" Alam na alam naman ni Page na kakargahin niya 'to, hayun at lumundag nga sa kaniya at awtomatikong pinulupot ang mga hita sa bewang niya. Alam din nito na hahalikan niya 'to kaya nakaawang ang mga labi na sinalubong nito ang labi niya. Sa gitna ng makukulay at maingay na fireworks, kahit walang okasyon, magkayapos at naghalikan sila ro'n. Kung hindi pa sila parehong kinapos ng hininga ay hindi nila titigilan ang isa't-isa. "Hindi ko maintindihan... pero hindi na 'yon mahalaga," kaagad niyang sabi rito. Hindi niya maintindihan, bakit may bulaklak na nakaipit sa tainga nito at tila nakabihis 'to ngayon kung nadukot pala? Natawa 'to. "Pinuntahan ako ni Yanie kanina sa bahay, kasama niya si Hanz." Awtomatikong nag-igtingan ang mga panga niya sa narinig na pangalan. "Ano ang ginawa niya sa 'yo?" "Wala, wala. Sa katunayan ay nag-sorry nga siya sa 'kin. Hindi raw siya makapag-operate nang ayos dahil kay Grandpops." "Ha? Si Grandpops?" Tumango-tango 'to. "Oo, hinarang ni Grandpops ang mga operasyon ng negosyo ni Hanz, tinakot niya 'to na kung hindi ako titigilan, mamamatay raw sa gutom ang gobernador." Humalakhak siya. "That old man is really a bully!" Natawa rin si Page. "Sabi niya, bumabawi lang daw siya sa nagawa niya sa 'yo na pambu-bully nga rin." Mas malakas na tawa ang pinakawalan niya. "Crazy old man!" "At bilang pagbawi nga raw, hayun!" May itinuro 'to sa gawing likod niya pero hindi niya 'yon pinansin, mas maganda kasi ang view sa harap niya... si Page, nakalugay ang may kahabaan na buhok na tinatangay ng hangin, napakaganda sa saliw ng ilaw na nagmumula sa iba't-ibang kulay ng fireworks... Ganitong-ganito ang pagkakatulala niya rito no'n, nang unang beses niya 'tong makita sa bar... nilalaro rin ng mga kulay ang maganda mukha nito... Pakitanong naman kung kaninong future wife 'to, para maisigaw niya sa mundo na kaniya... "Ouch!" ang pag-e-emo niya ay naputol nang pingutin siya ni Page. Lumundag na rin 'to pababa mula sa pagkakakarga niya. "Kanina pa 'ko nagsasalita, alam kong maganda ako at nakakatulala ang alindog ko pero lumingon ka naman, Blue Dodge, may itinuturo ako sa 'yo kaya!" Lukot ang mukha na sabi nito sa kaniya. He chuckled. Alright, lumingon daw, so, lingon. Para lang magulat, nang lumingon kasi siya ay ang mga letrang 'yon na nasa malaking bilboard na tanaw mula sa kinatatayuan nila ang agad na nakita niya... "Marry... me?" "Hoy! Walang question mark. Marry me lang 'yan, huwag mong lagyan ng question mark, Blue Dodge!" Natawa siya. Sa tuwa niya ay kinarga niya ulit 'to. Kaagad naman na lumambitin na parang bata 'to, kasehodang nakasuot ng dress. Hinarap niya 'to at pinagpingki niya ang mga ilong nila. "So, bakit walang question mark?" "Dahil hindi ko na kailangan ng sagot. Noong dumating ka sa buhay ko, alam ko na kasi kung ano ang sagot sa tanong na 'yan." "Hmn, keso, pero... puwede na." Sinelyuhan nila ang mga ngiti nila sa isa't-isa ng isang malalim at mapusok na halik. Kung alam lang sana nito na kung siya ang nag- 'marry me' sa kanilang dalawa ay hindi rin niya 'yon lalagyan ng question mark. Dahil hindi naman niya ito hahayaan pa na mapunta sa iba. * * * The End * * * Kung nakarating ka rito sa dulo ng story, maraming salamat! Moonies, don't be afraid to face your fears. By determination and self love, like Blue and Page, you can overcome everything :) ©LUNAMARGARET

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD