Chapter 01

1222 Words
HABANG sakay si Farrah sa eroplano pabalik sa Pilipinas ay pinangunahan na naman siya ng kaniyang pagdadalawang isip. Nakagat niya ang kaniyang ibabang-labi at mariing ipinikit ang mga mata. Tama ba talaga ang naging desisyon niya na umuwi sa bansa? Pero apat na taon na siyang nangungulila sa bansang sinilangan. Iba pa rin iyong maranasan niyang muli ang Pasko at Bagong Taon sa sarili niyang bansa. Noong una, oo, sobrang tuwang-tuwa siya na makaranas at makakita ng White Christmas. Pero sa paglipas ng mga taon, hinahanap-hanap niya ang Pasko sa Pilipinas. Wala mang snow, pero damang-dama mo ang Kapaskohan. May mga batang nangangaroling at kung ano-ano pa na may kinalaman sa Pasko ng Pilipinas. Akala niya rin noong una, ang manirahan at makapag-aral sa abroad ay jackpot ng maituturing. Pero nakaranas pa rin siya na ma-homesick. Kahit na sabihing wala namang pamilya na naghihintay sa kaniya sa bansa. Apat na taon pa lang kasi siya noon ay sa bahay-ampunan na siya nanirahan. Magkasamang nasawi sa isang aksidente ang kaniyang mga magulang. Wala naman silang kamag-anak sa lugar na tinitirhan nila kaya sa bahay-ampunan siya dinala. Lumaki siyang walang kalinga mula sa totoo niyang mga magulang. Pero hindi naman siya pinabayaan sa loob ng bahay-ampunan. Nang masanay siya roon ay siya pa ang humiling na huwag na lang siyang ipaampon dahil natatakot siyang sumama sa iba. Ngunit noong makapagtapos siya sa high school, kinailangan na niyang umalis sa bahay-ampunan para makapagtrabaho at magsikap naman para sa kaniyang sarili. Ang first goal pa niya noon ay ang makaipon at maipamukha sa mga nam-bu-bully sa kaniya noong high school siya na mayroon siyang mararating. Na sa oras na magkaroon sila ng class reunion, maipamumukha niya sa mga bully niyang classmate na malayo rin ang narating niya. Hindi na siya basta mamaliitin pa. Palibhasa, wala siyang mga magulang at nakatira lamang siya sa bahay-ampunan, kaya grabe kung bully-in siya ng mga babaeng atribida sa school. Napangisi si Farrah nang muli siyang magmulat ng kaniyang mga mata. Wala ng sino man ang puwedeng magmaliit sa kaniya. Nakapagtapos na siya sa kolehiyo mula sa isa sa pinakaprestiheyosong unibersidad sa mundo, ang Harvard University. Business course ang kaniyang tinapos. Bukod sa magkaroon ng isang magandang trabaho, isa sa pangarap niya ang magkaroon din ng sariling business. Kaya related sa business course ang kaniyang tinapos na kurso. Nakatulong sa pangangarap niya nang mataas ang pagiging laki sa hirap at salat sa lahat ng bagay. “Ilang taon pa,” anas niya. “Magkikita-kita na rin tayong lahat.” Never naman siyang humiling ng masama sa kaniyang kapuwa. Kahit na sa mga bully niyang classmate. Naging dahilan pa nga niya ang mga iyon para mangarap siya at magpursige. Pangarap na tinupad ng isang tao na alam niyang hinding-hindi na niya makikita pa kahit dulo ng buhok. Ipinilig ni Farrah ang kaniyang ulo nang maalala na naman ang lalaking iyon. Paano ba namang hindi? Kahit na bali-baliktarin niya ang mundo ay malaking tulong iyon sa kaniya. Pero alam naman niya at sigurado siya na hindi na niya ito muli pang makikita. Wala ng dahilan. Sa apat na taon ngang lumipas, ni wala itong paramdam sa kaniya. Kaya tiyak niya na limot na rin siya niyon. Huminga nang malalim si Farrah at muling pumikit para kalmahin ang sarili. Idinaan na lamang niya sa pagtutulog ang napakahabang biyahe. “PILIPINAS…” mahinang anas ni Farrah nang sa wakas ay makarating din siya nang matiwasay sa bansa. Sisiguraduhin naman ni Farrah na sobrang masusulit niya ang isang buwang pananatili sa bansa. Ito ang magiging break niya bago sumabak sa totoong trabaho. Mag-iipon lang siya at kapag okay na ang lahat at may sapat na siyang ipon, saka siya babalik sa Pilipinas para magtayo ng sarili niyang negosyo. Pero uuwi at uuwi siya oras na magkaroon ng class reunion ang batch niya noong high school siya. Hindi niya iyon palalampasin. Hindi mawala ang saya sa magandang mukha ni Farrah habang tulak-tulak niya ang pushcart kung saan patong-patong ang kaniyang dalang mga maleta. Mga pasalubong niya iyon sa mga bata na nasa bahay-ampunan. Bukod sa pananatili sa Manila ng dalawang araw, dederetso naman siya sa House of Hope. Syempre pa, hindi rin mawawala sa listahan niya ng may mga pasalubong ang mga tagapangalaga sa House of Hope. Ngayon pa lang ay napupuno na nang excitement ang kaniyang puso. Nawala man siya nang matagal sa lugar na iyon, iyon pa rin ang lugar na hindi mawawala sa listahan niya na balak niyang bisitahin. Ngunit sa paglabas niya sa airport ay ganoon na lamang nang matigilan siya. May mga sunod-sunod na nagsihintuan na mga itim na sasakyan sa may harapan niya. Kasunod niyon ay ang sunod-sunod din nang magbabaan mula roon ang mga kalalakihan na nakasuot ng black suit. Tipong hindi mo gugustuhin na lapitan o galitin dahil sa mga seryosong hitsura. Malalaki rin ang katawan. “Dumating na po siya, Boss,” anang isang lalaki na mayroong air buds sa tainga. Mukhang may kausap iyon sa telepono. Lihim na napalunok si Farrah. Siya ba ang tinutukoy na dumating na? O baka naman assuming lamang siya? Wala namang nakakaalam na uuwi siya sa bansa. Tama, aniya sa kaniyang isipan. Pero pasimple pa rin nang lumingon si Farrah sa kaniyang likuran. Ngunit wala namang tao sa likuran niya. Buhat sa hindi naman kalayuan ay nakatingin lang sa kaniyang direksiyon ang mga tao. Agaw naman kasi talaga sa atensiyon iyong may mga itim na sasakyan na hihinto at maglalabasan ang mga naka-men in black. Ano siya, gold? “Ma’am Farrah Margarette.” Kung hindi lang napigilan ni Farrah ang kaniyang sarili ay baka napatalon na siya sa gulat nang marinig na may nagbanggit ng pangalan niya. Nang muli siyang tumingin sa harapan niya ay sa kaniya nakatingin ang lahat. Napaawang pa ang kaniyang labi nang sumenyas ang isang lalaki na mukhang head ng mga tauhang naroon na kunin ang kaniyang mga dala. Sa isang iglap nga ay naubos ang dala niya sa pushcart at ipinaglalagay sa sasakyang nakahelera ngayon sa kaniyang harapan. “A-ano’ng ginagawa ninyo sa mga gamit ko?” she hissed. “Sumama na po kayo sa amin,” magalang naman na command ng kaharap niyang lalaki. Agad namang pinagbuksan siya niyon ng pinto sa may backseat ng isang sasakyan. “Sumakay na po kayo sa sasakyan, Ma’am Farrah Margarette.” At talagang buong pangalan niya ang binabanggit niyon. “Sandali nga. Sino ba kayo? At saka, bakit kinukuha ninyo ang mga gamit ko? Modus ba ‘to? Itatakbo ninyo ang mga dala kong gamit? Maawa naman kayo sa mga pagbibigyan niyan. Dadalhin ko pa ‘yan sa orphanage.” “Ma’am, ipinasusundo po kayo ni Boss Raze. Sumama na po kayo.” Raze? Lalong natigilan si Farrah nang marinig ang pangalang iyon. “R-Raze?” ulit niya sa pangalang binanggit ng lalaki. Tumango naman iyon. “Raze Elizalde.” At paano namang nalaman ni Raze na parating siya? As if, he cares? Alam naman niya na wala itong pakialam sa kaniya. Pero bakit ipinasusundo siya nito? At bakit alam nitong parating siya ngayon sa bansa? Napakarami niyang tanong na gustong masagot. Lalo na at ang alam niya ay wala silang pakialamanan na dalawa. Ano ang ibig sabihin nito, Raze? ani Farrah sa kaniyang isipan. Sino ba si Raze sa buhay niya? Well, Raze Elizalde was her ruthless ex-husband.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD