Story behind Maly
Nanginginig na dahil sa sobrang sakit ang buong katawan ko. Hindi ko mabilang kung ilang malulutong na suntok at tadyak na ang inabot ko.
'Dalawa lang ang pagpipilian mo bata, ang pumatay para mailigtas ang sarili mong buhay, o ang mamatay para sa buhay ng iyong kalaban'
Paulit-ulit iyong naglalaro sa aking isipan habang nandito ako sa loob ng tila pabilog na hawlang gawa sa alambre o mas kilala bilang octagon. Sa labas ng hawla ay nakapalibot ang mga upuan kung saan naroroon ang mga taong patuloy sa pagsigaw, ang iba ay nagagalak sa nasasaksihan samantalang ang iba ay nais ng makita ang katapusan ng laban kung saan kailangan nang mamatay ng isa. Maihahalintulad ako at ang kalaban ko sa isang tau-tauhan na pang-aliw lamang sa manunuod. Isang pang-aliw na kailangang magsakripisyo para sa ikagaganda ng palabas.
Isang malakas na pagsiko sa aking uluhan ang muli kong naramdaman bago ako tuluyang bumagsak.
"Kill the idiot!"
"Tapusin mo na! Patayin mo na!"
Ito ang ilan sa sigaw ng mga manunuod.
Mamatay ako, posibleng mamatay ako.
Ito ang unang beses na inilaban nila ako sa loob ng hindi ko malaman kung ilang buwang pagkakakulong at pambubogbog na ginawa nila sa'kin. Manhid na ang buo kong katawan, halos hindi na ako makagalaw. Marahil ito na, dito na ko mamamatay.
'Come on baby, fix yourself. Mimi and dadods loves you so much.'
Hindi ko alam kung saan nanggaling ang tinig na iyon. Pamilyar, para bang minsan ng sinabi sakin. Kakaiba sa pakiramdam ang bawat kataga. Tila ba, binigyan nito ako ng lakas.
Hindi ko na namalayang nakatayo na pala ako.
'Hindi ako pwedeng mamatay! Hindi ako basta na lang mamamatay sa lugar na ito! Makakalabas ako! Makakalaya ako!'
Sinikap kong sumugod. Binuhos ko ang natitira kong lakas sa huli kong mga suntok. Napatumba ko siya, napatumba ko ang kalaban ko. Maririnig ang dagundong ng hiyawan ng mga taong naaaliw sa nangyaring pagbaliktad ng sitwasyon.
'Isa lang sa inyo ang maaaring mabuhay. Kung hindi mo mapapatay ang kalaban, pareho kayong kailangang mamatay. Ito ang patakaran, sa simula pa lang.'
Muling umalingawngaw ang bawat paalalang sinabi sakin bago ako tuluyang ipinasok dito. Mawawalan ng saysay ang lahat kung pareho kaming mabubuhay, dahil kung wala sa amin ang mamamatay sa laban, pareho kaming ililibing ng buhay.
"Kailangan mong mamatay, dahil kailangan kong mabuhay."
Iyon lang ang huling mga katagang binitawan ko bago ko tuluyang pinilipit ang leeg ng nanghihina ng kalaban ko.
Ito ang unang beses. Pumatay ako, at alam kong masusundan pa ito.
"D87 won! Did you enjoy the fight!"
Maririnig ang malakas na hiyawan bilang tugon sa punong tagapagsalita.
Matapos lamang ang ilang segundo ay tuluyan na akong napahiga. Ngayon ko nararamdaman ang hapdi ng lahat ng sugat na tinamo ko. Hanggang sa tuluyan ng manlabo ang paningin ko at mawalan na ako ng malay tao.
-----------------------------
Sa marahas na lugar na iyon ako nagkamuwang. Alipin at utusan ako doon sa loob ng mahabang taon. Sa mura at bata kong katawan ay naranasan ko ng mabuhay sa impyernong lugar gaya noon. Madilim at masang-sang ang amoy ng dugo sa buong paligid. Nasasaksihan ko mismo ang mga labang patayang isinasagawa nila, at ang ginagawa nilang pagpatay sa parehong manlalaro kapag pareho silang nakalalabas ng buhay sa laban. Madalas ay ako ang naglilinis ng sahig na baha ng dugo mula sa mga manlalarong ito. Kasumpa-sumpang kulungan ang lugar na iyon.
Hanggang sa tuluyan ko ng maabot ang edad ko ngayon. Edad kung saan maaari na akong isabak sa ganoong klase ng laban. Sinanay nila ako sa pamamagitan ng pakikipagbuno sa ilang mga kasamahan ko at pagkulong habang pinahihirapan sa isang maliit na silid na tinatawag nilang bartolina.
Hindi ko nais pumatay, ngunit kailangan ko. Kailangan ko ang buhay ko.
------------------------------
Nagising ako dahil sa marahas na pagkakasabunot sa buhok ko.
"Hoy D87, bumangon ka at nais kang makausap ni Big Papa!"
Isa pang sipa sa tagiliran ang muli kong naramdaman. Sinikap kong bumangon kahit namimilipit pa ako sa sakit. Halos tuyo narin ang dugo na dumaloy mula sa mga sugat ko. Bawat hakbang ay pasakit bago namin tuluyang narating ang silid kung saan naroroon si Big Papa. Siya ang pinuno ng lahat.
"Kamusta ang paborito kong alaga?"
Tanong nito habang prenteng nakaupo at nakapatong ang mga paa sa isang lalaking nakaluhod sa harap niya.
"M-Maaayos po, Big Papa."
Pinilit kong magsalita at tumayo ng tuwid sa kabila ng aking panghihina. Ayaw na ayaw ni Big Papa ng mahihina kaya hangga't kaya ko ay nagpapanggap akong malakas sa harap niya.
"Mabuti kung ganoon. Bukas na bukas din nakatakda na ang susunod mong laban. Wag mo akong bibiguin bata."
Tumango ako bilang tugon. Wala akong magagawa dahil sa kagustuhan niya iyon at wala rin akong karapatang magreklamo.
"Iyan ang gusto ko sayo D87. Sige, pakainin niyo siya ng marami para maaliw na naman niya tayo ng husto bukas."
Iyon lang at naglakad na muli kami palabas ng silid.
Pinakain nga nila ako. Madaming kanin ang ibinigay nila sa akin at tubig. Walang lasa, ngunit sapat na para punan ang kumakalam kong sikmura. Ito ang pabuya nila sa mga nananalo. Kadalasan kasi ay madalang nila kaming pakainin. May mga pagkakataon tuloy na nagpapatayan na halos ang mga kasama ko para lamang sa kakarampot at bihira nilang rasyon ng pagkain.
Marami kami sa loob. Pare-pareho kami ng sitwasyon. Mga tauhang pang-aliw ng pinuno at ng kaniyang mga manunuod.
Ilang laban, ilang sakit ng katawan at eksena pa ng pagpatay ang dinaanan ko hanggang sa tuluyan na nga akong masanay. Naging balewala na lang sakin ang kumitil ng buhay ng kalaban. Tuluyan ng nawala sa akin ang lugar para sa konsensya at awa. Dahil sa walang mintis kong pagkapanalo ay tuluyan ko ding nakuha ang loob ni Big Papa. Naging alagad niya ako ngunit ako pa rin ang kanyang pambato sa laro. Nakakakain na ako ng sapat at hindi na rin ako binabartolina. Nagpatuloy ang ganoong klase ko ng pamumuhay hanggang sa isang araw, bigla na lang kaming nilusob.
Nagkagulo sa buong dark anchor underground, iyon ang tawag namin doon sa masahol na lugar na iyon. Nagkaroon ng pagsabog at sunog. Nagpulasan lahat. Iyon na din ang naging pagkakataon ng lahat para tumakas ngunit hindi naging ganoon kadali. Lahat ng makikita ng kalaban ay kanilang pinapatay. Halos wala ring natira sa amin. Pinalad ako dahil kahit sugatan na ang katawan ko dahil sa nangyaring pagsabog ay nagawa ko paring makapagtago. Palihim akong sumabit sa ilalim ng malaking sasakyang gamit ng kalaban at ng makarating sa madilim at walang taong lugar ay doon lang ako bumitaw.
Nakahandusay lang ako sa sahig. Sinubukan kong humingi ng tulong sa mga ilang nagdaraan ngunit wala sa kanila ang pumansin sakin. Karamihan sa kanila ay tumatakbo o kaya ay nag-iiwas lamang ng daan.
Hanggang sa dumaan ang isang babae. Hindi ito nakatingin sa dinaraanan niya kaya muntik niya pa akong matapakan. Kinuha ko ang pagkakataong nakalapit siya sakin at hinawakan ko agad ang kanyang paa.
"Lubayan mo ko masamang multo!"
Noong una ay nagulat pa siya kaya pilit nyang tinatanggal ang pagkakakapit ko sa kaniya.
"Bitawan mo ko!"
Nanghihina na ako ngunit hindi ko siya binitiwan.
"Tu-tulong"
Iyon na lang ang huli kong nasambit bago ako tuluyang mawalan ng ulirat.
Nagkamalay ako sa isang silid na maliit at walang tao. Una kong naramdaman ang pagkauhaw kaya bumangon ako mula sa pagkakahiga at nilibot ang silid para maghanap ng maiinom. Kakaiba ang ilan sa mga bagay na naroroon. Bago iyon sa aking paningin. Hanggang sa madako ang mata ko sa isang tila bote na may lamang likido. Marahil tubig na iyon kaya kinuha ko ito. Nang makainom na ako ng bahagya ay may bigla na lang humablot nito sa akin.
Isa itong babae, gaya sa iba naming manonood. Inilapit niya ako sa isang batuhang may hugis kung saan may lumalabas na tubig. Sumahod siya ng tubig gamit ng kanyang kamay at itinapat ito sa bibig ko. Dahil sa uhaw at sa sama ng lasa noong ininom ko kanina na ay ininom ko ito agad.
Matapos kong uminom ay tila naman nagalit siya. Ang dami niyang tinatanong at sinasabi ngunit hindi ko naman maintindihan. Hanggang sa kinaladkad niya na lang ako palabas ng silid at pinagsaraduhan ng pinto.
Hindi ko alam ang gagawin kaya tumayo lang ako roon. Wala akong mapupuntahan. Wala akong kakilala maski sino at alam kong wala na ring gaya niya ang posibleng tumulong sakin. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na tumayo roon. Hanggang sa muling bumukas ang pinto. Marahil naawa siya dahil sa pagkalam ng aking sikmura kaya pinapasok niya na ako at pinakain.
Doon na siya nag-umpisang kupkupin ako. Inaalagaan at tinuturuan niya rin ako ng maraming bagay na hindi ko alam. Mabait siya at wala siyang hinihinging kapalit sa lahat ng ginagawa niyang pagtulong sa akin. Hindi niya ko pinahihirapan, ginugutom at sinasaktan. Kakaiba siyang klase ng tao kaya naman sinusunod ko lahat ng sinasabi at pinagagawa niya sakin.
Gusto ko siyang kasama dahil may mga bagay na ipinararamdam siya sa akin na hindi ko maintindihan, ngunit masarap sa pakiramdam. Kaya naman pinoprotektahan ko siya sa lahat ng nais manakit sa kaniya.
Hindi ko hahayan na masaktan siya at malayo ako sa kakaibang babae gaya niya. Hinding hindi.