BAGO kami umuwi ay ginawa ko muna ang pangako ko kay Kenny na ibibili namin siya ng lobo. Tuwang-tuwa ang bata at libang na libang ito sa paglalaro.
“Tingnan mo naman itong si Kenny o, sa dami ng laruan sa kuwarto niya ay lobo lang pala ang magpapasaya sa kaniya.“ Wika ni Aiza sa akin.
“Alam mo ang mga batang ganiyan edad ay kahit maliit na bagay ay para sa kanila ay malaki na. Mas maganda nga na mabawasan ang pagta-tablet ni Kenny dahil baka makasama na sa kaniya ang palaging naka-expose sa gadget.“
“Iyan ang bagay na kinaiinisan ko, kasi ’yong unang maid na pinalitan ko e tamad. Imbis na alagaan si Kenny ay panay ang pakikipagtawagan sa cellphone sa boyfriend niyang swanget naman. Tuwang-tuwa siya kapag si Kenny ay libang sa pagta-tablet kasi mas mahaba ang oras niya sa pakikipaglandian. Kaya ito na ang resulta ng ginawa ng babaeng iyon.“ Paliwanag sa akin ni Aiza.
“Okay lang iyan. Bata pa naman si Kenny at marami pang bagay siyang matutunan. Makakalimutan din niya ang paghawak sa gadget.“ Lakas loob kong sabi kay Aiza. Ito ang gagawin kong motivation, ang ilayo si Kenny sa gadget na maaaring makasama sa kaniya. Ituturing kong parang kapatid si Kenny katulad ng mga kapatid kong naiwan sa Samar. Kumusta na kaya sila? Sana ay nasa mabuti silang kalagayan.
“O, bakit parang tulala ka na naman? Alam mo Alice, kung tatagal ako rito at makakasama kita ng mas matagal, siguradong may nickname ka na sa akin. Kasi lagi kang lutang e, tatawagin kitang Alice in the wonderland. Para kang laging naglalakbay sa himpapawid e, alam mo ’yon yung hindi kita lagi ma-reach.“ Saad ni Aiza sa akin.
“Namimiss ko lang ang mga kapatid ko. Ngayon lang kasi ako napalayo sa kanila.“ Medyo naluluha kong saad rito.
“Ay ewan ko sa ’yo, Alice. Sige na at kukunin ko na ang mga gamit ko. Uuwi na ako sa amin, ikaw na ang bahala kay Kenny ha. Teka pahingi ako ng number mo para makontak kita at makumusta.“
“Naku, wala akong cellphone e. Medyo mahal kasi sa amin ang cellphone kaya hindi na kami bumibili.“
“Ano? Grabe naman pala ang kahirapan ninyo sa lugar ninyo. Pero sige kay Ate Ester na lang ako tatawag para kumustahin ka. Sana sa unang sahod mo ay makabili ka ng selpon mo kasi sa panahon ngayon importante na ang may selpon pangkontak mo sa mga mahal mo sa buhay.“ Paalala pa nito sa akin.
Tumango lang ako, pero ang balak ko talaga sa unang sahod ko ay ipapadala ko sa mga kapatid ko pang bili ng mga gamit nila sa paaralan. Wala nang ibang mas importante sa mga kapatid ko kundi ang makatapos sila sa pag-aaral at maiahon ang isa't isa sa kahirapan.
Makalipas ang ilang minuto ay nagpaalam na rin si Aiza sa aming lahat. Medyo malungkot ang lahat, bukod sa dalawang maid na ngayon ay na-meet ko na rin. Si Jane at Karen ay tila kabaliktaran naman ni Aiza. Halos kaedad ko lang din ang dalawa, at halatang may kasungitan din ang mga ito. Lalo na nang ipakilala ako ni Aiza, parang walang pakialam ang dalawa sa akin. Siguro ay hindi lang sila marunong mag-welcome ng bagong kasama sa bahay. Okay lang naman dahil ang trabaho ko ay tagapag-alaga ni Kenny, hindi ang makipagmarites sa kanila na silang dalawa lang ang nagkakaintindihan. Tingin ko ay pinag-usapan din nito ang nangyari kagabi at hinala ng mga ito na ako nga ang lumabas kagabi. Mabuti na lang at saktong sira ang cctv ng kusina at likod bahay patungo sa swimming pool. Iyon pala ang pinaaayos ni Ate Ester kahapon na hindi naman natapos dahil may mga piyesang papalitan kaya kinabukasan pa naayos ang cctv. Isa na lang ang iiwasan ko ngayon, ito ay ang makaharap si Sir Kinly. Pero paano nga ba kami hindi magtatagpo ang landas e ako lang naman ang nag-iisang tagapag-alaga ng anak niya. Imposible na hindi kami magkita ng amo ko.
Napabuntong-hininga na lang ako sa isipin na iyon. Ipinagkibit-balikat ko na lang ang lahat. Bahala na si Lord sa akin.
Medyo napagod yata si Kenny kakahabol sa lobo na binili namin. Kaya nakatulog kaagad ito nang mahimbing. Ako naman ay nag-ayos ng kuwarto niya habang ito ay tulog. Napakaraming gamit ni Kenny. Paano niya kaya nalalaro ang lahat ng ito? Pero sa kagaya ng mga kapatid ko ay siguradong tuwang-tuwa at walang sawang lalaruin ito ng mga ito. Hindi nila ito titigilan hanggang sa hindi magkagutay-gutay ang laruan. Naalala ko ’yong kapatid kong bunso na si Jerick, binilhan ko ng truck na laruan, pero mga ilang oras lang ay natanggal na kaagad ang mga gulong. Ganoon kamura ang mga nabibili sa palengke namin.
Nalibang ako sa paglilinis ng kuwarto ni Kenny, hindi ko na namalayan ang oras, lampas alas dose na pala ng tanghali. Hindi ko na muna gigisingin si Kenny at baka mag-iyak lang ito pagnagising, kaya bumaba na lang muna ako upang ako muna ang kumain. Sa kusina ay naabutan kong kumakain si Jane at Karen. Nagtatawanan pa ang dalawa nang dumating ako, ngunit biglang tumahimik nang makita akong pumasok sa kusina. Parang ayaw nilang marinig ko ang pinag-uusapan nila kaya natahimik ang dalawa. At dahil hindi rin naman ako ganoon kakapal ang mukha para mag-feeling close sa kanila ay tahimik na lang akong kumuha ng pagkain. At naupo sa isa pang upuan malapit sa upuan ni Karen. May dinning table din kasi kusina kung saan kumakain kaming mga maid. At ang mga bisita at amo ay sa malaking dinning area paglabas ng kusina.
Hindi ko maintindihan kung ako ba ang may problema sa dalawa o sila, kasi hindi rin naman nila ako kinakausap. Ganoon pa man ay ako na lang ang makikisama sa kanila, dahil ako ang bagong katulong.
“Jane nga ba ang pangalan mo at ikaw naman ay si Karen?” tanong ko sa dalawa.
“Oo, ako si Jane at ito naman ang best friend kong si Karen. Matagal na kami rito, nakailang yaya na nga si Kenny ay nandito pa rin kaming dalawa. Ikaw, first time mo bang mag-alaga ng bata? Kasi ’yong iba e sa una lang naman magaling pero ilang araw o buwan lang ay umaalis din.“ Wika ni Jane sa akin.
“Oo, first time kong mag-alaga ng bata, pero marami na akong pinasukang trabaho dati,“ tugon ko.
“Marami? Meaning e umaalis ka rin kaagad sa trabaho? Baka naman bukas umalis ka na din kaagad.” Saad ni Karen. Pagkatapos noon ay nagkatinginan ang dalawa at nagtawanan ng sabay.
“Hindi naman, may mga dahilan ako kung bakit ako umaalis sa trabaho. Saka tingin ko e tatagal din naman ako rito kasi mabait naman ang anak ni Sir.“ Paliwanag ko sa dalawa.
“Lahat naman ng tao ay may dahilan kung bakit umaalis. Pero kung ano man iyon ay wala naman kaming pakialam doon. Tinatanong lang naman namin kung tatagal ka. Siya nga pala, nabalitaan mo ba ’yong nangyari kagabi sa swimming pool? Hindi ba ikaw lang ang bago rito? Bakit hindi mo inamin na ikaw ang lumabas kagabi?“ Deretsang tanong nito.
Nagulantang ako sa sinabi ni Jane. Sigurado ako na walang nakakita sa akin kaya bakit ako aamin? Pero bakit tingin ko sa mata ng dalawa e parang alam nilang ako iyon.
“Bakit natahimik ka, Alice? Gusto mo bang ipahamak kaming mga maid dito? Hindi mo ba alam na ako ang pinagbibintangan ni Tandang Ester na baka ako raw ang lumabas?“ Medyo inis na sabi nito sa akin. Ngayon ay alam ko na kung bakit nagagalit ito sa akin, dahil napagalitan siguro siya ni Ate Ester.
“Shhhss, huwag kang masyadong maingay, Jane at baka marinig ka ni Ate Ester. Magagalit na naman ’yong matandang iyon at tayo na naman ang pagdidiskitahan na pagalitan.“ Bulong ni Karen kay Jane.
“So-sorry kung napagbintangan ka ni Ate Ester. Hindi ko alam na pinagbintangan ka pala niya.“
“At bakit naman niya sasabihin sa ’yo iyon? Sino ka ba sa akala mo? E katulad ka rin naman ni Aiza na pat*nga-t*nga. Alam mo ba na nakakahawa ’yang pagiging bob@ mo? Alam mo nang bawal e lalabas ka pa?!“ Taas kilay na sabi nito sa akin.
Parang nanginginig ang kalamnan ko sa katarayan ni Jane. Hindi ko akalain na ganito pala ito kabagsik magsalita. Baka naman kaya umalis si Aiza dito ay dahil din sa dalawang ito? Pero ang pinagtataka ko, paano niya nalaman na nasa labas ako?
“Pasensiya na talaga, Jane. Pero paano mo naman nalaman na ako ang lumabas ng bahay?“ takang tanong ko sa kaniya.
“Malamang nakita kitang lumabas ng kuwarto!“ Biglang nahampas ni Karen ang kamay ni Jane kaya natigilan ito sa sinabi.
“Ano ka ba, Jane! Hindi ba tulog ka na? Diba sabi mo sa akin kanina ay wala namang ibang gagawa noon kundi si Alice lang dahil alam nating lahat na bawal lumabas?“ pagtatama ni Karen.
“Oo nga, siyempre hinuli ko lang si Alice. Ano ka ba, Friend!“ bawi nito sa sinabi.
Ngayon ay nahuli ko na si Jane. Sigurado ako na nagsisinungaling siya na tulog na siya. Baka nasa labas din siya ng mga oras na iyon.
“Anong pinag-uusapan ninyong tatlo?“ bungad ni Ate Ester. Natigilan ang lahat sa pag-uusap. Mukhang ayaw din naman sabihin nila Jane at Karen ang pinag-uusapan namin. “Ano? Wala bang magsasalita sa inyo?“ tanong nitong muli.
“Ay wala po Ate Ester, kung anu-ano lang ang pinag-uusapan namin.“ Pagsisinungaling ni Karen.
“Talaga? E bakit parang seryoso ang mga mukha ninyo? Baka mamaya binu-bully ninyo itong si Alice ha. Bagong pasok lang iyan at iyan din ang ginawa ninyong dalawa sa ibang mga maid. Sige kayo at ipapaalam ko na kay Sir Kinly ang mga pinaggagawa ninyo.“
“Naku hindi po Ate Ester, hindi namin magagawa yon. Saka sino pong sinasabi ninyong binu-bully e hindi naman naming gawaing mangbully ng mga bagong kasama.“ Saad ni Jane sabay kindat kay Karen.
Kung ganoon gawain pala talaga nilang mang-away ng mga bagong kasambahay na hindi nila gustong makasama. Ngayon alam ko na ang estilo ng dalawang ito.
“Sigurado kayo? Totoo ba ang sinasabi ng dalawang ito, Alice? Huwag kang mahihiyang sabihin sa akin ha at ayoko ring mapapahiya sa kaibigan kong si Criselda. Ang hirap pa naman humanap ng kapalit mo, at ang gusto ni Sir Kinly ay kakilala ko ang mag-aalaga sa anak niya. Wala kasi siyang tiwala sa mga agency na madalas ay doon pa nakakakuha ng mga hindi mapagkakatiwalaang tao.“ Saad ni Ate Ester.
“Totoo po ang sinasabi nila Ate Ester, nagkukuwentuhan lang po kami ng kung anu-ano. Salamat po sa pag-aalala mo sa akin.“
Ngumiti ang matanda sabay tingin sa dalawa. Parang irita rin si Ate Ester kay Jane at Karen.
“Bilisan ninyong kumain diyan at marami pa kayong gagawin Karen at Jane,“ sambit nito sa dalawa. “Nasaan ang alaga mo ngayon, Alice?“ Baling naman nito sa akin.
“Tulog po siya ngayon, Ate Ester. Dala ko naman po ang walkie talkie,“ tugon ko na ang tinutukoy ay ang pang monitor kay Kenny kung sakaling umiyak ito.
“Sige, magmadali kang kumain ha at baka biglang magising ang bata. Maiwan ko na muna kayo riyan.“ Pagkasabi nito ay umalis na rin agad. Abala kasi ito sa labas ng bahay dahil nasa labas ang electrician na gumagawa sa CCTV.
“Tapos na akong kumain, puwede bang pakisama na nitong pinagkainan ko sa paghuhugas, marami pa kasi akong gagawin e.“ Utos ni Jane sa akin.
“Ako rin pasabay na rin nitong pinggan ko,“ ani Karen na hindi na naghintay ng tugon ko. Iniwan na lang ng mga ito ang mga pinggan sa tabi.
Talaga pa lang salbahe ang dalawang ito. Kung inaakala ninyo na isa ako sa matatakot ninyo at mapapaalis sa bahay na ito puwes nagkakamali kayo. Tingnan lang natin kung hindi kayo pagalitan ni Ate Ester.
Pagkatapos kong kumain ay hinugasan ko na rin ang sarili kong pinagkainan, pero iniwan ko ang pinggan nila. Bahala silang magligpit ng pinagkainan nila. Nakangiting bumalik na ako sa kuwarto.
“Kung ang sa iba nagagawa nila ang ganiyan, sa akin ay hindi. Kung alam lang nila na maldita din ako sa amin!“ bulong ko sa sarili ko.
KAKATAPOS lang ng pakikipagmeeting ni Kinly sa mga board members nang banggitin ng secretary nitong si James na may unexpected visitor siya sa kaniyang office.
“Sino?“ tanong nito kay James.
“Si Doc Alfred Santos sir,“ anito na ang tinutukoy ay ang kumpare niyang doktor.
Nang sabihin iyon ay hindi na nagsalita si Kinly. Bagkus nagpatuloy na lang ito sa paglalakad papunta sa opisina niya.
Ilang sandali pa ay nakarating na siya sa loob ng office, nakaupo si Alfred sa upuan niya at nagpi-feeling CEO ng kumpanya.
“Pareng Kinly! Ang kaibigan kong ubod ng sipag sa trabaho? Kumusta na?“ bati ni Alfred kay Kinly.
“I’m good. What's bring you here? Is any problem with my son?“ tanong nito na ang tinutukoy ay si Kenny.
“No. Nothing, actually walang problema kay Kenny. At wala akong makitang any sign na nagkaka-trauma ang bata.“ Paliwanag ni Fred.
“Good. So what's wrong? Bakit napasugod kang bigla?“ Naupo si Kinly sa upuan na nasa harapan ng table at tiningnan ang orasan. May susunod na meeting pa kasi siya na kailangang puntahan.
“Well I’m here to ask you na baka ikaw ang may kailangan sa akin at hindi ang inaanak kong si Kenny?“ wika nito.
“What do you mean?“ nalilito namang tanong Kinly.
“Ha-ha-ha. What I mean to say is baka ikaw ang may trauma sa paghihiwalay ninyo ni Angela, kaya wala ka ng oras para lumabas, magsaya o magmahal ng bagong babae ulit.“ Deretsahang sabi ni Fred sa kaibigan.
“That’s not true, Fred.“ Seryosong tugon nito na hindi naman pinaniwalaan ng kaibigan.
“Really? Then why don't you get out of this office and let's go out with friends to relax and have fun?“ hamon ni Fred sa kaniya.
“Marami pa akong trabahong dapat tapusin, tsaka na lang natin gawin iyan.“ Tanggi ni Kinly kay Fred.
Natawa naman ito sa naging tugon ni Kinly.
“Bakit hindi natin baliktarin pare, Bakit hindi tayo lumabas at tsaka na lang tapusin ang trabahong iyan? Look at yourself you're looking tired. You need to refresh yourself, enjoy your life. Maghanap ka ng bagong babae sa buhay. Sa yaman at guwapo mong iyan ay imposible na walang babaeng hindi magkandarapa sa ’yo. Open your heart to anyone, not only for one person who hurt you.“ Saad ni Alfred sa kaibigan.
“That’s not true, I’m happy now with may stable company and to my son.“
“No, Kinly. I think you have a syntoms of a Post-traumatic stress Disorder. At kailangan mong malabanan iyan bago mahuli ang lahat. Kailangan ka ng anak mo, Kinly. Not only your money, he needs you as his father.“ Dagdag ni Alfred na paalala sa kaibigan.
Natahimik si Kinly, saglit na nag-isip.
“Iyan lang ba ang pinunta mo rito pare? May kasunod na meeting pa kasi akong pupuntahan, at mahalaga iyon para sa akin. Saka na lang tayo magkuwentuhan at mag-usap. I need to go, kasi mala-late na ako.“ Paalam ni Kinly sa kaniya.
“Naparito ako para ibigay sa iyo ang imbitasyon na ito ganoon na rin ang paalalahanan ka.“ Inabot ang invitation card kay Kinly.
“What is this?"
“That’s a wedding invitation.“ tugon ni Alfred.
Napakunot noo naman si Kinly.
“Ikakasal ka na?“ takang tanong nito dahil hindi naman niya nabalitaan na may girlfriend itong sineryoso. Nagbago na ba ang kaniyang kaibigan?
“Ha-ha-ha. That's not mine, kay Engineer Dom iyan at sa girlfriend niyang si Celine. Ikakasal na silang dalawa at lalagay na sa tahimik na buhay. This is your chance to enjoy your life again pare, hihintayin ka namin. Isama mo ang inaanak ko, ganoon na rin sa bagong yaya nito... sino nga ba iyon? Si Alice nga ba ’yon? Ay oo si Alice, ang pinakamagandang nanny na nakilala ko. Please bring her too.“ Tumayo na ito at upang magpaalam.
Nagtaka naman si Kinly sa sinabi nito. Sinong yaya ang tinutukoy nito? Saka lang niya naalala na may bago nga palang hired si Manang Ester na bagong yaya dahil umalis na ang dating yaya ng kaniyang anak. Hindi naman niya ito pinagkaabalahan pang makilala dahil wala syang panahon sa mga ganoong bagay. Ipinagkatiwala niya ang lahat-lahat sa kaniyang mayordomang si Manang Ester.
“Tsk. Pati ba naman katulong ng aking anak ay pag-iinteresan pa nito. Napakababaero talaga...“ bulong ni Kinly sa sarili.
Tumayo na siya upang pumunta sa susunod na meeting.