KINABUKASAN ay usap-usapan sa kusina ang nangyari kagabi. Tahimik lang ako habang nakikinig sa usapan nila.
“Sino naman kaya ang malakas na babaeng humampas sa mukha ni Sir? Grabe ang nangyari sa kaniya may kalmot siya sa may bandang pisngi.“ Saad ni Aling Lita. Ang tagapagluto sa kusina. Medyo may edad na rin ito kaya naman ganoon ito magsalita.
Muntik na akong mabulunan sa narinig ko. Hindi ko akalain na ang amo pala naming lalaki ang nasa pool. Isang malaking pagkakamali ang nagawa ko. Bakit ko naman aakalain na ang isang hardinero o houseboy ay magagawang mag swimming sa ganoong oras? Bakit hindi ko kaagad naisip na maaaring ito pala ang amo namin. Dahil sa kaba ko kagabi, nakalmot ko ito sa mukha. Ito lang kasi ang paraan para makatakas ako. Nakuha ko ang estilong iyon upang pang self defense para sa mga taong nagtatangka lagi sa akin. Matapos kasi nitong pigilan ang pagtakbo ko ay hinawakan ako niyo sa balikat, kaya nagamitan ko ito ng self defense para makatakas ako. Nang magkaroon ako ng pagkakataon na tumakas ay ginawa ko na. Magdamag akong hindi nakatulog sa nangyari, kaya naman hanggang ngayon ay kabado pa rin ako.
“Ewan ko ba, wala namang maglalakas loob na lumabas pa ng gabi at alam naman nating lahat dito sa bahay na mayroon tayong rules na sinusunod.“ Tugon naman ni Ate Ester.
Mas matanda si Ate Ester kay Aling Lita. Ito lang ang gusto niyang itawag sa kaniya imbis na manang ay ate.
“Ay ikaw ba, ineng? Hindi ka ba lumabas kagabi? Baka nakaligtaan mo lang basahin ang regulasyon natin dito sa bahay?" tanong nito sa akin.
“A hindi po, hindi po ako nalabas. At saka po nabasa ko po lahat ang nasa folder. Kaya hindi ko po makakalimutan ang rules ng bahay.“ Pagdadahilan ko sa mga ito.
“Siya nga po, Aling Lita at Ate Ester. Nagbasa po si Alice kahapon at ang isang iyan ang unang tinanong niya kaagad sa akin. Kaya imposibleng si Alice po ang nakita ni Sir Kinly sa pool. Baka naman po ang nakita ni Sir ay ang anak ng mga trabahador diyan sa labas na laging pinagpapantasyahan si sir. At dahil alam nilang naliligo si sir sa ganoong oras ay nakuha pa nilang bosohan. Hay naku, ang mga malalanding higad nga naman, gagawin ang lahat mapansin lang ni sir. Hindi sila tumulad sa akin na hanggang tingin lang.“ Saad ni Aiza na parang kinikilig pa sa pag-amin na may paghanga din siya sa among lalaki.
“Ay naku, Aiza. Aalis ka na nga lang at lahat ay nakukuha mo pang magsalita ng ganiyan sa amo natin. Siguro kaya aalis ka ay dahil hindi mo matanggap na hindi ka napapansin ng sir natin.“ Biro ni Aling Lita na may pagtawa pa sa bandang huling salita.
“Hindi po no, aalis po ako dahil may problema po talaga sa amin." Tanggi naman nito.
“Nasaan ba si Karen at Jane? Hindi ba sila kakain?" pag-iiba ng usapan ni Aling Lita.
“Inutusan ko si Jane na mamalengke. Si Karen naman ay nasa hardin, nagdidilig ng mga halaman. Kakain na lang ang mga iyon pag natapos na ang trabaho. Kilala mo naman ang dalawang iyon na sanay na kape lang ang iniinom sa umaga.“ Wika ni Ate Ester na ang tinutukoy ay ang dalawa pang katulong. Sasabihan ko nga si Mang Roben na i-check ang mga gate sa gabi bago magpahinga. Baka nga talagang may nakalusot na tagalabas kagabi. Nung nakaraang linggo ko pa napapansin na mayroong silip ng silip sa labas ng gate at minsan ay sumasama pa sa mga tatay nila kapag nagtatrabaho diyan sa labas. Hindi naman kailangan dito ang tambay kaya sasabihan ko sila na bawal nang magsama ng mga anak o asawa. Muntik nang ikapahamak ni Sir ang nangyari kagabi kaya dapat lang na mag-ingat tayong lahat.“
“Bakit kanina ka pa yata tahimik, Alice? Kanina ko pa napapansin na wala kang kaimik-imik.“ Takang tanong ni Aiza.
“Hah? Ahh ehh... kasi ano e, hindi ko pa naman kilala ang mga pinag-uusapan ninyo kaya hindi ko alam ang sasabihin ko.“
“Siya nga naman, Aiza. Bakit ba igagaya mo pa sa iyo si Alice. E ikaw nga minsan nakakarindi ang kadaldalan mo e. Ha-ha-ha.“ Muling sabat ni Aling Lita.
“O siya sige, aalis na muna ako at magbabayad ako ng mga bills natin dito sa bahay. Kayo na muna ang bahala rito. Aiza, mamaya pa naman ang alis mo, hindi ba? Ituro mo muna kay Alice ang pagpunta sa doctor ni Kenny. Para sa susunod ay alam na niya.“
Napabusungot si Aiza sa utos ni Ate Ester.
“Hay naku, akala ko pa naman e wala na akong gagawin kasi aalis na ako. Talaga itong si Ate Ester o, mahal na mahal ako kaya paborito talaga akong utusan.“ Pagmamaktol ni Aiza.
“Hindi na, Aiza. Ako na ang bahalang pumunta sa doctor ni Kenny. Alam naman siguro ng driver kung saan ang clinic ng doktor ni Kenny.“ Nahihiyang tanggi ko kay Aiza. Tama kasi siya, dapat nakakapahinga na nga ito dahil tapos na ang trabaho niya sa araw na iyon.
“Joke lang Alice, biruan talaga namin ni Ate Ester iyan. Ganto kami sa bahay na ito, para na kaming magkakapatid, magnanay o maglola.“ Natatawang sambit ni Aiza.
“Aba at sinong lola ang tinutukoy mo ha, Aiza?“ Nanlalaki ang mata ni Ate Ester.
“Wala po... halika na, Alice. Kailangan na nating gisingin si Kenny at baka tanghaliin pa tayo.“ Natatawang hinila ako ni Aiza.
Kahapon lang kami magkasama ay parang close na close na kaagad kaming dalawa.
“Bakit monthly ang check up ni Kenny sa doctor niya?“ takang tanong ko habang naglalakad kami nito.
“Dahil iniisip ni Sir na baka may troma ang bata dahil sa paghihiwalay nilang mag-asawa. Kaya monthly ay dinadala namin si Kenny sa doktor niya para sa check up.“
Napatango-tango ako sa paliwanag ni Aiza. Tama nga naman siya, dapat nga talaga na patingnan si Kenny. Kakaiba talaga ang mayayaman, kasi sa katulad naming mahihirap ay nakamulatan na namin ang pagtatalo ng mga magulang namin sa aming harapan, naalala ko nga noong lasing na lasing ang tatay ko at talo naman sa sugal ang nanay ko. Nagtalo sila dahil nanghihingi ng pera si Nanay kay Tatay na wala namang maibigay dahil naibili na ng alak. Grabe ang iyak ng mga kapatid ko noon habang nagtatalsikan ang mga gamit namin sa bahay. Lahat kami nasa kuwarto at takot na takot na baka kami ay madamay sa pag-aaway nila.
“O bakit natahimik ka na naman diyan, Alice? Alam mo kinakabahan na talaga ako sa katahimikan mo. Para kasing napakamisteryosa mong tao.“ Wika ni Aiza sa akin.
“Hah? Hindi naman, naalala ko lang ang mga kapatid ko sa amin. Namimiss ko na kaagad sila.“
“Joke lang, ano kaba? Masanay ka na sa akin, kasi paalis na rin naman ako. Ganito talaga akong magsalita, kaya huwag kang ma-o-offend sa mga sinasabi ko ha.“
“Sayang naman at paalis ka na. Pakiramdam ko kasi e ikaw ang magiging kaibigan ko sa bahay na ito. Pero kung hindi dahil sa pagre-resign mo hindi naman ako mapupunta dito.“
“Ok lang iyon, malay mo naman in the future ay magkita ulit tayo. Hindi bilang magkasama sa work, kundi isa sa maging amo mo.“ Anito na pinagtaka ko.
“Anong ibig mong sabihin?“ tanong ko.
“Asawa ni Sir Kinly in the future. O diba ako na ang amo mo. Chariz!“
Masayang nagkatawanan kaming dalawa. Talagang malakas ang tama nito sa amo namin kaya nangangarap na ito ng gising.
“Akala ko naman seryoso ka na naman diyan.“ Natatawang sabi ko. Talagang madaling kapalagayan ng loob ang taong madaldal kaysa sa tahimik. Pakiramdam ko ay masayang kasama si Aiza. Sayang lang at paalis na ito.
Pagpasok namin ng kuwarto ni Kenny ay pinilit na naming gisingin ang natutulog na bata.
“Kenny, gising na. Pupunta tayo sa doktor mo, kay Doc Alfred.“
“Ayaw ko yaya, ayaw kong punta tsa doktor.“ Malapit na namang mag-iyak si Kenny. Parang lahat na lang ay ayaw nitong gawin, bukod sa maglaro ng tablet.
“Hindi puwedeng hindi tayo pupunta, Kenny. Kasi baka magalit sa akin si Daddy mo. Mabait naman si Doc Alfred hindi ba? Kinukuwentuhan ka pa nya e.“
“Ayoko, ayoko! Inom lang ako gamot dito sa bahay. Gusto ko kay Daddy.“
Napabuntong hininga si Aiza. Mahirap talagang i-please ang mga bata kaya dapat gamitan ng mahiwagang salita.
“Ahmmmm... Kenny, ako nga pala si Alice ang bago mong yaya. Puwede tayong maging magkaibigan. Gusto mo bang mamasyal sa labas? Bibili tayo ng lobo.“ Sinubukan kong paamuhin si Kenny. Sana lang ay umipekto sa kaniya.
“Lobo? Ballons? Gusto ko po ballons,“ tugon nito.
“Kung ganoon, may isang kondisyon. Pasyal muna tayo sa doctor mo para macheck ka muna niya kung wala kang sakit. Tapos pupunta tayo sa bayan, bibili tayo ng ballon, okay ba sa ’yo?“
“Yes! Yes! Let's go Yaya!“ masiglang sabi ng bata.
Na-impress si Aiza sa ginawa ko.
“Paano mo nagawa iyon? Parang marami ka nang experience sa pag-aalaga ng bata, Alice.“
“Hindi, ganiyan kasi ang gusto ng mga kapatid ko palagi. Pagnakakakita sila ng lobo, nagpapabili sila sa akin. Lalo na kapag birthday nila. Basta daw may lobo at cake ay okay na raw ang birthday nila. Pakiramdam ko kasi, lobo ang nagpapasaya sa mga bata. Pero sandali lang iyon, dahil kapag nahawakan na nila ang lobo at pumutok na ay kasabay rin non ang pagkasabik nila sa lobo. Sandali lang rin, sandali lang din ang saya at excitement.“ Paliwanag ko kay Aiza.
Nagpalakpak pa ito na parang hangang-hanga talaga sa galing kong mag-handle ng ugali ng mga bata.
“Nakakabilib ka talaga, Alice.“
Dinala na namin si Kenny sa doctor niya. May sariling sasakyan at driver si Kenny. Kaya kapag maylalakarin ito ay hindi na kailangang tumawag ng tricycle. Sa amin kasi ay tricycle ang nagsisilbing service sa amin upang mapabilis ang mga lakad namin. Pero sa ganitong mayayaman ay taxi o sariling sasakyan at driver.
Nakilala ko ang doktor ni Kenny na kaibigan din pala ng Daddy nito. Medyo bata pa rin ito na naglalaro sa edad thirty. Kaya naman pala pusturang-pustura si Aiza. Dahil maging ang doktor ni Kenny ay crush din nito.
“Ikaw na pala ang bagong yaya ng inaanak ko? Well, baka mapadalas na ang patawag ko sa pasyente ko kasi baka sipagin akong i-check minu-minuto ang kalagayan niya." Pabirong sabi ni Doc Alfred.
Napangiti ako pero hindi man lang ako kinilig. Sanay na ako sa mga ganiyang pangbobola. Hindi ako puwedeng bumigay sa mga salita kasi ang mayayaman ay manggagamit lang, feeling nila makukuha nila kami sa mga salita nila kasi masisilaw kami sa pera. Puwes ibahin niya ako.
“Ay ang salbahe mo, Doc! Halos dalawang mo na akong nakikita at patatlo ngayon, pero hindi mo manlang sinabi sa akin iyan. Panget ba ako, Doc? Kapalit-palit ba ako?“ pabirong sabi ni Aiza.
Natawa naman si Doc Alfred sa sinabi ni Aiza.
“Sorry, hindi ko kasi alam na single ka pala. Akala ko kasi may asawa ka na.“ Paliwanag ni Doc kay Aiza.
“Ay grabe ka doc?! Mukha ba akong married na? Grabe ’to, Mukhang magkakasakit din ako sa tromang binibigay mo sa akin. Baka maging pasyente mo na rin ako Doc Alfred.“ Ani Aiza na kinatawa lang naman ng doktor.
“Sige na, Aiza. Maganda ka rin talaga.“
“Ay, napilitan lang Doc?“ birong muli ni Aiza.
Namumula na sa kakatawa ang doktor. Ako naman ay napapatawa rin sa kakulitan ni Aiza.
“O sige na, hintayin na lang ninyo si Kenny diyan sa labas. Baka mainip ang susunod kong pasyente.“ Anito na niyaya na si Kenny sa loob.
Mukhang sanay si Kenny sa Doktor na si Alfred. At isa pa ay ninong naman pala niya ito kaya hindi na ako magtataka kung bakit hindi man lang nangilala ang bata.
“Mapagbiro pala si Doc Alfred no?“ saad ko kay Aiza matapos namin makaupo sa waiting area.
“Hindi no! Actually ngayon ko nga lang siya nakabiruan. Hindi ko rin alam na joker din pala siya. Pero totoo naman na maganda ka talaga, lamang ka lang sa akin ng mga dalawang ligo.“
“Ikaw talaga, masyado mong binababa ang sarili mo. Maiba ako ng usap, yung mommy ni Kenny, nasaan na ngayon?“ curious na tanong ko kay Aiza.
“Hindi ko alam e, walang nakakaalam kung nasaan ang mommy ni Kenny. Pero ang pinagtataka ko lang, sa guwapo ni Sir Kinly, bakit naghanap pa rin ng ibang lalaki ang asawa niya? Hindi ko talaga maintindihan... nasakanya na nga ang lahat e, guwapo, mayaman, hindi babaero, walang bisyo. O hindi ba? Kung ang dahilan lang niya ay masyadong estrikto si sir, wow ha! Kung ako lang talaga ’yong nasa lugar niya, hindi na ako lalabas ng bahay at gabi-gabi na lang akong maghihintay sa pag-uwi ni Sir.“
Hindi ko rin maunawaan, pero sigurado masama nga talaga ang ugali ng Sir Kinly na iyan. Dahil babae din naman ako, kahit ano pang yaman at guwapo ng lalaki kung masama naman ang ugali ay hindi rin ako tatagal sa relasyon. Kaya ayokong husgahan muna ang asawa niya. Baka naman kasi itong lalaking ito talaga ang may problema.
“Hoy! Tahimik ka na naman, kanina pa ako daldal nang daldal pero ikaw heto, lutang lang girl?“ pukaw sa akin ni Aiza.
“Pasensya na, nag-iisip lang ako tungkol sa sinabi mo. Baka naman mali tayo ng akala sa asawa niya. Malay mo naman may mas matindi siyang dahilan.“
“Hay naku, ewan ko. Basta ako wala akong pakialam sa ex-wife ni sir. Mas curious pa ako kung paano nakakatiis si Sir ng walang anu sa gabi...“ nakangising sabi nito.
“Ha? Anong anu sa gabi?“ Walang muwang kong tanong.
“Ay ano na, girl? Virgin yern? Sa ganda mong iyan wala ka pang naging boyfriend? Imposible iyon ha? Madalang na ngayon ang ganyan.“
“Maraming nanligaw sa akin, pero ni isa wala pa akong sinagot. Mas priority ko kasi ang pamilya ko kaya hindi ko pinapansin ang mga nanliligaw sa akin.“ Pag-amin ko kay Aiza. Totoo naman talaga ang sinasabi ko.
“Ay wow! Sana all, maraming binasted.“ Biro nito na hindi ko naman kinainis. Yung tipo ni Aiza ay parang lahat ng sabihin ay parang biro lang para sa kaniya.
“Pero mabalik tayo kay Sir Kinly. Hindi ako maniwalang nakakatiis iyon ng wala man lang s*x. Sa tagal niyang walang asawa, imposible talaga na walang something sa labas na ginagawa ’yon.“
“Bakit? Wala ba siyang inuuwing babae?“
“Wala at ang balita ko na trauma yata si sir sa mga babae, kasi wala man lang siyang dina-date. Si sir dapat ang magpagamot e kasi parang siya ang hindi maka-move on sa asawa. Sobrang yaman na niya, dapat mag-focus naman siya sa future nilang mag-ama.“
“Tama ka, pero baka naman umaasa pa siya na balikan siya ng kaniyang asawa.“
“Ewan ko, pero sa daming mas maganda pang babae ay bakit naman magta-tiyaga pa siya roon sa cheater niyang asawa. Kung makikita ka nga ni Sir e baka magkagusto pa sa ’yo iyon e. Naku ha! Huwag mo akong aagawan kay sir ha?!“ Natatawang biro nito na hindi ko naman sineryoso. At sigurado naman ako na hindi ko papatulan ang amo ko.
“Oo. Hindi kita aagawan, iyong-iyo lang siya...“ natatawang tugon ko sakaniya.
Makalipas ang ilang minuto ay lumabas na rin si Kenny at Doc Fred.
“Miss Alice, okay naman si Kenny ngayon. Ibalik mo na lang siya bukas para sa second check-up.“
Pareho kaming natigilan ni Aiza.
“Bukas po ang balik ni Kenny Doc?" tanong ni Aiza na kinataka nito bakit babalik kaagad bukas.
Tumawa ang doktor. Saka lang namin napagtanto na nagbibiro lang pala ito.
“Joke lang. Binibiro ko lang si Alice.. Alam mo Alice hindi ako makapaniwala na isa kang yaya. Well, baka hindi ka pa napapansin ni Kenly. I will him na tapos ko na i-check ang anak niya.“
“Sige Doc, salamat.“
Nagpaalam na kami ni Aiza, kinabahan ako sa sinabi ni Doc. Maigi nga at walang ideya ang amo namin kung anong itsura ko. Natatakot ako na baka makilala niya ako at bigla na lang tanggalin ako sa trabaho.