10

1190 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full --------------------------------- Sa araw na iyon ay napakasaya ko. Mula sa paggising ko sa umaga hanggang sa gabi, nagsama kami ni Jerry. Lahat ng mga ginawa namin nang nakaraang birthday ay nangyari muli. Ang kaibahan lang siguro ay nagkaroon na munting salo-salo sa bahay namin dahil bumili si Jerry ng mga sahog para sa pansit, at may litsong manok pa. Sa hapon hanggang gabi ay walang sawang namasyal kami sa karnabal at nang napagod, doon muli kami sa may seawall nagtambay, sa may bahagi kung saan naroon ang mga malalaking bato. Kinagabihan, sa kuwarto ko natulog si Jerry. Kinabukasan naman ay pinasyalan namin ang school ko upang bisitahin ang mga madre na nagpaaral kay Jerry. Tuwang-tuwa sila nang Makita ang kanilang scholar. Puro paghanga at pagbibigay ng payo ang maririnig mula sa kanila. Nang dumaan naman kami sa library kung saan naroon ang mga working students at estudyanteng nagresearch, sinilip namin ito. Dinig na dinig namin ang tilian nang nakalampas na kami. "Ano iyon?" ang tanong ni Jerry na nagulat sa biglang pag-ingay ng kababaihan. "Mga babaeng kinilig sa iyo." Ang sagot ko. "Sa iyo kaya." Ang sagot din niya. "Gusto mo balikan natin at silipin, itanong natin sa kanila?" biro ko. "O ba!" ang walang kiyemeng sagot naman niya. Hindi na talaga siya mahiyain. Hindi kagaya noon kung saan ay halos ibaon na lang ang mukha sa lupa kapag may mga babaeng umaaligid. Nang pumasok na kami sa library, tahimik ng lahat na tila maririnig mo ang ingay kapag may karayom na bumagsak sa semento. Dumiretso kami sa rack ng mga dyaryo, kumuha ng mababasa at pumuwesto sa isa sa mga mesa. Habang nagbabasa kami, pasimpleng binulungan niya ako, "Wala naman ah." "Labas uli tayo. Pustahan tayo at magtitilian uli ang mga iyan." Ang bulong ko rin. "Okay." Ang sagot niya sabay tayo at isinauli ang diyaryo sa rack. At hindi nga ako nagkamali. Nang nakalabas na kami, mas lumakas pa ang tilian nila na animoy nababaliw na hindi mo maintindihan. Tawanan na lang kami. Nang sumapit naman ang December 24 ay ang saya pa rin namin. Napagkasunduan kasi ng inay at itay at mama ni Jerry na sa bahay namin kami magsalo-salo sa Noche Buena. Halos walang tulugan. Pagkatapos ng salo-salo ay namasyal pa uli kami sa karnabal. At sa sea wall uli ang bagsak. December 29 nang mapagdesisyunan nilang mag-ina na pumunta ng Mindanao, sa kanilang syudad. Nasasabik daw ang kanyang inay na makasama ang kanyang mga kapatid at kanilang mga kamag-anak. Naka tatlong pasko at bagong taon na raw kasi na hindi sila umuwi ng Mindanao kaya gusto ng kanyang inay na doon naman magdiwang ng bagong taon. Sa madaling salita, sumama ako. May kaunting perang naipon naman ako. Nang umalis kasi si Jerry patungong Maynila, naisipan kong tipirin ang allowance ko upang kapag sapat na ang perang naipon ay pupunta ako ng Maynila upang bisitahin si Jerry. Kahit noong nagselos na ako kay Rachel, ipinagpatuloy ko pa rin ang pag-iipon, isiniksik sa isip na magagamit ko pa rin ang pera balang araw. Nagpaalam ako sa aking inay at itay. Pumayag naman siya bagamat may pag-aalangan dahil hindi pa ako nakapag-biyahe ng malayo at mahiluhin pa ako. Ngunit ipinangako naman ni Jerry sa aking inay na siya ang bahala sa akin. Hindi raw niya ako pababayaan. Kaya napapayag niya ang inay. Binilhan na lang ako ng inay ng gamot sa hilo. Sobrang excitement ang nadarama ko sa pagkakataong iyon. Iyon pa ang unang pagkakataon na malayo ako sa aking pamilya, makapagbiyahe ng malayo, at makapunta ng Mindanao. Ang sabi ni Jerry sa akin ay ipapasyal daw niya ako sa mga magagandang lugar sa kanila, ipakilala sa kanyang mga kaibigan at mga pinsan. Kinabukasan ay maaga kaming nagising at nag-impake. Alas 5:00 ng umaga ay nasa terminal na kami ng bus. Isang dagat lang naman kasi ang pagitan ng isla namin sa Mindanao. At wala pang dalawang oras ang biyahe ng barge dito. Kaya nasa anim hanggang walong oras lang ang kabuuan ng biyahe. Sa bandang likuran ng bus kami naupo ni Jerry. Habang natutulog ang kanyang inay at ibang mga pasahero, ako naman ay isinandal ang ulo sa balikat ni Jerry habang inilingkis niya ang isa niyang kamay sa aking katawan. Minsan din ay hinahaplos-haplos niya ang aking buhok. Sobrang sweet niya sa akin. Mistula kaming bagong-kasal. Narating namin ang kanilang syudad kinabukasan, petsa 30 ng Disyembre. Magkahalong saya, excitlement at kaba naman ang naramdaman ko. Hindi ko alam kung bakit kinabahan ako. Ngunit siguro ay dala iyon ng kaunting takot na baka hindi ako magugustuhan ng mga pinsan ni Jerry, o baka may mga kaibigan siya na magseselos sa akin. Ako kasi, kapag may mga taong imi-meet lalo na sa unang pagkakataon ay hindi mawawala ang kaba. Siguro ay iyan talaga ang characteristic ng isang introvert. Nasa squatter's area lang ang bahay ng tita ni Jerry bagamat hindi ito iyong klaseng sobrang dikit ang mga bahay. Medyo malaki-laki rin ang mga espasyo at kalsada. Nadaanan pa namin ang isang malawak na basketball court. At bagamat yari sa kahoy ang kanilang bahay ay halatang pinaglumaan na. Masaya silang sumalubong sa amin. Iyon iyong pamilya ng tita ni Jerry at mga pinsan niya. Tatlong lalaking pinsan ni Jerry na nasa 13, 12 at 11 ang mga edad. Naroon din ang dalawang pinsan niyang babae na nasa 10 at siyam na taong gulang. Naroon din ang mismong tita ni Jerry at ang kanyang asawa. Normal lang naman ang mga hitsura nila. Akala ko nga mga katulad din sila ni Jerry na tisoy at artistahin. Siguro dahil ang papa lang naman ni Jerry ang may dugong banyaga kung kaya ay iba talaga ang hitsura niya at mga kapatid niya sa mga pinsan niya. Nang makapasok na kami sa kanilang bahay ay nagkuwentuhan kaagad ang inay ni Jerry at ang kanyang tita. At ang mga pinsan naman ni Jerry ay halatang sabik din na makita siya. Alam na pala nila ang pag-aaral ni Jerry sa Maynila kung kaya ay tinanong din nila siya tungkol dito, kung ano ang hitsura ng Maynila, ang mga tao roon, mga bata, ang eskuwelahan. Ipinakilala rin ako ni Jerry sa kanila. Nang tila nagsawa na sila sa kaku-kuwento, nagpaalam si Jerry sa kanyang mama at tita na ipasyal nila ako sa kanilang syudad. May dalawang bisekleta ang mga pinsan ni Jerry kaya nagbibisekleta lang kami sa pamamasyal. Kami ni Jerry sa isa, at sa isa naman ay ang kanyang dalawang pinsang lalaki. Pinuntahan namin ang kanilang plaza, simbahan, botanical park, pantalan, iyong mga hindi masyadong kalayuan. Masaya rin namang kasama ang mga pinsan niya dahil ang kukulit at ang iingay. Halos hindi kami maaawat sa pagtatawa sa mga biro nila at harutan. Kahit pagod dahil salitan kami ni Jerry sa pagdala sa bisekleta at maulan pa, kahit gutom dahil kapos sa pera, masayang-masaya pa rin kami sa aming lakad. Pagod na pagod kami nang nakauwi ng. Nagpahinga lang kami ng kaunti at pagkatapos ay gumala na naman. Kinahapunan, tinungo namin ang kanilang karnabal. Kahit walang pera, nanuod na lang kami at nang nagutom ay bumili ng tinapay. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD