Chapter 1
Ksenia's POV
Nakatingin lang ako sa labas ng bus habang nakangiti. Ilang oras na lang ay magkikita na kami ni Mama. Ilang taon na rin ang nakalipas simula noong huli kong punta rito. Five years old pa lang ako noon kaya wala na akong masyadong matandaan. Nakapapanibago sa pakiramdam. Umuulan nang malakas sa labas. Alas-dos na rin pala ng hapon. Inilagay ko ang earphones sa mga tainga ko saka ako pumikit.
Binabaybay namin ang daan papunta sa Saignon. Isa itong napakagandang village ng France. Nagpunta ako rito dahil tagarito si Mama. Hiwalay sila ni Papa, matagal na. Dati hindi ako pinapayagan ni Papa na makita siya kasi ayon sa kaniya, pinagpalit daw kami ni Mama sa ibang lalaki. Bata pa lang ako, 'yon na ang lagi niyang sinasabi sa amin. Totoo man 'yon o hindi, ina ko pa rin siya kaya walang dahilan para kamuhian ko siya.
Hindi alam ng mga kapatid kong nagpunta ako rito. Galit din sila kay Mama. Ako lang ang nag-iisang lumalapit sa Mama namin. Si Kuya John ay nasa America kasama ang asawa at dalawang anak nila. Si Ate Scarlet naman ay nasa Dubai. Nagtatrabaho kasi siya roon bilang manager ng isang hotel. Ako lang ang naiwan sa Pilipinas kasama si Papa. Ako lang naman ang pinaka-loyal sa aming magkakapatid. Normal lang siguro iyon kasi ako ang bunso. Pakiramdam ko rin minsan ay naiinis sila sa akin kaya ayaw nila akong kasama. Kamukhang-kamukha ko kasi si Mama. Nakikita nila si Mama sa akin.
Tumakas lang ako para bisitahin si Mama. Alam ko namang papayagan ako ni Papa kapag nagpaalam ako sa kaniya pero ayaw kong makita ang lungkot sa mga mata niya sa tuwing sinasabi kong bibisitahin ko si Mama pati si Uncle Thom. Kaya sinabi ko na lang na bibisitahin ko ang mga pinsan ko sa Palawan. Si Uncle Thom ang bagong kinakasama ni Mama. Habang tumatagal ay nagiging maluwag na rin sa akin si Papa. Hindi na niya ako pinagbabawalang makita si Mama.
Isa sa mga napatunayan ko sa buhay ay ang katotohanang mahirap lumaki sa isang broken family pero kailangan tanggapin.
Iminulat ko ang mga mata ko at kasabay nito ang pagsilay ng ngiti sa aking mga labi. Nadadaanan na kasi namin ang napakaraming vines sa daan. Kilala kasi ang lugar bilang alsace wine-growing and lavender region. Sobrang famous ng mga wines and lavender na inaangkat mula rito. Paano ko nalaman? Lagi lang namang ipinagmamayabang ni Mama ang lugar na 'to tuwing nag-uusap kami sa skype.
Nakangiti ako nang malapad nang magdesisyon akong tumayo. Nagulat ako nang biglang may isang lalaking nagmamadaling pumasok ng bus. Natabig niya ako nang malakas kaya napaupo ulit ako. Mas lalo pa akong nagulat dahil umupo siya sa harapan ko. Nakapikit siya nang mariin habang panay ang lunok niya. Halatang pagod na pagod siya base sa pawisan niyang katawan at mga damit. Apat na magkakaharap na upuan kasi ang porma ng bus.
Napasimangot ako nang umandar na ulit 'tong bus. Dapat bababa na ako kanina kasi roon ako susunduin ni Mama. Wala sa sariling napatingin ulit ako sa lalaking nasa harapan ko. Saang lupalop kaya siya galing? Napakunot ako ng noo nang magpatuloy akong pagmasdan siya. Nakadamit siya ng pang-jersey at ang porma ng suot niyang mga sapatos. Sa tabi naman niya ay nakaupo ang bola niya.
Basketball player siya?
Ang kinis ng mukha niya at guwapo rin, in fairness. Ang hahaba ng mga pilik-mata niya. Tinalo pa niya ang mga pilik-mata ko. Ang ganda rin ng hugis ng mga kilay niya. Ang yayabong sa kapal at itim. Bumaba pa ang mga mata ko sa mga labi niya. Napalunok ako kasi medyo nakaawang ang mga ito. Bumagay tuloy ang ayos niya sa magulong buhok niya. Napahawak ako sa tapat ng puso ko. Nakaramdam kasi ako nang kakaibang pakiramdam.
Nag-iwas na lang ako ng tingin baka mamaya isipin pa niyang pinagpapantasyahan ko siya habang tulog. Saglit, parang ganoon naman ang ginagawa ko talaga kaso ayaw kong aminin.
Tumingin na lang ako sa mga sapatos niya. Mahilig kasi ako sa mga sapatos. Marami akong collections ng mga ito sa bahay. Mga astig nga lang na mga sapatos ang hilig ko. Ayaw ko sa mga doll shoes dahil masyadong girly. Tama na sa akin ang mga rubber shoes at mga pang-hiking na shoes. Ibinabagay ko na lang sa suot kong mga palda.
Ginalaw ko ang kaliwang paa ko paharap kaya magkatapat na ang mga paa namin. Napangiwi ako, sobrang laki ng mga paa niya. Ang liit kasi ng mga paa ko. Size six lang yata ang mga ito. Size 20 na yata ang sa kaniya. Napangisi ako nang todo, sobrang tangkad din niya kahit nakaupo pa lang siya. Kinikilatis ko ang sapatos niya, kung ano ang materyal na ginamit. Sinusundot-sundot ko rin ito at saka pinag-aaralan ang mga kordon nito.
"What are you doing, kid?" malamig niyang tanong. Bigla akong natigilan.
Sinong kid? Wala naman bata rito.
Binitiwan ko itong kordon saka ako nag-angat ng mukha.
"Iyong..." Nagtama ang aming mga mata kaya hindi ko na lang itinuloy.
Ang ganda ng mga mata niya.
"Ah... May amoy tae kasi kanina... Tinitingnan ko lang baka nakaapak ka," palusot ko at umayos na ng upo.
Napakunot-noo lang siya sa akin. Tagarito pala siya. Hindi niya siguro naintindihan ang sinabi ko.
"I am sorry. I mean..."
Napamaang ako nang iniangat niya isa-isa ang sapatos niya para suriin. Nakaiintindi siya ng tagalog?
"Walang tae," malamig lang niyang sinabi saka niya ibinaba ang huling paang sinuri.
Wala naman talaga. Palusot ko lang naman 'yon kanina, eh. Marunong din siyang mag-tagalog! Hindi kaya Pinoy rin siya?
Tumawa ako nang alanganin saka sinabing, "Kung ganoon, 'yong nasa kabila pala 'yong nangangamoy kanina... Sorry."
Ngumisi lang siya sa akin. Bakit ang guwapo niya? Pakiramdam ko ay natutunaw na ako sa klase ng titig niya.
"Hindi ka tagarito, 'no?" naniningkit ang mga mata niyang tanong.
Nagulat ako sa tanong niya. Masyado bang obvious na hindi? "Ang galing mo naman! Paano mo nalaman?" manghang tanong ko.
Napapatingin pa rin ako sa mga sapatos niya. Parehas kasi silang guwapo.
Nakita kong umupo siya nang maayos saka niya sinuklay ang mga buhok niya gamit ang mga daliri niya.
"Sa laki ba naman ng maleta mo!" Ngumisi siya habang nakatuon ang tingin niya sa malaking maleta ko sa ibaba.
"May bibisitahin lang ako rito," paliwanag ko naman. "Pinoy ka rin ba?"
Mukha kasi siyang may lahi pero hindi ko lang matukoy kung ano. Parang medyo may halo pa kasi siyang ibang lahi. Hindi naman kasi halatang Pinoy siya. Parang kahawig pa nga niya ang mga tao rito sa bus.
"Bakit mo tinatanong, bata?" Natawa siya nang mahina kaya napangiti na rin ako.
Mas guwapo na naman siya kapag nakangiti.
"Bata talaga ang tingin mo sa akin?"
Marami talagang nagsasabing bata ako dahil na rin sa height ko. Pero pati ba naman siya ay ipapamukha niya kung gaano ako ka-pandak? One hundred fifty eight centimeters lang naman ang tangkad ko pero matanda na ako. Katatapos ko nga lang nag-debut four months ago, eh.
"Oo. Mga ten to fifteen years old, tama ba?"
Napasimangot na lang ako sa naging hula niya. Kung gano'n, Nene pa rin ako sa paningin ng iba. Taon ko na lang ang tumatanda sa 'kin.
"Ang bata mo pa para bumiyahe nang ganito kalayo. Mabuti hindi ka pinapalo ng mga magulang mo," dagdag pa niyang sabi habang nakangiti. 'Yong timpla ng ngiti niya ay ngiti talaga sa mga bata.
Tumikhim ako. "Eighteen na ako. Hindi na ako bata. Hindi lang talaga masyadong halata sa itsura ko."
Nawala naman ang ngiti sa mga labi niya. "Nag-a-addict ka ba, bata? Alam kong type mo ako pero hindi ako pumapatol sa bata. Mag-aral ka muna."
Napamaang ako at natawa na lang nang malakas.Totoo naman 'yong sinabi niya.
"Nag-a-addict ako rati pero mikmik lang na powdered milk ang ginagawa kong shabu. Masarap kasi at saka safe. Hmmm... Mura pa 'yon, Try mo!"
Napakamot na lang ako kasi nakangiti lang siya sa akin.
"Addict talaga." Umiling-iling siya. "Saan banda ang bahay n'yo?" bigla niyang tanong. "Ihahatid na kita."
"Hindi ko alam." Naalala ko bigla si Mama.
Baka kanina pa niya ako hinihintay roon. Hindi ko pa naman kabisado ang lugar na ito. Tatawagan ko na lang siya mamaya.
"Hindi mo alam?" hindi makapaniwala na tanong niya. Nag-nod lang ako sa kaniya. "Naglayas ka ba sa inyo?"
Umiling naman ako agad.
"Imposible!" hindi makapaniwala na sambit niya. kinuha niya 'yong bola niya saka siya tumayo. "S'arreter!" malakas niyang bigkas sabay tayo.
Tumigil naman 'tong bus. Nakatitig lang ako sa kaniya. Ang tangkad pala talaga niya. Basketball player talaga ang dating at tangkad niya.
Ewan ko ba kung bakit siya naka-jersey ngayon? Medyo malamig kaya ngayon. Mabuti na lang tumigil na ang ulan. Nag-uumpisa na namang sumikat ang araw.
"Tutunganga ka na lang ba, bata? Huwag ka ngang lutang diyan," sita niya sa akin.
"Eh," sambit ko at napamaang na lang sa klase ng tingin niya.
"Dalhin mo 'yang maleta mo. Ipupunta kita sa police station para maibalik ka na nila sa mga magulang mo," ang sabi niya.
Wala sa sarili binitbit ko ang medyo malaki kong maleta. Tumayo ako pero nabunggo lang ako sa may chest niya.
"Aray!" impit kong sambit.
Namangha ako kasi hanggang sa tapat ng puso niya lang pala ako. Pagkatayo pa lang, puso na agad niya ang nakita ko. Hindi kaya may meaning 'to? Joke lang! Ganoon siya katangkad. Nakangangalay tuloy ang tumingala sa kaniya.
"Naku, bata! Gamitin mo rin 'yang mga mata mo paminsan-minsan," wika niya at nauna na siyang naglakad pababa ng bus.
Nakasunod lang ako sa kaniya. Abala siya sa paglalakad habang pinaglalaruan niya ang bola. Hindi ko ininda ang bigat ng maleta ko. Ang guwapo rin kasi pati 'yong likod niya. Napapatingin din ako paminsan-minsan sa dinadaanan namin. Hindi ko na alam kung nasaan na kami. Paano na ako ngayon?
"Pourquoi êtes-vous ralentir?"
Napunta sa gawi niya 'tong atensiyon ko. May sinasabi kasi siya pero hindi ko maintindihan. Nakalingon na siya sa akin. Ina-analyze ko na lang sa bobo kong paraan 'yong sinabi niya.
"Tinatanong mo ba kung saan ang bilihan ng tortillos na cheese flavor? 'Di ko alam, eh," parang tanga kong sagot. Tortillos kasi 'yong narinig kong sinabi niya. "Tortillos ba o Tahos?"
"Pfft!" ang tanging lumabas sa bibig niya. Kinamot niya ang ilong niya at sinabing, "Totoo ngang hindi ka tagadito."
"Hindi nga kasi ako tagadito. Ikaw ba nakatira ka rito?"
Itinalbog lang niya ang bola niya sa semento. "Living here with no choice but with purpose," makahulugan naman niyang wika.
Ang seryoso ng mukha niya at halatang ayaw niyang tumira dito. Bakit kaya? Ang ganda kasi ng lugar pero parang bale-wala lang sa kaniya.
"Ah... So, Pinoy ka rin? Puwede ring half Pinoy at half french. Nagta-tagalog ka kasi, eh..."
Hinila ko ulit 'tong maleta ko habang naglalakad ako. Ngayon ay magkatabi na kaming nakatayo.
"Hindi ko sure kung tag-ilang percent. Marami kasi akong lahi pero may lahi akong Pinoy. Why am I talking to you?" kunot-noo na tanong niya.
"Ewan ko rin..." Napakamot na lang ako sa ulo.
Ang gulo niya kausap. Siya kaya ang nagsabing sumunod ako sa kaniya. Saka kanina pa kaya kami nag-uusap.
"Naliligaw ka ba talaga o gusto mo lang magpapansin sa akin, bata? Nag-aaksaya ako ng oras sa 'yo pagkatapos baka alam mo naman pala kung saan ka pupunta."
Natahimik na lang ako. Alam ko naman kasi ang gagawin ko. Puwede kong tawagan si Mama kahit anong oras para sunduin ako. Basta parang mayroong nag-uudyok sa akin na sundan lang siya.
"Umm... Bababa na dapat ako kanina."
Tinititigan niya lang ako diretso sa mga mata ko. Nakaiilang tuloy. Tila ipinaparating niyang liwanagin ko 'yong una kong sinabi.
"Pero nahumaling ka sa akin kaya hindi ka na tumuloy. Tama ba?"
Hindi ko hawak ang pagdaloy ng dugo ko pero parang itinodo nilang mag-circulate lang banda sa mukha ko. Bigla akong namula sa sinabi niya!
"Ah... Hindi, ah! Natabig mo kaya ako kanina. Hindi mo na maalala? Sa lakas ng impact ng pagkakasagi mo sa akin, napaupo ulit ako. Hindi ko na namalayan na umandar na pala ulit 'yong bus kanina," paglilinaw at pagtatanggol ko sa sarili ko. "Alam mo bang naghihintay sa akin si Mama roon?"
"Natabig ba kita? Wala akong matandaan, bata."
Naiinis na ako sa kaniya. Ang lakas din ng bilib niya sa sarili niya. Ganoon siya kagaling maka-detect kung may nagkakagusto sa kaniya?
"Paano mo mapapansin? Nakapikit kaya ang mga mata mo kanina."
Naalala ko na naman noong una ko siyang masilayan kanina. Parang bumilis na naman 'tong pagkabog ng puso ko.
"Really?" may halong pang-uuyam niyang tanong. "Pinagsawaan mong titigan ang mukha ko kanina kaya nakalimutan mong patigilin ulit 'yong bus. Well, I'm used it, kid. If you really planned to make me noticed you, absolutely yes you did. You are just different among them because you have still the guts to deny." Ngumisi siya sa akin nang nakaloloko.
Hindi ko alam kung bakit hindi ko magawang mainis sa kaniya kahit masyado na siyang mayabang.
"Guwapo ka pero hindi kita type. Promise!" Itinaas ko ang kaliwang kamay ko.
Ngumisi lang siya sa akin na para bang hindi siya naniniwala. Nagulat na lang ako dahil bigla kaming pumasok sa taniman ng mga vines dito. Medyo masukal pero ayos lang naman dahil malinis ang tinatahak naming daan.
"Saan tayo pupunta? Bakit dito tayo dumaan? May mga ahas ba rito?" sunud-sunod kong mga tanong habang unti-unti akong nilalamon ng kaba. "Bakit tayo napadpad dito?"
"Para walang makakita kapag naisipan kong gahasain ka," seryosong sagot niya na siyang nakapagpatigil sa akin sa paglalakad.
"Ah," napapaatras akong sambit. "U-uuwi n-na l-lang p-pala a-ako," nauutal kong ani.
"Ang lakas din ng bilib mo sa sarili mo, 'no?" tuwang-tuwa niyang wika. "Hindi kita type para sabihin ko sa 'yo. Hin..."
Natigilan kaming pareho nang malakas na tumunog 'tong cellphone ko. Agad ko itong inilabas mula sa pocket ng maleta ko. Nakahinga ako nang maayos nang makita kong si Mama ang tumatawag.
"Mama!" una kong sabi pagkasagot ko.
"Nasaan ka na? Bakit wala ka pa rito sa meeting place natin? Akala ko ba malapit ka na?" sunud-sunod niyang tanong. "Naliligaw ka naman na yata, eh. Tell me, where are you?"
Ramdam ko 'yong pag-aalala sa tono ng boses niya.
Muli akong napatingin sa lalaki sa harapan ko. Hindi ko alam kung bakit ngayon ko lang napansin ang kakaibang awra niya ngayong malapit na kaming maghiwalay. Akala ko kanina ay pagod lang siya dahil nga halata namang kagagaling niyang maglaro ng basketball. Pero ngayong nakapagpahinga na siya nang kaunti ay parang pagod pa rin ang itsura niya. Para siyang may iniindang sakit...
"Ksenia!" malakas niyang tawag sa akin.
Kung hindi pa ako tinawag ni Mama sa kabilang linya ay hindi na ako matatauhan pa.
"I am asking you, where are you?" tanong niya. "Kanina pa ako kinakabahan dito."
"Narito ako sa napakaluwang na taniman ng grape vines," sagot ko. Nilibot ko 'tong paningin ko sa paligid. "Nandito na yata ako sa lagpas ng village, Mama..."
"Tingnan mo kung gumagapang na 'yong mga grapes?"
Sumunod naman ako agad.
"Hindi pa, Mama. Hindi pa po gumagapang. Nasa lupa pa lang po."
"Okay, alam ko na riyan. Basta pumunta ka sa kalsada para makita ka namin agad. Lilibutin na lang namin ng Tito Thom mo sa banda riyan."
Lumingon ako para tingnan 'yong kalsada bago kami pumanhik kanina rito. Nakikita ko pa naman kaya naginhawaan ako. Pagkaharap ko ulit sa lalaking kasama ko ay nakalayo na siya mula rito sa kinatatayuan ko. Hindi naman imposibleng makalayo siya agad. Sa haba ba naman ng mga biyas niya? Hindi man lang siyang umimik bago umalis...
Gusto ko man siyang takbuhin, hindi ko naman magawa dahil kailangan ko nang pumunta sa kalsada. Mahirap na, baka malagpasan pa ako nila Mama.
Fifteen minutes akong nakatayo rito sa kalsada bago ako nakita nila Mama.
"Akala ko kung ano na ang nangyari sa 'yo!" bulalas ni Mama habang tumatakbo palapit sa akin.
Niyakap niya ako nang mahigpit pagkalapit niya. Yumakap na rin ako pabalik sa kaniya. Nakangiti namang naglalakad si Tito Thom patungo rito sa kinaroroonan namin.
"Okay lang naman po ako, Mama. Wala naman pong nangyaring masama," sabi ko para mapanatag na siya.
Nagkumustahan lang kami pagkatapos ay sumakay na kami ng sasakyan. Habang tinatahak namin ang daan pauwi ay naglalaro pa rin sa isipan ko 'yong lalaking nakasama ko kanina.
Magkikita pa kaya kami ulit?
"How do you find our place, anak?" masiglang tanong sa akin ni Tito Thom habang abala sa pagda-drive.
Parang hinaplos 'tong puso ko nang tawagin niya akong anak. Feeling ko naman ay mabait na tao si Tito Thom. Nakilala ko na siya noong huli kong punta rito pero magkaibigan pa lang sila ni Mama noon.
"Very beautiful, Tito," nakangiting sagot ko naman.
"I am glad to hear that from you. Welcome to France, Ksenia!"
Nagkatinginan sila ni Mama saka sabay na ngumiti.
"There are a lot of adventures that I am looking forward to you to try."
"Thank you for your warm welcome, Tito... Excited na nga rin po akong libutin 'tong village n'yo."
"Alam mo, anak, wala pa sa kalahati 'tong mga nakikita mo. Marami ka pang matutuklasan at sigurado akong magugustuhan mo lahat ng mga makikita mo rito," masayang-masayang wika ni Mama.
Mali man pero sana si Papa ang kasama namin ngayon. Mas masaya siguro ako. Pero wala, eh. Ito na iyong bagong larawan ng pamilya namin. Hindi ko inaasahang masasaktan pa rin ako hanggang ngayon na makita si Mama na masaya sa piling ng iba. Ang sakit kasi hindi na si Papa ang dahilan.
"May problema ba, anak?" tanong ni Mama sa akin nang mapansin niya sigurong natulala ako. "Nagugutom ka na ba? Puwede tayong tumigil para kumain."
Umiling ako, "Hindi na po, Mama. Sa bahay n'yo na lang po." Nahihiya akong sumulyap kay Tito Thom.
"Natin... Us. Bahay natin," pagtatama naman na sabi ni Mama.
Pinilit kong ngumiti pabalik sa kaniya. Saglit lang na katahimikan ang namayani sa amin nang magsalita ulit si Mama.
"Puwede kang mag-kapilla rito. May malapit na kapilla mula sa bahay. Puwedeng-puwede mo ring lakarin."
Natuwa ako sa sinabi niya, "Talaga, Mama?" hindi makapaniwala na tanong ko.
"Oo naman."
Isa kasi akong mang-aawit sa church namin. Talagang itatanong ko rin sana sa kaniya kung may Iglesia Ni Cristo na kapilla rito. Salamat naman dahil inunahan na niya ako.
"Puwede ka ring maging mang-aawit habang nandito ka."
Mas lalo pa akong natuwa sa suhestiyon niya. "Sige po, Mama. Gusto ko po talaga!" excited kong turan sa sobrang galak.
End of Ksenia's POV