OSWL (BOOK 1) Prologue
Prologue
Ibinaba ko ang binabasa kong libro saka ako pasimpleng tumingin kay Lander Lyon. Ang bilis ng t***k ng puso ko kapag nakikita ko siya. Siya talaga ang dahilan kaya ako nagpunta rito sa Gym. Lagi ako rito tuwing hapon kasi uwian na. May mga practices sila sa ganitong oras.
Nakaupo lang ako rito sa bleacher habang pinapanood ko siyang naglalaro ng basketball. Kalaro niya ang mga ka-teams niya pati ang coach nila. Tumingin sa akin si Tito saka siya kumaway. Tito ko ang coach nila. Nagulat ako sa ginawa niya. Nakita pa rin pala niya ako. Hindi man lang ako na-informed na matang-lawin na pala si Tito ngayon.
"Okay ka lang ba riyan?" malakas na tanong ni Tito sa akin.
Gusto ko sanang magtago sa libro ko pero huli na. Nakita na nila ako. Napatingin din sa akin si Lander kaya napalunok ako ng laway. Ang guwapo niya! Napasulyap ako sa gatorade sa tabi ko. Sobrang pinagpapawisan siya. Gusto ko tuloy ibigay sa kaniya.
"Po? Ah..." Tumigil ako at napakamot na lang sa ulo. "O-Okay l-lang p-po a-ako, Tito," nauutal kong sagot.
Ngumiti lang sa akin si Tito saka siya nag-thumbs up.
"Practice more! I'll be back!" narinig kong sabi niya sa mga players niya.
Nagtagpo ang mga mata namin ni Lander. Napahawak ulit ako sa tapat ng puso ko. Ngumisi lang siya sa akin saka siya tumalikod.
Hinihingal na umupo si Tito sa tabi ko nang makalapit siya sa 'kin. "Nandito ka na naman. Bakit ba lagi ka rito?" nagtatakang tanong niya. "Maingay rito kaya hindi ka makapag-re-review nang maayos. Dapat sa library ka pumunta para marami kang matutuhan."
Napasimangot na lang ako sa naging suhestiyon niya. Vacation din nila rito sa Aruz University. Ang nakatutuwa rito ay iniiwan nilang open 'tong mga school facilities sa mga kabataan, katulad na lang nitong gym. Lagi kami rito kasi maraming mga Pilipino rito. Bukod pa roon ay open din ang mga libraries nila rito. Madalas ako rito kasi mahilig akong magbasa ng mga kung anu-anong books.
"Tito, may multo roon," mahinang ani ko.
"Ikaw talaga! Nagpapaniwala ka sa kuwentong 'yan," tumatawang sabi niya.
Napatitig ako bigla kay Tito. Kamukha niya talaga si Papa. Talagang magkapatid sila. Walang duda.
"Totoo 'yon, Tito. May malamig kaya roon lagi kahit hindi naka-on ang aircon," mahinang sabi ko habang nakatingin kay Lander.
"Si Lander ay ang pinakamagaling kong player," pagpapakilala niya nang mapansin niyang nakatingin ako rito. "Sayang lang dahil hindi siya nakatira at hindi nag-aaral dito... Pero kitang-kita ko ang galing niya sa paglalaro ng basketball. May future 'yang batang 'yan," nakangiting wika niya habang nakatanaw sa naglalarong si Lander.
'Yong tingin ko sa kaniya ay naging titig na. Mabilis akong nag-iwas ng tingin nang bigla siyang tumingin dito sa gawi namin. Nahuli yata niya akong nakatingin sa kaniya.
"Kaya siguro nagustuhan din siya ni Anastasia."
Ang anak niya ang tinutukoy niya.
"Uuwi na ako. Susunduin ko pa ang pinsan mo."
"May practice pa kayo, 'di ba, Tito? Alangan iiwan mo sila rito?"
Natawa siya sa sinabi ko at sinabing, "Matatanda na sila. May gusto akong ipagawa sa 'yo." Lumapad ang ngiti niya. "Hindi naman ito mahirap."
"Ano po 'yon, Tito?" Kunot na kunot ang noo kong tanong.
Wala sa sariling napatingin ulit ako kay Lander. Natigilan ako kasi nakatingin din siya sa akin.
"Pakibigay naman ito kay Lander."
"Po!" gulat na gulat kong bulalas. Napabitiw tuloy ako ng tingin kay Lander dahil sa pakisuyo niya. "Ano po 'yan? Love letter?"
Napapakamot si Tito habang tumatawa. "Ang galing kasi nahulaan mo agad," mangha niyang turan. "Mga kabataan nga naman. Ako ang inutusan ni Anastasia para ibigay ito kay Lander pero bilang coach, hindi ko 'yon magagawa kahit anak ko pa siya kaya ikaw na lang."
Natulala na lang ako sa kaniya, nagdadalawang-isip kung bilang pinsan ay magagawa ko rin 'yon.
Mabuti pa si Anastasia kasundo niya ang Daddy niya. Nagagawa pa niyang makisuyo rito para sa taong nagugustuhan niya. Iba kasi si Papa kay Tito. Mahigpit si Papa sa akin. Simula noong magloko si Mama ay mas naging mahigpit pa siya sa akin. Kung maaari lang ay huwag na raw muna akong mag-bo-boyfriend dahil ayaw niyang masaktan ako. Ayaw niyang ako ang sumalo sa karma na dapat ay kay Mama. 'Yong ginawang panloloko raw ni Mama kay Papa ay may kabayaran.
Wala sa loob, inabot ko ang letter.
"Salamat, hija, ha? Sige, mauuna na ako."
Wala na akong nagawa nang tumakbo na paalis si Tito. Makalipas ang isang oras ay pumuwesto na ako rito sa bukana ng pintuan ng gym. Nakaabang lang ako rito sa malapit sa court. Tapos na ang practice nila Lander. Nag-aayos pa siguro sila ng mga gamit sa loob. Napapatingin na lang ako rito sa letter.
'Di ko tuloy alam kung ibibigay ko sa kaniya 'to. Parang inilalakad ko na rin ang pinsan ko sa taong gusto ko...
Natigilan ako nang may bolang nagpagulong-gulong sa sahig. Tumigil ito sa mga paa ko. Pagkaangat ko ng mukha ko, si Lander ang nasilayan ko. Humigpit ang pagkakahawak ko sa letter.
Ngumiti siya sa akin saka siya naglakad palapit sa akin. Sa matinding kaba na nadarama ko ay napayuko ako nang kaunti saka ko inilahad 'tong letter. Nakikita ko pa rin siyang naglalakad palapit.
"Witwiw! Another fan!" nanunuksong tili ng isang barkada niya.
"Igop!" malakas na sabi pa ng isa.
Igop means pogi. Binaliktad lang.
"Whoa!" hiyawan ng iba pa niyang mga barkada na tila kinakantiyawan siya.
Mabuti na lang dahil kami na lang ang mga tao rito. Kaya ko pa namang tiisin 'yong hiya na sa tingin ko'y hindi ko naman deserve.
"Magsiuwian na nga kayo!" natatawa at malakas na taboy ni Lander sa kanila.
Naramdaman kong tumigil na siya sa harapan ko. Inabot niya ang letter kaya napatayo na ako nang maayos. Gusto ko na talagang himatayin. Ang lapit-lapit kasi niya sa akin.
"I love you," basa niya sa letrang nakasulat sa cover ng letter.
Ano ba naman si pinsan? "I love you" agad 'yong sinabi niya! Puwede namang, hello or hi, my name is Ana, gano'n!
"Ano..." Tumigil ako para mag-compose ng sasabihin ko.
Bakit kasi hindi pa lang ako nag-compose kaninang hinihintay ko sila? Para tuloy akong mauutal kapag sinubukan kong magsalita.
"Bigay..." Tumigil ako nang magsalita siya.
"Run if you still can, Miss," aniya na tila isang warning.
Nagulat man ako sa sinabi niya ay desidido pa rin akong sabihin kung kanino galing 'yong letter.
"Ganito kasi 'yan..." Muli siyang nagsalita kaya napalitan na naman akong tumigil.
"Kaya ka ba lagi rito, Miss?" Nagseryoso siya at mataman akong tiningnan. "I said run but you're still here."
Parang wala sa sariling tumingala siya sa mga bleachers sa itaas. Tila may magnet na naroroon na humahatak nang malakas para mapatingin din ako. Napalunok na lang ako nang may makita akong babaeng nakatayo roon habang matamang nakatingin sa amin.
Muli akong tumingin kay Lander. Nagulat ako sa sumunod niyang ginawa. Hinatak niya ako sa braso saka niya ako hinalikan sa mga labi ko. Nanlalaki ang mga mata ko habang gumagalaw ang mga labi niya sa ibabaw ng mga labi ko.
His lips are warm, soft and sweet. The musk smell coming from him makes me wonder what shower gel or soap he used to be this so fresh. The mint flavour of his mouth savoured every corner of my mouth, almost tasting it with my tongue. Every move of his on mine is gentle, making me feel his unfamiliar respect despite him not giving permission before doing the move.
Tulala pa rin ako nang bumitiw siya sa mga labi ko at mga braso ko. Ngumiti siya sa akin nang matamis kalaunan.
"Tayo na. Girlfriend na kita," wala man lang ka-feelings feelings niyang sinabi!
Paano naman ako mapapa-oo kung parang robot 'yong pagkakasabi niya?
Pero ano raw? Girlfriend? Ako?
Gulat na gulat man ako sa nangyari ay nagawa kong tumingala muli upang i-check 'yong babae kanina. Parang kumikirot ang puso ko nang makita ko ang sunud-sunod na pagtulo ng mga luha niya. Malakas ang kutob kong ang paghalik sa akin ni Lander ang dahilan. Napaisang hakbang ako nang bigla itong tumakbo pababa at mabilis na tinahak ang daan palabas ng gymnasium.
Hindi ko alam kung ano ang mayroon nang tingnan ko si Lander. Kung nagulat man ako sa babae kanina ay mas nagulat ako sa mukha niya ngayon. Namamasa-masa ang mga mata niya at tila kaunti na lang ay maiiyak na siya. He's undeniably in pain!