“Mga dude, you will not believe this!” Narinig niyang sabi ni Arthur sa mga kaibigan.
Kararating lang niya sa bar kung saan sila nagtitipon-tipon. Inabutan niya ang mga itong nakaupo sa paborito nilang puwesto. Mukhang inuumpisahan na ni Arthur ang ilaglag siya sa mga kaibigan nila. Hindi niya kasi ugali ang umayaw sa mga lakad nila. Kaya naman nagtaka ito kanina sa kaniyang isinagot.
“Stop that Arthur!” saway niya sa madaldal niyang kaibigan.
Bago pa nito maibuko ang nasaksihan nito sa kaniyang opisina kanina. Sabay-sabay namang napalingon ang tatlong lalake sa kaniya. Wala si Jaspher dahil busy raw ito sa kaniyang girlfriend.
“Oh, buti naman at nagbago ang isip mo at sumunod ka rito,” sabi ni Kim sa kaniya. Kinamayan niya ito saka siya naupo sa tabi ni Nathan.
“I got bored that’s why I decided to come,” kibit balikat na saad niya sa mga ito.
“Dude, let me tell them what I saw in your office.” Pangungulit pa rin ni Arthur sa kaniya.
Nagnining-ning pa ang mga mata nito, at tila excited na i-kuwento sa mga kaibigan ang nakita niya kanina. Napailing na lang siya rito habang nakangisi.
“Bahala ka,” maiksing sagot na lang niya rito. Hindi rin naman siya titigilan nito, kaya hahayaan na lang niya ito sa gusto nitong mangyari.
“Ano ba kasi iyon, at interesadong-interesado ka?” tanong naman ni Nathan dito, saka sumimsim ng inumin sa baso nito.
At ikinuwento na nga nito ang nangyari kaninang umaga sa kanilang mga kaibigan. Napapailing na lang siya habang nakikinig dito. Palibasa si Arthur ang pinakabata sa kanila, kaya ganito pa ito mag-isip. Walang siniseryosong usapan.
“Hmmm, interesting huh. First time naming marinig na talagang pag-iisipan mo ang sumama ngayon huh. And that mask thing, what’s with that?” Napahimas pa sa baba si Nathan habang nang-uusig na nakatingin sa kaniya.
“Tigilan niyo na nga iyan. Dapat itong si Kim ang iniintindi ninyo at hindi ako,” saway na lang niya sa mga ito, para iiwas ang mga kaibigan sa pagtatanong tungkol sa nangyari kanina. “Ano na naman bang nangyare sa iyo Kim?” agad niyang tanong sa kaibigang kanina pa walang imik.
Nagtagumpay naman siya sa kaniyang ginawa. Dahil ngayon ay na kay Kim na ang atensyon ng dalawa. Mabuti naman para hindi siya ma-hot seat ng mga ito.
“Wala na mga dude. Iniwan na talaga ako ni Ynah,” malungkot na saad nito sabay lagok nito sa iniinom na alak. Napasipol naman ang dalawang makukulit nilang kaibigan.
“Ang sakit mga dude. Mas pinili niya ‘yong kumag na iyon over me!” patuloy na paglilitaniya nito sabay lagok uli nito sa bagong saling alak, at muling nagsalin ng panibago.
“Dude, baka naman nagkamali ka lang ng perception? Paano ba kayo naghiwalay? Sinabi ba niya sa iyo na pinipili niya si Noel over you?” tanong ni Nathan sa kaibigan.
Himalang walang halong kalokohan ang tanong nito ngayon. Madalas kasi, ito at si Arthur ang magkakampi pagdating sa kalokohan. Tahimik lang si Kim at tila nag-iisip. Base sa reaksiyon nito, mukhang hindi pa nito nakakausap ang nobya. Masyado kasing padalos-dalos mag-isip ang kaibigan nilang ito. Masyadong possessive at seloso, kaya madalas na iyon ang pinagtatalunan nila ng kasintahan nito.
“Tama naman si Nathan, nagkausap ba talaga kayo, o nakita mo lang silang magkasama? Magkaiba iyon dude,” dugtong niya sa sinabi ni Nathan. “Kawawa naman si Ynah, nahusgahan mo na siya agad, nang hindi mo man lang nakakausap.” Sumimsim na rin siya ng alak na kanina pa niya hawak.
Tahimik lang si Kim habang nakikinig sa kanila. Mukhang nag-iisip din ito ng mga sandaling iyon. Malamang na nakita lang niya ang kasintahang may kasamang iba, at nag-isip na agad ito ng kung anu-ano. Kilala niya ang kaibigan niyang ito. Seloso ito at lahat na lang ng tao pinag-seselosan nito. May magtanong nga lang sa nobya nito, ay nagagalit na siya. Kilala rin niya ang lalakeng sinasabi nito. Si Noel Basco, officemate ni Ynah.
“Alam niyo mga dude, ‘wag niyo na muna isipin iyang mga chicks niyo. Kaya nga tayo nandito para makalimot itong kaibigang Kim natin eh, tapos pag-uusapan natin si Ynah eh di hindi naka-move on ‘to,” nakangising sabi pa ni Arthur at saka inakbayan nito si Kim.
Ibang klase talaga itong kaibigan nilang ito. Lahat dinadaan sa pagiging cool. Palibas mas bata ito sa kanila. Napa-iling na lang siya at nagpatuloy na sa pag-inom. Nakinig na lang siya sa usapan ng mga ito. Hanggang sa magkayayaan na silang umuwi. Dahil wala namang lasing sa kanila, ay nagkani-kaniya na rin sila nang uwi.
“Oh paano mga ‘tol, uwian na ha? Kim diretso sa bahay at hindi kung saan-saan. Huwag kang susugod kila Ynah ng ganiyan ang itsura mo. Ipagpaliban mo na lang muna ngayon. Saka na kapag matino na ang pag-iisip mo,” payo pa niya sa kaibigan nang nasa tapat na sila ng mga sasakyan nila.
“Oo naman ‘tol. Mag-iingat tayong lahat sa pagmamaneho. Saka salamat mga ‘tol ha? Hanggang sa muli,” nakangiti nang sabi nito sa kanila.
“Alright! See you guys!” magkapanabay pang saad nina Arthur at Nathan.
Tinanguan niya ang mga ito bago sila nagsisakayan sa kani-kanilang sasakyan. Isa-isa rin nilang nilisan ang lugar na iyon, at tinahak ang daang pauwi sa kani-kanilang bahay.
Kinabukasan, nagmamadali si Karen na makarating sa opisina ng boss niya dahil male-late na siya. Napuyat kasi siya kagabi dahil sa pagbabasa sa internet ng kung ano-ano. Kaya naman ngayon ay hindi siya magkanda-ugaga sa paglakad-takbo papuntang opisina. Pinilit niyang humabol sa elevator ngunit ang sira-ulong lulan noon ay ni hindi man lang siya hinintay.
‘Ang sama ng ugali buwiset!’ nag-abang na lang siyang muli ng elevator.
Nang muling bumukas ang elevator ay nagmamadali siyang sumakay roon. Limang minuto bago mag-alas otso, nakarating na siya sa opisina ng boss niya. Nakahinga siya nang maluwag nang makitang wala pa ang halimaw niyang boss.
‘Suwerte pa rin girl, wala pa si boss-abos! Eheheh,’ lumakad na siya patungo sa kaniyang mesa, nang biglang may magsalita.
“Good Morning, you’re almost late!”
“Ay anak ka ng…” nabitin ang sasabihin niya nang makita niya ang kaniyang amo.
Bahagya pa siyang napatalon at napahawak sa kaniyang dibdib, dahil sa pagkagulat. Nakasandal ito sa hamba ng pintuan ng pantry, at may hawak na mug. Muntik pa nga siyang mapatakbo palabas ng opisina, sa sobrang nerbiyos niya.
“Anak ako ng?” tanong nito sa kaniya. Umalis ito mula sa pagkakasandal at naglakad palapit sa kaniya.
“Wala po. Nagulat lang ako. Kasi naman basta-basta ka na lang sumusulpot diyan,” nakangusong saad niya rito.
Inilapag na niya ang kaniyang bag, saka binuksan ang kaniyang computer. Magsisimula na sana siyang magtrabaho, nang muling magsalita si Macky sa kaniyang harapan. Hindi pa niya namalayang nakalapit na pala ito sa lamesa niya.
“Don’t I deserve a sweet good morning, Ms. Castillo?” tanong nito sa kaniya na hindi tinatanggal ang pagkakatitig ng mga mata nito sa kaniya.
Napa-angat naman ang kaniyang ulo nang marinig ang sinabi nito. Bahagya pa siyang nailang sa paraan ng pagkakatitig nito sa kaniya. Ramdam na ramdam kasi niya ang init nang titig nito, kahit pa nakamaskara ito. Tumikhim siya bago tumugon dito.
“G-good Morning boss,” tabingi ang mga labi niyang bati rito.
‘Syete naman oh, bakit ba ako nabubulol?’ sita niya sa kaniyang sarili.
Nagtaka pa siya nang inilapag ni Macky ang mug na hawak nito sa kaniyang table, saka lumakad pabalik sa lamesa nito. Nakita niyang kape iyon na may creamer. Napa-awang pa ang kaniyang bibig sa ginawa ni Macky.
‘Ipinagtimpla ba niya ako ng kape?’ naguguluhan pa rin siya habang nakatingin dito. Prenteng nakaupo na ito sa lamesa nito, at nakayuko sa mga papel na nasa harapan nito.
“Don’t think too much. Kape lang iyan. Baka kasi hindi ka pa nagkakape,” hindi tumitinging saad nito sa kaniya.
Kinilig naman siya sa ginawa nitong iyon. Hindi rin niya maintindihan ang sarili kung bakit siya nakakaramdam ng ganoon. Samantalang noong nakaraan lang eh, nabubwisit siya rito.
‘Oh, my vegetable… Why so bait today?’ Kinagat pa niya ang ibabang labi para pigilang mapangiti.
“Ms. Castillo, start working now. Don’t stare at me, baka isipin kong nagkakagusto ka na sa akin,” untag nito sa kaniya nang hindi pa rin siya kumikilos upang magtrabaho.
‘Huh? Paano naman niya nalaman na nakatitig ako sa kaniya, eh nakayuko naman siya? May mata ba siya sa tuktok ng kaniyang ulo?’ bulong niya sa kaniyang sarili.
Umayos na lang siya nang pagkakaupo sa harap ng kaniyang lamesa, at inumpisahan ang kaniyang trabaho. Muli niyang tinignan ang tasa ng kape saka napangiti roon. Hindi pa rin niya akalain na ipagtitimpla siya ng kape ni Macky. Tumikhim pa siya saka nag-focus na sa kaniyang trabaho.
‘Work na tayo self, mamaya na lang tayo ulit lumandi!’ napangisi pa siya sa naisip niyang kalokohang iyon saka nag-umpisa nang magtrabaho.
Napatingin si Macky sa puwesto ni Karen nang tahimik na itong nagtatrabaho. Napangiti pa siya nang makitang iniinom na nito ang kapeng kaniyang tinimpla para rito. Hindi rin niya maintindihan ang kaniyang sarili. Alam niyang may epekto si Karen sa kaniya pero hindi pa niya mapangalanan kung ano iyon. Basta ang alam lang niya ay natutuwa siyang asarin ito. Maya-maya ay tumayo siya at naglakad patungong pintuan.
‘Hindi man lang ako sinulyapan?’ sabi pa niya sa kaniyang sarili.
Napabuntong hininga na lang siya, at saka nagtuloy na sa paglabas ng opisina. Pupuntahan niya si Mrs. Santos at kukumustahin. Baka kasi nahihirapan itong walang assistant sa opisina nito. Kinuha kasi niya si Karen mula rito.
“Mrs. Santos, kumusta po?” tanong niya rito nang makarating siya sa opisina nito. Napaangat naman ng tingin ang ginang sa kaniya.
“Oh hijo, napadaan ka, may kailangan ka ba?” magiliw nitong tanong sa kaniya. “Maupo ka muna,” sabi pa nito sa kaniya. Agad din naman siyang sumunod sa matanda.
“Wala naman po, mangungumusta lang po. Baka po kasi nahihirapan na kayo rito,” nakangiting sabi niya rito.
“Naku hijo, okay lang naman ako. Wala naman masyadong ini-encode,” nakangiting saad ng matanda sa kaniya.
“Eh ikaw kumusta ka naman sa opisina mo? Kumusta naman kayo ni Karen?” nanunuksong tanong nito sa kaniya. Napakamot naman siya sa kanyang batok sa itinanong nitong iyon.
“Okay naman po. Nag-eenjoy naman po ako sa opisina,” nakangiti niyang sagot sa ginang.
“Mabuti naman kung ganoon. Mukhang alam ko na kung bakit ka nag-eenjoy sa opisina mo,” nanunudyong saad pa nito sa kaniya.
Natatawa naman siyang nag-iwas nang tingin dito. Bahagya rin ang pag-iinit ng kaniyang pisngi. Para siyang bumalik sa pagiging teenager.
“Ano tama ba ako hijo?” tanong pa nito sa kaniya.
“Kayo talaga Mrs. Santos kung ano-anong iniisip niyo,” sagot naman niya sa ginang saka tumayo na.
“Oh bakit? Hindi ba’t si Karen ang dahilan kung bakit ka nag-eenjoy?” panunukso ulit nito sa kaniya. “Alam mo hijo, she’s a good, smart, and funny girl. Kaya hindi na ako magtataka kung magustuhan mo siya,” sabi pa nito sa kaniya.
“Kayo po talaga. Sige po babalik na ako sa opisina. Magsabi lang po kayo if you need a new assistant,” nagkakamot ng ulong sabi niya rito.
“Okay lang naman ako dito hijo. Thank you for asking,” nakangiting sagot naman nito sa kaniya.
“Sige po, have a nice day Mrs. Santos,” iyon lang at lumabas na siya ng opisina nito.
Natutuwa siya sa ginang. Mukhang ipinagpe-pair nito sila ni Karen. Nangingiti siya sa isiping iyon. pero on the other thought, tama naman ito nang sabihin nitong good, smart, and funny si Karen. May nakalimutan lang ito sa description niya rito. She’s also cute. Napailing na lang siya sa kaniyang naisip.
‘Ano ba iyang pinagsasasabi mo Mark Ian Samonte? Nagkakagusto ka na yata talaga kay Karen Castillo,’ bulong niya sa kaniyang sarili.
Naiiling na lang siyang nagpatuloy na sa paglalakad pabalik sa kaniyang opisina. Pagpasok niya roon ay abala na si Karen. Kaya naman bumalik na rin siya sa kaniyang lamesa at ipagpapatuloy ang kaniyang trabaho.
‘Tigilan mo na iyang kakaisip kay Karen at magtrabaho na tayo,” sermon pa niya sa kaniyang sarili. Bumuntong hininga pa siya saka nag-focus na rin sa kaniyang trabaho.