Tahimik ang araw na iyon sa kanilang dalawa ni Macky. Himalang hindi rin siya iniistorbo nito ngayon. Kaya naman mabilis niyang natapos ang mga itinambak nitong trabaho sa kaniya kahapon. Satisfied na siya sa kaniyang natapos na mga trabaho, at unti-unting nag-ayos ng gamit niya.
“Going home?” maya-maya’y tanong ni Macky sa kaniya.
Nilingon naman niya ito mula sa kaniyang pwesto saka sumagot, “Yes boss. Tapos naman na po ang mga itinambak mong trabaho sa akin. Saka past five na po ng hapon,” ngiting-ngiting sabi pa niya rito.
‘Sa wakas makakalaya na ako sa galamay mo!’ bulong pa niya sa kaniyang sarili.
“Okay,” sabi nito. Saka tumayo na rin ito mula sa upuan nito, para iligpit ang mga gamit nito. “Let’s go!” saad pa nito sa kaniya. Napamaang siya nang tingin dito at ilang beses ding kumurap.
‘Tama ba ang narinig ko? Niyayaya ako nito?’ napamaang pa niyang tanong sa sarili.
“Ms. Castillo, akala ko ba sabi mo uuwi ka na? Ano pang itinutunganga mo riyan? Tara na, alangan namang iwanan mo akong mag-isa sa opisina?” mahabang litaniya pa nito sa kaniya.
Agad na siyang tumayo at sumunod kay Macky. Nakakagulat talagang yayain siya nito pauwi. Sumakay sila ng elevator, at pinindot nito ang button going to parking lot saka nagpamulsa. Habang siya ay tahimik lang sa isang sulok ng elevator, parang biglang umurong ang kaniyang dila at nawalan siya ng imik. Hindi pa rin siya makapaniwala sa pagyaya nitong umuwi kasabay nito. Nang bumukas ang pintuan ng elevator ay naglakad na ito papuntang sasakyan nito. Tahimik na nakasunod pa rin si Karen kay Macky. Maya-maya huminto ito para lingunin siya.
“Ms. Castillo, saan ka pupunta?” tanong nito sa kaniya.
Napahinto naman siya at tila nagising sa mahimbing na pagkakatulog nang tawagin siya nito. Kunot-noo pa niya itong tinitigan saka sumagot.
“Uuwi na?” patanong na sagot naman niya rito.
“Okay, where’s your car?” tanong uli nito sa kaniya.
“’Di ba ihahatid mo ako?” maang na tanong naman niya rito.
Tila nagulat naman ito saka umangat ang gilid ng labi nito. Lumapit ito sa kaniya at nagpamaywang. Muli na naman itong naaliw sa mukha ng dalaga. Hindi nito akalaing inisip ng dalagang ihahatid siya nito. Humalukipkip pa ito sa harapan niya saka muling nagsalita.
“Miss Castillo, did I say na ihahatid kita?” nang-aasar na tanong nito sa kaniya. Tila naman binuhusan ng malamig na tubig si Karen sa narinig niyang iyon.
‘Ha? ‘Di ba nga at sabi niya, let’s go? Eh di ihahatid nga niya ako! Shocks nag-assume ako!’ natampal niya ang kaniyang noo nang ma-realize ang sinabi nito. Napakagat labi pa siyang napabulong sa kaniyang sarili.
“Ah, eh, ‘di ba sabi mo let’s go!” ginaya pa niya ang boses ng binata. “So ibig sabihin ihahatid mo ako. Sa susunod nga kasi Macky, ‘wag kang magyayaya tapos you don’t mean it naman pala! Tse!” pagsusungit niya rito.
Nagdadabog na tumalikod na siya rito at nag-umpisang maglakad pabalik sa elevator. Nakakailang hakbang pa lang siya nang pigilan siya nito sa braso. Natigilan pa siya nang parang may mga mumunting kuryenteng dumadaloy sa kaniyang katawan.
“Halika na. Sige na ihahatid na lang nga kita sa inyo,” mahinahon nang sabi nito sa kaniya.
Binawi niya ang mga braso sa binata. Tinaasan niya ito ng kilay at inirapan. “Huwag na lang,” masungit niyang sabi kay Macky, sabay talikod dito at nagpatuloy ng muli sa paglalakad. “Matapos mo ako ipahiya sa sarili ko ngayon…” pabulong-bulong pa siya, saka nagmartsa pabalik sa elevator.
Padabog pa siyang naglalakad, at nanunulis ang mga nguso sa inis. Napatalon pa siya ng may bumusina sa kaniyang likuran. “Anak ka ng..” nilingon niya ang sasakyan, at lalo siyang napasimangot nang makitang kay Macky iyon. “Papatayin mo ba ako?!” asik pa niya rito.
“Hop in!” utos nito sa kaniya, habang nakalabas ang ulo nito sa bintana ng sasakyan nito.
Hindi niya iyon pinansin at nagpatuloy lang siya sa paglalakad. Dahan-dahan naman ang pag-andar ng sasakyan na nakasunod sa kaniyang likuran.
“Kapag hindi ka sumakay bubuhatin kita!” pagbabanta nito nang nagpatuloy siya sa paglalakad.
‘Ayyy!Parang bet ko iyon!’ kinikilig na sabi ng isang bahagi ng kaniyang utak. ‘Tumigil ka sa kalandian mo!’ saway naman ng kabilang panig ng utak niya.
Huminto siya sa tapat ng elevator at saka nilingon ang binata. Nakita niyang bumaba si Macky sa sasakyan nito, at naglakad ito papalapit sa kaniya. Nanlaki ang mga mata niya nang walang kahirap-hirap na buhatin siya nitong parang sako ng bigas.
“Ibaba mo ako! Anak ka ng tokwa Macky!” nagtititiling sabi niya rito habang nagpupumiglas.
Pinagsusuntok pa niya ito sa likuran nito. Hindi naman siya pinansin nito at diretso lang sa paglakad. Hanggang sa makarating sila sa sasakyan nito, at maisakay siya sa passenger seat.
“Ang liit-liit mo pero ang bigat-bigat mo. Ano bang kinakain mo, semento?” Inilagay pa nito ang seat belt niya bago isinara ang pintuan, saka ito umikot sa driver’s seat.
“Puwede ka nang huminga bulinggit,” nakangising saad nito bago paandarin ang sasakyan.
Hindi naman niya namalayang kanina pa pala niya pigil ang kaniyang hininga. Buong biyahe tuloy siyang walang imik. Ano bang nangyayari sa kaniya? Nilingon niya ito, habang tahimik din na nagmamaneho ito sa kaniyang tabi.
‘Bakit ba kahit nakamaskara ito feeling ko ang pogi-pogi ng lalakeng ito? Bakit nga kaya nito itinatago ang mukha sa ilalim ng maskara?’ kausap niya sa kaniyang sarili.
Iyon ang dapat niyang matuklasan. Ilang minuto na silang naglalakbay nang magsalita itong muli. Nagulat pa siya sa sinabi ng binata. Kaya kunot-noo niya itong nilingon.
“Tell me your address,” maya-maya’y sabi nito sa kaniya.
‘Luh, address daw oh!’ sabi pa niya sa kaniyang isip.
“Huh? At bakit ko naman ibibigay sa iyo ang address ko?” kunot-noong tanong niya rito.
Huli na nang ma-realize niyang ihahatid nga pala siya nito. Kaya kinagat-kagat na lang niya ang kaniyang labi dahil sa sinabi niyang iyon.
“Ms. Castillo, kung ayaw mong sabihin sa akin ang address mo, iuuwi na lang kita sa bahay namin. Tamang-tama mahilig pa naman sa pet si Mommy,” nakakalokong sagot nito sa kaniya. Sinamaan niya ito nang tingin saka hinampas sa braso.
“Aray! ‘Wag kang magulo riyan baka mabangga tayo,” awat nito sa kaniya.
“Talagang masasaktan ka sa aking lalake ka!” paangil na sabi niya rito saka umayos nang upo. Ngingiti-ngiti naman si Macky sa kaniyang tabi habang nagpapatuloy ito sa pagmamaneho.
“Iliko mo diyan sa pangalawang kanto tapos ibaba mo na lang ako sa may tindahan.” Turo niya kay Macky, nang matanaw na malapit na sila sa kanila.
“Bakit doon kita ibababa, doon ka ba nakatira?” takang tanong nito sa kaniya.
“Basta roon mo na lang ako ibaba. ‘Wag ka ng marami pang tanong diyan!” pagsusungit niya rito.
“Eh bakit muna?” pangungulit pa rin nito sa kaniya na halatang nang-aasar lang.
“Ah basta kasi sundin mo na lang ako! At ‘wag mong sasabihin na boss kita, kasi off duty na tayo!” mataray niyang saad sa binata. Dinuro pa niya ito nang mapasulyap ito sa kaniya.
“Yes Ma’am. Sungit!” sagot naman nito, saka tumahimik na lang ito sa kaniyang tabi.
Inihinto nga nito ang sasakyan sa may tindahan. Agad naman niyang tinanggal ang seat belt nang tuluyan nang huminto ang sasakyan nito. Nagpasalamat siya kay Macky, at nagmamadali na rin siyang bumaba pagkatapos. Kumaway pa siya rito, at hinintay makaalis ang sasakyan ng binata.
‘Hayyy, next time kasi ‘wag assumera! Ayan mukha ka tuloy ewan kanina. Nakababawas ganda girl!’ sermon niya sa kaniyang sarili.
Nang malayo na ang sasakyan ni Macky, ay saka naman siya naglakad patungong bahay nila. Hindi naman iyon kalayuan sa tindahan, kaya mabilis lang din niya iyong narating. Nagpapasalamat na rin siyang inihatid siya nito sa kanilang lugar, mas naging komportable kasi ang kanyang biyahe. Bukod doon, aaminin niyang na-enjoy naman niya ang biyahe kasama ito. Kahit pa para silang mga aso’t pusang nagbabangayan, at nag-aasaran sa loob ng sasakyan nito.
Napapangiti naman si Macky habang nagmamaneho nang pauwi sa kanilang bahay. Medyo out of way ang bahay nila Karen sa kanilang bahay, kaya kinailangan pa niyang magmaneho pabalik sa daang patungo naman sa kanila. Nang huminto sa stop light ay tinanggal muna niya ang maskara sa kaniyang mukha. Gustong-gusto na niyang tanggalin iyon kanina, kaso kasama pa kasi niya si Karen. Kaya naman pinagtiyagaan na lang niya ang mag-drive ng nakamaskara.
Ilang sandi pa at nakarating na siya sa kanilang bahay. Ipinark niya ng maayos ang kaniyang sasakyan sa garahe nila bago siya tuluyang umibis ng sasakyan niya. Dire-diretso siyang nagtungo sa kusina at nadatnan ang kaniyang ina na naghahain ng kanilang dinner. Humalik sa sa kaniyang ina saka ito binati.
“Hi mom, sila daddy at Manelle?” tanong niya sa kaniyang ina.
“Pababa na ang mga iyon,” nakangiting tugon naman ng kaniyang ina. “How’s your day in the office?” magiliw pang tanong nito sa kaniya.
“Hmmm, okay naman mom,” nakangiting sagot naman niya rito.
Bigla ang paglitaw ng mukha ni Karen sa kaniyang isip. Napapailing na napapangiti na lang siya. Hanggang ng mga oras kasing iyon ay naaalala pa rin niya ang itsura nito kanina. Kulang na lang ay isumpa siya ni Karen kanina. Hindi naman kasi niya akalaing naisip ng dalagang ihahatid niya ito, dahil sa sinabi niyang let’s go rito kanina.
“Hmmm, ang ganda ng ngiti mo ah. Tell me son, is there someone that make you smile like that already?” makahulugang tanong ng kaniyang ina sa kaniya.
Muli naman siyang napangiti sa tanong na iyon ng kaniyang ina. Naupo na siya sa harapan ng hapag-kainan, saka siya nag-iwas nang tingin sa kaniyang ina bago sumagot dito.
“Wala mom!” Kaila pa niya rito.
“Hmmm, why I can sense that you are lying? Sino siya?” muli nitong tanong sa kaniya habang inilalapag nito ang ulam sa mesa.
“She’s one of Tito’s employee,” nahihiyang pag-amin niya sa ina.
Hindi rin naman kasi siya titigilan nito, kaya sinabi na lang din niya rito ang totoo. Nagniningning naman ang mga mata ng kaniyang inang umupo sa katapat niyang upuan. Na-eexcite pa itong nakatingin sa kaniya at tila naghihintay sa kaniyang susunod na sasabihin.
“Mom, natutuwa lang po ako sa kaniya. That’s it. Kaya ‘wag mo na akong usisain,” kakamot-kamot sa ulong wika niya rito.
“I don’t believe you Macky, with that kind of smile on your face? And that twinkle in your eyes? I think you like this lady,” nanunuksong sabi ng kaniyang mommy.
Napangiti naman siya sa sinabi ng kaniyang mommy. Totoo naman kasi ang sapantahan ng kaniyang ina. Hindi na lang basta pagkaaliw ang nararamdaman niya para sa dalaga, nagugustuhan na niya si Karen. Maya-maya pa’y sumulpot na ang kaniyang ama at ang kaniyang nakababatang kapatid sa komedor.
“Hi Kuya!” bati ng kaniyang kapatid sa kaniya. Hinalikan siya nito sa kaniyang pisngi saka ito naupo na sa kaniyang tabi.
“Mukhang may pinag-uusapan kayo ng mommy mo ah,” sabi naman ng kaniyang ama. Humalik siya sa pingi ng ama bago bumalik sa kaniyang upuan.
“Ang anak mo, mukhang may nagpapangiti na sa kaniya,” nanunuksong tinignan pa siya ng kaniyang ina.
“Mom!” saway naman niya rito. “Wala po iyon Dad. Natutuwa lang ako sa isang employee ni Tito.” Paiwas pa niyang tinignan ang kaniyang mga magulang. Ang kulit kasi ng mommy niya mukhang walang planong tantanan siya nito.
“Hmmm, wala namang masama kung may nagugustuhan ka na. You’re already at your age,” tugon naman ng kaniyang ama.
“Kaya nga kuya. What’s her name? Maganda ba siya like me?” singit naman ng kaniyang kapatid.
“Isa ka pa Manelle, just eat!” sabi niya sa isa ring makulit na kapatid niya.
Inabot na niya ang kanin at nilagyan ng kanin ang plato ng kaniyang kapatid. Naglagay na rin siya ng kanin niya, saka iniabot iyon sa kaniyang inang ngiting-ngiti pa rin, hanggang ng mga sandaling iyon.
“Basta Macky, you know already what’s right and wrong,” nakangiting saad ng kaniyang ama.
“Let’s eat na nga lang po,” sabi na lang niya sa mga ito. Gusto na niya kasing tantanan siya ng mga ito.
“Yeah, let’s eat. Para maaga tayong makapagpahingang lahat,” segunda naman ng kaniyang ina.
Doon lang siya nakahinga ng maluwag. Sa wakas titigilan na rin siya ng kaniyang pamilya sa kakausisa ng mga ito. Tahimik na silang kumain ng kanilang hapunan. Ipinagpasalamat niyang wala ng muling bumuhay ng topic nila kanina. Kaya matapos ang kanilang hapunan ay naunan na siya sa mga itong pumanhik sa kaniyang silid. Hindi na rin naman siya pinigilan pa ng mga ito. Alam din naman kasi ng mga itong pagod siya sa trabaho.
Pagdating niya sa kaniyang silid ay agad na siyang nag-shower at nagpalit ng pantulog. Inilapat niya ang likod sa kaniyang kama at tumitig sa kisame ng kaniyang kuwarto. Muli niyang nakita ang mukha ni Karen doon. Napangiti pa siya sa kaniyang nakikitang iyon. Hanggang sa gupuin na siya ng antok. Baon niya sa kaniyang ala-ala ang mukha ng babaeng makulit na iyon. Ano na naman kayang kalokohan ang gagawin niya sa dalaga sa mga susunod na araw?