MATAPOS silang iikot ni Yu-jun sa isla ng Del Recuerdo ay inaya sila nitong tawirin ang kabilang isla.
Low tide nang mga oras na iyan pero umaabot sa kaniyang tuhod ang lalim ng tubig. Nasiyahan siya sa paglusong habang inaalalayan siya ni Yu-jun. Nakikita niya ang maliliit at makukulay na isdang tila naghahabulan sa ilalim ng malinaw na tubig, nag-uunahang magkubli sa mabeberdeng halamang-dagat.
"Kapag low tide, p'wede kang makatawid sa isla mula rito patungo sa isla ng Del Recuerdo," wika ni Hanna nang ganap silang makatawid sa isla.
Tinanaw niya ang isla ng Del Recuerdo habang nakatapat sa kaniyang noo ang palad upang hadlangan ang pagkasilaw sa liwanag ng araw.
"Wow!" maluwang ang ngiting bulalas niya. "Napakaganda talaga sa lugar na ito, gugustuhin ko pa bang umalis dito?" Hindi sinasadyang napatingin siya kay Yu-jun na nang sandaling iyan ay titig na titig sa kaniya.
Natamimi siya nang makita sa singkit nitong mga mata ang paghanga na matagal na niyang ninanais na makita sa mga mata ng kaniyang asawa kahit noong hindi pa man sila nakakasal.
Ngumiti si Yu-jun at lumitaw na naman ang mapuputi at magandang hanay ng ngipin nito.
"Kahit ako hindi ko ginustong umalis dito," wika nito. "Lalo na ngayon."
Hindi siya nagsalita kahit pa nga nauunawaan niya ang nais nitong ipahiwatig sa sinabi.
Binawi niya ang tingin sa binata nang maramdaman ang paglakad ni Hanna palayo.
"Gusto ko sanang humingi ulit ng paumanhin sa ginawa kong magkuha ng picture mo ng hindi mo alam," narinig niyang sabi ni Yu-jun.
Napabuntong-hininga siya bago muling tumingin dito.
"Sinabi ko na sa'yo, okay na 'yon. Pero ayaw kong ulitin mo pa."
Napunit ang mas maluwang at maningning na ngiti sa labi nito, kumislap ang mga mata.
Napailing siya sabay talikod dito na hindi napigil ang mapangiti. Lumakad siya patungo sa direksyong tinahak ng kaibigan.
Naramdaman niya ang pagsunod ng binata sa kaniyang likuran.
"Salamat," wika nito na hindi niya pinansin. "Alam mo, naiinggit ako sa asawa mo. Parang lahat yata ng magandang katangian ay nasa iyo na," sabi pa nito.
Kumislap ang manipis na lungkot sa mga mata niya at piping nahiling na sana, naririnig niya ang mga salitang iyon sa labi ng kaniyang asawa.
Hindi pa rin niya pinansin si Yu-jun, nagpatuloy siya sa paglakad ganundin ito.
"Naniniwala ka ba sa love at first sight?" maya-maya ay tanong nito.
"Hindi," mabilis niyang sagot.
"Bakit naman?"
"Kase hindi naman ako na-in love kaagad sa asawa ko sa una naming pagkikita, bata pa kase ako noon. Nagsimula ang feelings ko sa kaniya noong nasa mid school na ako."
Natawa ito at halos mapahagalpak kaya naman napalingon siya rito dahil sa pagkainis.
"Bakit ka tumatawa?" kunot ang noo sa inis na tanong niya.
Sumeryoso ito at nagkibit-balikat lang imbes na sagutin siya na lalo niyang ikinainis. Nagpatuloy siya sa paglakad, muli itong sumunod sa kaniya.
Huminto siya nang makita ang isang malaking bato sa gilid ng dalampasigan. Naghanap ang mga mata niya ng matulis na bagay sa maputi at pinong buhangin, at hindi kalaunan ay nakakita siya ng matulis na tipak ng bato, kaagad niya iyong dinampot.
Lumapit siya sa malaking bato at nagsimulang mag-ukit doon gamit ang matulis na bato. Tahimik si Yu-jun habang pinapanood siya sa ginagawa niya.
"Kean Marcus ❤ Lovely?" bigkas nito sa inukit niya sa tonong patanong. "Para kang teenager na deadly in love sa crush niya," naiiling at natatawang sabi nito bago ginulo ang buhok niya.
"Anong ginawa mo?" medyo paasik na tanong niya rito habang inaayos ng mga daliri sa kamay ang buhok niyang ginulo nito.
"Ang alin?"
"Ginulo mo ang buhok ko."
"Ah, 'yon ba? Sorry, nakalimutan ko na masyado nga palang sensitive ang mga babae when it comes to their hair." Sinuklay nito ng mga daliri sa kamay ang buhok niya matapos ang sinabi.
Pinigil niya ang kamay nito at inalis sa kaniyang buhok. "Alam mo ikaw, gusto mo lang talagang makatyansing." Inirapan niya ito.
"Hindi ah," maagap naman nitong tanggi. "Kung gagawin ko 'yon hindi ito ang paraang gagawin ko."
Natamimi siya sandali bago pumihit upang iwan ito pero hindi niya napansin na may nakausli palang bato, natapilok siya roon subalit bago pa man siya bumagsak ay maagap siyang nasalo ni Yu-jun.
"Mag-iingat ka," pagalit nitong sabi matapos siyang masalo.
Kagyat silang natigilan nang mapansin ang posisyon nila. Nakatagilid siya buhat dito habang nakayakap ang isang kamay nito sa bandang dibdib niya at ang isa sa kaniyang baywang.
Dinig niya ang malakas na kabog ng puso nito dahil sa pagkakadikit nila sa isa't isa.
"Guys—" naputol ang sasabihin ni Hanna nang makita sila sa ayos nila.
Agad siyang lumayo sa binata at umayos sa pagkakatayo.
"Muntik na siyang madapa," maagap na paliwanag ni Yu-jun hindi pa man hinihingi ni Hanna.
Napailing ang kaibigan niya habang nakatingin sa kaniya.
"Love, next time mag-iingat ka," wika nito, "baka kase tuluyan kang madapa at baka mahirapan kang bumangon."
Hindi siya nakapagsalita matapos marinig ang sinabi ni Hanna, alam niyang may nais itong ipahiwatig sa kaniya.
Iniiwas niya ang tingin sa kaibigan at humakbang palayo habang nakatanaw sa dagat habang si Yu-jun naman ay pasimpleng hinagod siya ng tingin.
•••
BUHAT sa pinagkukublihan ay malalim ang naging buntong-hininga ni Father Fair habang matalim ang mga matang nakatanaw sa kinaroroonan ng tatlo sa dalampasigan.
Dahil duda siya kay Yu-jun ay hindi siya nakampante na hindi sundan ang mga ito nang matanaw niya kaninang tumawid sa islang iyon na ipinagbabawal na puntahan ng kahit na sino.
Abala ang mga mata niya sa tatlo nang makaulinig siya ng hiyaw sa kung saan, boses iyon ng babae.
Kunot-noong napalinga siya sa paligid habang hinihintay na muli iyong marinig. Subalit lumipas ang ilang sandali ay wala na siyang narinig.
Pumihit siya at humakbang papasok sa kasukalan. Hindi siya maaaring magkamali, alam niyang hindi guni-guni ang kaniyang narinig.
Matapos ang hindi mabilang na mga paghakbang ay bigla siyang napahinto nang marinig ang malakas na pagdaing. Kaagad siyang napapihit pabalik at malalaki ang mga hakbang patungo sa pinagmulan ng daing, kilala niya ang boses na iyon pero nais pa rin niyang makatiyak.
Sandali siyang natigilan nang bumulaga sa paningin niya si Lovely na kasalukuyang nakasalampak sa mga tuyong dahon at pinapagpag ng kamay ang nagalusang binti.
Tumingin ito sa kaniya nang muli siyang humakbang palapit dito. Sunud-sunod ang ingay ng mga tuyong dahon dahil sa padabog niyang mga paghakbang.
"Anong ginagawa mo? Bakit ka sumuong dito?" asik niya rito nang makalapit sabay waksi sa kamay nito buhat sa galus nito at tiningnan iyon.
"Nakarinig kase ako ng ingay ng mga tuyong dahon sa direksyong ito kaya sinilip ko, tapos nakita kita, sinundan ka at hindi ko napansin ang sanga sa daraanan ko," paliwanag nito.
"So kasalanan ko?" asik niya habang nakatitig ng matalim dito. Hindi ito nagsalita.
Tiim-bagang na binunot niya ang panyolito sa kaniyang bulsa at ginamit iyon pampunas sa nagdurugo nitong galus.
Dinig niya ang pagsinghap nito dahil sa paghapdi ng galus subalit ang mga mata nito ay abalang nakatitig sa guwapo niyang mukha partikular sa kulay pink at namamasa niyang labi, sinasamantala ang pagkakataon habang nasa galus nito ang buong atensyon niya.
"Masakit ba? Humahapdi ba?" tanong niya sa paraang nag-aalala at hindi siya aware.
Hindi ito sumagot kaya buhat sa galus ay dinala niya rito ang tingin at nahuli niya itong nakatitig sa kaniya. Tila napahiya itong mabilis na nag-iwas ng tingin.
Gusto niya itong sitahin sa ginawa nitong pagtitig sa kaniya sa ganoong paraan, ngunit naisip niyang hindi naman kailangan.
"Bakit ba kase sama ka nang sama sa lalaking—"
"Lovely?" boses ni Yu-jun na siyang pumutol sa pagsasalita niya.
Napapakunot ang noo na dinala niya ang tingin dito, 'ni hindi man lang niya namalayan ang paglapit nito maging ang yabag sa mga tuyong dahon.
"Father," nakangiti pero napapamaang na tawag sa kaniya ni Yu-jun. "Ano pong ginagawa mo rito?"
"Naglalakad-lakad ako hanggang sa napunta rito," mabilis niyang tugon.
"Father Fair, m-marahil ay nakarating po sa kaalaman mo na bawal puntahan ang lugar na ito," wika nito na kagyat natamimi matapos maisip ang sinabi.
"Bakit kayo narito kung ganoon?" balik-tanong niya imbes sagutin ito.
Hindi nakasagot si Yu-jun. Si Lovely naman ay hindi rin nakapagsalita pero halatang naguluhan. Malinaw na hindi ipinaalam ni Yu-jun dito na ipinagbabawal ang kahit na sino sa isla.
Kay Father David mismo niya nalaman ang tungkol sa isla, minsan niyang nabanggit dito na gusto niyang gumawi roon subalit ayon dito ay nabili ang isla at isa na itong pribadong pag-aari, kaya naman hindi pinahihintulutan ang kahit na sino roon.
"Lovely?" si Hanna na hangos sa paglapit. Lahat ay natuon ang tingin nila rito. "Bakit bigla-bigla kang nawawala?" sita nito kay Lovely sa nag-aalalang tono.
"Nakita ko kase si Father Fair kaya—"
"Umuwi na tayo," putol at pag-aaya ni Hanna rito bago tumingin sa kaniya.
Napatingin sa kaniya si Lovely bago kumilos upang tumayo. Binawi niya ang tingin kay Hanna at maagap inalalayan si Lovely upang makatayo ng maayos.
Mabilis naman sa alas kuwartong lumapit si Yu-jun kay Lovely. "Father, mas mabuting bumalik ka na rin sa presbytery." Hinawakan nito sa braso si Lovely matapos ang sinabi at iginiya palayo sa kaniya.
Gusto niya itong tutulan pero pinili niyang hindi kumibo nang tumalima rito si Lovely.
"Alam mo bang bawal ang kahit na sino sa islang ito?" maagap niyang tanong kay Hanna nang makitang susunod ito sa dalawa.
Huminto ito sa paglakad at maang na tiningnan siya. Malinaw na hindi rin nito alam ang tungkol sa pagbabawal sa kahit na sino sa isla, kung bakit, hindi siya intresadong alamin.
"Hindi mo dapat dinala rito ang kaibigan mo," bagkus ay wika niya. "Lalo na at hindi niya lubos na kilala ang palagi niyang kasama." Tinapunan niya ng sulyap ang tinukoy, si Yu-jun.
"Kilala ko si Yu-jun, mabuti siyang tao," maagap nitong depensa sa binata. "Ang tungkol sa pagpunta ni Lovely rito, kasalanan iyon ng asawa niya na walang pakialam sa kaniyang nararamdaman."
Ikinibit niya ang balikat bilang pagpapakita na wala siyang pakialam sa sinabi nito.
"Mag-ingat ka po, Father," hindi iyon bilang pag-aalala kun'di isang babala. "Mas delikado para sa iyo kung mananatili ka rito. Hindi marahil lingid sa iyo na ang mga katulad mo ang binibiktima ng serial killer." Hinagod siya nito ng tingin bago tumalikod at iniwan siya upang sundan ang dalawa.
Sinundan niya ito ng tingin bago tumunghay sa panyolitong hawak niya na nabahiran ng dugo buhat sa galus ni Lovely.
Napatiim-bagang siya at akmang iwawaksi ang panyolito nang muling marinig ang hiyaw. Hiyaw na para bang humihingi ng saklolo.
Kaagad siyang napalingon sa kasukalan kung saan iyon nanggaling. Pumihit siya at humakbang patungo roon habang malikot ang mga mata sa paligid. Maingat ang mga hakbang niya subalit lumilikha pa rin ng ingay ang mga yabag niya sa mga tuyong dahon.
Hinintay niyang maulit ang pagsigaw ngunit bigo siyang muli iyong marinig.
Ganoon pa man ay nagpatuloy siya sa paglakad. Hanggang sa marating niya ang talon. Huminto siya sa paghakbang at inilinga ang mga mata sa kalmadong paligid. Tahimik doon maliban sa huni ng mga ibon at lagaslas ng tubig sa talon.
Kumilos siya upang pumihit pabalik ngunit muntik na siyang mapalundag nang malingunan si Joenard na nakaangat ang kamay upang marahil ay kalabitin siya.
"Jesus, Joenard! Bibigyan mo ba ako ng atake sa puso!?" inis na tanong niya rito.
"Pasensya na po, Pader, pinapuntahan ka po kase sa akin ni Yu-jun dito dahil delikado para sa iyo," wika nito habang titig na titig sa kaniya.
Natigilan siya. Hindi imposibleng kilala na rin nito si Yu-jun dahil narito na ito nang dumating siya. Subalit imposibleng hindi man lang niya narinig ang mga yabag nito. Nalalatagan ng makapal na mga tuyong dahon ang forest floor at kahit nga naging maingat siya sa paglakad doon ay lumilikha pa rin ng ingay ang bawat pagtapak niya roon.
Tinitigan niya si Joenard.
Hindi niya napigil ang sariling pagdudahan na naman ito. Hindi kaya kanina pa ito naroroon at nagkukubli lang sa kung saan? Kung oo, bakit?