"LOVELY, bakit si Kean?" bigla ay tanong ni Hanna na sandaling nagpatuod sa kaniya at nagpamata rito.
Naroon sila sa silid na inuukupa niya, magkatabing nakahiga sa kama habang abala sa kani-kanilang cellphone.
Akala niya ay siya lang hindi makatulog pero kinatok siya nito kanina at sinabing hindi rin ito dalawin ng antok.
"Oo, guwapo siya," dagdag pa nito nang hindi siya nakasagot. "Pero womanizer siya, suplado at masungit pagdating sa iyo, at higit sa lahat, manhid." Sinundan nito ng pag-irap at kibit-balikat ang sinabi.
Hindi niya napigil ang malalim na buntong-hininga bago inilapat ang likod sa headboard ng kama.
Tumitig siya sa dingding habang napapaisip.
Paano ba niya sasagutin ang tanong ni Hanna gayong kahit siya ay hindi niya alam ang sagot? Basta ang alam lang niya, mahal niya at niyayakap ang lahat ng negative traits ng kaniyang asawa.
Masakit isipin na womanizer si Kean pero heto, hanggang ngayon ay birhen pa rin siya at umaasa na darating ang araw ay gugustuhin nitong angkinin siya.
"Alam mo, Hanna," kapagkuwa'y sabi niya sabay tingin dito, "saka mo na ako tanungin kapag nagmahal ka na," biro na lang niya bagama't seryoso siya sa nais iparating.
"Ha ha ha..." kunwa'y tawa nito at ibinalik ang atensyon sa cellphone bagama't nakikiramdam lang.
Muli ay napabuntong-hininga siya kasabay ang pagbawi ng tingin dito at muling ibinalik sa dingding.
Kailan pa ba nagsimulang umasa ang puso niya? Napakatagal na. Nagsimulang umasa ang puso niya nang aksidente siyang mahalikan ni Kean, sixteen pa lang siya noon. Nanonood sila ng horror movie at ito ang kaniyang katabi. Napatili siya sa takot noon at napayakap dito, habang ito naman ay biglang nagbaling ng tingin sa kaniya eksaktong nakaangat ang tingin niya rito.
Napapikit siya nang maalala ang eksenang iyon. Hinding-hindi niya malilimutan ang kakaiba ngunit kaaya-ayang pakiramdam na ipinakilala ni Kean sa kaniya nang gabing iyon dahil lang sa aksidenteng paglalapat ng mga labi nila.
Sampong taon ang age gap nila kaya naman nang aminin niya sa panganay niyang kapatid na si Rain na gusto niya ang best friend nito na si Kean ay malaki ang naging pagtutol nito. Dahilan para magkaroon ng malaking gap sa pagitan ng mga ito nang ikasal sila ni Kean.
Habang inaalala ang araw na iyon ay hindi sinasadyang napatingin siya sa kaniyang cellphone, larawan ni Kean ang nasa lockscreen niyon. Topless ito at naka-sweat shorts lang, matamis ang ngiti nito roon at kumikislap ang mga mata habang nakatingin sa kung saan. Isa ang larawang iyon sa mga larawan ng binata na panakaw niyang kinuha kapag kasama ito ng kapatid niya.
Nasa ganiyang ayos siya nang bigla ay maisip na puntahan ang contact list niya, tinitigan niya ang mobile number ni Kean doon habang nilalabanan ang tuksong i-dial iyon.
____
NAALIMPUNGATAN si Father Fair nang makarinig ng kalabog. Kaagad siyang napabalikwas ng bangon at mabilis na nakuha ang baril sa kaniyang unan at iniumang sa bultong nakatayo sa tapat ng pintuan palabas sa balcony.
Maingat siyang umibis sa kama habang nakabantay ang mga mata sa bultong iyon.
"Huwag kang kikilos ng masama, ilagay mo sa backhead mo ang iyong mga kamay," maawtoridad na utos niya rito habang humahakbang palapit dito.
Sa tulong ng liwanag ng buwan na tumatagos sa nakabukas na pinto ay nababanaag niya ito, isa itong babae. Nakatalikod ito sa kaniya at nakatanaw sa mapanglaw na buwan, inililipad ng hangin ang ilang hibla ng mahaba at itim na itim nitong buhok.
"Father Fair, mag iingat ka," boses iyon ni Father David buhat sa likuran niya.
Hindi niya ito tiningnan pero mabilis namang nakakilos ang babae sa kaniyang harapan, kaagad siya nitong hinampas ng kung anong matigas na bagay na hawak nito. Hindi niya iyon kaagad naiwasan, siyapol siya sa dibdib at patihayang napabalandra sa sahig habang namimilipit sa sakit.
AGAD siyang bumalikwas ng bangon. Hingal na hingal siya at pinagpapawisan ng matindi. Nananaginip siya. Sinulyapan niya ang wristwatch, ala una y medya pa lang ng madaling araw.
Pinunas ni Father Fair ng kaniyang braso ang pawis sa mukha bago nanlalata at humihingal na umibis sa kama, natigilan siya nang may matapakan. Sapat ang makulimlim na liwanag buhat sa lampshade upang mabanaagan kung ano iyon.
Napakunot ang noo niya nang damputin sa paanan ang larawan na nakalagay sa envelope na iniabot ni Joenard sa kaniya nang nakaraang linggo.
Doon lang iyon nakalagay sa mesa pero imposibleng mahulog iyon doon, air-conditioned ang silid kaya hindi iyon maaaring malipay ng hangin.
Napaisip tuloy siya kung talaga nga bang panaginip lang iyon o may nangahas na pasukin siya roon.
Kagyat siyang nakiramdam sa paligid ng silid at maingat na nag-inspeksyon, walang bakas na may nakapasok doon, napapaisip siya nang maalala si Father David.
Mabilis siyang lumakad palabas sa kaniyang silid pero kaagad ding napaatras nang makita ang isang bultong lumabas buhat sa silid ni Father David.
Naisip niyang sugurin ito subalit hindi dapat siya magpadalus-dalos.
Lumakad ito palayo kaya maingat niya itong sinundan. Hanggang sa tamaan ito ng liwanag na lumalagos sa salaming bintana buhat sa ilaw na nasa labas ng presbytery.
'Joenard?' nasurpresang tanong niya sa isip nang makilala ito.
Mabilis at maingat siyang pumihit pabalik upang silipin si Father David sa silid nito.
Naka-lock ang pinto ngunit nagawa niyang makapasok gamit ang pin na nakasiksik sa laylayan ng kaniyang damit.
Mabilis siyang lumapit sa tila nahihimbing na pari at kinapa ang leeg nito upang matiyak na humihinga pa. Nakahinga siya ng maluwag nang madama ang pulso sa leeg nito. Hinagod niya ito ng tingin bago iniligid ang paningin sa kabuuan ng silid.
Maayos ang lahat doon ngunit nahulog siya sa matinding pagtataka at pagdududa. Ano ang ginawa ni Joenard sa silid ni Father David sa ganoong dis oras ng gabi habang nahihimbing ang pari?
___
KINABUKASAN ay kinausap ni Father Fair si Father David matapos nilang mag-agahan. Nagsuhestyon siya na magbakasyon na lang muna ito pero tumanggi ito at bagkus ay dinala siya sa storage room ng presbytery sa basement.
"Dito namin inilagay ang mga gamit nila Father Philip na ibalik ng pulisya," sabi nito nang ganap silang makapasok.
"Hindi ho ba't patuloy pa ang imbestigasyon? Bakit ibinalik na nila ang mga gamit dito?"
Napabuntong-hininga si Father David. "Sabi nila ay wala naman silang nakita sa mga gamit na ito na maaaring maugnay sa kaso o maaring magbigay linaw sa imbestigasyon. Ang hindi ko lang maintindihan, ibinabawal nilang pakialaman ito ng kahit na sino."
Napakunot ang noo niya sa sinabi nito. Subalit imbes na magtanong pa ay nagsimula siyang siyasatin ang mga bagay na naroon.
"Father," untag niya kay Father David habang abala ang mga mata sa mga gamit na naroon sa kaniyang harapan.
Tumingin ito sa kaniya at hinintay ang sasabihin niya.
"Lahat ba ng mga sakristan dito ay matagal na sa simbahang ito?" tanong niya.
"Halos lahat sila, pero sabi nila si Joenard lang naman ang bago sa kanila, bakit?"
Napakunot ang noo niya. "Gaano na siya katagal dito?"
"Hindi ko alam, Father Fair, basta nandito na s'ya nang dumating ako rito. Bakit?"
"Wala naman, Father David. Naitanong ko lang."
Tumango ito habang nakamasid sa kaniya. "Palagi ko siyang nahuhuling nakatingin sa iyo," wika nito na nagpahinto sa gagawin sana niyang pagdampot sa lumang tila photo album sa harapan niya. "Sa palagay ko, kagaya rin ng mga pulis na humawak sa kaso ng mga paring iyon, hindi rin natin dapat na pagkatiwalaan si Joenard," dagdag pa ni Father David dahilan para mapatitig siya rito.
Nagdududa ito sa mga pulis na nangka-conduct ng imbestigasyon sa kaso ng mga paring pinatay, ganoon din kay Joenard.
Lumapit ito sa kaniya. "Hindi ko alam, hindi ko maipaliwanag pero may kakaiba akong pakiramdam sa kaniya," sabi pa nito sa halos pabulong na paraan.
"Hindi kaya..." bahagya niyang binitin ang sinasabi. "Palagi siyang nakatingin sa akin dahil iniisip niya kung ano ang hitsura niya kapag nakasuot siya ng sutana?" pabirong tanong niya habang dinadampot ang photo album sa harap niya.
Tiningnan lang siya ni Father David at 'ni hindi nagawang tumawa sa biro niya.
Binuklat niya ang album at kaagad na napatuon ang mga mata sa larawang nasa unang dahon niyon. Tinitigan niya isa-isa ang mga mukha ng nasa larawan.
"Siya si Father Philip." Itinuro nito ang pari na nasa gitna ng mga sakristan at ng choirs.
Tiningnan niya ang tinutukoy nito pero napadako ang kaniyang tingin sa babaeng nasa tabi mismo ni Father Philip sa larawan kung saan katabi rin nito ang pamilyar na babae na minsan na niyang nakita sa simbahan nang magmisa siya.
"Lahat ng miyembro ng choir ni Father Philip sa simbahan ay nakita ko, maliban sa kaniya." Itinuro niya ang magandang babae sa tabi ni Father Philip.
Tiningnan ni Father David ang babaeng tinutukoy niya. Kapwa napako sa babaeng ito ang mga mata nila, napakaamo ng mukha nito na kagaya ng sa isang anghel.
"Kahit ako, hindi ko na s'ya naabutan," umiiling na sabi ni Father David kapagkuwan. "At wala sinuman sa mga sakristan ang nagbanggit kung bakit hindi na siya kabilang sa choir ng simbahan."
Napaisip siya matapos marinig ang sinabi nito. Isa iyong palaisipan.