5.1 - Ring on her finger

2207 Words
NAPAHINTO sa paglakad si Father Fair nang matanaw sa dulo ng pasilyo ang dalawang pulis patungo sa exit way ng presbytery. Kalalabas lang niya sa kaniyang silid at patungo sana sa kitchen para magkape. Napaisip siya, alas sais y medya pa lang noon ng umaga pero bakit may mga pulis sa presbytery ng ganoon kaaga? Humakbang siya at tinugpa ang pasilyo patungo sa pinanggalingan ng mga pulis ngunit hindi pa man siya ganap na nakakalapit doon ay bumungad na si Father David sa kanto ng pasilyo na iyon. "Father Fair, magandang umaga sa iyo," nakangiting bati nito sa kaniya. "Magandang umaga, Father David. Bakit masyado yatang maaga ang ating mga bisita?" diretsahang tanong niya rito. "Ah, may mga tiningnan sila sa storage room, baka raw makatulong sa kanilang imbestigasyon kaugnay sa mga paring... paring hinihinalang pinatay sa..." Binitin nito ang sasabihin sapagkat binalot ito ng lungkot at pag-aalala. Hindi siya nagsalita at naibaba ang tingin. "Masyadong mabagal ang usad ng imbestigasyon, ilang buwan na ang nakakaraan at ipinapangamba ko...maging ng simbahan na basta lumamig na lang ang kaso," mahinang turan nito. "Hindi siguro mangyayari iyon kung ginagawa nila ng tama ang kanilang trabaho," sabi na lang niya bagama't kahit siya ay nakadarama rin ng pagkainip na malutas ang tungkol sa kasong ito. Ito naman ang hindi nakapagsalita. Namayani ilang sandali ang katahimikan sa pagitan nila habang nakatitig sa isa't-isa. "Nakausap ko na pala ang puputol sa mga nakalungyong sanga ng mangga," kapagkuwa'y wika ni Father David. "Mamaya ay darating siya." "Mabuti naman po kung ganoon, Father." Tumango siya at bumuntong-hininga. "Father, wala ka bang balak magbakasyon?" Ngumiti lang ito bilang malabong tugon sa tanong niya. "Halika, naihanda na nila Carla ang hapag-kainan para sa almusal." Nagpatiuna na itong lumakad patungo sa dining room. Sinundan niya ito ng tingin bago sumunod dito. ••• MATAPOS mag-almusal ay naligo si Father Fair at nagtungo sa lighthouse gaya ng dati na niyang ginagawa. Tumambay siya roon na para bang siya ang bantay sa lighthouse. Nang lumipas ang ilang oras ay nakadama siya ng pagkainip kaya naman nagpasya siyang bumalik na lang sa presbytery. Pinili niyang maglakad imbes na sumakay sa trycicle kahit pa nga ilang driver na ang huminto at nagmagandang-loob na pasakayin siya. Mas gusto niyang maglakad dahil mas nakakapagmasid siya sa paligid lalo pa at kitang-kita niya buhat sa kalsada ang maaliwalas na dalampasigan. Habang naglalakad sa gilid ng kalsada ay nasalubong niya si Emily bago sumapit sa tapat ng hindi kalakihang fishing port. Kaagad siya nitong napansin. "Father," tawag nito sa kaniya habang maluwang ang ngiti. "Ako po si Emily, natatandaan mo pa po ba ako?" Ngumiti siya. Mataas ang kaniyang memorya kaya imposibleng makalimutan niya ito kahit isang beses pa lang niyang nakita. "Masyado pa akong bata para maging malilimutin, Emily," aniya na ikinaluwang pa lalo ng ngiti nito. Pasimple niya itong hinagod ng tingin, sino ba naman ang hindi gagawin iyon kung ganito kaseksing dalaga ang nasa harapan? Kapos sa tela ang suot nitong shorts at hapit na hapit sa balingkinitang katawan ang blusa. "Hindi po ako nakapagsimba kahapon, Father, kase nag-deliver po kami ng isda sa Malabon at kagabi lang kami nakabalik," paliwanag nito kahit hindi naman niya hinihingi. "Okay lang, Emily, may mga susunod na Linggo pa naman." Unti-unting nabahaw ang ngiti nito matapos ang sinabi niya kaya naman napatitig siya sa mga mata nito, gusto niyang magtaka. May mali na sa sinabi niya? "May nasabi ba ako, Emily?" Umiling ito at muling ngumiti bagama't pilit. "Maaga pa pader, dumaan ka muna sa bahay, ipagtitimpla po kita ng kape," napakahalata ng pag-iwas nito sa tanong niya. "Naku, Emily, salamat pero kailangan ko nang makabalik sa presbytery. Siguro sa susunod na araw na lang. Magandang umaga sa iyo." Marahan niya itong tinapik sa balikat bago humakbang para iwan ito pero hindi sinasadya ay napatanaw siya sa fishing port. Napahinto siya sa pagkilos at napatuon ang mga mata sa babaeng kagabi lang ay kasama niya sa lighthouse. Palinga-linga ito na para bang may hinahanap. Naglakad ito at bumaba sa kongkretong hagdanan na nasa gilid ng fishing port, tinugpa ang buhanginan patungo sa direksyon ng lighthouse. Pumihit siya pabalik sa direksyon ng kalsadang pinanggalingan niya upang sundan ito. "Pader, dito po ang daan pabalik sa presbytery," napapamaang na paalala ni Emily sa kaniya. "May nakalimutan lang ako, sa lighthouse, Emily," wika niya at malalaki ang hakbang na iniwan ito habang nakabantay ang tingin sa babaeng abala sa paglakad sa buhanginan. Napahabol si Emily sa kaniya habang larawan ng pag-aalala pero kaagad ding napahinto sa paghakbang at walang nagawa kun'di ang ihatid siya ng tingin matapos makita ang sinusundan niya ng tanaw. ••• GUSTONG madismaya ni Lovely nang hindi makita sa fishing port si Father Fair. Sinadya niya ito sa simbahan para pasalamatan sa ginawa nitong pagpigil sa tangka niyang pagpapakamatay kagabi, ngunit ayon sa hardenero ng simbahan ay maaga itong umalis para mag-abang sa mga mangingisdang darating, kaya naman nagmadali siyang magtungo sa fishing port subalit dumating na yata lahat ng mangingisda roon ay hindi niya nakita si Father Fair. Nagpatuloy siya sa paglakad sa dalampasigan hanggang sa mapansin niya ang bangkang de motor na kadaraong lang. Nakangiti sa kaniya ang matandang makinista niyon na para bang kakilala siya, habang ang lalaking kasama nito sa hulihan ng bangka ay nakatitig sa kaniya. "Isda, Miss, baka po gusto mong bumili, sariwang-sariwa pa ho," wika nito nang mapatapat siya sa bangka. Tumayo ito buhat sa pagkakaupo at lumibra patungo sa fish storage ng bangka. Bakas sa tono nito ang kabaitan kaya naman napalapit siya. "Okay lang po ba kung dito ako bibili at hindi sa fish dealer sa fishing port?" tanong niya. "Diretso po sa palengke ang mga isda ko, hindi ko na po idinadaan sa dealer kaya ayos lang po." Ipinakita nito sa kaniya ang pulang isda na kinuha nito sa storage. Namangha siya sa laki niyon kaya naman napasilip siya sa loob ng storage upang tingnan kung gaano karami at anu-ano pang klase ng isda ang naroon. Dahil abala ang mga mata niya sa iba't-ibang klase ng isda ay hindi niya nakita ang ginawang paghagod ng tingin sa kaniya ng matanda. "Medyo matagal na rin mula nang makakita ako ng bakasyunista rito, Miss. Mabuti naman at hindi ka naniwala at natakot sa haka-haka ng mga tao tungkol sa Del Recuerdo," anito na nagpabura sa ngiti niya. Inangat niya ang tingin dito. "Ano pong—" "Mang Edmund," pamilyar na boses buhat sa kaniyang likuran na siyang pumutol sa pagsasalita niya. Dinala ng matanda ang tingin sa tumawag. "Father Fair." Lumuwang ang ngiti nito at kumislap sa tuwa ang mga mata. Mabilis siyang napalingon sa likod niya at bahagyang napaawang ang bibig niya nang makita ang kaniyang hinahanap. Maaliwalas pa sa maliwanag na umaga ang anyo ni Father Fair. Medyo basa pa ang medium long hair at nalalangahap niya ang pabangong gamit nito. Bagay na bagay rito ang suot nitong itim na priest polo at itim na slacks, mas pinalitaw ng kasuotang iyon ang kaguwapuhan nito pati na rin ang matikas na tindig. Lumakad ito at lumapit, huminto sa mismong tabi niya, nagkadikit pa nga ang mga braso nila bagay na ikinalunok niya ng laway ng wala sa loob niya kasabay ang pagkawala sa normal ng kaniyang pulso. "Magandang umaga, Mang Edmund, Allan," bati nito sa matanda at sa kasama nito bago dinala ang tingin sa kaniya. "Magandang umaga," tapos ay halos bulong nito sa kaniya. Tumama sa kaniyang pisngi ang mainit at walang amoy nitong hininga. Nagkatitigan sila. "Father, hindi ka talaga nagsawa sa huli kong isda," nakatawang sabi ni Mang Edmund na siyang bumawi sa atensyon ni Father Fair. "Hindi naman nakakasawa ang sariwang isda, Mang Edmund, 'di ba, Allan?" wika nito sabay tingin sa tahimik na lalaki sa hulihan ng bangka. Tumango lang ang lalaki habang nakangiti ng maluwang. "Napakatahimik naman nitong binata mo, Mang Edmund," pabirong puna pa ni Father Fair kay Allan. Tiningnan ng matanda ang anak at ibinalik ang tingin kay pader. "Hindi po kase talaga siya nagsasalita, Father Fair," sabi ng matanda. Dahil nakatingin siya kay Father Fair ay nakita niyang natigilan ito matapos ang sinabi ng matanda, sabay silang napatingin sa binata. "P-Pasensya na, hindi ko alam," sabi ni Father Fair sa binata. Tumango lang si Allan habang nakangiti pa rin. "Mang Edmund," boses sa likuran nila. Sabay silang napalingon ni Father Fair. "Oh, Yu-jun," si Mang Edmund. "Ano, titingin ka ba ng isda?" tanong dito ng matanda nang ganap na makalapit ang binata, kasama nito ang napapailing na si Hanna habang nakatitig sa kaniya. Alam niyang masesermonan siya nito dahil sa paglakad niya ng mag-isa. Mabilis na nakalapit sa kaniya si Hanna. "Lumakad ka na naman ng mag-isa," nandidilat na sabi nito sa kaniya, hindi na niya pinansin pa. "Hindi po muna, Mang Edmund," wika naman ni Yu-jun na noon ay sa kabilang bahagi ng bangka pumunta. "Makikiusap sana ako, baka p'wede ko ulit marentahan itong bangka mo. Gusto raw kaseng mag-ikot sa isla si Hanna kasama ang magandang kaibigan niya." Tumingin ito sa kaniya. Buhat kay Yu-jun ay dinala ni Father Fair ang tingin sa kaniya kasabay ng pagtingin niya rito, kaya naman nagkatitigan sila sandali bago ito tumingin kay Hanna na nang sandaling iyan ay naiiwas ang tingin kay pader. "Hanna, ikaw pala ang kasama nitong si...ano palang pangalan mo, Miss?" tanong ng matanda sa kaniya. "Lovely po, Mang Edmund," tugon niya, nakangiti. Tumango ito at muling tumingin kay Hanna. "Kailan pa kayo rito nitong si Miss Lovely?" tanong nito sa kaibigan niya. "Ilang araw na po kami rito, Mang Edmund, sinamahan ko pong magbakasyon dito itong brokenhearted kong kaibigan para naman maka-move on na sa manhid niyang asawa." Tumawa si Hanna sa huling sinabi nito pero pasimple niya itong siniko. Ang matanda lang ang natawa sa sinabi ni Hanna dahil ang tatlong lalaki ay napatingin lahat sa kaniya, seryoso at para bang inaanalisa siya na may pagdududa. Naibaba niya ang tingin at hindi nakakibo. Si Hanna naman ay nakadama marahil ng pagkailang dahil naisip ang sinabi nito. "Siyanga pala," paglihis ni Mang Edmund sa usapan. "Si Father Fair," sabi nito na para bang ipinaalala ang presensya ni pader sa kanila. "Magandang umaga po, Father Fair," halos korus nila Hanna at Yu-jun. Tumango si pader at ngumiti. "Magandang umaga sa inyo." Itinuon nito ang mga mata kay Hanna. " Napakabuti mong kaibigan, Hanna. Maganda ang isla ng Del Recuerdo kaya naniniwala ako na makakalimot ang kaibigan mo rito," manipis ang ngiting sabi nito. Akala niya ay magsasalita pa ito ng kung ano pero maliban sa pagtitig nito ng malamig kay Hanna ay wala na itong ginawa pa. "Sige, Yu-jun," ani Mang Edmund na kumuha sa atensyon nila. "Ipapalinis ko na muna itong bangka kay Allan bago ninyo gamitin." "Okay," masayang wika ni Yu-jun. "Mag-ikut-ikot na muna tayo habang hinihintay na malinis ang bangka." "Tara," si Hanna sabay hila sa kaniya. Napatingin pa siya kay Father Fair, gustuhin man niya itong kausapin pero sa tingin niya ay hindi iyon ang tamang pagkakataon. Bago niya bawiin ang tingin kay Father Fair ay nabasa niya sa mga mata nito ang pagtutol. "Tara na," giit ni Hanna. Wala siyang nagawa kun'di ang tumalima na lang sa kaibigan habang si Father Fair ay nakasunod ng tingin sa kanila. ••• SINUNDAN ni Father Fair ng tingin ang tatlo habang papalayo. Hindi niya maintindihan pero gusto niyang pigilan si Lovely na sumama kay Yu-jun, duda siya sa binata, pero hindi niya ibinuka ang bibig. "Father Fair," si Joenard na bagong dating. Napalingon siya rito at nakita niyang nakasunod ito ng tingin sa tatlo. "Ngayon pa lang ako nakakita ng babaeng kasing ganda niya, seryoso," tila wala sa sariling sabi ni Joenard. "Ano bang pangalan niya?" "Lovely raw," si Mang Edmund ang mabilis na sumagot. "Kahit si Yu-jun tila napukaw niya ang atensyon," dagdag pa nito. "Bakit, Mang Edmund? Wala bang babae rito ang kumuha ng atensyon niya? Hindi ba't marami rin namang magaganda rito sa Del Recuerdo?" hindi niya napigil na tanong sa matanda. Umiling lang ito habang nakatawa. "Pangalan pa lang, Mang Edmund, kaibig-ibig na," banat ni Joenard. "Lovely..." sambit nito sa pangalan ng dalaga, tumingala pa ito sa maaliwalas na kalawakan. "Hayst!" naiiling na react niya. "Para kang nangangarap abutin ang mga ulap." "Walang imposible, Father," maagap nitong wika. "Anong wala? Kasal na s'ya, Joenard," natawa pang sabi niya. Napatitig sa kaniya si Joenard pati na rin si Mang Edmund. Napatingin siya sa sakristan habang nakataas ang dalawang kilay. "Bakit?" kunot-noo na tanong niya rito. "Paano mo nalaman na kasal na s'ya, Father?" tanong ni Joenard sa kaniya. "Kase nakita ko sa kamay niya kanina," sagot niya. "Napakabilis naman ng mga mata mo, Father Fair," kantyaw nito sa kaniya na ikinainis niya pero hindi niya ipinahalata. "Narinig n'yo 'yon?" tanong pa nito sa kanila Mang Edmund at Allan. "Umu-obserba si Father, intresado." Nagtawanan ang tatlo. "Hayst!" maanghang na sabi niya. "Paano n'yo nagagawang pag-isipan ako ng ganiyan? Patawarin nawa kayo ng nasa Itaas." Sinabayan niya ng pagtalikod ang sinabi. Napasunod ng tingin sa kaniya ang tatlo na kapwa natigilan at tila napaisip sa sinabi niya. "Minsan gusto kong isipin na hindi talaga siya isang pari," gumod ni Joenard habang nakasunod ang mapagdudang tingin kay Father Fair.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD