3.2 - Curiousity

1387 Words
"LOVE, ano ba?" si Hanna na nasalubong niya hindi pa man siya masyadong nakakalayo sa lighthouse. Humihingal ito at larawan ng pag-aalala. "Akala ko kung nasaan ka na. 'Di ba sinabi ko naman sa'yo na hintayin mo ako?" Hinagod siya nito ng tingin at nanlaki ang mga mata nang makita ang sugat sa tuhod niya. "Paano mo nakuha ang sugat na 'yan!?" "Natapilok ako," maikling tugon niya. "God, Lovely. Saan ka ba kase nanggaling!?" "Pasensya ka na, gusto ko lang sanang makita ang lighthouse na malapitan." Napatitig ito sa kaniya at lalong tumindi ang pag-aalala na nakalarawan sa mukha. "Pumunta ka sa lighthouse!?" Napamaang siya sa reaksyon ni Hanna, namutla ito. Naalala tuloy niya ang babala ni Yu-jun. "Hanna, bakit?" "Love, habang nandito tayo sa isla ipangako mo sa akin na hindi ka na ulit lalapit sa lighthouse," mariing wika nito. Maang siyang napatawa. "Why not? Did you just tell me na mababait ang mga tao rito?" Napaangat ang dalawang kilay nito at sandaling natigilan, wari'y naalala nang sabihin nito iyon sa kaniya kanina lang. "Oo, mababait ang mga tao rito, pero ang lighthouse, nakakatakot ang lugar na iyon," anito sa halos pabulong na paraan. "Iniiwasan ng mga tao rito ang pumunta o kahit magawi roon, kahit ang bantay ng lighthouse, halos hindi na tumapak doon." Napakunot ang noo niya kasabay ang kakaibang kabog sa dibdib, pero hindi nagsalita. Hinintay niya ang iba pa nitong sasabihin subalit nanahimik ito habang nakatitig sa kaniya. "Hanna?" untag niya rito. "May dapat ba akong malaman na dapat ay nalaman ko bago pa ako pumayag na sumama sa iyo rito?" Napabuntong-hininga ito at napailing. "Love, narito tayo dahil stressed ka sa marriage life mo at kailangan mo ng magandang lugar na gaya nitong Del Recuerdo para makahinga. Kaya—" "Hanna, please," mahinahong putol niya rito. "Pinapakaba mo ako. Tell me needs to know. Ano'ng mayroon sa lighthouse?" Napabuga ito ng hangin habang tinititigan siya. "May curse ang lighthouse..." binitin pa ni Hanna ang sasabihin at huminga ng malalim bagay na nagpatamimi sa kaniya, kinilabutan siya subalit nanaig ang kuryusidad. "Curse?" ulit niya sa salitang iyan. "May iba pa bang curse maliban sa pakikisama sa manhid kong asawa?" sinubukan niyang magbiro pero kahit siya ay hindi natawa. Napailing siya kasabay ang pagdungaw ng pait sa kaniyang mga mata. Umihip ang malamig na hangin buhat sa dagat at dumampi iyon sa balat niya. Napahawak siya sa batok dahil pakiwari niya ay tumindig ang mga balahibo niya roon. Naroon din ang pakiramdam na may pares ng mga matang nakatingin sa kaniya. "Ayos ka lang ba?" tanong ni Hanna nang mapansin ang pagiging diskomportable niya. Napatingin siya sa kaibigan at pilit na ngumiti bago tumango, pero napansin niyang lumampas ang tingin nito sa kaniya kaya naman mabilis siyang lumingon sa likuran niya. "Yu-jun?" si Hanna, bakas sa boses nito ang excitement. "Hi, Hanna," malawak ang ngiting bati ni Yu-jun sa kaibigan niya. Napasunod siya ng tingin kay Hanna nang kumilos ito palapit kay Yu-jun. "Kailan ka pa?" tanong ng binata sa kaibigan niya. "Kararating lang. Ikaw, nandito ka pa rin pala." "Oo, naisip ko kaseng mas masarap mamuhay rito kaysa sa Korea," sagot nito bago sumulyap sa kaniya. "Magkakilala pala kayo?" tanong nito kay Hanna. "Ah, oo, kaibigan ko. Magkaklase kami sa college, 'tas magkatrabaho kami ngayon sa mismong kompanya ng family husband niya," sagot naman ni Hanna. "Mukhang nagkita na kayong dalawa?" tanong nito sa binata bago tumingin sa kaniya. Tumawa si Yu-jun. "Oo, kani-kanina lang sa paanan ng lighthouse catwalk." Natigilan si Hanna at sandaling napamata kay Yu-jun, ikinabahala nito ang narinig sa binata subalit pilit na ngumiti. "Ah, so, hindi ko na yata kailangang ipakilala kayo sa isa't isa." "Sa totoo lang gusto kong malaman ang pangalan niya," mabilis na wika ni Yu-jun. Tumingin sa kaniya si Hanna bago ibinalik ang tingin kay Yu-jun. "Siya si Lovely." "Hanna, masyado yata akong napagod sa biyahe kanina," maagap niyang singit upang pigilan ito sa iba pa nitong sasabihin kay Yu-jun tungkol sa kaniya. "P'wede bang pumunta na tayo sa bahay n'yo?" "Kung ganoon sasabay na ako sa inyo, ang totoo n'yan pauwi na rin nga ako," si Yu-jun. Tumingin siya kay Hanna. Gusto niyang sa pamamagitan ng kaniyang mga tingin ay maunawaan nito ang pagtutol niya na sumabay sa kanila si Yu-jun dahil duda siya sa pagkatao nito. "Kapitbahay namin si Yu-jun," wika ni Hanna, nahulaan ang nais niyang ipahiwatig. "Mataas na pader lang ang pagitan namin kaya hayaan mo na, isabay na natin. Isa pa ay wala kang dapat ikabahala, kilala siya ng mga taga-rito. Magaling siyang photographer, kaya ka niyang kuhanan ng magandang larawan buhat sa malayo o kahit karaniwang camera lang ang gamit. Kaya nga ang studio niya ang pinaka-paborito ng mga tao rito eh," mahabang sabi ni Hanna na tila kinikilig pa. Hindi niya alam kung para sa kaniya o para sa sarili nito. Maluwang ang ngiti ni Yu-jun, kumukutitap ang mga mata nito, labis na ikinasiya ang mga sinabi ni Hanna. Wala na siyang nagawa kun'di pumayag na sumabay ang binata sa kanila, sinikap na lang niyang dumistansya sa mga ito para maiwasan ang kausapin ng binata. •••• INIHATID ni Father Fair ng tanaw ang tatlo habang papalayo bago lumabas sa pinagkukublihan, sa likod ng malaking puno ng balik-balik. Patungo talaga sana siya sa lighthouse upang matyagan si Yu-jun nang makitang doon ito papunta kanina. Hindi lingid sa kaniya at sa lahat ng taga-roon ang kuwento tungkol sa lighthouse, kaya ipinagdududa niya kung bakit sa loob ng ilang linggo na pamamalagi niya roon ay ito lang ang nakikita niyang gumagawi sa direksyon ng lighthouse. ••• NANG makarating sa bahay-bakasyunan nila Hanna ay napilitan si Lovely na ikuwento sa kaibigan ang totoong nangyari nang magkita sila ni Yu-jun kanina. Kinulit siya nito para ikuwento kung bakit ganoon na lang ang pag-iwas niya sa binata. Kasalukuyan nitong pinapahiran ng bulak na may alcohol ang sugat sa tuhod niya. "Alam mo sa totoo lang, crush ng bayan 'yang si Yu-jun. Pasalamat siya sa tatay niyang Koreano taglay niya ang mala-K-pop na kagwupahan." Para itong kiniliti sa paghagikhik matapos iyang sabihin. "Halos lahat ng kababaihan dito ay nagkakandarapa mapansin lang niya, pero isa man sa mga iyon ay wala siyang pinansin. Kahit nga ako na kapitbahay eh once in a blue moon lang niya batiin, kaya talagang kinilig ako nang kausapin niya ako ng medyo matagal kanina. Suplado kase 'yang si Yu-jun at pabago-bago ang mood, minsan nga gusto kong isipin na may daplis siya sa utak. Masuwerte ka siguro dahil napansin ka niya kaagad. Pero Love, huwag mong kakalimutang may asawa kang naiwan sa Maynila, kahit malamig pa sa tubig ng batis ang pakikitungo niya sa'yo, hindi pa rin ibig sabihin noon p'wede ka ng magtaksil sa mokong na 'yon." "Sino namang may sabi sa'yo na magtataksil ako kay Kean Marcus para lang sa Yu-jun na iyon?" nakaarko ang kaliwang kilay na tanong niya rito. "Oo, ipokrita ako kung itatanggi ko na guwapo nga siya, pero Hanna naman...hindi siya ang tipo ko. Alam mo 'yan. Sa paningin ko, wala nang higit na guwapo kun'di si Kean lang, ang asawa ko." "Eh, bakit kakaiba ang tingin mo kay Yu-jun kanina?" "Hanna, you're not an expert. Akala ko pa naman nababasa mo ang mga nasa isip ko kanina. Tinitingnan ko s'ya hindi dahil gusto ko s'ya, kun'di dahil napapaisip ako sa kaniya. Base kase sa mga sinabi mo kanina, kinakatakutan ng mga tao rito ang lighthouse, pero nandoon s'ya kanina. Doon kami nagkita." Natigilan ito at napatitig sa kaniya, wari'y noon lang naisip ang tungkol sa kuwento niya kung saan unang nagkrus ang landas nila ni Yu-jun. Nagkibit-balikat ito. "Bravery siguro ang tawag doon," wika nito. Napaikot ang eyeballs niya. Masyadong mataas ang tingin nito kay Yu-jun. "Okay, pero teka, ano ba kase ang meron sa lighthouse?" bigla ay tanong niya sa kaibigan. Natigilan ito sandali, ganunpaman ay hinintay niya itong magsalita. "Hapon na, Love, pumunta na muna tayo sa palengke para makapamili ng iluluto sa hapunan natin," pag-iwas nito sa tanong niya. Sinuri niya ito ng tingin pero hanggang doon lang ang nagawa niya. Alam niyang hindi nito gustong sabihin ang tungkol sa lighthouse kaya hindi na siya nagpumulit pa. Ganunpaman, mas nadagdagan ang kuryusidad niya at mas tumindi ang pagnanais na mapasok ang lighthouse tower.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD