4.1 - Sleepless night

1816 Words
NANG sumapit ang araw ng Linggo ay nagpasyang magsimba sila Hanna at Lovely. Gumising sila ng maaga para ang first mass ang maabutan nila, dahil ayon sa kuwentuhan ng mga tao sa palengke ay guwapo raw ang bagong pari sa unang misa na dinaraos tuwing umaga. Mahilig sa guwapo si Hanna kaya nga hanggang ngayon ay hindi pa ito nagkakaroon ng asawa. Wala pa raw kase itong nakikitang guwapo. "Hay naku, Hanna, kahit gaano pa kaguwapo ang paring iyon at pumasa ang kaguwapuhan niya sa standard mo, sorry, dahil hindi siya mapapasayo," pagbibiro niya sa kaibigan habang pumapasok sa tarangkahan ng simbahan. Umirap ito. "P'wede ba, Lovely, baka may makarinig sa'yo isipin pari ang pinapantasya ko. Tiyak na katakut-takot na panlilibak sa mga tao ang sasapitin ko." Pinagtawanan niya ito at hindi inaalis ang nang-aasar na tingin dito habang naglalakad sila palapit sa mayor na pintuan ng simbahan. "Salbahe." Akmang kukurutin siya nito sa tagiliran kaya naman umigtad siya palayo rito at hindi sinasadyang nabangga ang matigas na bulto na hindi niya kaagad napansin sa daraanan nila. Humawak siya sa magkabilang bisig ng bultong iyon upang hindi siya matumba. "Sorry—" naputol niya ang sasabihin at napatitig sa puting tela na kinasubsuban, kasunod niyang nakita ang berdeng abito. Dahan-dahan niyang itinaas ang tingin at ganoon na lang pamimilog ng kaniyang mga mata nang makita ang mukha ng pari na nagmamay-ari ng bultong iyon. Matiim ang titig nito sa kaniya, nananalakay. Hindi siya nakapagsalita kahit na nang maramdaman ang mariin nitong paghawak sa magkabilang braso niya at patulak siyang inilayo sa katawan nito. Muntik siyang matumba pero pasalamat na lang nasalo siya ng kaibigan na nasa likuran niya. Kapwa sila na-shock ni Hanna at hindi nakagalaw. Walang anuman na tinalikuran siya ng pari at sumunod sa mga sakristan na nakahanay sa gitnang daan sa loob ng simbahan at naghihintay rito. Wala siyang nagawa kun'di ang sundan ito ng mapaghinakit na tingin. "A-ayos ka lang ba, Lovely?" tanong ni Hanna sa kaniyang tabi, matapos dalahin sa kaniya ang tingin buhat sa paring iyon. Nasa tono nito ang pag-aalala at pagkabigla gaya niya. "Kahit suot niya ang sutana, masama ang ugali niya," wala sa loob na sabi niya at napapaluhang tumingin kay Hanna. Nanginginig ang mga labi niya sa sama ng loob. "Itinulak niya ako, nakita mo ba?" Nakagat nito ang ibabang labi habang tumatango. "Oo, at ako lang ang nakakita." Iniligid niya ang mga mata sa paligid at napagtanto niya na walang tao nang mga sandaling iyan sa labas ng simbahan. "M-Magsisimba pa ba tayo?" tanong ni Hanna. Narinig niya ang alingawngaw ng batingaw sa simbahan, hudyat na magsisimula na ang misa. Tumugtog na rin ang choir at sumabay sa pag-awit ang mga tao sa loob ng simbahan. Nalalanghap niya ang amoy ng usok ng ensenso't kamangyan buhat sa thurible na dala ng isa sa mga sakristan. Tiningnan niya ng matalim ang pari na nakatayo sa likuran ng hanay ng mga sakristan at lumalakad patungo sa unahan ng simbahan. "Gusto kong mapanood kung paano magmisa ang salbaheng pari." Sinabayan niya ng paglakad papasok sa simbahan ang sinabi. Kaagad na napasunod sa kaniya ang nag-aalalang si Hanna. Doon sila naupo sa ikalawang hanay ng upuan sa tapat mismo ng retablo kaya kitang-kita niya ang bawat galaw ng paring ito. "Sa ngalan ng Ama, Anak at Espirito Santo," simula nito. Napakalamig ng boses nitong pumupuno sa loob ng simbahan sa tulong ng mikropono at designated na speaker para sa church. Hindi niya inaalis ang tingin dito. Napaka-natural ng kilos nito at totoong napaka-guwapo sa suot na sutana. Kahit na sino talaga ay sisipaging magsimba kung ganito ang paring magmimisa. Hindi niya maunawaan kung bakit, pero pabigat nang pabigat ang dibdib niya habang pinagmamasdan ito sa kaniyang harapan. "Amen," korus ng mga tao. Naramdaman niya ang paghawak ni Hanna sa kaniyang kamay at bahagyang pumisil. "Sumainyo ang Panginoon," wika muli ng pari na bahagya pang itinaas ang mga kamay. "At sumaiyo rin," korus muli ng mga tao. Siya ay hindi nakapagsalita at nanatiling nakatingin lang sa pari, hinihintay niya na maligaw o sadyang dalahin nito ang tingin sa kaniya pero natapos ang misa na hindi iyon nangyari. Bago lumabas sa pintuan ang mga tao ay lumapit ang mga ito kay Father Fair, bagay na gusto rin niyang gawin, ngunit nang tumayo siya buhat sa pagkakaupo ay hindi niya nagawang ihakbang ang mga paa palapit kay pader bagama't nanatiling nakapako rito ang kaniyang mga mata. "Okay ka lang ba?" paanas na tanong sa kaniya ni Hanna. "Gusto mo bang lumapit sa kaniya?" Tiningnan niya ang kaibigan at manipis na ngumiti. "Hindi naman kailangan, 'di ba?" Kumilos siya at nagpatiunang lumakad palabas sa simbahan. Sinundan siya ng tingin ni Hanna bago sumulyap kay Father Fair at nasaksihan ng kaibigan niya ang pagsunod ng tingin ni pader sa kaniya. Binawi ni Hanna ang tingin dito at nagmamadaling sumunod sa kaniya. "Lovely." Hinawakan nito ang braso niya para pigilan siya sa mabilis na paglakad. "Nakasunod sa iyo ng tingin si Father Fair," anas nito sa kaniya. Napahinto siya sa paglakad at mabilis na lumingon sa unahan ng simbahan pero si Yu-jun ang nakita niya, nakatayo ito sa likuran nila. "Hi," nakangiting bati nito sa kanila. "Yu-jun," masiglang tawag ni Hanna rito. "Nagsimba rin pala kayo, hindi ko kayo napansin kaagad," wika ng binata. "Oo, ikaw. Hanggang ngayon pala palasimba ka pa rin," tila natatawang sabi naman ni Hanna rito. "Oo naman, iyon ang gawain na hindi natin dapat sinasawaan," ani EJ habang sa kaniya nakatingin. "Masyado pa lang tahimik itong kaibigan mo, Hanna," puna nito sa kaniya. "Ah, oo. Ganiyan talaga siya," sabi na lang ng kaibigan niya. "Ah, s'yanga pala, bibili ako ng rosaryo para makapag-nobena mamaya, mauna na akong lumabas, hintayin ninyo ako sa gate ng simbahan." Kaagad itong kumilos at malalaki ang hakbang na lumabas upang magtungo sa tindahan ng mga rosaryo sa gilid mismo ng simbahan. "O sige, hihintayin ka namin doon," habol ni Yu-jun dito. Wala siyang planong maghintay kay Hanna kasama ang binata. Lalakad na sana siya para sumunod sa kaibigan nang mapansin ang tingin ng mga tao sa kanila partikular ang mga kababaihan. Ang iba ay hindi pa napigil ang magbulungan habang dumaraan sa tapat nila palabas sa simbahan. Gusto niyang mapailing, hindi pa nga ganap na nakakalabas ang mga ito sa simbahan pero heto at gumagawa na kaagad ng kasalanan. "Hindi ba s'ya natatakot kay Yu-jun?" narinig niyang bulong ng isa sa mga kababaihan nang mapatapat sa kanila. Napakunot ang noo niya bago napatingin kay Yu-jun na nang sandaling iyan ay tila napapahiya sa kaniya, malamang ay narinig din nito ang bulungan ng mga kababaihan. "Huwag mong pansinin ang mga sinabi nila," wika nito. Nakita niya ang pilit na ngiti sa labi nito habang nakadungaw sa mga mata ang lungkot. Ganunpaman ay wala siyang balak sayangin ang oras niya para tanungin ito at makinig sa mga bagay tungkol dito. Kumilos siya at humakbang palabas ng simbahan. "M-Maglalakad lang ba kayo pauwi?" tanong nito habang sinasabayan siya sa paglakad. "Oo," maikling tugon niya. May mga tricycle naman pero dahil gusto nilang makapag-ikot-ikot ni Hanna ay napagkasunduan nilang maglakad na lang pauwi. "Tamang-tama, hindi ko dinala yung sasakyan ko, sasabay na lang ako sa inyo para may kasama kayo." Tiningnan niya ito matapos marinig ang sinabi nito. "Yung sugat mo sa tuhod, okay na ba?" Hindi niya ito sinagot bagkus ay tinitigan ito sa mga mata upang basahin doon ang nasa isip nito. Nais niyang ipagtaka ang pagiging komportable nito sa kaniya gayong hindi pa talaga sila lubos na magkakilala. Bakas ang pagkailang sa ngiti nito dahil sa ginagawa niyang pagtitig dito. "G-Gusto kong...gusto kong mag-sorry sa ginawa kong pagkuha ng picture mo na walang permiso buhat sa iyo." Napapakamot ito sa ulo. Bumuntong-hininga siya. "Okay na 'yon, kalimutan mo na," matabang na sabi niya at akmang iiwas dito ang tingin nang mahagip sa sulok ng kaniyang mga mata si pader, kaya naman dinala niya ang tingin dito. Nakatayo ito sa unahan ng simbahan at nakatingin sa kanila. Medyo malayo ito kaya mahirap basahin kung ano ang nasa mga mata nito pero dama niya ang malamig nitong titig. "Sana kalimutan mo na rin ang bad first impression mo sa akin," narinig niyang sabi pa ni Yu-jun. Sinabi nito iyon upang bawiin an atensyon niya buhat kay Father Fair. Binawi niya ang tingin kay pader at ibinalik sa binata. Sinikap niyang ngumiti upang ipahiwatig na posibleng mangyari ang nais nito. "Hoy, ano?" natatawang untag ni Hanna na kabubungad sa pintuan ng simbahan ilang hakbang na lang buhat sa kanilang kinatatayuan. "Ako pa pala ang maghihintay sa inyo sa labas eh." Tahimik siyang humakbang palapit sa kaibigan, habang si Yu-jun naman ay dinala ang tingin sa unahan ng simbahan, kay Father Fair, nagtama ang paningin ng mga ito. ••• KINAGABIHAN ay balisa si Lovely. Hindi siya makatulog, masyadong tahimik ang gabi kaya malayang nabubulabog ang isip niya ng kaniyang problema, ang asawa niya. Rumirehistro ng malinaw sa kaniyang isip ang guwapong mukha ni Kean. Ngunit sa kabila ng alaala ng guwapo nitong mukha ay nangingibabaw sa kaniyang utak ang alaala ng matatalim nitong titig tuwing titingnan siya, ang mga pang-uuyam nito sa kaniya mula nang ikasal sila. Hindi niya mapigil ang mapaiyak. Hanggang kailan ba niya dadalhin ang sakit na dulot ng pagmamahal niya kay Kean? Ilang mga gabi pa kaya ang magiging saksi sa bawat pagluha niya? Bumangon siya at umibis sa kama. Lumapit sa salaming bintana at tinanaw ang mabituing kalangitan. Gusto niyang mainggit sa ningning ng mga bituin. Inasam niya na sana ang ningning na nakikita niya, ay ningning na maaaring makita buhat sa mga mata ng kaniyang asawa habang nakatitig sa kaniya. Subalit gaya ng pangarap na abutin ang mga bituin sa langit, ay imposibleng mangyari ang pinapangarap niyang pagmamahal buhat kay Kean. "Dapat napaghandaan mo ito, Lovely. Alam mong hindi kita gusto, alam mong hindi kita mahal, and let me remind you, nakasal tayo dahil ginusto mo. Ikaw lang ang may gusto. Kahit ilang beses kang maghubad at maglumuhod sa harapan ko, kahit kailan, 'ni dulo ng daliri ko hinding-hindi lalapat sa balat mo, hinding-hindi mo makukuha ang puso ko, habang buhay kang magdurusa sa piling ko," naalala niyang sabi ni Kean sa kaniya. Mariin nito iyong isinigaw sa pagmumukha niya habang pinupukol siya ng matatalim na titig. Mariin siyang napailing at tahimik na umiyak. Niyakap niya ang sarili para hamigin ang sakit na nararamdaman. Nasa ganiyang ayos siya nang maaagaw ang pansin niya ng kislap ng mapulang liwanag sa malayo. Ang signal light iyon sa lighthouse tower. Medyo mataas ang lugar na kinatatayuan ng bahay nila Hanna kaya natatanaw iyon buhat sa kinatatayuan niya. Ilang gabi na siya roon pero ngayon lang niya iyon napansin. Nakakahalina at pakagandang pagmasdan ng bawat pagkislap niyon, halos daigin ang kislap ng mga bituin sa kalawakan, at para bang nagbibigay iyon ng natatanging hipnotismo, tinatawag siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD