3.1 - The Lighthouse

1235 Words
NAMANGHA si Lovely nang dumaong ang ferryboat na lulan niya sa pantalan ng bayan ng Del Recuerdo. Mas maganda pa pala ito sa malapitan at nagawa nitong mabura ang kaniyang pagod buhat sa mahabang biyahe. Isa itong napakalaking isla na may malaking populasyon. Sibilisado na at nakasasabay sa teknolohiya, pero sa kabila noon ay nananatili ang kagandahan nito, ang luntiang kabundukan, maasul na karagatan, maputi at pinong buhangin sa dalampasigan. Bago bumaba, gamit ang cellphone ay kinuhanan niya ng larawan ang lighthouse tower na nasa dulong bahagi ng isla. Malayo pa lang ay roon na nakatuon ang mga mata niya kanina. Nakakamangha iyong tingnan, para bang nakatayo iyon sa gitna ng maberdeng tubig-dagat habang iniuugnay ito ng mahabang catwalk sa dalampasigan. "Love, hindi ka pa ba bababa?" untag sa kaniya ng kaibigang si Hanna. Nakababa na ito sa bangka at hinihintay siya sa gilid ng pantalan. Alam ni Hanna ang tungkol sa bigat na dinadala niya sa dibdib dahil sa manhid niyang asawa. Ayon dito ay mas mabilis siyang makakalimot kung sa islang ito siya mananatili hanggang nais niya. Sa bayang ito lumaki si Hanna, pero dahil nagkaroon na ito ng permanente at maayos na trabaho sa Maynila bilang doktor sa ospital na pagmamay-ari ng kaniyang pamilya ay pinili nitong doon na manirahan kasama ang mga magulang at isang kapatid. Naging bakasyunan na lang ng mga ito ang Del Recuerdo, kaya naman nirekomenda nito sa kaniya na roon sila magbakasyon, at ngayon, nakatitiyak siyang hindi niya pagsisisihan ang pagpayag dito. Bumaba siya sa tulong ng isa sa mga crew ng ferryboat. "P'wede bang ipakibuhat mo na lang din ang gamit ko?" tanong niya sa kaibigan na ang tinutukoy ay ang dalang maleta. "Hindi ko na mahihintay na makapaglakad sa dalampasigan," dugtong pa niya habang inilalagay ang cellphone sa kaniyang neck pouch. Umiling ito habang nakatawa. "Hindi p'wede, kahit malapit lang ang bahay namin dito at mababait ang mga tao rito, hindi kita p'wedeng payagan na lumakad mag-isa. Hintayin mo ako rito, tatawag lang ako ng trycicle." Tumalikod na ito at iniwan siya. Pero matigas ang ulo niya. Habang papalayo ang kaibigan ay tinungo niya ang kongkretong hangdanan na nasa gilid ng pantalan. Bumaba siya roon at tinugpa ang maputing buhanginan patungo sa direksyon ng lighthouse, parang may kung anong magneto ang humahatak sa kaniya patungo roon. Habang papalapit siya nang papalapit sa lighthouse ay lalong napupuno ng pananabik ang kaniyang dibdib, hindi niya magawang alisin ang mga mata buhat doon. Nang sapitin niya ang paanan ng lighthouse catwalk ay naging mabagal siya sa paglakad dahil mabato sa bahaging iyon. Habang naglalakad ay hindi niya napigil na kumuha ng mga larawan gamit ang cellphone, kaya naman hindi niya napansin ang nakausling bato sa kaniyang daraanan. Natapilok siya, mabuti na lang at napahawak siya sa malaking tipak ng bato bago tuluyang mapatihaya subalit napadaing nang maramdaman ang kirot sa kaliwang tuhod niya. Napaawang ang bibig niya nang makita ang guhit ng dugo na nagmula sa sugat sa tuhod na natamo sa pagkakaluhod sa bato. "Dapat nag-iingat ka," wika ng malamig na boses-lalaki na nagpaigtad sa kaniya. Awtomatiko siyang napatingala sa may ari ng boses at bahagya pa siyang nasilaw sa liwanag ng araw na agad nitong natabingan kaya naman nakita niya ng maayos ang mukha nito. Masasabi niyang guwapo ito, banyaga ang kaguwapuhan, mapula ang labi at matangos ang ilong, pero matiim kung tumingin ang mga mata. Inilahad nito ang palad sa kaniya. Tiningnan niya iyon at nag-alangan pa nang una bago iyon tinanggap gamit ang kaniyang kaliwang kamay. Parang wala lang dito ang bigat niya nang hilahin siya patayo. "Dayo ka rito," anito bagama't hindi tonong patanong. "Bakit hinahayaan ka ng mister mo na magpunta sa mga ganitong klase ng lugar?" Napakunot ang noo niya hindi dahil sa matatas nitong pananagalog sa kabila ng banyaga nitong kaanyuan. Paano nito nalaman na may asawa na siya? Ngumiti ito at lumitaw ang pantay nitong mga ngipin na abnormal sa labis na kaputian. "Nakita kong may wedding ring sa daliri mo nang hawakan ko ito upang itayo ka," wika nito na para bang nabasa ang nasa isip niya. Wala sa loob na napatingin siya sa kaniyang daliri sa kaliwang kamay matapos marinig ang sinabi nito. Hindi niya napigil ang pagkislap ng lungkot sa mga mata habang nakatitig sa singsing. Ibinalik niya ang tingin sa estranghero nang marinig ang mahina nitong pagtawa na tila ba nakakaloko. "Bakit ganiyan ka?" tapos ay nakaismid na tanong nito sa kaniya. "Para bang isinuot ang wedding ring na yan sa daliri mo nang sapilitan." Gusto niyang mainis sa lalaking ito. Mabilis yata itong naging komportable sa kaniya para pakialaman ang personal niyang buhay at ang tungkol pa talaga sa kaniyang pagpapakasal. Ganunpaman ay gusto niyang ipamukha sa lalaking ito na mali ang iniisip nito. "Mahal...namin ang isa't isa kaya kami nagpakasal," nasa tono niya ang pagmamalaki. Sumeryoso ito. "Pero teka, 'asan ba siya at hinahayaan ka niyang mag-isa rito?" Iniligid nito ang tingin sa paligid ng lighthouse. "At sa bahaging ito pa talaga ng isla," dagdag nito matapos ibalik ang tingin sa kaniya. Hindi niya pinansin ang nakababahalang tono nito. "Nasa Maynila s'ya, busy sa trabaho kaya..." binitin niya ang sinasabi nang mapansing nakikipag-usap na siya rito at binubuksan ang paksa tungkol sa personal niyang buhay, samantalang noon pa lang niya ito nakita at 'ni hindi pa nalalaman kahit pangalan man lang. Napapitlag siya nang walang paalam ay kunin nito ang cellphone niya sa kabilang kamay niya. Ngumiti ito. "Buti naman hindi nabasag," anito habang sinisipat iyon. Hinaltak niya sa kamay nito ang bagay na iyon at tinalikuran ito ng walang paalam. Malalaki ang mga hakbang na kinuha niya upang makalayo rito, pabalik sa kinaroroonan ng pantalan. Naramdaman niya ang pagsunod nito. "Yu-jun" narinig niyang sabi nito sa kaniyang likuran. Wala sa loob na napahinto siya sa paglakad. "Yu-jun Han," sabi pa nito. "Iyon ang pangalan ko." Nilingon niya ito at nakita niya ang hawak nitong cellphone na nakatutok pa sa kaniya. "Ninakawan mo ako ng picture!?" inis na tanong niya kahit tiyak niyang oo. Hindi ito sumagot bagkus ay nginitian siya, matamis. Kinabahan siya sa isip na baka gamitin nito sa kung anong kalokohan ang larawan niya. Kinakabahan man ay lumakad siya palapit dito. "I-delete mo 'yan," nagbabanta ang tono niya sabay tangkang agawin buhat sa kamay nito ang cellphone na agad nitong naitaas. Matangkad ito kaya hindi niya maaabot ang cellphone sa nakataas nitong kamay. Pinukol niya ito ng matalim na tingin. "Tinanong mo ako kung ninakawan kita ng picture, hindi mo maiisip itanong iyon kung hindi mo alam. So, ibig sabihin, hindi nakaw 'yon," nakangiting sabi nito habang nakatunghay sa kaniya. Nakuyom niya ang mga kamao at tinangka muling abutin ang cellphone. Hindi siya nito hinayaang makuha iyon, sinikap nitong maiiwas ang cellphone sa kaniya hanggang hindi sinasadya ay mapasubsob siya sa dibdib nito. Tila nakuryenteng kaagad siyang umigkas palayo buhat dito at nagmamadaling lumakad palayo. "May sugat ka sa tuhod, Miss. Hindi mo ba lalagyan ng kahit na alcohol man lang? " narinig niyang tanong nito pero inignora niya. Nagpatuloy siya sa mabilis na paglakad habang pigil ang kaba sa dibdib. "Miss, habang narito ka sa isla, iwasan mong gumawi sa lighthouse," pahabol na sabi nito sa kaniya. Base sa tono nito, hindi iyon isang simpleng paalala. Napakunot ang noo niya at nakadama ng pagkabahala, ganunpaman ay hindi siya huminto sa mabilis na paglakad upang makalayo sa lalaking ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD