TAHIMIK ang mga yabag ni Father Fair habang tinutugpa ang makipot at makulimlim na kalsada sa gitna ng talahiban. Buhat doon ay natatanaw niya ang dalampasigan na natatanglawan ng biyak na buwan at mga bituin sa kalangitan.
Tahimik ang gabi maliban sa huni ng mga kulisap sa paligid kasabay ang mabining hampas ng maliliit na alon. Napakalamig ng preskong simoy ng hangin na tila ba humihimig ng malamyang awitin.
Napabuntong-hininga siya. Napakaganda at payapa ng Del Recuerdo. Sinong mag-aakala na ang malaking isla ng bayang ito ay may malagim na lihim?
Buhat sa dalampasigan ay dinala niya ang mga mata sa lighthouse tower, pinagmasdan niya ang mapulang kislap ng signal light sa itaas niyon, nakakapanglaw.
Kaluskos sa talahiban ang umagaw sa atensyon niya. Huminto siya sa paglakad at tumingin sa direksyon kung saan nagmula ang kaluskos. Nakipagtitigan siya sa madilim na bahagi ng talahiban. Ilang sandali ang lumipas ngunit hindi na naulit pa ang kaluskos subalit napapilig siya nang umalingawngaw sa kalaliman ng gabi ang alulong ng isang aso buhat sa malayo.
Napatiim-bagang siya. Naniniwala siya sa mga pamahiin. Pabulong na sinupla niya ang masamang pahiwatig.
Nagpatuloy siya paglakad habang alisto ang mga mata sa paligid. Nilakihan niya ang mga hakbang hanggang sa sapitin ang catwalk ng lighthouse.
Nang ganap siyang makalapit sa lighthouse tower ay napakunot ang kaniyang noo, bukas ang pintuan nito na laging nakapinid tuwing pupunta siya rito.
Sandali siyang nakiramdam bago nagpatuloy sa paglakad at maingat na pumasok. Alisto ang mga mata habang tahimik ang mga yabag sa hagdanan na natatanglawan ng makulimlim na liwanag buhat sa mga luma at maliliit na bumbilya.
Narating niya ang pintuan palabas sa balcony ng lighthouse tower, nakabukas iyon at kahit tanging liwanag lang ng kumikislap na pulang signal light ang tanglaw roon ay nabanaagan niya ang bulto ng isang babae na nakatayo sa edge ng metal rail ng balcony. Hubad ito at tanging underwear lang ang naiwang saplot sa katawan. Dinig niya ang mahina nitong paghikbi.
"Sino ka?" tanong niya upang i-distract ito sa gagawin sanang pagtalon.
Nahinto ito sa paghikbi at mabilis na lumingon sa kaniya kasabay ang muling pagkislap ng signal light.
Gaya nito ay nabigla rin siya nang makita ang mukha nito. Sinalakay siya ng pag-alala at wala sa sariling napahakbang ng mabilis palapit dito. Walang sabi-sabing hinaltak niya ito palayo sa gilid ng balcony, at dala ng emosyon ay nai-angat niya ang kanang kamay para sampalin sana ito pero mabilis siyang natauhan.
Napatiim-bagang siya, nakuyom ang kaniyang palad at napatitig sa mukha nitong basang-basa sa luha.
Binuksan nito ang mga mata at sinalubong ang titig niya.
"Sige, Father, sampalin mo ako para matauhan ako!" Mapait itong napahagulhol.
Imbes na gawin ang sinabi nito ay ibinaba niya ang nakakuyom na palad at mabilis na hinubad ang suot niyang priest polo, ibinalot iyon dito subalit iwinaksi nito iyon.
Pinukol niya ito ng matalim na tingin. "Balutin mo ang sarili mo at umuwi na. At kung ako sa'yo, hindi na ako babalik ulit sa lugar na ito," paasik na wika niya rito.
Mapakla itong tumawa. "Sino ka ba para utusan ako't pakialaman sa kung saan ko gustong pumunta o kung anong gusto kong gawin sa buhay ko? Ano bang pakialam mo? Concern ka? Bakit? Asawa ba kita?!" nasa boses nito ang matinding hinanakit.
Muli siyang napatiim-bagang. "Alam mo ba kung saan nakatapak ang mga paa mo ngayon?!" asik niya imbes na sagutin ang mga tanong nito. "Narito ka ngayon sa delikadong lugar sa islang ito. Mapanganib ang lighthouse, kaya kung ako sa'yo, gawin mo ang sinabi ko. Umuwi at huwag nang bumalik dito."
Imbes na matakot sa sinabi niya ay humagulhol itong muli. "Napakatanga ko, Father Fair," mapait na sabi nito, "para umasang mamahalin din ako ng asawa ko." Hopeless itong napailing habang siya ay natitigilang napatitig dito. "Napakamanhid niya," mapait nitong anas sa kaniya habang titig na titig sa mga mata niya.
Hindi pa rin siya nakapagsalita, pinatahimik ng nakikita niyang sakit sa mga mata nito ang kaniyang dila.
Nanatili itong nakatitig sa kaniya habang patuloy sa pagluha, tila naghihintay ng mga salitang lalabas sa bibig niya.
Napabuntong-hininga siya at imbes na magsalita ay pinulot niya ang kaniyang priest polo at muling ibinalot dito.
Nagtitigan sila sandali at nang hindi ito kumibo ay inalis niya ang nakataling tela sa leeg nito ganoon din sa pagkakatali sa metal rail. Tama, gamit ang mga kasuotan nito ay tinangka nitong i-bigti ang sarili.
"Umuwi ka na at huwag nang tangkain muli ang pagpapakamatay. Hindi sagot—"
"Gusto ko nang mamatay," mariing putol nito sa kaniya at pumihit paharap sa pasimano upang tumalon.
Muli ay napasaltik ang mga bagang niya. "Sige," asik niya, "kung iyon talaga ang gusto mo. Sige, tumalon ka hindi kita pipigilan. Pero tandaan mo, hindi ang hampas ng alon sa ibaba ang papatay sa iyo, kun'di ang mga pating na matagal nang nakikitang paggala-gala sa paligid nitong lighthouse tower. Mararamdaman mo kung paano ka nila unti-unting kainin, luray-lurayin. Sayang, 'ni hindi ko magagawnag misahan ang bangkay mo kapag nagkataon." Tumalikod siya at malalaki ang mga hakbang na tinungo ang pintuan dala ang mga kasuotan nito.
Hintakot naman itong napatunghay sa tubig. Napigil nito ang pag-iyak habang minamasdan sa tulong ng signal light ang paghampas ng alon sa paanan ng lighthouse tower.
Nagmadali naman siyang bumaba sa hagdanan at nang ganap na makalabas ay kaagad na nagkubli sa gilid ng tower. Ilang sandali lang ay narinig niya ang mga yabag ng babae sa hagdan. Nagmamadali, tumatakbo.
"Father Fair!" tawag nito sa kaniya nang makalabas sa lighthouse tower.
Nakita niyang tinatanaw siya nito sa catwalk at nang hindi siya makita ay nagtatakbo ito roon.
"Father Fair!" tawag pa nito sa kaniya.
Nang makalampas ito sa catwalk ay saka lang siya lumabas sa pinagkukublihan. Sinundan ang babae at binantayan buhat sa malayo.
Napailing pa siya dahil sa ayos nito. Mabuti na lang at umabot hanggang sa kalahati ng mga hita nito ang haba ng priest polo niya. At mabuti na lang din at kapag ganitong malalim na ang gabi ay halos wala nang tao sa kalsada.
Kung kailan naman na malayo na ang nararating niya sa pagsunod sa dalaga ay saka siya tinahol ng aso, mabuti na lang at mabilis siyang nakapagkubli bago pa makalingon ang binabantayan niya. Ayaw niyang makita siya nito at mamihasa.
Nang silipin niya ang babae ay nakita niyang pumasok ito sa isang gate. Nakahinga siya nang maluwag sa isip na nakauwi na ito. Ilang sandali siyang hindi umalis sa kinaroroonan upang matiyak na hindi na ito muling lalabas pa.
"Father Fair?" boses ng isang lalaki buhat sa likuran niya kaya kaagad siyang napalingon.
"Joenard? Anong ginagawa mo rito ng dis oras ng gabi? Balik sa presbytery," dire-diretsong turan niya sa pormal na paraan.
Kapwa sila natigilan matapos ang kaniyang sinabi.
"Hindi kase ako dalawin ng antok, Father," kapagkuwa'y wika nito, "kaya naisip kong maglakad-lakad. Eh teka, bakit po nasa labas pa kayo ng ganitong oras ng gabi? Alam mo naman pong delikado sa mga kagaya mo ang islang ito, saka..." Binitin nito ang sasabihin at mabilis siyang hinagod ng tingin. "Bakit po nakahubad ka? Nasaan po ang priest polo mo?"
Napaawang ang bibig niya at noon lang naisip na hubad nga pala siya. Ayaw niyang nagsusuot ng t-shirt kapag naka-priest polo siya dahil mainit.
Pasimple niyang ikinubli sa likod niya ang bitbit na mga kasuotan. Hindi iyon kaniya kaya hindi nito iyon dapat makita.
"Bumalik na tayo sa presbytery," wika niya imbes na tugunin ito.
Tumango lang ito at nagpatiuna ng lumakad. Sumunod siya rito habang hindi mapigil ang sariling pukulin ito ng mapagdudang tingin.
Bakit palagi itong may napupuna sa kaniya? Binabantayan ba siya nito ng tingin? Inu-obserbahan ba nito ang mga ginagawa o kinikilos niya?