NAGLALAKAD sa dalampasigan si Father Fair. Abala siya sa pag-iisip nang mapansin ang mga tao sa paligid. Kapansin-pansin na ang ilan sa mga ito ay nakatingin sa kaniya at may iba-ibang ipinapahiwatig ang mga titig.
Alam niya kung ano ang tumatakbo sa isip ng mga ito, lalo na sa mga taong nasa mata ang pag-aalala.
Ngumiti lang siya at nagpatuloy sa paglakad hanggang sa mapansin si Joenard. Sumalubong ito sa dumaong na bangka sakay ang mag-amang silang Mang Edmund at Allan.
Kaagad siya nitong napansin at kumaway sa kaniya na tinugon lang niya ng ngiti at bahagyang pagtango.
Hinintay niya itong makakuha ng isda hanggang sa umalis. Nang mawala ito sa paningin ay lumapit siya sa mag-ama.
"Father Fair, magandang umaga," si Mang Edmund.
"Magandang umaga rin sa inyo," bati rin niya, nakangiti. "Gustong-gusto talaga ni Joenard ang isda mo, Mang Edmund."
"Naku, opo, Father, mula nang dumating siya rito, isda ko na lang siguro ang iniuulam niya." Sinundan nito ng pagtawa at pag-iling ang sinabi habang si Allan ay tahimik at nakangiti lang na nakikinig sa kanila. "Siguro naman kapag matagal na s'ya rito mananawa rin 'yan," dagdag pa ng matanda.
Napatango lang siya at napatingin kay Allan nang sumenyas ito sa ama habang ipinapakita ang isda sa hawak nitong plastic bag.
"O sige, ihatid mo na iyan kay Sgt. Craig pero bumalik ka rin, medyo madami itong huli natin kaya mahihirapan akong buhatin na mag-isa ang mga ito," wika ng matanda sa anak.
Kumilos si Allan, bumaba buhat sa hulihan ng bangka at lumakad palayo. Sinundan ito ni Mang Edmund ng tingin hanggang sa mawala sa paningin nito.
"Hindi ba nakakalungkot na kayo lang dalawa ni Allan ang magkasama sa buhay?" naisip niyang itanong kay Mang Edmund.
Ngumiti ang matanda subalit hindi tumugon.
"Pasensya ka na, Mang Edmund, medyo personal ang naging tanong ko. Nais ko lang—"
"Naku, Father Fair, ayos lang," putol nito sa kaniya. "Sa totoo lang natuwa ako sa pagtatanong mo, dahil sa haba ng panahon na naging ganito ang sitwasyon namin ng anak ko, ikaw lang po ang nakaalalang tanungin kami at alamin ang kalagayan namin."
Napatitig siya rito nang makita ang kapanglawan sa mga mata nito habang nakatanaw sa malayo.
"Ang mga tao rito, para sa kanila mga mangingisda lang naman kami at hindi kailangang bigyan pa ng pansin," malungkot na turan pa nito at halos hindi niya iyon marinig dahil sa mahinang timbre ng boses nito. "Sa totoo lang po, Father Fair, napakalungkot po, nakakalungkot makita na ang mga anak mo ay namumuhay na hindi normal."
"May anak ka pa po pala bukod kay Allan?" napakunot ang noo na tanong niya.
Kumislap ang mas matinding lungkot sa mga mata nito. "Opo, Father Fair, kaya lang hindi ko naman magawang hayaang lumabas ng bahay dahil nag-aalala akong makapanakit siya ng mga tao, kaya minabuti kong sa loob na lang siya ng bahay manatili."
Tiningnan niya ito pero hindi na nagtanong pa, ayaw niya itong i-torture sa kalungkutan dahil lang sa pag-uusisa, imbes ay nag-offer siya na tulungan itong mabuhat ng mga nahuli nitong isda na nailagay na nito lahat sa banyera.
Pagkatapos niyang tulungan si Mang Edmund ay pinasya niyang magpatuloy sa paglakad sa dalampasigan upang umikot sa isla.
"Father, mag isa ka yata."
Napalingon siya sa may-ari ng tinig buhat sa likuran niya, si Emily.
Kaagad siyang nahawa sa malawak nitong ngiti. "Oo, medyo naiinip na rin kase ako kaya naisip kong maglakad-lakad."
"P'wede po kitang samahan, Pader," wika nito sa paraang nagpapahiwatig at hindi nagsusuhestiyon. Nang hindi siya kaagad sumagot ay nagpatiuna ito sa paglakad.
Sinundan niya ito ng tingin. Ito ang babae na nasa tabi ng babaeng pinag-uusapan nila ni Father David kanina, at gusto niyang malaman kung bakit umalis din ito sa choir kagaya ng babaeng nasa tabi ni Father Philip.
"Hindi siguro magandang ideya kung tatanggihan kita sa ikalawang pagkakataon," turan niya at humakbang na upang sabayan ito sa paglakad.
Magiliw ang naging halakhak nito kaya napatitig siya rito. Tumingin ito sa kaniya kaya naman nagpanagpo ang kanilang mga mata.
"Bakit naman ganiyan mo akong titigan?" nangingiting tanong niya nang mapansin ang masuyo nitong titig sa kaniya.
Nagkibit-balikat ito at sumeryoso. "Father, pangarap mo po ba talaga na maging pari?"
"Medyo personal na tanong 'yan ah."
Tila nailang ito at napatawa ng mahina. "Pasensya na po kung—"
"Okay lang naman," maagap n'yang putol dito. "Hindi ko lang inaasahan na tatanungin mo ako ng ganiyan." Binawi niya ang tingin dito at tumanaw sa karagatan. "Mm...ang pagpapari kase, hindi dapat pinapasok 'yan dahil gusto mo lang, kailangan nasa puso mo talaga. At ang mga bagay na isinasa puso ay ang mga bagay na pinapangarap natin."
Napatango ito habang nakatitig sa kaniya. "Ibig sabihin, oo ang sagot sa tanong ko," hindi nito naikubli ang panghihinayang sa tono kaya naman napatingin siya muli rito. "Sayang naman po, Father," dugtong pa nito.
Napakunot ang noo niya habang naiilang na napapangiti. "Bakit naman?"
"Sayang kase guwapo ka, mas okay siguro kung nagkaroon ka ng asawa't mga anak," diretsong tugon nito.
Pinigil niya ang matawa. "Mas nagiging useful tayo kung nakakapaglingkod tayo sa Itaas. Ikaw, wala ka bang balak na maglingkod sa simbahan?" tanong naman niya habang patuloy pa rin sila sa paglakad.
Saglit itong natahimik. Kapagkuwa'y bumuntong-hininga ng malalim na siyang mas pumukaw sa kaniyang interest. Bakit tila nagpabigat sa dibdib nito ang tanong niya?
"Dati kasali ako sa choir pero noong umalis 'yong kaibigan ko sa choir, umalis na rin ako." Bigla ay nagkaroon ng bahid ng lungkot ang boses nito.
Kung gayon, kaibigan nito ang babae sa larawan na pinag-uusapan nila ni Father David kanina.
Bakit kaya ito at ang babaeng iyon sa tabi ni Father Philip ay pinasyang hindi na kumanta sa choir?
"Bakit naman?" Yumukod siya at dumakot ng buhangin at binilog sa kaniyang mga palad. Ginawa niya iyan upang hindi ipahalata kay Emily na ganoon siya kaintresadong malaman ang sagot nito.
"Kase..." binitin nito ang sasabihin sandali at humugot ng malalim na buntong-hininga. "Parang hindi na ako komportable—"
"Hindi," putol niya rito. "Ang ibig kong sabihin, bakit s'ya umalis?"
Napahinto ito sa paglakad at napamata sa kaniya. Huminto rin naman siya.
"May...masama ba sa tanong ko?" napapamaang niyang tanong dito.
Umiling ito. "Naisip ko lang, akala ko 'yong tungkol lang po sa akin ang gusto mong marinig gayong tayo naman ang magkasama."
Ngumiti siya. "Kaibigan mo s'ya, 'di ba? Kaya may kaugnayan s'ya sa 'yo."
Napatango naman ito bago muling lumakad. Sinabayan niya ito. Ilang sandali rin silang naglakad ng tahimik hanggang makalampas sa tapat ng pribadong isla.
"Bigla na lang kase s'yang nagkaroon ng sakit sa pag-iisip," kapagkuwa'y sabi nito patungkol sa kaibigan nito.
"Dapat ipina-psychiatrist siya kung ganoon," mabilis niyang turan sa kabila ng panghihinayang na ang babaeng may mala-anghel na ganda ay nasiraan pala.
"Siguro, ipina-psychiatrist siya kase inialis siya ng pamilya niya rito."
Tiningnan niya ito. "Sa tingin mo ayos na s'ya sa ngayon? "
"Wala na kaming balita, 'ni hindi na rin s'ya nakita rito. Bestfriend niya ako at gusto ko rin sanang magkaroon ng balita tungkol sa kaniya, pero nakakalungkot na hindi iyon nangyari." Bagsak ang balikat nito habang nakatanaw sa malayo.
Ipinatong niya ang kamay sa balikat nito na siyang nagpapitlag dito pero inignora niya iyon.
"Kung wala namang history ng ganoong uri ng sakit sa pamilya nila, huwag kang mag-alala para sa kaibigan mo, gagaling siya." Pagpapalubag niya sa loob nito.
Ngumiti ito saka sinulyapan ang kamay niya sa balikat nito.
"Wala naman silang lahing ganoon. Hindi ko lang din talaga alam kung bakit s'ya nagkaganoon, bigla na lang namin napansin na kakaiba na ang ikinikilos niya, pero sana nga, gumaling siya." Masigla ang tinig nito at puno ng pag-asa.
"Sana nga, walang imposible sa Diyos. S'yanga pala, napansin ko ang maliit na isla roon, maaari ba tayong pumunta? " pag-iiba niya sa usapan bagama't alam na niya ang tungkol sa isla, nais lang niyang makarinig pa ng mga bagay tungkol doon buhat sa dalaga.
"Naku, Father Fair, pasensya na po pero private property po iyon, parang isang taon na rin yata mula nang may bumili sa islang iyon, pero walang nakakaalam kung sino." Huminto ito bigla at pumihit sa kaniya bago pa siya makapagsalita. "Pader, siguro po dapat na tayong bumalik, hindi po kase tayo p'wedeng magawi sa lighthouse." Nasa anyo nito at tono ang pagkabahala.
Magsasalita pa sana siya subalit nakarinig siya ng kaluskos at ingay ng tila nabaling sanga buhat sa madawag na bahagi sa tahik.
Nagulat si Emily at napahawak ng mahigpit sa braso niya kaya napatitig siya rito.
"F-Father, bumalik na po tayo," nanginginig ang boses nito at maluha-luha sa pag-aalala.
"Bakit, Emily?" tanong niya bagama't hindi na siya nagtataka.
"Father, please? Ayaw ko pong mapahamak ka," mariing wika nito, alalang-alala.
Subalit ang kakarampot na pagsang-ayon sa nais nito ay dinaig nang kuryosidad nang muling makarinig ng kaluskos sa bahaging iyon.