7.2 - Hard-headed

1689 Words
NATUTOP ni Lovely ang bibig niya nang mabali ang natapakang sanga ng kahoy. Hindi niya iyon napansin dahil sa kakalingon sa likuran upang tiyakin na wala na ang werdong babae na sumusunod sa kaniya na bigla na lang sumulpot sa likuran niya. Nasilip niya sa siwang ng matataas na damuhan si Father Fair at nakatanaw sa direksyon kung saan siya nagkukubli. Pumihit siya at akmang tutungo sa ibang direksyon ngunit kagyat na natigilan nang makita ang babaeng sumusunod sa kaniya. Buhat sa hindi kalayuan ay nakatayo lang ito at nakatingin sa kaniya, halos hindi ikurap ang mga mata. Sa kabila ng takot at pangamba na baka saktan siya nito ay nagawa niya itong hagurin ng tingin. Basa ang ibabang bahagi ng suot nitong puting bestida na hanggang kalahati ng mga binti nito. Malinis naman ito at maayos ang hitsura, pero hindi niya maintindihan kung bakit may kakaiba sa kilos nito kagaya na lang ng ginagawa nitong pagtitig at hantarang pagsunod sa kaniya. Kumilos ito at humakbang palapit sa kaniya. Naalarma siya at wala sa loob na napatakbo palabas buhat sa pinagkukublihan, kumaripas siya patungo sa tabing-dagat. Dahil nakalingon siya sa likuran habang tumatakbo ay hindi niya nakita ang kasalubong na si Father Fair, napabangga siya sa malapad at matigas nitong dibdib. Napatili siya at napapitlag palayo dahil sa pagkagulat subalit maagap siya nitong nahawakan sa kaniyang magkabilang balikat. "Hey!" Inalog siya nito upang matauhan. Kaagad siyang natauhan dahil sa mainit nitong mga palad. "F-Father!" nasambit niya ang pangalan nito habang napamata sa guwapo nitong mukha na larawan ng pagtataka. Buhat sa pinanggalingan niya ay dinala nito ang tingin sa kaniya. "Bakit parang takot na takot ka?" Napalunok siya. "M-may babae kaseng..." Binitin niya ang sasabihin at lumingon sa kaniyang pinanggalingan. "Hindi ko maintindihan kung nasa katinuan ba s'ya pero parang gusto n'ya akong saktan," bahagyang may panginginig sa boses niya. Nadama niya ang bahagyang pagpisil nito sa kaniyang balikat kaya ibinalik niya ang tingin dito. Nakita niya ang pagdungaw ng inis sa mga mata nito at napapiksi siya nang padarag nitong itulak palayo at lumakad patungo sa pinanggalingan niya. "F-Father—" "Bumalik ka na sa bayan," paasik nitong putol sa kaniya. "Sumama ka sa kaniya," wika nito habang patuloy sa paglakad patungo roon, 'ni hindi siya nilingon. Napalunok siya bago dinala ang tingin sa babaeng kasama ni Father Fair na kanina lang ay tinatanaw niya. "Mauna ka na, susundan ko s'ya," wika nito at akmang kikilos na upang gawin ang sinabi. "Wait," pigil niya rito. "A-Ako na ang susunod sa kaniya, mauna ka na pabalik sa bayan." "Pero—" "Please?" putol niya rito, hindi niya naikubli ang pagkabahala sa tono niya. "Pupunta s'ya roon dahil sa akin kaya ako ang dapat sumunod sa kaniya at hindi ikaw." Sandali itong natigilan bago sinulyapan ang direksyon ni Father Fair. "Pakisabi kay Father, bumalik na ako sa bayan," malumanay na sabi nito bagama't bakas sa anyo ang matinding disgusto at pag-aalala. ___ IGINALA ni Father Fair ang paningin sa paligid ng kadawagan subalit wala naman siyang nakitang tao roon. Akmang pipihit na siya pabalik nang biglang magliparan ang nagkakagulong mga ibon sa hindi kalayuan. Napatitig siya sa pinanggalingan ng mga ibon, tila ba nabulabog ang mga ito sa bahaging iyon. "Father!" tawag ni Lovely sa kaniya na siyang umudlot sa gagawin sana niyang paghakbang upang magtungo sa bahaging iyon. "Father Fair!" tawag nito muli sa kaniya na siyang nagpatiim-bagang at nagpasingkit sa mga mata niya dahil sa inis. Pumihit siya at pinasya itong balikan. "Hindi ba sinabi ko sa 'yo na sumama ka kay Emily pabalik sa bayan?!" pagsusungit niya rito subalit kaagad na natigilan nang makita ang matinding pagkabahala sa mukha nito. "Father, hindi po kita maiwan," wika nito na mas ikinainis niya. Tumalikod siya at walang imik na nagpatuloy sa paglakad sa dalampasigan patungo sa direksyon ng lighthouse. Naramdaman niya ang pagsunod nito sa likuran niya. "Bakit ba kase sa dinami-rami ng lugar na p'wede mong puntahan dito mo napili?" inis na tanong niya rito. "Dahil sabi ng nasa Itaas nandito ka," mabilis nitong tugon, seryoso. Pagak siyang napatawa. "Iniisip mo ba kung ano'ng sinasabi mo?!" tapos ay asik niya rito. Tumawa ito na para bang walang kinakatakutan kani-kanina lamang. Sinulyapan niya ito sa kaniyang likuran habang sinisikap siyang masabayan sa mabilis niyang paglakad. Wala na nga sa mukha nito ang pagkabahala na nakita niya kani-kanina lang. "Si Father naman, hindi na nabiro." "Sa tingin mo ba, oras ng pagbibiro? 'Di ba kanina lang natatakot ka sa kung sinong naroon sa kasukalan? Alam mo ba na maaaring nakamasid pa rin siya ngayon sa 'yo?" Huli na bago pa niya maisip na mali ang kaniyang sinabi sapagkat mabilis itong nakaigkas palapit sa kaniya. "Maaari bang lumayo ka ng kaunti? Hindi magiging maganda sa paningin ng mga makakakita sa atin na masyado kang malapit sa akin," inis na taboy niya kay Lovely. "Father naman, bakit 'yong babaeng kasama mo kanina halos hindi maalis ang titig sa iyo, binawalan mo ba? Hindi po ba hindi rin maganda sa paningin ng mga taong makakakita sa inyo ang ganoon?" Irita siya napailing. "Basta lumayo ka sa akin." ___ "HANNA," tawag ni Yu-jun sa kaniya nang makita siyang naglalakad patungo sa tabing-dagat. Hinintay niya itong makalapit. "Mag-isa ka yata, hindi mo kasama si Lovely," puna nito nang makalapit sa kaniya. "Hinahanap ko nga siya, tanghali na kase ako nagising. Sinabihan ko na siya na huwag lalakad na mag-isa pero ayon, matigas talaga ang ulo niya." Napakamot siya sa ulo dahil sa inis sa kaibigan. "Lumakad? May pupuntahan ba kayo?" "Kagabi kase napag-usapan namin umikot sa isla, eh, hindi ko naman alam na lalakad s'ya na mag-isa. May kakulitan talaga ang babaeng iyon," inis pa niyang sabi. "Hanapin na lang natin siya," suhestiyon ni Yu-jun sa kaniya. "Sige nga, samahan mo ako." Nagpatiuna na siyang lumakad. Subalit hindi pa sila nakakalayo ay nasalubong nila ang anak ni Mang Edmund na si Allan. Humahangos ito at tila hindi sila nakita. Kapwa pa sila napasunod ng tingin dito. "Ano'ng nangyari sa isang iyon?" kunot ang noo na tanong niya kay Yu-jun na tinugon lang nito ng pagkibit-balikat. "Mas mabilis nating makikita si Lovely kung maghihiwalay tayo," bagkus ay suhestiyon nito. Tumingin siya sa binata at nakita niyang nakatanaw ito kay Allan. Mas nangunot ang noo niya nang makita ang pag-aalala sa mukha nito. "Yu-jun? Okay ka lang ba?" Ngunit imbes na tugunin ang tanong niya ay kumilos ito at iniwan siya. Maang na napasunod siya ng tingin sa binata, at dahil nagmamadali ito ay hindi nito napansin na may bagay na nahulog buhat dito. Kumilos siya at pinulot ang bagay na iyon. "Yu-jun, teka sandali, nahulog mo ito!" sigaw niya subalit hindi siya nito pinansin pa, nagpatuloy ito sa mabilis na paglakad palayo. Tinunghayan niya ang bagay na hawak, isa itong memo pad. Hindi siya nagdalawang-isip na buklatin iyon. Napakunot ang noo niya nang makita ang mga note ni Yu-jun doon partikular ang mga araw at oras, may mga nakasulat doon pero naka-abbreviate iyon kaya hindi niya maintindihan. Napapaisip siya kung para saan iyon at bakit may ganoon ang binata. Sa huli ay ibinulsa na lang niya ang bagay na iyon at kumilos para hanapin si Lovely. ___ NARATING nila Father Fair at Lovely ang kinaroroonan ng lighthouse. Kapwa sila napahinto at napatingala sa tower. Napasunod siya nang tingin sa dalaga nang lumakad ito palapit sa hagdanan ng catwalk. "Huwag mong sabihin na aakyat ka r'yan," napapatiim-bagang sa inis na wika ni Father Fair. Huminto ito at nilingon siya. "Gusto kong makaakyat ulit." 'Tang-ina!' pagmumura niya sa isip. "Umuwi ka na, Lovely, at tiyakin sa susunod na hindi ka na lalakad mag-isa lalo na kung gagawi ka sa bahaging ito ng isla!" pagalit na wika niya. "Gagawin ko po ang sinabi mo, Father Fair, pero pagkatapos ng pag-akyat na ito." Napabuga siya ng hangin sa marahas na paraan sabay sapo sa noo niya dahil sa matinding inis. "Alam mo bang lahat ng tao rito sa isla ay umiiwas sa lighthouse? 'Ni hindi nila gustong mapagawi rito pero ikaw—" "Puwes ako gusto ko," putol nito sa kaniya. Maanghang ang naging ngisi niya kay Lovely habang nakamata rito. "Alam mo ba kung anong kuwento tungkol sa lighthouse na iyan, mm?" Nakaarko ang kilay niya. Hindi ito nagsalita pero nakatuon ang mga mata sa kaniya na para bang hinihintay ang sasabihin niya. "Pinaniniwalaan ng mga tao rito na may curse ang lighthouse na iyan," pagsisimula niya. "Mula ito nang magpatiwakal ang dating pari sa bayan ng Del Recuerdo sa lighthouse mismo." Huminto siya sa pagsasalita at hinintay ang magiging reaksyon nito matapos ang mga sinabi niya. "Isang...isang pari na nagpakamatay sa lighthouse?" tanong nito. Muntik na niyang masapo ang sariling mukha dahil imbes na takot ang makita sa mukha ni Lovely ay kuryosidad ang nababasa niya sa mga mata nito. "Oo, Lovely," pigil ang inis na tugon niya. "Si Father Philip, tumalon siya sa lighthouse balcony upang ibigti ang sarili niya. Walang sinuman sa mga lingkod sa simbahan ang may alam kung ano'ng dahilan. At alam mo ba kung bakit iniisip ng mga tao rito na may curse itong iniwan? Dahil halos dalawang buwan lang ang dumaan, natagpuan namang patay si Father Sonny sa lighthouse, pero hindi bigti ang ikinamatay niya, na-over dose siya sa sleeping pills. At hindi pa natapos doon, pagkaraan ng apat na buwan dumating sila Father David at Father Ramil bilang kapalit nila Father Philip at Father Sonny, pero wala pang isang buwan, si Father Ramil naman ang natagpuang nakabigti sa lighthouse," pagkukuwento niya sa totoong nangyari. "Ano? Aakyat ka pa ba?" tapos ay nananakot na tanong niya kay Lovely. Ilang sandali nitong hinagod ng tingin ang kabuuan ng mukha niya. "Wala akong nararamdamang kahit na anong takot dahil kasama kita, Father, kaya naman oo, aakyat ako," determinadong wika nito sabay kilos at nagpatuloy sa paglakad palapit sa catwalk. Halos lamukusin niya ang sariling mukha dahil sa abot-langit na inis. "Bwisit!" hindi niya napigil na sabi sa paanas pero gigil na paraan. Wala siyang pagpipilian kung hindi samahan ito. "Hard-headed!" pigil ang galit na anas pa niya at maluha-luha sa galit na sinundan ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD