7.3 - CPR

1677 Words
HINABOL niya si Father Fair sa mabilis nitong pag-akyat sa hagdanan ng lighthouse at hingal na hingal siya. Alam niyang ginawa nito iyon upang parusahan siya subalit bigo ito, sapagkat nang sapitin nila ang balcony ng lighthouse tower ay napilas sa labi niya ang maluwang na ngiti sa kabila ng paghingal nang matanaw ang malawak at maasul na karagatan gayon din ang luntiang kabundukan ng mga islang naabot ng kaniyang tanaw. "Tama nga ako, magsisisi ako kapag hindi ko nakita ang magandang tanawing ito," humihingal niyang sabi sabay kuha sa cellphone at kaagad na kinuhanan ng larawan ang tanawin. Nilingon niya si Father Fair at nahuli niya ito sa iritableng titig sa kaniya. Binawi nito ang tingin sa kaniya at tahimik na tinatanaw ang malawak na karagatan. Kumislap ang lungkot sa mga mata niya habang nakamasid dito, at kapagkuwa'y mapait siyang napangiti. Naramdaman naman nito marahil ang pananahimik niya kaya ibinalik nito ang tingin sa kaniya. Akala niya ay makikisimpatya ito subalit patay-malisyang ibinalik nito ang tingin sa karagatan, 'ni hindi man lang siya tinanong kung ayos lang ba siya. "Sayang," napabuntong-hiningang sambit niya habang kumikilos palapit sa pasimano. "Sana okay kami ng husband ko at magkasamang tinatanaw ang magandang tanawing ito." Pinakiramdaman niya ito matapos ang kaniyang sinabi. Muling tumingin sa kaniya si Father Fair. "Bakit ka ba kase nagpakasal sa lalaking hindi ka naman mahal?" walang pakundangan na tanong nito. Mapakla siyang napatawa. "Hindi mahal?" "Anong nakakatawa sa tanong ko?" tila nainis pa ito. "Seryoso ako." Sumeryoso naman siya kaagad saka napapalunok na umiling. "Pasensya ka na po, Father, hindi ko lang po kase inaasahan na sa 'yo pa talaga nanggaling ang mga salitang iyan. Sagrado ang kasal na sinumpaan sa simbahan kaya hindi iyon ang inaasahan kong salita mula sa iyo bilang isang pari." Maluha-luha niyang dinala ang tingin dito. Tila natigilan naman ito at napatitig sa kaniya. Bumuntong-hininga siya. "Kalimutan na natin 'yan," wika niya at humakbang palapit dito. "Father, pakikuhanan naman ako ng picture, maraming pictures," nagawa niyang ngumiti nang hilingin iyan. Hindi ito kumilos kaya hinawakan niya sa kamay at ibinukas ang palad nito saka inilagay ang cellphone niya roon. "Sandali," tutol pa sana nito pero walang nagawa nang bahagya siyang lumayo buhat dito at nag-pose sa harapan nito. Saglit pa itong nag-atubili na itutok sa kaniya ang camera ng cellphone na hawak subalit sa huli ay napilitan itong kuhanan siya ng mga larawan. Nakailang pose siya sa harap nito bago lumakad palapit dito para kunin ang kaniyang cellphone pero aksidenteng nahawakan niya ang kamay nito. Kapwa silang natigilan at nagkatitigan. Umihip ang mainit na hangin buhat sa karagatan at tila ba yumakap iyon sa kanila. Napalunok siya kasabay ang pagbilis ng pulso nang makita ang paghagod ni Father Fair sa kabuuan ng kaniyang mukha bago napirme sa nakaawang niyang labi. 'Hahalikan ba niya ako!?' tanong niya sa isip. Napigil niya ang paghinga nang kumilos ito upang tawirin ang pagitan ng mga mukha nila ngunit kapwa sila napapiksi dahil sa ingay sa hagdanan ng lighthouse, mga yabag iyon na nagmamadali. Sabay silang napatingin sa iisang direksyon at segundo lamang ay bumulaga sa paningin nila ang isang babae. Namumutla ito at magulo ang ayos, dinig din nila ang paghingal nito buhat sa kanilang kinatatayuan. Magkaiba sila ng naging reaksyon ni Father Fair. Pagtataka ang nakalarawan sa mukha nito habang takot ang sa kaniya nang makita ang babaeng ito na kanina lang ay sumusunod sa kaniya. Napigil niya ang paghinga nang tumakbo ang babae patungo sa direksyon nila. Kaagad siyang napayakap kay Father Fair sa pag-aakalang susugurin siya nito subalit lumampas ito sa kanila. "Miss!" sigaw ni Father Fair sabay tulak sa kaniya palayo sa katawan nito upang habulin ang babae at pigilin sa gagawing pagtalon, pero hindi nito ito inabot. Tumalon ang babae, hindi ito natakot kahit pa nga napakataas ng lighthouse tower dagdag pa ang maberdeng kulay ng tubig sa ibaba. "Father!" nag-alalang tawag niya rito nang makitang tatalon ito, subalit hindi niya ito napigilan. Walang alinlangang tumalon ito. "Father!" Mangiyak-ngiyak niya itong dinungaw, nasaksihan pa niya ang pagbulusok nito paibaba. "Lovely?" Kaagad siyang napalingon sa may-ari ng boses sa kaniyang likuran, si Yu-jun. Napamata siya rito, larawan ito ng matinding pag-aalala. "Anong...?" nabiting tanong nito. Malikot ang mga mata na tila ba may hinahanap doon. Lumapit ito sa pasimano at dumungaw sa ibaba. Siya naman ay kumilos at tumakbo pababa sa lighthouse tower upang puntahan si Father Fair. ___ KAAGAD na iniahon ni Father Fair ang babaeng walang malay. Inihiga niya ito sa pino at maputing buhangin. "Miss!?" humihingal na tawag niya rito habang niyuyugyog sa balikat. Ilang beses niya iyong ginawa pero hindi ito tuminag kaya naman nagdesisyon siyang i-CPR ito. Isinagawa niya ang mouth to mouth resuscitation. Dalawang beses niya iyong ginawa bago muli itong diniinan sa sikmura at nakahinga siya ng maluwag nang umubo ito. Lumabas sa bibig at ilong nito ang nainom nitong tubig-dagat kaya naman kaagad niyang itinaas ng bahagya ang ulo nito gamit ang kanang kamay niya. Dahil nakatingin siya sa mukha nito ay hindi nakaligtas sa paningin niya ang pagtitig nito sa kaniya nang magbukas ito ng mga mata. Hindi niya maipaliwanag subalit kakaiba ang paraan ng pagtitig na iyon. Hinintay niya itong magsalita pero nanatiling tikom ang bibig nito at nakatitig lang sa kaniya. "Okay ka lang ba?" tanong niya habang hindi inaalis ang tingin dito upang matiyak ang bagay na tumatakbo sa isip niya nang mga oras na iyan. Nasa ganiyang ayos siya nang biglang may kamay na humawak sa balikat niya at marahas siyang itinulak palayo sa dalaga. Kaagad siyang nag-angat ng tingin at nakita niya si Allan, matalim ang titig nito sa kaniya. Kumilos ito at hinawakan ang babae sa kaniyang harapan na noon ay hindi pa rin nagawang makatayo dahil nanlalata pa. Nabigla man ay tinangka niya ito pigilan nang buhatin nito ang babae subalit siya na mismo ang pumigil sa sarili nang maalala na nabanggit sa kaniya ni Mang Edmund na mayroon itong anak na may deperensya sa pag-iisip. "Siya ba ang kapatid mo?" nakuha niyang itanong kay Allan kahit alam niyang hindi siya nito magagawang sagutin dahil pipi ito. Tiningnan lang siya nito at kahit tango ay hindi nito ginawa bilang tugon man lang sana sa tanong niya. Kumilos ito at lumakad palayo habang buhat sa mga bisig ang babae na nang sandaling iyan ay nakatingin sa kaniya, namamasa sa luha ang mga mata. Gusto niyang magtaka, parang hindi iyon titig mula sa isang tao na may diperensya sa pag-iisip, subalit wala siyang magawa kung hindi ang ihatid ng tanaw ang mga ito. Tumayo siya nang makita si Lovely na nakatayo sa daraanan nila Allan, katabi nito si Yu-jun. Nakatitig sa kaniya ang maluha-luhang si Lovely habang si Yu-jun naman ay nakabantay ang tingin sa kanila Allan at nang makalayo na ang mga ito ay saka pa lang tumingin sa kaniya. "Father, ayos ka lang po ba?" tanong ni Yu-jun sa kaniya habang papalapit. Tumango siya. "Okay lang ako, salamat sa pag-aalala." "Father, next time po huwag kang basta lumalapit sa kahit na sino lalo na sa mga kagaya n'ya, hindi ito ligtas para sa 'yo," wika pa nito habang hinahagod siya ng tingin. "Ano'ng ibig mong sabihin?" tanong niya. "Hindi po matino ang kaniyang pag-iisip," tugon nito saka lumingon kay Lovely na noon ay lumalakad na palayo. "Sandali lang po, susundan ko lang siya." Mabilis siya nitong iniwan at sinundan si Lovely. Naiwan siyang natitigilan at nahulog sa malalim na pag-iisip. ___ PINIGIL ni Lovely ang mapaluha nang tuluyan habang malalaki ang mga hakbang papalayo sa lighthouse. Hindi niya maintindihan ang sarili pero pakiramdam niya ay nagsikip ang kaniyang dibdib sa eksenang nakita kanina sa pagitan ni Father Fair at ng babaeng iyon. Lalo na at itinaya nito ang buhay para sa babaeng iyon, 'ni hindi man lang ito nagdalawang-isip na tumalon mula sa itaas ng lighthouse tower para lang sagipin ang babae kahit pa nga p'wede rin itong malagay sa delikadong sitwasyon. "Lovely," boses iyon ni Yu-jun sa likuran niya. Binilisan nito ang hakbang para maabutan siya. "Okay ka lang ba?" tanong nito sa kaniya. Huminto siya sa paglakad at tumingin dito, ganundin ang ginawa nito. "May dahilan ba para hindi ako maging okay?" tanong din niya sa binata. Napakurap ito at naiiwas ang tingin sa kaniya. "Nakita mo s'ya kanina sa taas, hindi ba?" tanong nito imbes na tugunin ang tanong niya. Hindi niya kailangang linawin, alam niyang ang babaeng iyon ang tinutukoy nito. "Bakit, delikado ba kung—" "Oo," maagap nitong putol sa kaniya pero kaagad ding natamimi nang maisip na tila mali ang sinabi nito. Iniwas niya ang tingin dito at nagpatuloy sa paglakad, sumunod ito at sinabayan siya. "Kilala mo ba s'ya?" tanong niya kay Yu-jun. "Hindi s'ya pinag-uusapan dito, kaya iwasan mong magsalita tungkol sa kaniya lalo na kung may nakakarinig na ibang tao," babala nito na nagpakunot sa noo niya kasabay ang nabuong katanungan sa kaniyang isip. Tiningnan niya ito habang patuloy sa paglakad. "Ano'ng ginagawa mo sa lighthouse, Yu-jun?" "Hinahanap kita, kami ni Hanna," tugon nito kaagad. "Ikaw, bakit nasa lighthouse ka? At bakit pati si Father Fair ay naroon?" "Ang babaeng 'yon," malayong tugon niya sa tanong nito. Napatitig naman ito sa kaniya. "Nakita ko s'ya kanina sa kabila ng isla, hindi ko napansin kung saan siya galing, pero sa tingin ko sa tubig s'ya dumaan dahil basa ang ibabang bahagi ng kaniyang kasuotan," wika niya. "Mukha naman siyang matino sa paningin ko, Yu-jun. Oo, naisip kong werdo s'ya pero matapos kong makita ang ginawa niya kanina, naisip kong may sira nga ang ulo n'ya dahil—" "Lovely," mariing putol nito sa kaniya. Napamaang siya sa binata habang nakatitig sa mga mata nito. "Ayaw ko na pag-usapan natin siya," bigla ay malumanay nitong sabi. "Ihahatid na kita, hinahanap ka na ni Hanna." Nilakihan nito ang mga hakbang hanggang malampasan siya. Huminto siya sa paglakad at sinundan ito ng tingin. Hindi siya namamalik-mata, nakita niya ang galit na sumilay sa mga mata nito nang putulin siya sa pagsasalita tungkol sa babaeng iyon. Napaisip siya, bakit?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD