2 - Picture

1195 Words
"SUMAINYO ang Panginoon," hayag ni Father Fair habang nakabukas ang mga braso at nakaumang ang magkabilang kamay sa mga tao na nasa kaniyang harapan. "At sumaiyo rin," korus ng mga tao. "Tapos na ang ating pagdiriwang, humayo kayo taglay ang kadakilaan ng Diyos." Itinaas niya ang kanang kamay at ikinumpas ng pakrus sa hangin. "Sa ngalan ng Ama, Anak at Espirito Santo, amen." "Amen," korus muli ng mga tao. "Palakpakan natin ang Panginoon," wika pa niya na sinundan ng pagtugtog ng choir sa worship song. Umugong ang palakpakan ng mga tao habang sumasabay sa awitin. Winisikan niya ng holy water ang retablo, ang mga poon sa altar bago lumakad sa gitna ng simbahan at iwinisik ang banal na tubig sa mga tao. Habang ginagawa iyan ay hindi niya napigil ang mapatingin sa isang lalaki na nakaupo sa huling hanay ng upuan banda sa tabi ng mayor na pinto ng simbahan. Kanina nang tumanggap ito ng ustya gamit ang mga kamay ay napansin niya ang matiim nitong titig sa kaniya, dahilan para mahulog nito ang banal na tinapay. Nagpatuloy siya sa paghakbang hanggang makalapit sa kinaroroonan nito. Napapikit ito nang tatlong beses niya itong winisikan ng holy water sa mukha bago pumihit pabalik sa unahan ng simbahan. Nagmistula itong naghilamos ng holy water dahil sa ginawa niya. Iminulat nito ang mga mata at sinundan siya ng tingin habang pabalik siya sa unahan ng simbahan. Halos hindi magkandatuto ang mga tao upang makalapit sa kaniya at magpa-bless. Pero imbes na pagmanuhin sa kaniya ang mga ito maging ang mga kabataan ay inilalapat na lang niya ang palad sa ulo ng mga ito at sinasabi ang mga katagang God bless you. Masyado pa siyang bata para magpano. Lumapit sa kaniya ang isang babae na may dalang sanggol. Ito na lang at ang lalaking nakahulog ng ustya kanina ang naiwan maliban sa mga tao ng simbahan. Sa tantiya niya, nasa mid twenties pa lang ang babae. Morena at may simpleng ganda. Moderno itong manamit. Matamis itong nakangiti sa kaniya. Inilapat niya ang palad sa ulo nito. "God bless you," wika niya bago dinala ang tingin sa sanggol na karga nito. "Napaka-cute ng baby mo, misis." Inilagay niya ang palad sa ulo ng sanggol. "Naku, Father Fair, pamangkin ko lang po siya," nakatawang sabi ng babae sa kaniya. Napangiti siya at tumango. "Akala ko kase anak mo, kasing cute mo kase eh," wala sa loob na wika niya. Kiming ngumiti ang babae. "Si Father naman oh." "Father," untag sa kaniya ng lalaki kaya napatingin siya rito. "Sige, Miss, magsimba ulit kayo ni baby next Sunday ha," sabi niya na bahagyang tinapik pa ito sa balikat. "Sige po, Father Fair." Tumalikod na ito at lumakad palabas sa simbahan. Sinundan pa niya ng tingin ang maindayog nitong balakang bago hinarap ang lalaking tumawag sa kaniya. "Father, welcome po sa parokya namin. Ako po si Yu-jun, gusto ko po sanang ihingi ng pasensya ang nangyari kanina." "God bless you, Yu-jun. Umaasa akong hindi na iyon mauulit, magdasal ka at ihingi ng tawad sa Ama ang nangyari. Nawa'y hindi ka magsawa sa tuwing araw ng linggo," aniya at marahan itong tinapik sa balikat. Ngumiti ito at tumango habang nakatitig sa kaniya. "Opo. Ikaw rin po, Father Fair, sana'y manatili kayo ng matagal dito." Natigilan siya at napatitig sa binata, nagbigay ng kakaibang pitik sa pulso niya ang sinabi nito. Ngumiti siya kapagkuwan at tumango bago ito tinapik muli sa balikat. "Sa tingin ko naman ay magtatagal ako rito, mapagpalang araw sa iyo." Kumilos siya upang iwan ito. "Father," pigil nito sa kaniya. Huminto siya sa pagkilos at tiningnan ito, hinintay ang sasabihin. "Mag-iingat ka po palagi." Tumalikod ito at iniwan siya matapos iyang sabihin. Hindi siya kumibo habang nakasunod dito ng tingin. Tinanggap niya sa isip na isang babala ang sinabi nito at hindi isang paalala. Kumilos na siya at tinungo ang presbytery. Sa hallway ay nasalubong niya si Father David. Naka-priest polo lang ito dahil hapon pa ang misa nito. Napansin niya na malayo pa lang sila sa isa't isa ay hinahagod na siya nito ng tingin hanggang sa magkalapit sila at kapwa huminto sa paglakad. "Kumusta, Father David?" tanong niya na para bang hindi sila nagkikita, imbes na tanungin ito kung bakit ganoon siya nito tingnan. "Sa totoo lang, Father Fair, hindi ako makatulog ng maayos sa gabi simula nang managinip ako ng hindi maganda," sabi nito na bahagyang nakangiti na agad ding napalis sa labi. "Kakampi ko ang panalangin pero maraming bagay ang pumasok sa isipan ko at talaga namang ginulo niyon ng labis ang aking pag-iisip." "Father David, huwag kang masyadong mag-isip. Mag-ingat ka palagi, iyon ang mahalaga, pero siguro mas makabubuti kung magbabakasyon ka." Bahagya itong natawa. "Hindi rin naman ako mapapanatag kung magbabakasyon ako," anito na tinanguan niya. "Naiintindihan ko, Father David. Kapag may panahon ka, maaari mo akong kuwentuhan tungkol sa mga bagay na nagpapagulo sa isip mo. Mauna na ako sa'yo, Father." Bahagya niyang ibinaba ang ulo bago nagpatuloy sa paglakad. Napasunod pa ito ng tingin sa kaniya, binantayan ang bawat kilos niya. Dumiretso siya sa kaniyang silid. Matapos na ilapat ang pinto ay sinimulan na niyang hubarin ang suot na sutana pero kaagad ding naudlot ang ginagawa nang makarinig ng mga katok sa pinto. Tiningnan muna niya iyon bago lumakad palapit doon. Nakarinig pa siya ng mga katok bago pa niya nabuksan ang dahon ng pintuan. "Paumanhin po, Father Fair, ipinabibigay po ito sa iyo," bungad ng sakristan na si Joenard. Iniabot nito sa kaniya ang maliit na puting envelope. Kinuha niya iyon sa kamay nito at sinilip ang laman. Saglit siyang natigilan nang makita ang laman niyon pero kapagkuwa'y isinarado ang envelope. "Sinong nagbigay sa iyo nito?" pormal ang tonong tanong dito. "Iniabot po iyan sa akin ng isang lalaki. Ipinabibigay raw po sa iyo." "Ipinabibigay raw sa akin?" paniniyak niya na binigyan pa ng diin ang salitang raw. Tumango lang ito. "Binanggit ba niya ang pangalan ng nagpapabigay nito sa akin?" tanong pa niya. "Sabi lang po niya sa akin ay ipinaaabot iyan ng isang babae sa iyo." Tinitigan niya si Joenard at kapagkuwan ay tumango na lang kahit hindi kumbinsido. "Sige, salamat." "Opo, Father," wika naman nito na akmang tatalikod na pero muling bumaling sa kaniya. "Bakit?" "Gusto ko lang pong sabihin sa iyo, Father..." binitin nito ang sinasabi at tumunghay sa paa niya. "Ang cool po pala ng paring nakamaong pants habang nakasuot ng sutana," seryosong sabi nito. Natigilan siya pero hindi tumunghay upang tingnan ang sarili. "Sige po, Father Fair," turan pa nito bago tumalikod. Inilapat niya kaagad ang pinto at noon lang tinunghayan ang paanan. Napatiim-bagang siya nang mapagtanto na pansin nga ang maong pants niya sa suot na sutana. Naalala niya ang paghagod ng tingin ni Father David sa kaniya, dapat ito mismo ang unang pupuna sa kaniya pero hindi nito iyon ginawa. "Buwisit!" inis na anas na lang niya. Hindi ang maong pants niya ang dapat na iniisip ngayon, kun'di kung sino ang nagpadala sa kaniya ng puting sobre na iyon kung saan larawan niya ang nilalaman. Kuha ang larawang iyon habang bumababa siya sa ferryboat, unang araw pa lang niya roon sa Del Recuerdo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD