Missed Calls
“KANINA ka pa tulala simula nang dumating ka. Ayos ka lang ba talaga, Armea?”
Napaangat ako ng tingin nang biglang binasag ni Yuri ang katahimikan. Hindi ko napansing nakatitig lang pala ako sa hinihigaan ni Mama. Nailipat na siya sa private room noong isang araw pagkatapos ng dalawang araw niyang pananatili sa ICU para mas maoserbahan. Hindi naging madali ang kanyang operasyon. Abot-langit nag kaba ko habang naghihintay sa labas ng operating room. Thankfully, she survived.
“Oo naman. Ayos lang ako. Hindi ka pa ba aalis? Baka ma-late ka na niyan,” pag-iiba ko ng usapan. Nagpapasalamat ako at dinadaanan pa rin ako rito ni Yuri kahit na may pasok siya sa trabaho.
“May 30 minutes pa naman ako. Ikaw? Kailan ka ulit papasok sa trabaho mo? Ilang araw ka nang hindi pumapasok. Nakapagpaalam ka ba?”
Umiling ako. Masyado na kasing magulo ang isip ko at sa dami ng inaasikaso ko’y hindi na ako nakadaan sa opisina para magpaalam. Nakailang tawag at text na ang boss ko, ngunit hindi ko na lang sinasagot dahil alam kong pagagalitan niya lamang ako. Saka ko na ipapaliwanag ang lahat kapag bumalik na ako sa trabaho.
“Sabi ko naman kasi sa ‘yo si Nanay na ang magbabantay muna kay Tita Adina habang nasa trabaho ka.”
Nginitian ko lang si Yuri. Ayaw ko naman silang abalahin lalo na at alam ko namang marami ring ginagawa si Tita. Kaya mas maigi na ako na ang magbantay kay Mama. Para mabili ko kaagad ang mga pangangailangan niya kung saka-sakali.
“Maraming salamat talaga, Yuri. Hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag wala ka.” Halos mapaiyak ako. Ang laki kong abala sa kanya pero heto pa rin siya at tinutulungan ako.
“Sira, alangan namang pabayaan ko kayo ni Tita. Maliban sa bestfriend kita, ikaw pa ang pinakapaborito kong pinsan.”
Napangiwi ako. “Ako lang naman ang pinsan mo. Wala nang iba, ‘di ba?”
Tumawa siya. Ngunit agad din niyang tinakpan ang bibig nang mapagtanto niyang natutulog si Mama. Agad siyang nag-peace sign sa akin.
Ang sabi ng doktor ay puwede nang lumabas ng ospital si Mama bukas kapag lumabas na ang resulta ng iba pang mga tests na ginawa sa kanya.
“Pero, seryosong usapan, magpahinga ka rin, insan. Tingnan mo nga ang sarili mo, para kang nakipagdigmaan. At saka kailan pa kayo huling nagkita ng suklay? Ang gulo ng buhok mo.”
“Huwag mo na akong pansinin.” Sumulyap ako sa orasan. “Mali-late ka na talaga niyan, Yuri.”
She sighed. Nagtatrabaho sa call center si Yuri at panggabi ang shift niya kaya madalas kapag galing siya ng trabaho ay dito siya dumidetso. Madalas ay dito na rin siya natutulog.
“Oh, siya. Baka masermonan na naman ako ng TL ko. Basta magpahinga ka rin, ha?”
Tumango lang ako saka ipinikit ang aking mga mata. Sumandal ako sa couch. Minabuti kong sa pribadong silid ilipat si Mama para mas komportable siya at mabilis gumaling.
“Ingat ka,” nasabi ko habang ipinipikit ang aking mga mata.
Nang tuluyang lumabas si Yuri ay saka ko pinakawalan ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan. Bumabalik sa isip ko ang huling tagpong nakita ko kanina.
Mahal ko si Gabriel, ngunit alam kong walang patutunguhan ang kung anuman ang mayroon kami. Kagat-kagat ko ang aking mga labing inaalala ang mga masasaya naming alaala.
“Sana ako ang laman ng iniisip mo.”
Napalingon ako nang biglang may nagsalita mula sa aking likod. Agad akong napatayo nang makumpirma ang dumating.
“Gabriel!”
Agad ko siyang dinamba ng yakap. Natawa siya nang mahina. Ilang araw din kasi siyang nawala dahil may business trip siya sa Cebu. Madalang lang kaming magkausap dahil pareho kaming busy sa trabaho.
“You missed me that much, huh?”
Naramdaman kong hinalikan niya ako sa ulo saka niyakap nang mahigpit. Hindi ko akalain na ganito pala ako kasabik sa kanyang. Inamoy-amoy ko ang kanyang dibdib na siyang lalong nagpatawa sa kanya. I’ve always been in love with his smell. Kaya noong umalis siya’y parang may kulang sa bawat araw ko kapag hindi ko siya naaamoy.
“I missed you, too.” He planted a kiss on my temple once again. Nang makuntento na ako sa yakap ay unti-unti ko siyang tiningala. Matangkad siya kaya halos nakatungo siya sa akin.
Napapikit ako nang tuluyang dumampi ang mga labi niya sa akin. Even his minty breath, I missed this. Tinugon ko ang kanyang mga labi nang maramdaman kong hinahagod niya ito. He slightly bit my lower lip and I felt like I wanted more than that. Pero agad din akong humiwalay nang mapagtanto ko kung nasaan kami.
Nag-init ang aking pisngi. Natawa siya sa reaksyon ko. Hinalikan pa niya ako nang mabilis bago hinila paupo sa bench na inuupuan ko kaninan.
“Sabi ko na nga ba, dito kita makikita,” aniya.
“Paano mo nalaman na nandito ako?” tanong ko. Kahit na madalas naman talaga dito niya ako nahahanap kapag hindi niya ako makontak.
“Naiwan mo na naman ang cellphone mo, ‘no?” aniya. Napapangiwing tumango ako. Pero ang totoo kasi niyan nasira ang ibinigay niyang cellphone. Hindi ko naalalang napansin na naipatong ko pala sa gilid ng lababo sa banyo. Ayon, nahulog at nag-shoot sa palangganang puno ng tubig.
Mabuti na lang at may lumang cellphone pa akong ginagamit. Pero iyong may keypad pa na maingay kapag nagpipindot ako para mag-send ng text message.
“Kailan ka pa nakabalik?” pag-iiba ko ng usapan.
“Just an hour ago.” Kinuha niya ang aking kamay at pinagsalikop sa kanya. Ipinatong pa niya iyon sa kanyang kandungan.
“E ‘di sana nagpahinga ka muna sa inyo. Tiyak na pagod ka,” puna ko. Pero hindi naman halatang pagod siya dahil sa katunayan nga ay maaliwalas ang kanyang mukha. Parang walang dinadalang malaking responsibilidad.
“That’s exactly what I am doing right now,” kaswal niyang tugon. Napapatingin kami sa dumadaang mga ibang pumapasyal dito sa man-made lagoon. Malapit lang ito sa coffee shop na pinagtatrabahuhan ko kaya’t madalas akong napapadaan dito kapag gusto kong ma-relax ang utak ko.
May mga nag-jo-jogging din dito. Malawak kasi at naaalagaan nang maayos. May mangilan-ngilan din na nagpapakain ng mga isda. Nakikita rin dito ang sunset kaya dinadayo talaga ng mga tao.
Higit sa lahat ay dito kami unang nagkakilala ni Gabriel. Minsan kasi’y nag-jogging din siya rito.
“Hindi kita maintindihan,” tugon ko saka tumulala sa fountain na nasa gitna ng lagoon. Huminga ako nang malalim.
“What’s wrong?” nag-aalalang untag niya saka hinawakan ako sa pisngi. Umiling lang ako.
“W—Wala naman. Pagod lang siguro, kaya rin ako dumaan dito.”
Ang totoo’y ilang linggo na akong hindi mapakali sa kalagayan ni Mama. Lagi ko siyang nakikitang parang hinahabol niya ang kanyang hininga at tila laging pagod.
“You sure?” tila hindi kumbinsidong untag niya. Ngumiti ako nang pilit. Gusto kong dalhin si Mama sa doktor ngunit ayaw naman niya. Ang sabi niya ay ayos lang daw siya.
“Sure na sure.”
May pagdududa pa ring tiningnan niya ako. “Fine, maybe you’re just tired. Baka naman masyado kang nag-o-overtime na naman. Nag-aaral ka pa niyan,” aniya.
“Hindi naman. At saka, hindi naman nakakapagod magtrabaho sa coffee shop dahil lagi kong naaamoy ang aroma ng kape,” pabirong sabi ko.
He stared at me seriously. “Why don’t you reconsider my offer? Sa opisina ka na magtrabaho para hindi ka na mahihirapan.”
Mariin akong tumanggi. “Pagtatalunan na naman natin ‘yan. Hindi ba ang sabi ko sa ‘yo ayaw kong magtrabaho ro’n dahil maliban sa hindi pa ako graduate ng college sa edad na 23, ayaw ko ring pagtsismisan tayo ng mga empleyado roon, ‘no.”
Bumuntonghininga siya saka ikinawit ang kanyang kamay sa aking bewang. Pinasandal niya ako sa kanyang balikat saka pareho naming pinagmasdan ang isang pamilyang nagpapakain ng mga isda sa gilid ng lagoon.
“How will I ever win an argument with you?” he murmured. Natawa ako.
Matagal na niya akong kinukumbinsi na roon na lang magtrabaho sa kanila para daw mas mabantayan niya ako at may oras kami sa isa’t isa, na siyang matindi kong tinutulan. Baka lalong hindi ako makapagtrabaho nang maayos kung sakaling magkasama kami sa iisang lugar. Knowing him, baka unahin niya pa ang landi kaysa trabaho niya.
“I missed you,” rinig kong bulong niya sa aking tainga.
Napangiti ako. I missed him, too.
“Anak?”
Natigilan ako at agad na lumipad ang aking mga mata sa kama ni Mama. Mabilis kong pinahid ang aking mga luha. Inayos ko ang pagkaka-recline ng kanyang kama nang akmang babangon siya.
“Gising na pala kayo, Ma. Kumusta na ho ang pakiramdam n’yo?”
“Ayos naman ako, anak. Medyo nangingilo lang ito.” Itinuro niya ang kanyang operasyon. “Pero kaya ko naman nang tumayo, ‘nak.”
“Pero ang sabi ng doktor, Ma, hindi pa kayo puwedeng maglikot,” paalala ko. Knowing Mama, hindi siya mapakali kapag walang ginagawa. Naglalabada pa rin kasi siya kahit na masama ang kanyang pakiramdam. Lumala tuloy ang kanyang kondisyon.
“Kailan ba ako lalabas dito, ‘nak? Ayaw ko na ng amoy rito.”
Naaawang tiningnan ko si Mama. Ayaw na ayaw niyang noon na magpa-admit sa ospital pero noong araw na natagpuan siya ni Yuri na walang malay sa sala namin ay dinala na namin siya rito. Wala na siyang nagawa.
“Sabi ng doktor, Ma, kapag lumabas na mamaya ang resulta ng ibang mga tests sa ‘yo, puwede ka nang lumabas bukas.”
Bumuntonghininga si Mama. Rumehistro ang pag-aalala sa kanyang mukha. “Pero, anak, hanggang ngayon hindi mo pa rin sinasagot ang tanong ko. Saan ka nakakuha ng pambayad sa ospital? Private pa itong kuwarto ko, baka naman may—”
Mama stared at me suspiciously. Sunod-sunod akong umiling. “Huwag n’yo nang isipin ‘yon, Ma. Ang mahalaga ay magpagaling kayo, at huwag ho kayong mag-alala, hindi naman ako nagnakaw.” Sinundan ko ng tawa ang aking sinabi para makumbinsi siya.
Kahit si Yuri ay ilang beses din akong tinanong kung saan ako nakakuha ng pera ipinambayad ko sa operasyon ni Mama. Pati na rin sa iba pang bayaring mga gamot. Ngunit hindi ako nagbigay ng kasagutan. Hindi ko rin kasi alam kung paano ko sasabihin sa kanila na binenta ko ang relasyon namin ni Gabriel.
“Anak, napakalaking halaga iyon. Paano mo nagawan ng paraan?” Hinawakan ni Mama ang aking kamay saka pinisil iyon.
“Ayaw kong mapahamak ka nang dahil lang sa akin, anak. Marami na nga akong pagkukulang sa ‘yo, tapos ngayon ikaw pa ang gumagawa ng paraan para—” Namasa ang kanyang mga mata. Pinisil ko rin ang kanyang mga kamay.
“Ma, huwag na kayong masyadong mag-isip. Ayos lang naman ako. At saka ‘yong pera na ginamit ko ay pinagsama-sama kong tulong ng mga katrabaho ko at saka ng boss ko.”
I grimaced in my own lies inwardly. Malabo namang tulungan ako ng boss ko sa coffee shop, dahil sa sungit no’n ni singkong duling ay malabong tumulong. Isa pa, hindi alam ng mga katrabaho ko ang kalagayan ni Mama. Maging ni Gabriel.
“Napakabait naman ng boss mo, anak. Sana minsan ay makaharap ko siya para mapasalamatan ko siya,” ani Mama pero parang may halo pa ring pagdududa sa kanyang mga mata.
“Pero baka ikakaltas lang nila iyon sa ‘yo, anak. Ayaw ko namang habang buhay ka na lang magtrabaho roon nang walang pasahod. Hindi ba pangarap mong magtrabaho sa malalaking kompanya?”
“Ma, iba naman ang tulong sa utang. Masuwerte tayo at may mga taong ibinigay sa atin para malagpasan natin ang pagsubok na ‘to. Kaya sana sa susunod kapag may nararamdaman ka, sabihin mo agad sa akin nang maagapan natin.”
Natahimik si Mama. Batid niya kasing may kaunting tampo ako sa kanya dahil itinatago niya ang kanyang nararamdaman noon. Hindi na tuloy namin namalayan na lumalala na pala.
“Pasensya ka na, anak.”
Hinalikan ko siya sa pisngi saka inayos ang kanyang kumot. “Matulog pa kayo, Ma. para bukas may lakas kayo kapag umuwi na tayo,” untag ko.
Nang makatulog na ulit si Mama ay bumalik ako sa couch. Kinuha ko ang aking bag saka kinuha ang luma kong cellphone na ginagamit ko. Bumilis ang t***k ng aking puso nang makitang may 30 missed calls doon at may 20 unread messages. Lahat ay galing kay Gabriel.
Baby, where are you? Pinuntahan kita sa inyo pero ayaw nilang sabihin kung nasaan ka. I’m worried. Please pick up the call.
Baby, let’s talk, please?
I can’t let you go. Please talk to me.
Bumagsak ang aking mga luha nang mabasa ko ang ilan sa mga messages niya. Tila tinusok ng libu-libong karayom ang aking puso.
Patawarin mo ako, Gabriel.
©GREATFAIRY