“In as much as Gladys and Gabriel Vince have consented together in this holy matrimony, and have witnessed the same before God, having been given and pledged their faith with each other, and having declared the same by exchanging of rings, I now pronounce you, husband and wife. Mr. Santillan, you may now kiss your bride.”
Kasabay ng pagdampi ng kanilang mga labi ay siya ring pagsigabong ng malakas na palakpakan sa loob ng simbahan. Kanya-kanyang kuha ng litrato ang kanilang mga bisita na naging saksi ng kanilang pag-iisang dibdib. Napapalamutian ng mga mamahaling mga bulaklak ang loob ng simbahan. Napakagara ng kanilang kasal. Hindi ko akalain na nakayanan kong panoorin ang pagpapalitan nila ng pangako sa isa’t isa.
Sinong mag-aakalang magkakabalikan silang muli ni Gladys? Ngayon ay napagtanto ko nang sampid lang pala ako sa buhay noon ni Gabriel. Tama lang pala na hindi kami nagkatuluyan, dahil sa nakikita ko ngayon ay maliwanag pa sa sikat ng araw ang kanyang kaligayahan dahil naikasal siya sa babaeng totoong mahal niya.
Ilang beses akong huminga nang malalim at sinupil ang isinisigaw ng puso kong pigilan ang kasal mula pa kanina. Ayaw ko namang sa kahuli-hulihang pagkakataon ay ako pa ang hadlang sa pinakamahalagang araw ng kanilang mga buhay. Pero hindi ko maiwasang manghinayang dahil ako sana ang nasa harapan niya ngayon. Ako sana ang hinahalikan niya sa harap ng kanilang mga bisita.
Marahan akong tumayo mula sa upuan. Dito ako pumuwesto sa pinakalikod para walang makapansin ng presensya ko. Bago ako tuluyang lumabas ng simbahan ay muli akong lumingon sa altar. Saktong tumingin si Gabriel sa gawi ko kaya’t nagtampo ang aming mata.
Napaawang siya nang makilala niya ako. Bago pa man may makapansin ng pagtitigan namin ay nanakbo na ako palabas. Halos mabingi ako sa tunog ng kampana. Tunog iyon ng pagsalubong sa bagong kasal.
Bumuhos ang aking mga luha at napaluhod sa lupa. “Gabriel!” I shouted at the top of my lungs.
Napalikwas ako ng bangon. Tagatak ang aking pawis. Napahawak ako sa aking dibdib nang maramdaman kong sobrang bilis ng t***k nito. I gasped for air.
Parang totoong-totoo ang panaginip ko.
Bumaba ako sa kama nang makitang lumulusot na sa bintana ang sinag ng araw. Lagpas alas nueve na ng umaga. Saglit akong napahawak sa aking ulo nang sumakit ito. Halos tinanghali ako ng gising dahil madaling araw na akong nakatulog.
Paanong hindi ako umagahin sa katutulog kung—
Nanlaki ang aking mga mata nang may maalala. Inayos ko ang pagkakasalansan ng aking mga unan at ang kama saka nagsuklay ng buhok. Ngunit pagkalabas ko sa sala ay wala nang bakas ni Gabriel.
Umuwi na kaya siya?
Malamang.
Napatingin ako sa gawing kusina. Naririnig kong parang may piniprito si Mama. Lumabas ako ng bahay para tingnan kung nando’n pa ang kotse niya ngunit wala na roon.
Baka nga umuwi na siya pagkagising niya kanina. Mabuti na rin siguro iyon para hindi na kami magkaharap. Dahil hindi ko alam ang sasabihin ko sa kanya.
Bumuntonghininga ako’t kinastigo ang aking sarili. Hindi ko na dapat pang paglaanan ng panahon ang mga bagay na kailangan ko nang kalimutan.
Ginusto mo ito, Armea! Sigaw ng isang bahagi ng aking isip.
Pero magkaiba ang ginusto sa walang pamimilian. Kung may alam lang sana akong gawin ay hindi ko pipiliing saktan si Gabriel.
Kung ipagtapat ko kaya sa kanya ang totoo? Patatawarin niya kaya ako? Tatanggapin niya kaya ako?
I sighed. Baka nga kamuhian niya ako kapag nalaman niyang wala akong pinagkaiba sa unang babaeng nanakit sa kanya.
“Armea, halika na. Mag-almusal na tayo,” rinig kong untag ni Mama mula sa kusina. Naglakad ako papunta roon ngunit natigilan ako nang may maapakan ako sa sahig malapit sa sofa.
Yumuko at tiningnan iyon. Isang maliit na kulay pulang box na hugis puso. Nang damputin ko iyon para tingnan ay napasinghap ako nang makumpirmang tama ang hinala ko.
Isang singsing.
Bumilis ang pagtahip ng aking dibdib. Hindi ako maaaring magkamali. Marahil ay nahulog ito ni Gabriel. It’s a diamond cut and obviously an expensive ring. Inilabas ko iyon sa box saka wala sa sariling isinuot sa palasingsingan ko.
Nakagat ko ang aking ibabang labi. Para iyong sinukat sa daliri ko.
Ngunit nang matauhan ako ay agad ko iyong hinubad saka ibinalik sa loob ng box. Wala akong karapatang isuot ito. Gagawan ko ng paraan para maibalik ito kay Gabriel.
“Armea!”
Napaigtad ako. “Andiyan na, Ma.”
Itinago ko sa aking bulsa ang box saka nagmadaling pumunta ng kusina saka umupo sa harap ng lamesa. May nakahain nang kanin at pritong itlog at hotdog doon.
Lumapit muna ako sa lababo para magmumumog at maghilamos.
“Tinanghali ka ng gising,” puna ni Mama pagkatapos niyang umupo sa katapat kong upuan. Pabilog ang lamesa namin at sakto lang sa aming dalawa ang laki.
“Ma, sana ginising ninyo ako para ako na ang nagluto. ‘Di ba sabi ni Doc ‘wag muna kayong maggalaw-galaw.”
“Hindi naman mabigat na gawain ang magprito ng itlog at hotdog. At saka ang pagsaing,” kontra niya na ipinagkibit balikat ko na lang.
Tahimik akong nagsimulang kumain pagkatapos naming mag-usal ng maikling dasal ni Mama. Ngunit ramdam kong pinagmamasdan niya ang aking bawat galaw. Yumuko ako’t naglagay ng pagkain sa plato ko.
Nagdadalawang-isip akong tanungin si Mama kung nakausap niya ba si Gabriel bago ito umalis, ngunit nahihiya ako. Baka kung ano pa ang maungkat niya mula sa akin.
“Maagang umalis ang bisita mo,” aniya na nagpatigil sa ‘kin.
“Okay, Ma.” I tried to sound as casual as I can. Ayaw kong mahalata ni Mama na apektado ako sa presensya ni Gabriel dito kagabi. Naramdaman kong tila nagulat siya sa sinabi ko.
“Nga pala, ngayon ko lang naalala. Hindi ba sabi mo tinulungan ka ng mga ka-opisina mo at ng boss mo sa ipinambayad sa ospital? Bakit naman bigla kang sinisante? Alam naman nila ang dahilan kung bakit hindi ka nakapasok, ‘di ba?” pag-iiba niya ng usapan.
Nagulat ako sa biglang itinanong ni Mama kaya’t naibaba ko ang kutsara’t tinidor. Bumilis ang t***k ng puso ko’t lihim na napangiwi. Umiwas ako ng tingin.
“Uhm. . .”
“Bakit ka namumutla? ‘Yong totoo, Armea? May nangyari ba sa opisina n’yo?”
“W—Wala, Ma. Maghahanap na lang ako ng trabaho mamaya.”
“May hindi ka ba sinasabi sa akin, anak?” mahinahon ngunit seryosong untag ni Mama. I bit my lower lip. Nalunok ko ang pagkaing hindi ko pa namang nangunguya.
“Iyong Chief Operations Officer ang nagpaalis sa akin, Ma. Hindi ‘yong supervisor ko. Nagkataon kasing binisita niya kami sa branch kaya nasilip niya ‘yong daily time record namin.”
Mariin akong tinitigan ni Mama. Kinabahan ako dahil alam kong alam niya kung nagsisinungaling lang ako o nagsasabi ng totoo.
“Grabe naman pala ‘yon. Hindi ka man lang binigyan ng pagkakataon na mapatunayan ang sarili mo. Iyon talaga ang hirap sa ibang mga employer, ang dali lang nilang palitan ang empleyado nila. Hindi man lang naisip na malaki ang epekto nito sa mga empleyado.”
Ngumiti ako kay Mama. “Hayaan mo na, Ma. Marami naman akong puwedeng pasukan. Sabi ng isang kasamahan kong si Carol, tatanungin daw niya ang pinsan niya kung may bakante sa kanila. Ire-recommend daw ako.”
Malungkot na ngumiti si Mama sa akin. “Pasensya ka na, anak. Ako dapat ang nagtatrabaho para sa ating dalawa. Hayaan mo, kapag magaling na ako, maghahanap ako ng mapapasukan para makabalik ka na ulit sa pag-aaral mo.”
Nakahinga ako nang maluwag nang maniwala siya sa sinabi ko. Kinuha ko ang kamay niya sa ibabaw ng lamesa saka pinisil iyon. “Ma, huwag n’yo nang isipin iyon. Ang mahalaga ay ang magpagaling kayo. Makakaipon din tayo para doon.”
“Pero salamat, anak. Ang dami mo nang sakripisyo para sa akin. Kung hindi dahil sa akin ay sana nag-aaral ka pa ngayon—”
“Ma,” putol ko sa sasabihin niya. Nagkibit siya ng balikat saka ipinagpatuloy ang pagkain.
“Pero ‘yong lalaking pumunta rito kagabi, hindi puwedeng gawin niya ulit iyon. Lasing siya, Armea.”
Ngumiwi ako nanghihingi ng paumanhin na tiningnan si Mama. “Pasensya na, Ma. Kakausapin ko siya.”
Ngunit sa kaloob-looban ko ay batid kong nagpapakiramdaman kami ni Mama. Hindi lang ako sigurado kung nakumbinsi ko siya tungkol sa pagpapaalis sa akin ng gawa-gawa kong COO. At kung kaya kong panindigan iyong sinabi kong kakausapin ko si Gabriel. Hindi ko nga alam kung paano ko iyon haharapin.
Nakatanggap ako ng text message galing kay Carol. Ibinigay niya sa akin ang address at pangalan ng HR sa pinagtatrabahuhan ng pinsan niya. Agad naman akong gumawa ng application letter at in-update ko rin ang resume ko para maibigay ko bukas. Sana lang ay matanggap ako kahit undergraduate.
Itinago ko muna ang singsing na nakita ko sa sala. Iniisip ko nga kung paano ko iyon maibabalik sa may-ari. Pero hindi ko maiwasang isipin kung para ba sa akin iyon. At sa tuwing naiisip ko’y bumibilis ang tahip ng aking dibdib.
“Ikaw ba si Armea?” tanong sa akin ng babae pagkapasok ko sa HR office kinabukasan.
Tumango ako. “Oo, ako nga. Ikaw ba si Kathleen?” untag ko. Tumango naman siya.
“Oo. Sabi ni Carol naghahanap ka raw ng trabaho?”
Nakangiting tumango ako. Inabot ko sa kanya ang folder ko na naglalaman ng application letter ar resume. “Sige, ibibigay ko ito kay Ma’am mamaya. Wala pa kasi siya. Tatawagan ka na lang kapag interview na.”
“Salamat. Sana may bakante pa. Kahit ano basta may trabaho, okay lang sa akin.”
Ngumiti siya pabalik. Nagpaalam na agad ako sa kanya. Umaasang sana nga ay matawagan ako at ma-hire.
Nagtitingin-tingin din ako sa madadaanan ko, sakaling may mahanap akong job hiring. Pero nadidismaya ako sa tuwing mabasa ko ang hinahanap na qualifications. Puro kasi graduate ng kung anong related courses ang hinahanap. Malabong makuha rin ako ng malalaking kompanya dahil maliban sa pagiging waitress sa coffee shop ang experience ko ay hindi pa ako nakapagtapos ng kolehiyo.
Dumaan muna ako sa ATM saka nag-inquire ng balance bago umuwi. May natitira pa naman sa dalawang milyon pero ayaw kong galawin iyon hangga’t maaari. Kung magipit man ay para na lamang iyon sa mga gamot ni Mama.
Napalingon ako sa aking likod nang maramdaman kong tila may nakasunod sa akin mula pa kanina. Ngunit sa tuwing lumilingon ako’y wala naman akong nakikitang kakaiba sa mga ikinikilos ng mga tao sa paligid.
Napabuntonghininga ako nang mapagtanto kong masyado na akong praning. Pinara ko na lamang ang dyip na dumaan saka sumakay. Kapag umabot ng isang linggo na hindi tumawag sa akin ang in-apply-an ko ay doon na ako sa pinagtatrabahuhan ni Yuri. Sabi niya kasi ay same day hiring sila kapag nagpasang application.
Pagkababa ko ng dyip malapit sa amin ay dali-dali akong naglakad nang maramdaman ko na namang parang may sumusunod sa akin.
Diyos ko! Nasobrahan na yata ako ng kape dahil kung anu-ano na ang pumapasok sa guni-guni ko.
“Armea!”
“Ay, palaka!”
Napasigaw ako, kasunod ng pagtawa ni Yuri. Sinamaan ko siya ng tingin. Sinundot ba naman ako sa tagiliran.
“Ano’ng nangyayari sa ‘yo? Kanina pa kita tinatawag, hindi ka man lang namamansin. Parehong dyip kaya ang sinakyan natin,” untag niya. Namilog ako.
“Talaga?”
“Oo, pero hindi mo man lang ako napansin. Mukha kang lutang. Saan ka ba galing?”
Bumagal ang aking paglalakad saka iniyakap ko ang envelop na dala ko sa aking dibdib. “Sa restaurant na pinagtatrabahuhan ng pinsan ni Carol. Nag-apply. Ikaw? Wala ka bang pasok?”
“Nagbago ang rest day ko, eh. Alam mo naman sa call center, halos kada linggo nag-sa-shuffle ng schedule. Dumaan akong mall, may binili lang kaya nakita kita,” untag ni Yuri.
“Gano’n?” nasabi ko na lang.
Guni-guni ko nga lang siguro kanina ang pakiramdam na parang may sumusunod sa akin. baka si Yuri talaga ‘yon.
Nang makarating kami sa tapat ng bahay ay nagpaalam na kami sa isa’t isa. Pero natigilan ako nang may naramdaman akong nakatingin sa akin. Agad kong inilibot ang aking paningin. May dalawang kotse na nakaparada sa kabilang kalye pero wala namang laman iyon dahil kita sa loob. Sa unahan ay may dalawa pang kotse pero hindi ko maaninag iyong nasa kulay pula dahil tinted ang salamin.
Kinilabutan ako kaya’t dali-dali akong pumasok sa gate ng bahay.
©GREATFAIRY