Chapter Two
Inihatid ko na lang iyong order nina Mr. Gonzales daw kahit na hindi ko naman kilala. Nang makarating ako doon ay ang gulo ng couch nila. Maraming nagtatawanan. Iyong iba naman ay nakikipaglandian at nakikipaghalikan.
Napaiwas na lang ako ng tingin sa mga naghahalikan doon. Inilapag ko na lang order nila sa table at mabilis na umalis. Nakahinga ako ng maluwag nang makalayo sa kanila.
Kahit na dito ako sa club nagta-trabaho ay hindi pa din ako sanay sa mga nakikita ko dito. Hindi ko din alam kung masasanay pa ba ako. Parang hindi kasi talaga.
“Uuwi na kayo?” tanong ko kina Hillary at Danielle nang madaanan ko sila.
Hillary turned to me. Si Danielle naman ay nakayuko na sa bar counter at hindi na gumagalaw. “Hindi pa. Hintayin ka namin,”
“Sigurado kayo?” tanong ko kay Hillary at napatingin kay Danielle. “Baka kailangan nang umuwi niyan. Kaya ko namang umuwi mag-isa,”
Hindi ko pa natatapos ang sinasabi ay umuling na agad si Hillary. “Okay lang, Liz. Ihahatid ko na kayong dalawa,”
Tumango lang ako sa kaniya Bumalik na din ako sa trabaho. Nang lumalim ang gabi ay natapos na din sa wakas ang shift ko. Sumabay ako kina Hillary at Danielle na umalis.
“Salamat sa paghatid,” sabi k okay Hillary na siyang nagd-drive. I kissed her cheek bago nilingon si Danielle na tulog na tulog sa backseat. “Mag-ingat kayo,” sabi ko sa kanila at bumaba na ng sasakyan.
Tumayo ako sa gilid at kumaway sa kanila bago pumasok sa eskinita na daanan papunta sa bahay namin.
“Oh, gabing-gabi na ah,”
Napatingin ako sa kapit bahay naming naglalako ng balot. “Oo nga po eh,” sabi ko at ngumiti kay Aling Nena. “Kayo po? Tapos na kayong mag-ikot?” tanong ko.
Tumango siya. “Oo, Liz. Magpapahinga na din ako,” aniya.
“Oh, sige po. Uwi na din po ako. Pahinga na po kayo,” sabi ko nang nakangiti at kumaway pa kay Aling Nena.
Aling Nena waved back at me before we separate ways. Dumiretso na ako sa bahay. Madilim na sa loob ng bahay. Baka tulog na si Nanay.
Pero nagkamali ako nang marinig ko ang boses niya. “Nakakain ka na ba, anak?” tanong ni Nanay.
Nakita ko ang anino niya sa dilim. Nakaupo siya sa sala. “Nay, bakit gising pa kayo?” tanong ko sa kaniya bago binuksan ang ilaw.
Nakita ko ang mga mata niyang inaantok na. “Hindi ako makatulog, anak,” ani Nanay. “Hindi ako mapakali na nasa labas ka pa at sobrang gabi na,”
“Nay, naman. Wala namang mangyayari sa akin,” sabi ko at lumapit sa kaniya. “Hindi na dapat kayo nagpupuyat,”
“Okay lang ako, anak,” ani Nanay. “Makakatulog na din naman ako ng mahimbing dahil nandito ka na,”
Tumango ako kay Nanay at inakay siya patayo. “Tara na po. Pasok ka na sa kwarto,”
Natawa ng mahina si Nanay. “Oo na. Kaya ko na,” aniya. “Pumasok ka na sa kwarto mo at magpahinga,”
“Opo,” sabi ko at hinatid na siya sa kwarto niya. Niyakap ako ni Nanay bago siya pumasok. Nakangiting kumaway lang ako sa kaniya bago niya isinara ang pinto. I sighed before I walked towards my room. Nang makapasok ay nahiga agad ako sa kama.
Kinuha ko ang wallet ko at tinignan ang perang laman noon. Mabuti na lang at paparating na din naman ang sahod. May panggastos pa naman kami ni Nanay para dito sa bahay at sa pagkain namin.
Natulog ako nang iniisip kung ano pa ang trabaho na pwede kong gawin para sa amin ni Nanay. Kinaumagahan ay medyo late na akong nagising. Wala na si Nanay sa bahay. Siguro ay nandoon na sa kapitbahay namin na nagpapalaba sa kaniya.
Naglinis na lang ako ng bahay dahil wala namang pasok ngayon at mamayang gabi pa ang trabaho ko. Habang naglilinsi ay naisipan ko ding mamasukan na lang pero paano naman ang pag-aaral ko?
Napailing na lang ako sa mga pumapasok sa utak ko. Magtatanong na lang ako kina Hillary at Danielle kung may trabaho ba silang alam na pwede para sa akin.
Hinintay ko si Nanay noong tanghalin. Nakapagluto na ako dahil alam kong pagod na ‘yang si Nanay pag umuwi dito.
At hindi nga ako nagkamali. Kita ko sa mukha niya ang pagod nang pumasok siya ng bahay. Pero noong nakita niyang nandoon ako at pinapanood siya ay agad siyang ngumiti na parang wala lang. “Oh, anak. Pasensya na at ngayon lang ako nakauwi. Madami kasing labahin doon kina Teresa,” sabi ni Nanay. “Sandali at ipagluluto kita,” dugtong niya at dumiretso doon sa kusina.
Agad ko namang sinundan si Nanay. “Nay, maupo na po kayo,” sabi ko at inalalayan siya paupo sa mesa. “Nakapagluto na po ako. Naglinis na din po ako ng bahay. Alam ko po kasi na pagod na kayo,”
Tiningala ako ni Nanay nang nakangiti. Inabot niya ang mukha ko. “Ang swerte-swerte ko na may anak akong katulad mo,” ani Nanay. “Pasensya ka na anak sa buhay nating ‘to ah. Pasensya na at hindi maganda ang kinakihan mong buhay. Kinakailangan mo pang magtrabaho para makapag-aral at para may panggastos tayo dito sa bahay,”
Bumaba ako para yakapin si Nanay. “Nay naman,” sabi ko at tinignan siya. “Nagpapasalamat ako sa inyo sa buhay na ibinigay niyo sa akin. At kahit na mahirap ang buhay natin, pipiliin ko pa din ang buhay na ito basta kayo ang nanay ko,”
Ngumiti si Nanay sa akin bago ako niyakap ng mahigpit. “Maraming salamat anak. Mahirap man ang buhay ay alam kong ikaw ang kayamanan ko sa buhay na ito,”
I closed my eyes as I hugged my Nanay tighter. “Huwag kang mag-alala, Nay. Darating din ang araw na sasagana ang buhay natin… na magiging mabuti ang pamumuhay natin,” sabi ko sa kaniya. “Ipinapangako ko ‘yan sa inyo, Nay,”
Nanay held my cheek. “Alam ko, anak, na maaabot mo ang mga pangarap mo sa buhay. Naniniwala ako sa kakayahan mo,”
“Maabot ko po ‘yon dahil kayo ang inspirasyon ko,” sabi ko nang nakangiti.