Gusto CHIARA ELENA “Anak, bakit hindi mo kaya gamitin ang contact lense na ibinigay ko sa ‘yo noong birthday mo. Ilang beses mo lang ata nasuot ‘yon. Sayang naman at hanggang isang taon pa ‘yon hindi ba?” “Hindi po kasi ako sanay,” sagot ko naman at napangiti sa pagkaka-french braid niya sa buhok ko. Gustong-gusto ko talaga sa tuwing inaayusan ako ni Nanay Regina. Hinubad niya ang suot kong salamin at agad nanlabo ang tingin ko. “Eh paano ka ngang masasanay kung hindi mo naman ginagamit? Sige na’t gamitin mo na ngayon para naman hindi masayang ang ibinili ko dito,” pagbibiro ni nanay pero alam kong may katotohanan din naman ‘yon. Tanda ko’y ilang araw din siyang um-extra no’n sa carinderia ng nanay ni Jojo para lang siya mismo ang bumili ng contact lense na iniregalo niya sa akin.