Dahil sa ilang araw siyang absent, ilang araw ring hindi niya nasilayan ang kagwapuhan ni Charlie. Kaya naman nang araw na iyon, excited siya sa pagpasok. Agad na pumwesto siya sa bench malapit sa classroom ni Charlie. Upang masilayan niya ito bago man lang siya pumasok sa kaniyang klase. Maaga pa naman, kaya sigurado siyang makikita niya ito, bago pa man magsimula ang kanilang unang subject.
“Trixie!”
Nilingon niya ang pinanggalingan ng boses na tumawag sa kanya. Si Jackie iyon na ngayon ay papalapit sa kinaroroonan niya.
“Oh, bakit nandito ka? Sa kabilang building ang classroom natin ah?” Umupo na rin ito sa kaniyang tabi.
Nginitian lang niya ang kaibigan, ngunit hindi pa rin niya ito iniimik.
“Teka magaling ka na ba? Na-miss kita bruha ka! ‘Wag mo na uling gagawin ‘yun ha? Naku aatakihin ako sa puso kapag naulit pa iyon,” saad pa nito sa kaniya.
“Shhh! Huwag kang magulo diyan!” saway naman niya sa kaibigan, “Ilang araw akong absent kaya siyempre, kailangan masilayan ko first thing in the morning ang aking amore.” Nagpalinga-linga pa siya baka kasi nakadaan na ito ng hindi niya namamalayan, dahil sa kadaldalan ni Jackie.
“Si Charlie na naman? Naku naman bruha ka talaga! Mamaya madisgrasya ka na naman kakasunod mo doon sa lalakeng iyon,” reklamo naman nito.
“Hindi! Basta ‘wag ka nang magulo diyan,” sagot naman niya rito.
Hanggang sa matanaw na niya ang binata na naglalakad patungo sa kanilang direksiyon. “Ayan na siya Jack! Maganda pa ba ako? Hindi ba nakataas ang mga buhok ko ha? Wala ba akong tinga?” sunod-sunod na tanong pa niya sa kaibigan.
“Wala, maganda ka pa rin ‘wag kang mag-alala.” Natatawa naman ang kaniyang kaibigan sa mga pinag-gagagawa niya.
Kahit naman loka-loka siya ay suportado naman siya nito pagdating kay Charlie bhe-bhe niya! ‘Aking amore! Pagtumingin ka, akin ka!’ bulong pa niya sa kaniyang sarili.
At para namang magic na tumingin nga ito sa kaniya. Hindi lang iyon mga besh, nginitian siya nito! Paglampas nito ay sinundan pa niya ito ng tingin saka parang loka-lokang nagtititili.
“Bru, nakita mo iyon? Nginitian niya ako! Puwede na akong kunin ni Lord!” maloka-loka pa siya habang sinasabi iyon sa kaibigan.
‘Lord Joke lang po iyon ha, ‘wag mo muna po akong kuhain. Mamahalin ko pa si Charlie!’ Sabay bawi sa unang sinabi niya. Hindi mapuknat-puknat ang pagkakangiti niya sa kaniyang mga labi.
“Masakit sa tainga Trix. High pitch eh,” nakangiwing sagot naman ni Jackie habang hawak nito ang tainga.
Hinila pa nito ang sariling tainga na malamang ay narindi sa tili niya. Agad naman siyang tumigil sa pagtili nang malakas, at pinalitan na lang iyon ng impit na tili. So tumitili pa rin siya pero mahina na.
“Oh, kompleto na araw mo?” tanong ni Jackie sa kaniya.
Tumango-tango naman siya bilang tugon sa tanong nito.
“Halika na at baka tayo naman ang ma-late dahil sa kalukaretan mong babae ka!” Hinila na siya ng kaibigan para magtungo sa kanilang room.
Para naman siyang baliw na nagpahila na lang. Habang hindi mapuknat-puknat ang ngiti sa kaniyang mga labi. Nilingon pa niyang muli ang classroom nila Charlie. Nagbabaka-sakali siyang masulyapan itong muli. Ngunit wala na ito sa labas ng classroom nito, kaya naman ibinalik na niya ang paningin sa kanilang harapan, at masayang naglakad patungo sa kanilang room.
Pagpasok nila sa kanilang classroom ay agad silang naupo sa kanilang upuan, at inilabas na ang libro para sa subject nilang iyon. Inspired ang buong umaga si Trixie, at matataas ang scores niya sa kaniyang mga exams. Ikaw ba naman ang makapag-take ng vitamin C, as in vitamin Charlie!
“Wow, bru! First time matataas exam mo ah!” pang-aasar ni Jackie sa kaniya.
Kasalukuyan silang nasa canteen at nagmimeryenda. Kumikinang-kinanag naman ang kaniyang mga mata habang sumisipsip ng soda. “Syempre naman nakita ko ang aking bhe-bhe, first thing in the morning eh! Kaya naman ganado akong sumagot sa mga pagsusulit natin!” Parang baliw pa itong nakangiti sa kawalan, habang nilalaro ang straw ng soft drinks na kaniyang iniinom.
“Lukring ka talaga! Hanggang kailan mo naman balak sundan-sundan ang mi amore mo?” tanong naman ng kaniyang kaibigan.
“Hanggang mapansin niya ako, hanggang makuha ko ang pag-ibig niya, at hanggang maging akin siya. Kahit saan pa siya magpunta, susundan ko siya. Hind ko siya tatantanan!” nakangisi pang saad niya rito.
Tumawa naman ang kaniyang kaibigan, “Ano ka si Mike Enriquez? ‘Hindi ko kayo tatantanan! Aherm, excuse me po!’” panggagaya pa nito sa boses ng news anchor.
Sabay pa silang naghagikhikan matapos nitong gayahin ang boses ng news anchor. “Halika na nga! Baka mamaya ma-late pa tayo sa last subject natin. Mayari tayo kay sir sungit,” bumungisngis pa siya pagkasabi noon.
Sabay na silang tumayo at saka iniligpit ang kanilang mga pinagkainan. Terror kasi ang huling guro nila kaya madami ang takot dito. Habang naglalakad pabalik sa kanilang classroom, nakita pa niya si Charlie na naglalakad naman patungong Faculty.
‘Kung swe-swertehin ka nga naman. Thank you Lord, pangalawang beses ko nang nasisilayan ang aking bhe-bhe!’ bulong pa niya sabay kinikilig na nagpatuloy sa paglalakad.
Masaya na siya sa mga simpleng bagay na kagaya noon. Mababaw lang naman kasi siyang tao eh. Pagkatapos ng klase nila, nagyaya na siyang umuwi agad. Tutal dalawang beses naman na niyang nasilayan ang kaniyang bhe-bhe ngayong araw. At isa pa ayaw niyang madisgrasya muna ulit, dahil kagagaling lang ng kanyang mga pasa. Nagulat naman si Jackie at kinapa ang kanyang noo at leeg, sinisigurong hindi siya nilalagnat.
“Ilabas mo ang kaibigan ko! Umalis ka sa katawan niya masamang espiritu!” pinag-cross pa nito ang mga daliri, at itinapat kay Trixie.
Pabirong hinampas naman niya si Jackie. Akala siguro ng kaibigan niya ay nasasapian na siya. “Tigilan mo na nga iyan Jackie. Okay ako, hindi ako nasasaniban. Okay?” natatawang sabi niya sa kaibigan.
Ibinaba naman nito ang mga kamay pagkasabi niya niyon. Pero nakakunot pa rin ang noo nitong nakatingin sa kaniya. “Himala yatang hindi ka makikipagpatentero sa disgrasya ngayong araw?” tanong pa nito habang palabas na sila ng school premises.
Ngumiti lang si Trixie at nagpatuloy sa paglalakad. Ang hindi alam ng kaibigan niya ay may mas better plan siyang naiisip. Naglakad na sila pauwi ng kani-kanilang bahay, na may ngiting namumutawi sa kaniyang mga labi. Malapit na sila sa kanilang bahay, nang huminto siya sa tapat ng isang may kalakihang bahay. May maliit na garden ito na punom-puno ng mga bulaklak. Sumandal siya sa pader kung saan may lilim. Nagtataka naman ang kaibigang si Jackie kaya tinanong siya nito.
“Ano namang ginagawa natin dito? Malapit na tayo sa bahay ninyo may pahinto-hinto ka pang nalalaman,” sabi pa nito sa kaniya.
“Basta. Wait and see!” matamis na ngiti ang ibinigay niya sa kaibigan.
“Hmp, bahala ka nga! Ang weird mo today.” Ginaya na lang nito ang pagkakasandal niya sa pader.
Ilang saglit pa at natatanaw na niya ang lalakeng kinababaliwan niya. Hinila pa niya ang palda ng kaibigan dahil sa sobrang kilig.
“Ayan na siya bru!” impit na tili pa ang pinakawalan niya.
Napalingon naman si Jackie sa tinutukoy ng kaibigan, “You mean, bahay ito nila Charlie?” namimilog ang mga matang tanong pa nito sa kaniya.
Tumango-tango naman siya bilang tugon dito. “Oh, tama na iyang pagtango baka mabali na iyang leeg mo,” inawat pa siya ni Jackie nang parang hindi siya hihinto sa pagtango.
“Kunwari ka pang hindi susundan eh, alam mo na pala ang bahay. Stalker!” sabi pa nito sa kaniya. “Bru, palapit na siya!” bulong sa kaniya ni Jackie, nang makita nito si Charlie na papalapit na sa kinaroroonan nila.
Huminto naman ang binata malapit sa kanila. Kababakasan nang pagtataka ang itsura nito. “Hi, may kailangan kayo?” tanong nito sa kanila nang tuluyang makalapit ito, sa kinaroroonan nilang magkaibigan.
“Ahm, ano kasi, magpapasalamat lang ulit sana ako sa ginawa mong pagtulong sa akin noong nakaraan,” pa-cute na sambit niya rito.
Ngumiti naman ito saka sumagot sa kaniya, “Wala iyon. Ano ba kasi ang ginagawa mo sa taas ng puno?” tanong nito sa kaniya.
Napahagikgik naman si Jackie sa tanong ni Charlie. Kumunot naman ang noo ng binata na napatingin kay Jackie. “Eh kasi umakyat siya doon para…” hindi na naituloy ni Jackie ang sasabihin nang agad niyang takpan ang bibig nito.
“Para, ahm, para kunin iyong kuting na hindi makababa sa puno. ‘Yon.. iyon, iyon nga ang ibig sabihin ni Jackie,” palusot naman niya bago binitawan ang kaibigan.
“Ahhh, ang bait mo naman pala sa mga hayop,” nakangiti na ring wika nito.
‘Oh-em-gee, why so gwapo bhe-bhe ko?’ tili pa niya sa kaniyang isipan.
“Ah sige Charlie, mauuna na kami ni Jackie. Diyan lang bahay namin oh, sa may green na gate,” aniya sabay turo sa kanilang bahay.
Hinila na niya si Jackie na tila baliw na humahagikgik pa rin.
“Okay. Sige mag-iingat kayo,” ganting sagot naman nito sa kanila, habang sinusundan sila nito nang tanaw.
Kumaway pa siya kay Charlie saka naglakad palayo. Nang lingunin niya itong muli ay nakatalikod na si Charlie sa kanila. Nang makalayo sila, agad niyang hinarap ang kaibigan. Saglit silang huminto at pinamewangan ang kaniyang kaibigan.
“Ikaw na madaldal kang babae ka! Muntik mo na akong ilaglag sa bhe-bhe ko!” sita niya rito habang dinuduro ito.
Muli naman itong humagikgik na parang lalong naaliw sa kaniya. “Ano kayang sasabihin ni Charlie kapag nalaman niyang umakyat ka sa puno para lang masilayan siya?” sabay bungisngis nitong muli.
Agad naman itong nakatikim nang batok mula sa kaniya.
“Aray ko naman Trixie. Masakit iyon ha!” reklamo naman nito habang hinihimas ang ulong nasaktan.
Hindi niya pinansin ang pagre-reklamo nito, at nagpatuloy lang sa paglalakad.
“Maiba ako, malapit na ang JS prom, may damit ka na ba?” naalalang itanong ng kaibigan sa kaniya.
“But of course! Meron na, binilihan na ako ni mama noong nakaraang lingo. Ikaw ba?” balik tanong niya sa kaibigan.
“Wala pa nga eh. Baka mag-rent na lang ako, isang gabi lang naman natin gagamitin eh.”
Huminto na ito sa tapat ng bahay ng mga ito, dalawang bahay bago ang sa kanila.
“Eh sinong date mo?” tanong pa ni Jackie sa kaniya.
Tumingin siya sa kaibigan sabay taas ng kilay rito. Hindi naman kasi niya iniisip na maghanap ng ka-date, maliban na lang kung si Charlie ang magiging date niya. Baka hindi pa ito nagtatanong, ‘oo’ na kaagad ang isagot niya rito.
“Kailangan ba noon? ‘Wag na! Okay lang naman kahit walang date eh. Tayo na lang ang date!” sabay hagikgik pa niya.
Nandidiring tinignan naman siya nito. “Eeewww! Ano ka lesbian?” maarteng sabi nito sa kaniya sabay irap.
Tumawa naman siya sa sinabi ng kaibigan, dahil sa itsura nitong diring-diri. “Oh, paano bukas na lang uli ha?” saka sila nagbeso at nagpatuloy naman siya sa paglalakad patungo sa kanilang bahay.