Pagpasok sa loob, nakita niya ang kaniyang ama na kinukutingting ang kanilang electric fan sa sala. Nagmano siya rito bago pumasok sa kaniyang silid. Agad siyang nagtanggal ng kaniyang uniporme, saka nagtungo sa kusina na naka cycling short, at sando lang. Inabutan niya ang kaniyang ina na naghahanda ng pagkain sa mesa.
“Oh, nandito ka na pala. Kumusta naman ang school?” lumapit siya sa ina at nagmano.
Umupo siya sa harapan ng mesa, at nag-umpisang magsandok ng pagkain, bago sumagot sa kaniyang ina, “Okay naman ma, nakatayo pa rin naman po iyong school namin sa awa ng Diyos,” pilosopong sagot niya sa ina.
Nakatikim tuloy siya ng kutos mula sa kaniyang ina. Napasimangot naman siya sa ginawa ng kaniyang ina.
“Mama naman eh! Kinumusta mo iyong school, sinabi ko lang naman ‘yong katotohanan. Sa nakatayo pa naman talaga ‘yong school namin eh,” nakalabing aniya rito. “Masakit iyon ha,” sabay himas sa nasaktang ulo.
“Masasaktan ka talaga sa aking bata ka! Pinipilosopo mo pa ang pag-sagot sa akin eh!” wika ng kanyang ina, ngumisi naman siya rito.
Gustong-gusto niya kapag naaasar ang kaniyang ina. Para kasi itong dragon kapag naaasar. “Sorna, ma!” pinaarte pa niya ang paghingi ng tawad sa ina.
“Hay ewan ko ba sa iyong bata ka kanino ka ba nagmana? Mababait naman ang mga kuya mo, ikaw lang ang sutil. Kung sino pa ang babae siya pa ang sutil!” mahabang litaniya pa nito na tinawanan naman niya.
“Eh kanino pa ba ma? Eh ‘di sa iyo!” tatawa-tawang sagot niya sa ina.
Akma naman siyang papaluin ng sandok ng kanyang ina, nang itaas niya ang magkabilang braso niya. Humahagikhik pa siya habang pinagmamasdan ang ina. “Ma ‘wag po!” sabi pa niya sabay tawa ulit.
Palibasa kasi nag-iisa siyang anak na babae, kaya spoiled siya sa mga ito. Lalo na sa kaniyang ama na walang ginawa kundi ang sundin ang lahat ng kahilingan niya.
“Oh, pinapagalitan mo na naman ba ang prinsesa ko?” speaking of her father, pumasok na ito sa kusina, at diretsong naghugas ng kamay sa lababo.
“Oo pa. Kinutusan pa ako ni mama, masakit nga eh,” pag-iinarte niya kunwari.
“Ikaw naman mahal, kawawa naman ang prinsesa ko. Patingin nga anak,” kunwa’y tinignan pa nito ang ulo niyang nasaktan saka hinalikan iyon.
“Ayan, sige magkampihan kayong dalawa. Kaya iyang anak mong iyan ay lumalaking sutil!” sabi naman ng kaniyang ina.
Nagtawanan lang sila ng kaniyang ama, saka nilapitan nito ang kaniyang ina para lambingin. Nakangisi siyang pinagmamasdan ang kaniyang mga magulang.
“Ikaw naman mahal. Hindi naman sa kinakampihan ko ang prinsesa natin. Pero parang ganoon na nga!” paglalambing ng kaniyang ama sa mama niya.
Natawa siya sa sinabi ng kaniyang ama. Lalo na nang hampasin ito ng kaniyang ina. “Heh, magsama kayong mag-ama!” angil pa nito sa kaniyang ama.
Lalo tuloy siyang natawa sa mga ito. Parang mga teenager kung maglambingan.
“Aysus, nagse-selos ka lang eh. Pa-kiss nga mahal,” ngumuso pa ang kaniyang ama, sabay halik sa pisngi ng kaniyang ina.
Nakayakap pa ito mula sa likuran ng kaniyang ina. Kitang kita naman niya ang pagngiti ng mama niya, kaya tinukso niya ito, “Uyyy, si mama pabebe!” biro pa niya sa ina.
Sabay tawa nila ng kaniyang ama. Pinandilatan naman siya ng kaniyang ina na nginisihan lang niya.
“Magsitigil na nga kayong dalawa! Kumain na nga lang kayo diyan ng hindi ako ang pinagti-tripan niyong mag-ama!” kunwa’y masungit na sagot pa nito sa kanila.
“I love you mahal,” malambing pang saad ng kaniyang ama na ikinatawa niya ng kiligin ang kaniyang ina.
This is her family. Hindi man sila mayaman, masayahin naman ang bawat miyembro ng kanilang pamilya. Mayroon siyang mapagmahal, at mapag-arugang ama’t ina. Idagdag pang may mga barako siyang kapatid na handa siyang ipagtanggol sa mga nang-aapi sa kanya. Iyon ay kung mayroon nga. Baka nga siya pa ang nang-aapi sa mga kabataan eh.
Nasa ganoong paglalambingan ang kaniyang mga magulang nang magsidatingan ang mga kuya niya. Isa-isang nagmano ang mga ito sa kanilang mga magulang bago naupo sa kani-kanilang puwesto.
“May na-miss ba kami?” tanong pa ng kaniyang kuya Tisoy habang nakatingin sa aming mga magulang.
“Wala naman kuya, nagpapa-bebe lang si mama kay papa,” humahagikhik naman niyang sagot dito.
“Heh! Tigilan mo ako Trixie ha! Sige na magsikain na kayo diyan,” sabat naman ng kaniyang ina, “Mahal, maupo ka na rin diyan para makakain ka na rin,” malambing pa nitong baling sa kanilang ama.
“Yes mahal. Ikaw rin maupo ka na sa tabi ko,” sabi naman ng kanilang ama.
“Ayyyiiieee!” sabay-sabay nilang panunudyo sa kanilang mga magulang.
Nagtawanan pa sila nang pandilatan sila ng mga mata ng kanilang ina. Kinikilig sila kapag ganitong nasasaksihan nila ang paglalambingan ng kanilang mga magulang. Ideal couple kasi ang mga ito. Lumipas man ang maraming taon, hindi pa rin sila nagbabago. Malambing pa rin sila sa isa’t isa.
“Kumain na lang tayo at ng hindi kami ng tatay niyo ang pinagdidiskitahan niyo,” nangingiting sabi ng kaniyang ina.
“Uyyy si mama parang teenager lang, nagba-blush pa!” panunukso ng kaniyang kuya Tyrone.
Binato nito ng kamatis ang kaniyang kuya Ty na ikinatawa nilang tatlo. Habang ang tatay naman nila ay iniharap ang kanilang ina dito.
“Patingin nga mahal? Hindi naman eh, kayo talaga mga anak. Baka naman nag-blush on lang ang mama niyo kaya...” hindi na naituloy ng kanilang ama ang sasabihin nang paluin ng kanilang ina ito sa braso.
Napahagikhik naman sila sa mga ito. Agad namang niyakap ng kanilang ama ang kanilang ina saka hinalika ito sa labi. “Ikaw naman mahal, hindi ka na nasanay sa mga anak nating makukulit,” sabi pa ng kanilang ama.
“Ang mabuti pa’y kumain na lang tayo nang makapaglabing-labing tayo pagkatapos,” pilyong saad pa nito sa kanilang ina.
“Ano?! May balak pa kayong sundan ako? Grabe!” protesta naman ni Tixie na ikinatawa ng lahat.
“Sige ma, pa, gawa kayo ng isa pang Trixie. Iyong mabait na version naman,” nakangising sabi ng kaniyang kuya Tisoy.
Pinanlisikan naman niya ito ng tingin. Ngunit ni hindi man lang ito nasindak sa kaniya. Kaya naman inirapan na lang niya ito saka nakasimangot na ipinagpatuloy ang pagkain.
“Oy! Tama na iyan baka mamaya umiyak ang ating prinsesa,” narinig niyang sabi ng kaniyang ama.
“Joke lang naman iyon pa, alam niyo namang tama na si Trixie sa amin. Baka kapag nagka-baby tayo ulit mas malala pa kay Trixie, lalo akong hindi magka-asawa!” sabi ng kaniyang kuya Tisoy.
Tumawa naman ang dalawa niyang kuya sa sinabi ng kanilang panganay. Habang ang mga magulang naman nila ay nakangiti lang habang nakamasid sa kanila.
“Anong asawa agad iyang iniisip mo? Maghanap ka muna ng girlfriend, bago mo isipin ang mag-asawa,” sabi naman ng kaniyang ina.
“Oo nga kuya. Girlfriend nga wala ka pa, asawa na agad-agad iniisip mo!” naiiling namang saad ng kuya Tony niya.
Nauwi tuloy sa kantiyawan ang kanilang usapan. Napakapili kasi ng kaniyang kuya Tisoy pagdating sa babae. Kaunting kapintasan lang na makita nito sa isang babae, natu-turn off na agad ito. Kaya umabot na lang ito sa edad niyang bente dos, ay wala pa rin itong jowa.