CHAPTER 2

1777 Words
KINABUKASAN, inagahan ko ulit ang pasok ko sa trabaho. Mas mabuti na iyon kaysa ang ma-late na naman ako. Sigurado akong sangkatirbang dada na naman ang aabutin ko mula kay Ma’am She. Kagaya na lamang no’ng nakaraang linggo. Isang minuto lang naman ang late ko pero halos isumpa na ako ng matandang babaeng ’yon. “Good morning, Psyche!” “Hi Kuya Mao, good morning po!” masigla at nakangiti ring bati ko sa guard na naka-duty sa employees entrance. Matagal na rin itong nagtatrabaho rito sa Hotel kaya matagal ko na itong kakilala. “Ang aga mo ulit ngayon ah?!” “Opo! Baka po may sumabog na bulkan na naman mamaya.” Natatawang pagbibiro ko pa habang nagpa-punch in ako ng ID ko. Tumawa rin ng pagak si Kuya Mao. “Sinabi mo pa!” “Sige po, sa locker na ako.” Sabi ko pagkatapos ay naglakad na agad ako papasok sa locker area namin. Sakto at naroon na rin si Cj. “Aba! Himala at naunahan mo pa ako ngayon!” “Ayoko ring makakita ng bulkang sumasabog kaya inagahan ko na,” natatawa ring sabi nito sa akin. “At isa pa, balita ko pupunta raw si Don Felipe ngayon. Siyempre, gusto kong magpa-impress. Baka sakaling ma-promote ako. Ako ang papalit kay Ma’am She. Para naman magbago ang ambiance ng Bar.” Pabiro pang dagdag nito. Natawa na lamang ako. “Loka, kapag narinig ka n’on.” “Who cares?!” Maraming guest ngayon sa Hotel, pero dahil nasa Bar station naman kami, wala pang masiyadong trabaho ngayong umaga kaya chill na muna kami. Pero aasahan na naming walang tigil na trabaho na naman mamayang tanghali hanggang sa maghapon. Nang magtatanghali na ay sinasabihan naman ako ni Cj na sabay na raw kaming mag-lunch pagkatapos nitong mag-room service sa isang guest namin. “Bes,” tawag sa akin ni Cj nang makabalik na ito. Nagmamadi pa itong lumapit sa akin. “Tara na? Kain na tayo at nagugutom na ako.” Saad ko. “Hinahanap ka ni Don Felipe!” sa halip ay saad naman nito sa akin. Bigla namang sumilay ang ngiti sa mga labi ko. Ewan ko, pero simula no’ng unang araw na makilala ko ang Don Felipe, magaan na kaagad ang loob ko rito. Mabait din kasi ito kaya siguro madaling makagaanan ng loob. Hindi lamang para sa akin, kun’di pati na rin sa ibang mga empleyado rito sa Hotel. Ang Don Felipe ang tumulong sa akin na makapasok dito sa Hotel niya. Nakilala ko ito noon nang minsan ay makita ko itong nasa park malapit sa dati kong pinagtatrabahoan. Masiyadong simpleng tao lang ang Don kaya nang una ko itong makita, inakala kong simpleng mamamayan lang din ito na naroon sa park at nagpapahinga nang hapong iyon. Nakipagkuwentohan ako rito. Kahit may edad na ito may sense pa ring kausap, palabiro at masayang kausap kaya simula no’ng araw na ’yon... naging magkaibigan kaming dalawa. Lagi na rin itong pumupunta sa park kapag oras ng uwi ko sa trabaho kaya lagi kaming nagkikita roon. Nagkukuwentohan muna kami bago ako umuwi sa bahay na inuupahan ko. Nalaman kong wala na rin pala itong asawa at tanging ang anak na lamang nito na si Sir Vince, ang asawa nito at ang anak ng mag-asawa na si Sir Arwin ang kasama nito sa buhay. Nang mawalan ako ng trabaho sa Bakery, bilang tindera, doon ko lang nalaman na mayaman pala ang Don Felipe. Nalaman kong ito pala ang may-ari ng Casa de Esperanza. Isa ang Hotel na ito na kilala sa buong Pilipinas. Tinulungan ako nitong makapagtrabaho sa Hotel kahit high school lang naman ang natapos ko. Kaya labis ang pasasalamat ko rito. Minsan na rin ako nitong inalok ng tulong para makalipat ako sa mas maganda at kumportableng tirahan, pero dahil nahihiya naman ako, tinanggihan ko. Inalok din ako nito ng scholarship para makapag-aral ako sa college, pero hindi ko rin tinanggap. Masiyado ng malaking tulong ang pagbibigay nito ng trabaho sa akin sa Hotel kaya okay na ’yon. Nag-iipon naman ako para makapag-aral ako ng kolehiyo, soon. “Psyche, hija!” Bigla akong napalingon sa may entrance ng Bar nang makita kong papasok na ang Don Felipe. Malapad pa ang ngiti nito habang nakatingin sa akin. “Don Felipe,” nakangiti ring sabi ko at naglakad palapit dito. Kaagad akong nagmano rito. Nakasanayan ko ng gawin iyon simula pa man. “Kumusta po kayo?” tanong ko. “I’m good. How about you, hija? How are you? Kumusta naman ang trabaho mo rito?” “Okay naman po,” sabi ko. “Kumusta po ang pagpapagamot ninyo sa Amerika?” No’ng nakaraang buwan pa kasi ito umalis ng bansa upang magtungo sa US para daw magpagamot sa sakit nito. “I’m good hija! Mabuti na ang pakiramdam ko ngayon. And I’m sure na ipinagdasal mo ako kaya gumaling agad ako.” “Oo naman po Don Felipe, lagi naman po kayong kasama sa mga dasal ko.” “You’re so sweet hija.” Mas lalo pang lumapad ang ngiti sa mga labi ko dahil sa sinabi nito. “Psyche?!” At dahil sa boses na iyon, biglang naglaho ang ngiti sa mga labi ko. Alright, nandito na naman ang kontrabida ng buhay ko. “What are you doing?” pagalit na tanong sa akin ni Ma’am She nang makalapit na ito sa puwesto namin ni Don Felipe. Matalim pa ang titig nito sa akin. “Um—” “I’m sorry po Don Felipe. Iniisturbo po ba kayo ni Psyche? Or did she do something wrong?” tanong pa nito. “Oh, no, no She. We’re good. Walang problema.” “Ganoon po ba?” anito. “Go on, Psyche... mag-break ka na at bumalik ka ng maaga. Marami tayong guest ngayon.” Napayuko na lamang ako kasabay nang pagpapakawala ko nang malalim na buntong-hininga. “S-sige po Don Felipe—” “No hija, kaya pinuntahan kita rito kasi gusto kong isama ka mag-lunch.” Bigla akong napaangat ng mukha at napatitig dito. Mayamaya ay napatingin din ako kay Ma’am She. Naningkit pa ang mga mata nito sa akin. “Po?” nang muli akong tumingin dito. “Nako, Don Felipe... huwag n’yo na pong isama si Psyche. Nakakahiya po sa inyo. She’s just an employee and—” “I’m not asking you, She.” Saad ng Don. “Psyche is the one I invite to join me for lunch. Namiss ko na rin kasing kakuwentohan ang batang ito. So... hindi mo naman siguro ako bibiguin ngayon, hija right?” nakangiti pang saad nito sa akin. Wala naman akong nagawa kun’di ang ngumiti rito at tumango na lamang. “S-sige po.” Sa huli ay sagot ko. “Alright then, let’s go.” Hinawakan pa ako nito sa balikat ko at iginiya na palabas ng Bar. Hindi na ako lumingon sa kinaroroonan ni Ma’am She, dahil ngayon pa lamang ay nararamdaman ko na ang matalim na titig nito mula sa likuran ko. Magkaagapay kaming naglakad ni Don Felipe hanggang sa makarating kami sa restaurant na nasa loob lang din ng Hotel. “Pasensya ka na kay She, hija! Ganoon lang talaga ang ugali ng isang ’yon.” Habang magkaharap na kami ng Don Felipe sa isang lamesa. Tipid naman akong ngumiti. “Nako po, sanay na po ako kay Ma’am She, Don Felipe.” Saad ko. “Palibhasa’y matandang dalaga na rin kaya laging mainitin ang ulo.” Tumawa pa ito ng pagak. Napahagikhik naman ako. “Ikaw ba hija, wala ka pa ring nobyo?” mayamaya ay tanong nito sa akin. “Wala pa po sa isip ko ’yan Don Felipe.” “Why not?” “E, ’tsaka na lang po kapag nakapagtapos na po ako ng pag-aaral ko. Madami naman pong lalaki sa mundo kaya panigurado pong hindi ako mauubusan n’on.” Tumawa itong muli ng pagak dahil sa mga sinabi ko. “Well, kunsabagay. You’re right hija. Maraming lalaki sa mundo. And I’m sure na napakasuwerte ng lalaking iyon kapag nakilala ka na niya.” Saad nito. “Thank you, Don Felipe.” “E, hindi pa rin ba nagbabago ang isip mo tungkol sa tulong na ibinibigay ko sa ’yo?” mataman itong tumitig sa akin mayamaya. “I mean, I just wanted to help you hija. Kung nahihiya ka mang tanggapin ang tulong ko sa ’yo... isipin mo na lang na utang mo ito sa akin. Bayaran mo na lang ako kapag nakaluwag ka na.” “E, nakakahiya po talagang tanggapin Don Felipe. Lalo po at maraming—” “Huwag mo ng isipin ang sasabihin ng ibang tao. As long as, alam mo naman sa sarili mo na wala kang ginagawang masama. And besides, reward ko na rin ito sa ’yo dahil sa pagtulong mo kay Arwin.” Nangunot ang noo ko dahil sa sinabi nito. “He told me na tinutulungan mo siyang mag-practice para sa dance competition na sasalihan nila sa Hawaii sa susunod na buwan. So, wala kang dahilan para hindi tanggapin itong tulong na ibinibigay ko sa ’yo.” Saglit akong natahimik at napatitig sa mukha ng Don Felipe. “Okay, I’ll give you three days to think about it.” Nakahinga naman ako nang maluwag dahil sa sinabi pa nito. Mayamaya ay ngumiti ako. “Um, excuse me lang po. Gagamit lang po ako ng banyo.” Pagpapaalam ko. “Go ahead, hija!” Kaagad akong tumayo sa puwesto ko at hahakbang na sana para tunguhin ang kinaroroonan ng banyo, pero bigla rin akong napahinto nang muntikan na akong bumangga sa isang mataas na lalaki. Nang tumingala ako sa mukha nito, kitang-kita ko ang seryosong hitsura nito, ang mga kilay nitong halos mag-isang linya na. Oh, Jesus! Greek God ba itong nasa harapan ko? Damn, sobrang guwapo kahit hindi maipinta ang seryosong mukha nito. Ang kulay tsokolate nitong mga mata ay parang nag-aapoy habang nakatitig sa akin. Puno man ng balbas at bigote ang mukha nito, hindi niyon naitagi ang kaguwapohan nito. Wala sa sariling napalunok tuloy ako ng laway ko nang maramdaman ko ang nakakapaso niyang titig. Feeling ko rin ay biglang nanlambot ang mga tuhod ko. Kung hindi pa ako napahawak sa mesang nasa tabi ko, siguradong tutumba ako ngayon. “Kidlat, hijo! Narito ka na pala!” Bigla akong napalingon kay Don Felipe nang marinig ko ang sinabi nito. Mayamaya ay muli akong napalingon sa kapre—este matangkad na lalaking nakatayo pa rin sa harapan ko. Kidlat? Iyon ang pangalan niya? Oh, maari nga. Kasi sa mga titig pa lang nito sa akin ngayon... para na ngang tatamaan ako ng kidlat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD