CHAPTER 9
BLOODY VENGEANCE
BY: Pinagpala (Joemar P. Ancheta)
JS Prom namin. Excited ako dahil sinabi niya sa akin na aattend siya pero walang partner. Nagsimula na ang sayawan ngunit hindi pa siya dumadating. Hindi ko na kasi nadaanan kanina dahil sa kakulitan ni Mommy at Daddy na baka raw mahuli na kami. Alam kong pupunta siya kasi nagbayad nga siya ng kaniyang contribution. Ako kasi ang magbibigay ng key of responsibility dahil Class President ako kaya nga hindi ako dapat ma-late. Tingin ako ng tingin kung dumating na ba siya. Tinawag ako para sa pagpasa ng Key of Responsibility ngunit wala pa siya. Sabi niya panonoorin niya ako at makikinig siya sa speech ko. Nasaan siya?
Nang hinahayag ko na ang aking mensahe ay nakita ko na siyang dumating at umupo sa likod ng aking inuupuan. Pagkatapos ng speech ko ay bumalik na ako. Kunyari nagtatampo ako. Hindi ko siya pinapansin. Ngunit sa totoo lang, kinakabog ang dibdib ko. Sobrang gwapo niya sa suot niyang coat at black tie. Para siyang isang Adonis. Pwede siyang itapat sa mga batang actor. Oh God! Bibigay na ba talaga ako? Alam kong tinatalo na nang tuluyan ng puso ko ang isip ko. Mahal ko na ba talaga ang bestfriend ko?
"Psst!" papansin niya.
"Ano!" sagot ko. Malakas ang sound ngunit naririnig ko siya.
"Happy Valentine. Guwapo mo sa suot mo ah." Kumunot ang noo ko sa sinabi niyang iyon.
"Ano? Hindi kita marinig. Anlakas kasi ng music." Ngayon ko lang siya narinig na sabihing guwapo ako. Oo alam kong mahal niya ako pero ang lantaran niyag pagsabi na gwapo ako, ngayon lang nangyari.
Hanggang sa biglang kinuha ni Joan ang kamay ko at hinila sa gitna. "Tara na, susunod ng cotillion natin!"
Pagkatapos ng cotillion namin ay sayawan na nag kasunod. Bumalik ako sa upuan ko. Tahimik lang siya sa likod. Patay! Siya na yata ang nagtatampo.
"Hindi ka ba talaga sasayaw?" tanong ko. Hindi ko siya nililingon.
"Wala nga akong partner di ba?" sagot niya.
"Panong wala e, open naman na ang JS natin. Yung walang partner, may mga pagkakataon na rin kayong pumili o magsayaw ng kahit sinong isasayaw ninyo sa mga juniors o seniors na wala talagang partner." Paliwanag ko.
"Ayaw ko."
"Eh, yun ang talagang sagot. Ayaw mo at hindi yung magrason ka sa aking wala kang partner. Bakit di mo i-enjoy ang gabi."
"Ikaw na lang." sagot niya.
"Ako na lang ang alin? Ang partner mo?" Nilingon ko siya.
Umiinom ng juice at napa-ubo sa sinabi ko. Nagtawanan kami.
Tinignan ko si Joan. Nakatingin din sa amin. Gusto niyang sumayaw. Kanina pa kasi iyon atat pero nahihiya sigurong puntahan ako.
"Sayaw muna kami ni Joan ha," paalam ko sa kanya.
"Ano ba talaga kayo ni Joan? Pati tawag niya sa'yo narinig ko bhe."
"Gago. Generic yung bhe na ‘yan. Itinatawag niya ‘yan sa iba pa niyang friends, baliw. Nagseselos ka?" tanong ko. Nang-aasar lang.
"Bakit kayo ba?"
"Puwede kung okey na sa’yo na ligawan ko siya?"
Hindi siya sumagot. Hindi ko na din hinintay ang sagot niya. Nagsayaw kami ni Joan. Ngunit paminsan-minsan ay nililingon ko siya. Patapos na ang music nang tumayo siya at umalis. Kinabahan ako. nakita ko kasing hindi siya natutuwa na naiiwan sa upuan niya. Hindi ko tuloy naiintindihan ang mga kuwento ni Joan kaya puro tango lang ang sinasagot ko. Nakatuon ang isipan ko kay Lance. Saan kaya nagpunta na 'yun.
Bumalik ako sa upuan ko. Hindi na ako mapakali. Sampung minuto ngunit wala pa siya. Pagtayo ko para hanapin siya ay saka naman ang pagdating niya.
"Sa'n ka galing?"
"Umihi lang. Bakit ba?"
"Wala lang. Akala ko iniwan mo na ako."
"Sus, nag-eenjoy ka nga kay Joan eh."
"Isinayaw ko lang. Sumayaw ka kasi." Nilingon ko siya.
"Tara na." yakag niya sa akin.
"Saan?" tanong ko.
"Basta. Hindi ako nag-eenjoy dito. Kung sasama ka sa akin, hindi mo pagsisihan."
"Saan nga e."
"Basta! May tiwala ka ba sa akin?"
"Oo." Sagot ko.
"Meron naman pala e, kaya tara na, mas mag-eenjoy tayo do'n."
Sumakay kami sa motor ko.
"Saan tayo?" tanong ko.
"Basta. Ako na lang ang mag-drive.”
“Saan nga tayo baka mamaya magalit sina Mommy.”
“Di ba nakauwi na sila pagkatapos ng iyong pagpasa ng Key of Responsibility at cotillion?”
“Oo pero gagabihin ba tayo ng husto?”
“Hindi. Doon tayo sa kubo ng lolo ko sa farm. Walang tao do’n tsaka tahimik. Doon na lang tayo. Andon na yung gitara ko saka ilang mga pagkain at maiinom. Alam na rin ni Lolo na gagamitin ko iyon kaya tara na."
"Sa ganitong oras? Hindi ba nakakatakot do'n. Weird naman. Akala ko ba mas masaya."
"Sige na, pagbigyan mo na ang trip ko."
“Tara na nga. Bahala na!”
“Yown! Dapat gano’n lagi ang sagot. Bahala na!”
Medyo kinakabahan lang ako nang tinatalunton na namin ang madilim na daan papunta sa bukid na sinasabi niya.
“Yakapin mo ako para hindi ka matakot.” Pasigaw niya iyong sinabi para marinig ko habang mabilis ang kanyang pagpapatakbo.
Huminga ako ng lmalalim. Kahit ayaw ko sana ay sinunod ko na lang ang sinabi niya. Sobrang sarap ng yakap na 'yun. Para lang akong nililipad sa alapaap habang nakaangkas sa motor.
Nang makarating kami sa sinasabi niyang bukid ay agad niyang ipinark ang motor. Binuksan niya ang kanyang bag at naglabas ng flashlight.
“May lalakarin lang tayo hanggang doon ha? Hawak ka sa kamay ko.”
"Iwanan natin ‘yung motor dito?” tanong ko.
“Oo. Wala naman kukuha ‘yan diyan. Saka kay Lolo lahat ito. Hindi tayo maaano.”
Nakita niya sigurong natatakot ako lalo pa’t tunog lang ng mga kulilig at palaka ang bumabasag sa katahimikan ng gabi.
“Tara na. Ang hina mo naman.” Kantiyaw niya sa akin. Hinawakan niya ang kamay ko at siya ang unang naglakad. Kabisadong-kabisado niya ang kaniyang tinatalunton na daan. Nang marating namin ang maliit na batis ay may tulay kaming tinalunton hanggang sa narating na nga namin ang kubo na sinasabi niya. Sinindihan niya ang mga gasera. Sumabog ang liwanag na iyon sa kabuuan ng magandang kubo. Kinuha niya ang dalawang basket na nakasabit sa nakausling sabitan ng kubo. Inilabas niya ang laman no'n. Mga pagkain na may kasamang lechon manok at beer.
“Tayo lang bang dalawa rito?” tanong ko.
“Oo, tayo lang. Tara dito tayo sa beranda ng kubo.”
Sumunod ako sa kanya.
"Pakiabot ang gitara.” Nakatingin siya sa gilid. Paglingon ko ay nakita ko ang gitarang nakapatong sa isang upuan. Kinuha ko iyon at ibinigay ko sa kanya. Umupo ako. Sumandal. Tumingin ako sa langit. Nakita ko ang maliwanag at bilog na buwan at anng parang isinaboy na bituin sa langit. Huminga ako nang malalalim. Pumikit para damhin ang katahimikan at kapayapaan ng gabi.
Naghihintay lang ako kung ano ang mga plano niya. Para akong na-hypnotized na sumusunod lang sa gusto niyang gawin o ipagawa. Hindi ko kasi napaghandaan ang lahat ng mga ginagawa niyang ito. Nagugulat pa rin ako.
"Kaya ako late kanina kasi galing pa ako dito. Namili muna ako ng mga kakainin natin dito bago ako nagpunta sa school para puntahan ka."
"Bakit kasi hindi mo ako sinabihan nang pagkatapos ng mga commitments ko sa school ay dumiretso na lang ako dito nang hindi mo na ako kailangan pang puntahan doon."
"E di hindi na kita na-surprise kung alam mo ang gagawin kong ito. Saka hindi pa naman tayo dito nakakapunta kaya hindi mo pa alam kung paano dito pupunta."
Nagsimula siyang tumugtog ng gitara. Tinimpla niya muna at nang sigurado na siya ay tumingin siya sa akin. Titig na titig.
"Huh!" pinakawalan niya ang malalim na hininga. "Para sa'yo ang kantang ito tol. Swak na swak ang lyrics sa gusto kong sabihin sa'yo."
"Talaga? Sige, pakikinggan ko." hinila ko ang upuan ko at pumuwesto ako sa harap niya. Iniusog din niya ang upuan niya sa akin. Naglapat an gaming mga tuhod. Malapit lang kami sa isa’t isa.
Hey, have you ever tried
Really reaching out for the other side?
I may be climbing on rainbows
But baby, here goes.
Sikat iyon na kanta ng Ben & Ben na Make it with you. Napaisip ako sa unang lyrics ng kanta. Kung iyon ang gusto niyang sabihin sa akin. Pareho lang kami ng pinagdaanan. Ako man ay hindi ko na kayang paglabanan ang nararamdaman ko sa kaniya at gusto kong subukan kung anong meron sa amin sa kabila kung aming pagbibigyan an gaming mga sarili. Kahit paulit-ulit kong sinasabi sa aking sarili na kaibigan ko lang siya ngunit nangingibabaw pa din ang katotohanang siya ang unang nagpatibok sa aking puso. At sa tuwing gusto kong takasan ang nararamdaman kong iyon ay lalo lang niya ako napapaibig. Nagtaka ako, bakit iyon ang kantang iniaalay niya sa akin?
Dreams, they're for those who sleep
Life is for us to keep
And if you're wondering what this song is leading to
I want to make it with you
I really think that we could make it, boy
Napakaganda ng hagod niya sa lahat ng binibitiwan niyang salita. Naroon ang damdamin. Nadadala ako. Maganda nga talaga ang boses niya. Kung hindi siya nagtapat sa akin, kung hindi niya ipinadama sa akin ang buhay na wala siya, baka puno lang ako ng panaginip. Nababalot pa rin ako ng hiwaga kung ano ng aba kaming talaga. Kung hindi dahil sa kaniya, hindi ko makikilala ang aking sarili. Inilabas niya ang tunay na meron ako at binigyan niya ng direksiyon ang buhay ko. At ako sa kaniya? Alam kong pinili niya ang kantang iyon dahil sa akin nagkakaroon ng pag-asa na may makakasama siya hanggang sa dulo. Siguro naisip niyang dahil sa akin, patuloy siyang lumalaban ngayon hanggang mabuo kaming dalawa. Umaasa siyang sa kahit anong pagsubok na darating, maipanalo namin ang lahat lalo na kapag kami ang magkasama at magkasangga.
No, you don't know me well
And every little thing only time will tell
If you believe the things that I do
And we'll see it through
"Sabayan mo ako." pakiusap niya sa akin.
Ibinaba niya ang isang hita niya at doon ko ipinatong ang dalawang kamay ko habang nakatingin ako sa kaniya. Nakatitig din siya sa akin. Hindi ko na noon maiwasang hindi maluha. Noon ko lang naranasang maluha sa sobrang kaligayahan. Akala ko noon sa pelikula ko lang iyon makikita, na imposibleng maiyak ka kapag masaya ka pero heto't nangyayari na sa akin ngayon ang dati'y pinagtatawanan ko. Sinabayan ko siya.
Life can be short or long
Love can be right or wrong
And if I chose the one I'd like to help me through
I'd like to make it with you
I really think that we could make it, boy
Walang kasiguraduhan sa mundo. Hindi namin alam kung gaano katagal ang itatagal namin sa mundo at tama siya, kahit ang nararamdaman niya sa akin at ang nararamdaman ko sa kanya na hindi ko pa maamin ay walang makapagsasabi kung mali ito o tama. Kung sakali mang gagawin koi to, susundin ang sinsigaw ng aking puso. Gusto kong subukan kasama siya. Gusto kong gawin ang mali para itama. Kung mali nga bang magmahal ng katulad ko ang kasarian. Sinubukan ko naman talagang itama ang aking nararamdaman ayon sa paningin ng iba na dapat ngunit heto't tinalo pa rin ako ng kanyang pagmamahal sa akin. Mabuti na lang pala ipinaglaban ko pa din siya noon kahit lumalaban din siya palayo sa akin. Mabuti pala ay hindi ko siya tuluyang isinuko kahit tinutulak na niya ako palayo dahil akala niya, hanggang kaibigan lang ang kaya kong ibigay sa kanya.
Baby, you know that dreams there for those who sleep
Life is for us to keep
And if I chose the one I'd like to help me through
I'd like to make it with you
I really think that we could make it, boy
I really think that we could make it, boy
Napangiti ako sa pagbago niya sa isang word. Ang girl sa dulo ng I really think that we could make it ay ginawa niyang boy. Kinindatan pa niya ako pagkatapos niyang palitan iyon. At nang matapos niya ang kantang ay ibinaba niya ang gitara. Tumayo siya. Inilahad niya ang kaniyang kamay. Pinapatayo niya ako. Kinutuban na ako kaya mas bumilis na naman ang t***k ng puso ko. Tumayo din ako. May hinugot siya sa kaniyang likod na natatakpan ng suot niyang coat. Tatlong pulang rosas.
"Uyyy ano 'yan. Ginagawa mo naman akong babae niyan eh!” Pag-iinarte ko. Gusto ko lang mawala ang kilig na lumalamon sa buo kong pagkatao.
"Para sa'yo. Pinaghirapan kong binili 'yan sa bayan kaninang umaga at pilit itinago baka kasi iba ang isipin nina Mommy at Lolo. Happy Valentine!" Iniaabot niya sa akin ngunit hindi siya makatingin.
Nakokornihan ako na kinikilig na natutunaw sa hiya na masayang-masaya. Basta ewan ko. Hindi na sana kailangan pa 'yun. Hindi naman ako babae para bigyan ng bulaklak. Naisip ko sana ibinili na lang niya ng iba huwag lang sana bulaklak. Pero ayaw kong maging panira sa trip niya.
"Salamat! Paano 'yan wala akong gift sa'yo."
"Okey lang. ang importante naman nandito ka. Saka yung hinahayaan mong ipadama ko sa’yo yung nararamdaman ko kahit alam kong nakokornihan ka. Kahit alam kong hindi ito talaga ang gusto mo. Na hindi ako para sa’yo.”
Huminga ako ng malalim. Kung aamin ba ako na gusto ko na rin ag ginagawa niyang ito sa akin ay magiging mas okey kaya kami? Kung maririnig kaya niya sa akin na parang mahal ko na rin siya, magiging kami na ba? Baka kasi naguguluhan lang ako. Baka nadadala kaya hindi ko muna kayang sabihin sa kanya na mahal ko na rin siya. Gusto kong sabihin iyon kung kailan sigurado na talaga ako.
"Kasi alam mo, kahit medyo nahihiya akong gawin ang bagay na ginagawa ko ngayon dahil nga pareho tayong lalaki ngunit pinaglabanan ko na lahat. Nagdesisyon na ako. Matagal ko nang pinag-isipan kung tama ba ito. Ginawa ko nang umiwas. Niloko ko na ang sarili ko, sinubukang ibaling sa iba ang nararamdaman ko pero Sean, hindi ko talaga kaya. Tulad ng kinanta ko sa'yo kanina. Yung linyang And if I chose the one I'd like to help me through
I'd like to make it with you .Iyon talaga ang gusto kong hilingin sa’yo tol. Sana masamahan mo ako para mabuo tayo. Sana matutunan mo akong mahalin. Kasi tol, mahal kita. Mahal na mahal kita at kahit paulit ulit kong sabihin kung ayaw mo akong mahalin ay wala akong magagawa. Pero please, please reconsider, I really think that we could make it through !"
Napakislot ako kahit ilang beses ko na iyong narinig sa kanya. Ngunit iba yung ngayon, nakita ko yung sobrang tindi ng pagmamahal sa kaniyang mga mata. Hindi siya kumurap, hindi niya inilayo ang kaniyang tingin. Hinawakan niya ang nanlalamig na kamay ko. Itinaas niya iyon sa kaniyang labi. Hinalikan. Hindi ko na din mapigilan ang nararamdaman kong silakbo ng aking damdamin. Pagkababa niya sa kamay ko ay hinawakan ko ang kaniyang pisngi. Nanginginig kong nilapit ang labi ko sa labi niyang parang naghihintay ng aking matamis na halik. Sabay kaming pumikit. Nagtagpo ang aming mga labi ngunit mabilis lang iyon. Hindi ko alam kung paano ko siya halikan at alam kong ganoon din siya. Mabilis lang na nagtagpo ang aming mga labi na parang smack ngunit libong boltahe ang hatid niyang kilig sa akin. Nanginginig pa din ako at dinig ko ang kabog ng kaniyang dibdib.
"I love you" pabulong niyang sinabi sa akin.
"I Love you, too.” Hindi ko na napigilang sagot ko. Iyon naman talaga ang noon ko pa gustong sabihin sa kanya. Ibig bang sabihin no’n ay kami na?