TOL

2270 Words
BLOODY VENGEANCE BY: Pinagpala (Joemar P. Ancheta) Chapter 2 Ilang sandali pa ay narinig ko na ang mahina niyang paghilik. Inayos ko ang kumot niya. Pinagmasdan ko ang asawa ko. Alam kong pagod siya sa mga gawaing bukid at sinisikap niyang gawin iyon kahit alam ko namang hindi rin naman talaga siya sanay kagaya ko. Sinabi naman ng lolo niya na hayaan na niyang gawin ang lahat ng iyon ng kanyang mga trabahador niya sa bukid ngunit siya ang nagpumilit na tumulong para raw matuto. May mga plano naman kami kung paano pa namin paunlarin ang negosyo lalo pa’t nakatapos naman kaming dalawa ng kursong may kaugnayan sa business kaya alam namin na madali na lang namin mapaunlad pa lalo ang negosyong pinasok naming dalawa. Dahan-dahan ko ring binuhat si Josh para ilipat sa kanyang kuwarto. Kailangan din niyang masanay na nakabukod sa amin. Sinilip ko muna si Jay ar sa kanyang kuwarto na katabi lang ng kuwarto ni Josh. Tulug na tulog na rin ang bata. Bumalik ako sa tabi ni Lance at natulog na rin. Pero kahit anong gawin ko ay hindi ako makatulog. Bumabalik sa akin yung takot ng nakaraan. Yung mga pinagdaanan namin ni Lance para mabuo lang kami ng ganito. Tumihaya ako. Tumagilid. Dumapa. Wala pa ring epekto. Bumangon ako. Kailangan kong uminom na muna ng tubig. Pagkainom ko ay saka ako muling nahiga. Hinayaan ko ang isip kong balikan ang nakaraan. Paano ba nagsimula ang lahat ng ito? Paano ba kami nagkakilala ni Lance? Bakit may Vito kaming kinatatakutan? Sino ang Mama ni Jay-ar? Ano ang aming mga nakakabang napagdaanan? Marahil ito ang mga tanong na kailangan kong balikan ng alaala para malinaw sa lahat ang aking paglalahad ng buhay namin ni Lance at mga taong naging sagabal sa aming happy ending. Nagkakilala kami ni Lance noong First Year High School kami. Labingtatlong taong gulang lang kami noon. Unang araw ng pasukan. Kapwa kami noon mabilis na nagpapatakbo ng amig bisikleta. Mabilis ang aming pagpapatakbo dahil natatakot kaming mahuli sa aming mga klase. Huli na nang iniiwas ko ang aking bisikleta dahil sa bigla niyang pagsulpot. Nabangga niya ako. Pareho kaming sumemplang. Siya ang nakabangga sa akin, siya pa itong mukhang galit. “Ang bilis mo kasing magpatakbo eh! Hindi ka naman marunong umiwas!” singhal niya habang tinitignan niya ang gasgas niya sa siko. “Sinong bang, bumangga? Ako ba? Tang-ina naman eh! Di kasi nag-iingat. Ako ang binangga mo kaya ako dapat ang magalit at hindi ikaw!” Sagot kong galit na galit rin. Wala akong gasgas pero masakit ang tuhod ko at narumihan ang aking uniform. “Bakit ka nagmumura? Nakita mo namang nasugatan ako eh.” “Kasi ikaw na ang nakabangga sa akin, ikaw pa ang galit. Tatanga-tanga ka kasi!” “Anong sabi mo?” akmang susuntukin niya ako sa mukha ngunit pumorma rin ako. Subukan niyang kantihin ako at hindi ko uurungan. Nagkalapit ang aming mga mukha. Napalunok siya. Nakita kong napatitig siya sa aking makinis at maputing mukha. Alam kong gwapo ako. Maraming nagsasabi no’n hindi lang sina Mama at Papa pati ibag tao at mga guro ko nang elementarya ako. “Ano maangas ka!” singhal ko. Tinulak ko siya. “Bakit ka nanunulak!” Muli siyang lumapit. Mas malapit na ngayon kaysa kanina. Amoy ko na ang kanyang mabangong hininga at ang ang amoy niyang parang shampoo. Moreno siya pero malakas ang kanyang dating, parang may kung ano sa kaastigan siya na hindi ko gusto. May kung ano sa tikas niya na nagpapagulo sa akin. Oo, gwapo naman siya pero hindi rin naman ako patatalo sa kanya. Maputi ako, matangos ang ilong at maraming nagsasabi na hawig ko si Daniel Padilla. Astig ako kumilos at walang inuurungan sa laban. Kayang itong ganitong angasan, hindi na ito bago sa akin. Baka hindi niya kilala kung sino ang kanyang binabangga. Ilang beses na ba akong nadala sa guidance, elementary pa lang ako. Kapag ganito na binangga ako, bugbog agad ang aabutin ng dadale sa akin pero noon, hindi ko alam kung anong meron siya at hindi ko nagawa iyon sa kanya. Hindi ko napatikim sa kanya ang aking kaastigan. Siya man ay napatingin lang sa akin hanggang sa itinulak ko na lang siya palayo dahil hindi ko na nagugustuhan ang kung ano kong nararamdaman. “Next time, lagot ka sa akin!” singhal ko. “Bakit next time pa? Ngayon na! Ano lalaban ka ba?” narinig kong sinabi niya habang itinatayo niya ang bike niya. “Mayabang ka ah. Sige mamaya, kita tayo. Tingnan natin kung sino ang kakain ng alikabok.” “Ang yabang mo.” “Mas mayabang ka! Ikaw nang may kasalanan, ikaw pa itong maangas. Ulol” “Kung ulol ako ano ka na lang?” Sinimangutan ko siya. “Huwag kang mag-alala, mamayang uwian, lagot ka sa akin.” Sinakyan ko ang bike ko at pumedal ako palayo. Muli ko siyang nilingon. Nakatingin pa rin sa akin. Kumindat at ngumiti, muli ko siyang sinimangutan. Nang maikadena ko ang bike ko ay naghanap muna ako ng CR para matanggal ang dumi ng bago kong uniform. Nakaramdam ako ng inis. Unang araw pa naman ng pasukan tapos ganito ako kadumi.  Nang hindi talaga matanggal at lalo pang kumalat ang putik sa balikat ko ay hinayaan ko na lamang. Bahala na. Hinanap ko muna ang classroom namin. Medyo naligaw ako sa kahahanap. Naroon pa rin kasi ang inis ko kina Mommy at Daddy. Alam ko namang kaya nila akong papag-aralin sa isang private school pero sa public talaga nila ako ipinasok. Medyo may kalayuan kasi ang private school sa bahay namin at may kakuriputan sila. Doon din daw sila graduate kaya gusto nila, doon sa school na rin ako magtatapos. Marami raw kasing matalinong teachers dito sa school na ‘to kaya pinili nila akong ipasok dito kahit pa ayaw ko. Maayos naman kasi ang buhay namin. Lahat nga halos ng pinsan ko sa private nag-aaral. Naiinggit tuloy ako sa kanila. Sabi ni Daddy sa akin, saka na lang daw ako mag-aaral sa private kapag college na ako. Nagpapabili ako ng motor sa kanila kapalit ng pag-aaral ko sa private pero bike ang binili. Bata pa raw ako para magmotor kaya patung-patong ang inis ko. Binangga pa ako. nadumihan ang uniform ko kaya naman buwisit na buwisit talaga ako. Hanggang sa wakas nakita ko rin ang aking classroom. Nasa pintuan pa lang ako nang makita ko agad ang nakabangga sa akin. Malas naman talaga oh! Sa dinadami ng kaklase sa lampa pa. Dinaanan ko siya na parang hindi ko siya nakita kahit pa ramdam at alam ko namang nakatingin siya sa akin. Pumuwesto ako sa likod. Panay ang lingon niya sa akin at ako naman itong nakasimangot na tumitingin sa kanya. Pangiti-ngiti pa siya na akala mo nakakatuwa siya. Dumating ang teacher namin. Pinatayo kaming lahat at inayos ang upuan namin, alphetically. Hanggang sa napansin kong kami na lang dalawa ang nakatayo sa mga lalaki. Villanueva ang apilyido ko at siya naman ay Villarica. Magkatabi nga kami sa dulo. Kapag minalas ka naman talaga oh! Hindi ko maiwasang panakaw ko siyang tignan. Napansin ko sa porma niya at gamit sa school na parang maykaya rin naman siya kagaya ko. Ang sapatos niya, ang cellphone ang mga gamit sa school, mukhang branded. Kahit nang nagtuturo na ang aming teacher ay pansin kong panay pa rin ang lingon niya sa akin at panay rin ang tingin ko sa kanya ng matalim. “Ano ba? Bakit ka ba tingin ng tingin?” singhal ko. “Tingin mo, ikaw talaga ang tinitignan ko? Nasa bintana ka. May tinatanaw lag ako sa labas. Bakit naman kita titignan?” “Palusot ka pa. Ayaw kong tinitignan ako. Bakla ka ba?” “Sean at Lance! Baka gusto ninyong i-share sa amin ang pinag-uusapan ninyo?” pamumutol ng teacher namin sa aming nagsisimulang bangayan. “Wala ho ma’am. Tinatanong ko lang ho kung ano hong pangalan niya.” Pagsisinungaling ko. “Bakit hindi mo na lang hintayin na matapos siyang magpakilala sa harap? Excited ka bang makilala si Lance?” Nagtawanan ang mga kaklase ko. Hindi na ako sumagot pero tinignan ko ng masama si Lance. Dahil sa kasusungit ko sa kanya, hindi na niya ako pinapansin. Hindi niya ako inimikan buong umaga. May mga kakilala siya nang elementary siya at meron din naman ako kaya sa recess nakita kong may mga kasama siya. Ako naman, sumama sa mga kakilala ko pero hindi ko sila friends kaya hindi ako makatagal sa pakikipag-bonding sa kanila. Kaklase ko lang kasi sila nang elementary ako kaya napilitan akong sumama. Ang mga kaibigan ko kasi sa private lahat nag-aral. Sa tanghali habang naghihintay kami sa aming next period ay bumalik ako sa upuan ko. Ayaw ko kasing makigulo sa mga malilikot at maiingay naming kaklase na parang hindi pa rin nakakapag-move on sa pagiging elementary. Umupo ako. Inilabas ko ang cellphone ko. Naglaro ako ng sikat na mobile games noon. Sinadya kong pinakita sa kanya na nasa level 35 na ako. Inilabas din niya ang cellphone niya. Naglaro siya. Sabay na kaming naglalaro. May mga sarili kaming mundo. Halos lumuwa ang mata ko para lang makaalis na ako sa level 35. Malas! Namatay ako. Naiinis na ako noon dahil matagal ko nang sinusubukang makalagpas sa level 35 pero hindi ko talaga alam ang technique para malagpasan ang bahaging iyon. Habang naghihintay na magloading ay nilingon ko siya. Pareho kami ng nilalaro. Titingin na sana muli ako sa cellphone ko nang makita kong nasa level 142 na siya. Kinansel ko ang game ko. Tumingin ako sa cellphone niya. Nakita ko kung gaano siya kagaling maglaro. Napalunok ako. Napakabilis niyang natapos ang level 142 at nasa level 143 na siya. “Ang galing naman! Paano mo nagawa ‘yun?” tanong ko. Hindi siya sumagot. Ni hindi niya ako tinitignan. Medyo inilayo niya ang cellphone niya at muling naglaro. Nakuha niya ang interes ko. Madali kasi akong humanga sa mas magaling sa akin dahil mula Grade 1, first honors na ako. Sanay akong manalo. Sanay na nasa taas. Kahit sa mga laro, competitive ako pero kapag alam kong mas magaling ang kaharap ko, alam ko kung hanggang saan lang ang kakayanan ko. At nakita ko na mas mahusay siya sa akin sa larangan na iyon. Mabilis siyang maglaro at sanay na sanay. Level 144 na siya agad e wala pa ngang limang minuto siya sa tabi ko. “Ang galing mo, paturo naman ako.” “Kinakausap mo ako?” sarkatiko niyang tanong sa akin. “Sungit mo naman.” “Ako? Masungit? Ikaw kaya ‘yon.” “Sorry na. Sige na, turuan mo na ako.” “Bakit ka nagso-sorry?” “Wala.” “Wala? Sure kang wala?” “Ang galing mo kasi.” “Dahil magaling ako, kaya ka nagso-sorry?” “Eto naman, ang dami namang arte eh. Sige na.” Ngumiti siya. “Nakita ko level 35 ka pa lang. Andali lang lumusot diyan e.” “Paano?” “Gusto mo tulungan kita?” “Sige nga. Kung one game lang at matapos ang level 35, best friends na tayo.” “Best friends na tayo? Hindi mo man lang ba ako tinanong kung gusto kitang maging best friend?” “Bakit ayaw mo sa akin?” “Gusto, sana kaso ang pangit ng ugali mo eh.” “Oh, gusto naman pala e. E di, best friend na tayo kapag nagawa mong lusutan yang level 35 na ‘yan.” “Bakit ako ang gagawa?” “Kasi nga hindi ko kaya. Baka kapag makalusot ako sa level 35 na ‘yan e madali na sa mga susunod.” “Ikaw ang maglalaro, sundi mo lang ang mga ituturo ko. Para matuto ka at ma-enjoy mo rin. Saka pahirap na ‘yan ng pahirap. Kug level 35 pa lang hindi mo na kaya di lalo na sa mas mataas na level.” “Okey lang, nandiyan ka naman eh. Basta, best friends na tayo kapag nagawa mo ‘yan.” “Sige. Sabi mo ‘yan ah?” Mabilis kong inilabas ang cellphone ko. Ako ang naglaro. Nanonood lang siya at sinasabi lang niya kung ano ang aking mga ititira. Itinuro niya kung alin ang unang titirahin hanggang sa nagulat ako na wala pang 25 seconds success na. Ilang Linggo kong sinubukan iyon noon pero hindi ko makuha samantalang sa kanya 25 seconds lang natapos agad ako. Itinuro niya ang sikreto sa akin ng paglalaro. Nakuha ko agad. Sinubukan ko nang ako lang at sa ilang minuto lang naming paglalaro ay pitong level na agad ang itinaas ko. Sa tuwa ay napa-apir ako sa kanya. “Best friend na tayo ha?” kumindat ako sa kanya sabay ng totoo kong ngiti. “Sure, tol.” “Tol?” “Oo parang utol lang. Sabi ni Daddy, utol daw kapag kapatid.” “Eh hindi naman tayo magkapatid.” “Hindi naman magkapatid lang ang nagtatawagan ng tol, kahit mag-bestfriend.” “Ibig sabihin, tol na ang tawagan natin?” “Oo. Astig naman eh.” “Pwede na.” Itinaas niya ang kanyag kamao. Isinalubong ko ang aking kamao. Mula noon ay naging matalik na kaming magkaibigan. Kasama ko na sa lahat ng aming mga lakad. Kalaban sa pagiging pinakamatalino sa klase at pareho kaming kinakikiligan ng mga babae. Ngunit ramdam kong may mali sa kanya. May mali rin siguro sa akin ngunit hindi ko iyon hinahayaang sakupin ako. Hindi pwede. Hindi ako papayag. Gagawin ko ang lahat para lang labanan ang mali kong nadidiskubreng pagkatao. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD