DEAL

2249 Words
CHAPTER 3 BLOODY VENGEANCE BY: Pinagpala (Joemar P. Ancheta)   “Best friend na tayo ha?” kumindat ako sa kanya sabay ng totoo kong ngiti. “Sure, tol.” “Tol?” “Oo parang utol lang. Sabi ni Daddy, utol daw kapag kapatid.” “Eh hindi naman tayo magkapatid.” “Hindi naman magkapatid lang ang nagtatawagan ng tol, kahit mag-bestfriend.” “Ibig sabihin, tol na ang tawagan natin?” “Oo. Astig naman eh.” “Pwede na.” Itinaas niya ang kanyag kamao. Isinalubong ko ang aking kamao. Mula noon ay naging matalik na kaming magkaibigan. Kasama ko na sa lahat ng aming mga lakad. Kalaban sa pagiging pinakamatalino sa klase at pareho kaming kinakikiligan ng mga babae. Ngunit ramdam kong may mali sa kanya. May mali rin siguro sa akin ngunit hindi ko iyon hinahayaang sakupin ako. Hindi pwede. Hindi ako papayag. Gagawin ko ang lahat para lang labanan ang mali kong nadidiskubreng pagkatao. Para sa akin, barkada lang siya. At iyon lang naman din ang nararamdaman ko mula sa kanya maliban na lang sa paminsan-minsan niyang sobrang pag-aalala  sa akin. Pero hindi ko iyon binibigyan ng malisya kasi ganoon rin naman ako sa kanya. Basta okey kami sa lahat ng bagay. Nagkakaintindihan kahit sa tinginan lang kami mag-uusap. Sabay na lang kaming tumatawa kapag may nakita kaming nakakatawa at hindi na kailangan pang mag-usap. Kahit pa sobra siyang sweet sa akin sa pagbibigay ng mga pagkain o regalo, malayong iisipin kong bakla siya kasi kakampi ko siya sa basketball, baseball at karerahan sa bisikleta. Lahat ng mga iyon ay larong astig na hindi ko kinakikitaang interes ng iba naming kaklaseng bakla. Masyado lang talaga kaming malapit sa isa’t isa dahil sabay kami kung magmiryenda habang nagbibiruan at sabay mag-review o mambuwisit sa mga kaklaseng sa loob ng classroom nag-aaral. Siya rin ang katanungan ko sa exam at mga hindi naintindihan na paliwanag ng teacher naming bida sa The Fast and The Furious dahil lagi  nagmamadali at galit sa pagtuturo. Naging friendly ang kompetisyon namin, kataasan ko siya ng markang nakukuha. Para sa akin, astig si Lance. Mas lalaki pa nga siyang kumilos sa akin. Wala ni isa na nagsabi na malambot siya o bakla. Wala rin naman kaming nilalarong pambakla o pambabae kaya paano kami pag-iisipan bilang ganoon. Pati mga games namin sa cellphone pang-astig. Sa edad namin noong labintatlo, walang malisya at walang akong napapansin sa kanyang kakaiba. Kahit din ang sarili kong damdamin, walang kakaiba. Isa pa, habulin siya ng babae. Sa dami ba naman ng nagkakagusto sa kanya, sino naman ang mag-iisip na ganoon siya at syempre ganoon rin naman ako. Masaya ako kasi kahit alam kong matalino siya at maraming matatalino sa klase ay naungusan ko pa rin siya at ako pa rin ang first honors nang First year kami. Pero nang second year kami, labing-apit na taong gulang, may mga nararamdaman na ako sa kanyang kakaiba. Iba na kasi ang lagkit ng tingin niya sa akin. Iba ang inis ng kanyang mga mata kung may iba akong kasama. Babae man o lalaki ang kakunwetuhan ko o kasama sa labas, naiirita siya sa akin. Inisip ko na lang, possessive lang siyang kaibigan lalo pa’t wala naman talaga siyang ibang kaibigan kundi ako lang. Ako kasi, mabarkada. Lahat pwede kong samahan. Siya, piling-pili at sa akin lang siya naka-focus. Sa akin lang umiikot ang buhay niya. Nang sinimulan ko ang aking panliligaw, yung simpleng harot lang sa babae, napansin kong naiinis siya. Nang una, hindi ko na lang iyon pinansin pero nang tumatagal medyo nakakadiyahe na. Para kasi siyang babaeng nakapabilis niyang magtampo at iniiwan ako na basta basta na lang. Kahit mga simpleng biruan lang at nasasambit ko ang mga babaeng gusto kong ligawan ay umiinit agad ang ulo niya. Iniiwan ako na walang pasabi. Wala naman siyang sinasabi ngunit yung pag-alis niya bigla ang hindi ko nagugustuhan. Hanggang sa nang inulit niya iyon uli ay hindi ko na pinalusot pa. “Bakit ba ang init ng ulo mo?” tanong ko sa kanya. Isang Linggo na lang noon matatapos na kami ng aming Second Year. “Wala. Naiinis lang ako.” “Naiinis saan?” “Basta.” Tatayo na dapat siya pero pinigilan ko. “Eto naman alis agad? Pag-usapan natin. Ano bang problema mo? Nagkukuwento lang ako tol tungkol kay Joan na kaklase natin. Sinabi ko lang kung pwedeng ikaw ang kumuha ng number niya o social media account kasi hindi ko mahanap at subukan ko siyang ligawan ta’s bigla ka na lang nagkaganyan.” “Eh bakit kasi hindi na lang ikaw ang kumuha. Bakit pati ako dinadamay mo pa diyan?” “Nahihiya nga akong lumapit sa kanya.” “Nahihiya ka sa kanya? Paano mo siya liligawan kung nahihiya ka naman pala. Mabuti pa nga sa kanya, nahihiya ka sa akin na inuutusan mo, hindi?” “E tropa kita eh, bestfriend kita.” “Yun na nga eh, bestfriend mo ako at hindi utusan. Hindi ako alalay.” “Sandali nga, gusto mo ba siya kaya ka naiinis sa akin?” Napakunot siya. Huminga nang malalim, “Kung sasabihin ko bang Oo, titigilan mo na siya?” “Talaga? Gusto mo rin siya?” “Oo nga. Ang kulit naman nito.” “Gago ka pala eh. Dapat sinabi mo una pa lang. Lagi kong kinukuwento sa’yo e hindi ka umaangal. Bakit hindi ka nagsasabi?” “Nagtanong ka ba? Alam mo namang sa tuwing binibanggit mo ang pangalan niya, nilalayasan kita. Hindi pa ba obvious sa’yo?” “Kung gano’n. Sige, aatras ako. Ikaw ang liligaw.” “Huwag na. Gusto mo, gusto ko pero sa iisa lang na tao mapunta. Kung sasagutin niya ako, ikaw ang maiinis sa akin lalo na kapag kami na lagi ang magkasama. Kung ikaw naman ang manliligaw at gusto ka rin niya, kayo na syempre yung laging magkasama. Paano naman ako? Ikaw lang ang kaibigan ko.” “Oo nga ‘no. Pero pwede naman tayo tatlo tropa kung syota ko na siya. Kung syota mo siya e di ako na lang din ang third wheel.” “Malabo ‘yon. Magkakaroon ng selosan. Mabuti pang huwag na lang natin guluhin muna ang buhay natin. Masaya naman pa tayo kahit walang girlfriend eh. Isa pa, hindi ba maaga pa para manligaw at magseryoso tayo sa babae?” tanong niya sa akin. Naisip ko may punto naman talaga siya. “So, anong sinasabi mo? Hindi na muna tayo manliligaw ngayong high school pa lang tayo?” “Kung pwede. Mga bata pa naman tayo.” “Sige deal. Wala munang manliligaw. Sa college na lang.” “Seryoso ka?” tanong niya sa akin. “Hindi mo na talaga liligawan yang si Joan?” “Kung hindi mo liligawan hindi ko na rin siya liligawan. Basta hanggang high school lang ito ha?” “Okey, hanggang High School. Ano palang mangyayari kung may sisira sa usapan.” “Kailangan pa ba ‘yon?” “Oo. Kailangan para wala talagang sisira sa usapan.” “Ano naman ang mangyayari kung sakali na sa fourth year ko ay gusto ko na magkaroon ng girlfriend?” “Kung ikaw ang manliligaw na hindi pa tayo tapos ng High school, may consequence.” “Ako lang?” “Syempre ako rin pero ikaw itong atat magka-girlfriend e.” “Ano naman yung consequence na iyon?” tanong ko. Kinakabahan ako sa consequence. “Basta saka ko sasabihin kapag sinira mo ang deal natin. Ikaw? Kapag ako ang sumira anong gusto mong consequence?” “Aba, hindi mo nga sinasabi yung sa’yo eh. Basta ako na rin ang bahala no’n.” “Sige, deal. Kung sino ang sisira sa deal na ito, kailangan niyang gawin ang deal kahit anong deal pa iyon.” Tumango ako. Itinaas ko ang kamao ko. “Deal.” Ibinunggo niya ang kamao niya sa kamao ko, “Deal.”   Dahil sa deal naming iyon, lalo kaming naging matatag ni Lance bilang magbarkada. Kung nasaan ang isa sa amin, paniguradong naroon kaming dalawa. Laban ng isa, laban naming dalawa. Naging maayos ang aming mga tandem. Walang babaeng nasali sa pagkakaibigan namin, barkada lang at pag-aaral. Hanggang sa dumating ang 4th year namin. Matagal na rin kasi yung aming kasunduan tungkol sa pagkakaroon ng girlfriend at yung magiging consequences ay mukhang malabo na iyong masunod pa. Nagbabago ang panahon pati ang desisyon. Naiinggit na kasi ako sa mga ibang kaklase namin at sa mga pinsan ko sa tuwing nagkukuwento sila tungkol sa kanilang mga karanasan sa pagkakaroon ng kasintahan. Gusto ko rin sanang masubukan lalo pa’t madalas akong biruin ng mga pinsan kong bakla. Ayon sa kanila, kung wala akong maipapakilala na girlfriend sa reunion namin sa Christmas ay malamang daw sa malamang na bakla ako. Walang bakla sa pamilya namin. Ako pa lang kung nagkataon pero malabong mangyari iyon. Hindi ako bakla. Hindi ako magiging bakla! Ayaw ko ring maging tampulan ng tukso.  Ayaw kong mapahiya sa aking mga kamag-anak kaya ako nanligaw nang hindi alam ni Lance. November na noon at dapat pagdating ng December kami na ni Lovely. Hindi naman si Joan ang liligawan ko e. Ibang section at yung alam kong hindi malalaman ni Lance. Kilala na rin si Lance ng aking mga pinsan at buong pamilya at ganoon din ako sa kanila. Parang anak na nga rin ang turing sa akin ng Daddy at Mommy niya pati ang Lolo niyang mayaman. Ganoond din siya sa mga pinsan ko. Para ko na nga talaga siyang kapatid at kamag-anak ng aking mga pinsan. Iyon ang iniisip ko. Paano ko ililihim kay Lance ang lahat. Baka kasi maikuwento ng mga pinsan ko ang tungkol sa ipakikilala ko. Tumama at naging matagumpay ang aking plano. Naging syota ko si Lovely kahit ilang araw ko lang siyang niligawan sa text at sa messenger. Napakadali ko siyang napasagot. Alam ko kasing matagal na rin naman siyang may gusto sa akin. Patago nga lang ang aming relasyon dahil kay Lance at sa mga teachers namin ayaw nang nagliligawan. Hanggang hi at hello lang kami sa campus ni Lovely kapagnagkakasalubong. Palihim na tinginan tuwing flag ceremony. Ngitian kapag nagkakasalubong sa corridor. Tatambay kami ni Lance kung saan ko siya nakikita at ganoon din si Lovely sa akin. Yung abot ng mata ngunit hindi mahawakan ng kamay dahil hindi pa pwede. Kaya online an gaming kuwentuhan. Mas mahaba ang usapan namin sa text at sa chat kaysa in person. Minsan nagpaparamdam na nga siya na sana kumain naman kami kahit sa canteen lang o sa fastfood. Date ang hinihingi niya sa akin. Para hindi siya magduda na ginagamit ko siya ay pinagbigyan ko ng date. Magkikita kami sa isang fastfood malapit sa bahay nila. Hapon ng Sabado. Nakapustura na ako noong umalis sa bahay. Si Lance ang dinahilan ko kay Mommy na kasama kong gumala. Sinakyan ko ang bagong motor ko. Sa wakas, nabilhan na rin ako ni Daddy pero hindi pwedeng gamitin panggala. School lang at dapat laging naka-helmet. Nakapolo ako noon ng puti at nakamaong na pantalon. Sobrang dami ko yatang nalagay na pabango kaya umaalingasaw ako. Hindi ko alam kung nasobrahan ang porma ko pero first time ko kasi makipag-date kaya ramdam na ramdam ko yung nerbiyos. Hanggang sa pagbaba ko nang tricycle ay nakita ko si Lovely na nakatayo sa pintuan ng fastfood. Kinakabahan ako. Yung kaba ng nahihiya. Ngumiti siya nang makita niya ako. Napakamot ako. Huminga nang malalim saka ko siya nilapitan. Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin. Ang daldal ko sa chat at text pero sa harap-harapan wala akong maapuhap na sasabihin. “Okey ka lang?” “Kanina ka pa?” halos sabay naming tanong iyon sa isa’t isa. “Oo kanina pa-”  “Okey lang ako,” halos sabay rin naming sagot. Napangiti na lang kami. Nagkakahiyaan. “Tara sa loob?” yaya ko sa kanya. Humawak siya sa braso ko. May kung ano akong naramdaman na pagkailang. Hindi ko alam kung tatanggalin ko yung kamay niya na nakapulupot sa braso ko o sanayin ko na lang dahil ganoon naman talaga ang may kasintahan. Hanggang sa kung anong oorderin at saan uupo ay matagal pa naming pinag-iisipan. Samantalang kung si Lance ang kasama ko, alam na niya ang gusto ko at alam ko na rin ang gusto niya. Hindi ganito kabigat yung pakiramdam. Hindi ako naiilang. Hindi kinakabahan. Hindi rin nahihiya. Bumuntong-hininga ako. Lalaki ako eh. Kailangan konng sanayin ang sarili ko at hindi ang isipin ang wala naman dito. Wala kaming masyadong napag-uusapan. Hindi kagaya ni Lance na wala sa amin ang patatalo, Kahit nagsasalita ako ay panay pa rin ang banat niya o kung siya ang nagkukuwento ay pwede lang akong kumontra kahit hindi pa siya tapos magsalita. Hindi ko alam kunng tamang ikumpara ko ang bestfriend ko sa unang girlfriend ko. Pero inisip ko na lang na masasanay din ako. Para hindi awkward ay ako na ang nagtanong tungkol sa mga personal details niya kahit halos lahat naman yata alam ko na. Para lang may mapag-usapan. Naging maayos din ang aking pakiramdam. Nawala yung hiya at kaba hanggang sa naging maayos na ang palitan ng aming kuwentuhan. “Di ba bestfriend mo ‘yang si Lance?” singit niya. Nakatingin siya sa entrance ng fastfood. Lumingon ako. “Tang-ina! Siya nga!” kinabahan ako. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Kasama niya ang kanyang kapatid at isang lingon lang niya, paniguradong mabubuking ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD