Nagmamadali siyang bumalik sa silid upang ayusin ang sarili. Hindi niya kasi inaasahang naroroon din pala ang lalaking ipagmamaneho.
"Infairness, ang guwapo ng loko. Kaya lang seryoso masyado baka kapag ganyan ang maging jowa ko baka bente-kuwarto pa lang ako mukha na akong kuwarenta-y-dos," aniya sa sarili saka natawa sa isiping iyon.
Nang makapasok sa banyo niya ay minabuting maligo na para maayos na humarap sa lalaki. Mabilis ang ginawang paliligo gawa nang muli siyang kinatok ng matanda at sinabing susunod na lang ulit siya.
Nang makaligo ay mabilis na isinuot ang damit na nabunot sa maleta niya. Hindi pa kasi niya naaayos ang kanyang mga gamit gawa ng pagod sa problemang kinaharap.
Isang short-short iyon na halos litaw ang ibabang bahagi ng kanyang pwetan at isang fitted shirt na litaw ang kurba ng katawan na tinernuhan niya boots na hanggang tuhod ang haba. Ang lahat ng iyon ay inarbor niya sa kapatid ni Dinky na nagtatrabaho sa Japan bilang Japayuki. Dahil may katabaan si Dinky ay hindi nito maisusuot iyon.
Nang ganap na masipat ang sarili ay napangiti siya sa nakita. Mabilis din ang ginawang paglalagay ng make-up dahil siya na yata ang nag-iisang mahirap pero nagagawa pa ring mag-make-up. Nakasanayan na kasi iyon at mumurahin lang naman ang make-up niya at kadalasan ay bigay ng mga tropa niya.
Saktong tapos na siyang mag-make-up nang marinig muli ang tinig ng matanda. Nahiya na siya kaya minabuting hayaan na lang ang mamasa-masang buhok na nakapusod. At mabilis na tinungo ang kusina.
Samantala, nabigla si Liam nang makita ang babaeng nasa harap niya. Ramdam niya ang init ng kapeng hinihigop nang biglang bumulaga ang babae nakasuot lang ng butasing sando.
Natauhan lang siya nang mawala na ito sa kanyang harapan at agad na tinawagan ang kanyang lolo. Matagal bago nito sagutin.
"Hello, 'Lo! Sabi mo driver. What is this, a call girl?" deretsahang wika sa lolo.
"Hey, man. Control your mouth, hindi mo kilala iyang si Gail. Baka marinig ka, imbes na office ka ipunta, eh, sa ospital ang punta mo niyan?" natatawa pang sagot nito na mas lalong nagpainis sa kanya.
"I am not joking, 'Lo. What is she doing here?" seryosong wika.
"I am serious too. She is your driver and I paid her already a million to be your driver for three months," seryoso ring wika ng matanda.
"What?!" bulalas niya sa narinig na sinabi ng kaniyang lolo. "You paid her million? Are you insane?" gitlang sabad dito.
Doon ay muling natawa ang lolo niya. "Not yet, but I am willing to pay her as long as he can handle you," anito saka siya pinatayan nito.
"Hello! Hello! 'Lo, nandiyan ka pa? Hello?!" inis na inis na wika.
Nang makabalik si Gail sa kusina ay agad na nakita ang lalaking ngayon ay nakatayo patalikod sa kanya. Mukhang may kausap ito sa cell phone nito.
Napakunot-noo pa siya sa huling ginawi ng lalaki matapos ibaba ang cellphone nito. Napasuntok ito sa kawalan. Kaya tumikhim na siya upang ipagbigay alam ang presensiya niya. Agad naman itong humarap sa kanya at ganoon na lang ang panlalaki ng mata nito pagkaharap sa kanya.
Napanganga pa ito habang taas-baba siya nitong sinusuri. Hindi niya alam kung ngayon lang ito nakakita ng babaeng seksi o ganoon lang ito maka-react kasi inuuri siya nito.
"I think you suppose to be my driver but looking at you right now. I think my Grandfather picked up a call girl not a driver," painsultong wika nito sa kanya.
Alam na niyang makapal ang mukha niya pero sa sinabing iyon ng lalaki ay tila tinablan siya. Ngunit ayaw niyang mas lalong mapahiya rito kaya minabuting humakbang na ito papalapit sa lalaki.
"No problemo! Alam ng Lolo mo na ganito ako manamit at sinabing walang problema. So, mind your own business," aniya rito saka tumingin ng deretso sa mata ng lalaki. Nakapanlalambot ng tuhod ang titigan nilang iyon pero ayaw niyang padaig sa lalaki.
Gaya ng sabi ng lolo nito. Ang unang bibigay ay talo kaya kung mayabang ang lalaki, pwes! Ilalabas niya rin ang kanyang angas.
Maya-maya ay nabasag ang katahimikang namamayani sa kanilang dalawa nang marinig ang sigaw ng matanda.
"Caramba!" anito na tila nakakita ng multo na nakatingin sa kanya. Nanlalaki pa ang mga mata nito. Ilang segundo rin itong nakatulala sa kanya bago muling nakabawi.
"Aba! Iha, may shortage ba tayo sa tela ngayon?" pabirong wika na nito habang nilalapag ang pritong daig na bangus.
Napangiti na rin siya sa birong iyon ng matanda. Simpleng nagpasalamat siya sa pagdating nito dahil dito ay naputol ang titigan nila ng lalaki bago pa siya tuluyang manlambot.
"Actually, manang, pantalon sana ang bibilhin ko kaya lang tatlong daan daw iyong pantalon kaya lang ang pera ko isang daan lang kaya ito. Ito lang binigay ng tindera," pagpapatol sa biro ng matanda, dahilan para tuluyang matawa ito.
"Aba, 'di ko alam na magaling kang magpatawa, hija. O, siya, kain na kayo dahil may conference meeting itong si Liam at baka ma-late pa kayo," akay ng matanda.
Mabilis naman siyang dumulog at nilantakan ang pritong daig na bangus. Nagkamay na rin siya dahil mas masarap kumain ng sinangag na kanin at pritong daing na bangus ng nakakamay sabayan pa ng sawsawang sukang may sila at kamatis.
Ganadong-ganado siyang sumubo nang biglang naalalang may kasama pala siya. Unti-unti ay napalingon siya sa kinaroroonan ng lalaki na tulala pa lang nakatunghay sa kanya. Doon ay bigla siyang na-conscious, hindi niya tuloy malunok-lunok ang mga sinubong pagkain sa bibig.
"O, bakit bigla kang nawalan ng gana, hija, kanina lang ay ang gana mo kumain?" untag ng matandang nasa katapat na mesa.
Pinilit lunukin muna lahat ng pagkain sa bibig bago sagutin ito. "Ah, wala po manang," tipid na wika.
Napamaang si Liam nang makita ang babae kung paano ito kumain na tila ba walang pakialam sa taong kasama, ganadong-ganado ito. Hindi niya alam kung bakit aliw na aliw siyang pagmasdan ito. Ibang-iba kasi ito sa mga babaeng kilala at naka-date. Siya iyong babaeng walang ire at hindi nag-iinarte na kesyo diet daw kahit gutom na gutom na.
Nakailang sandok na rin ito nang kanin, sa katunayan ito lang ang umubos sa dalawang malalaking pritong bangus at nagtataka siya kung bakit fit and seksi pa rin ito sa kabila ng katakawan nito nang biglang bumaling ito sa kanya.
Gutong-gusto niyang magbunghalit sa tawa nang makita ang reaksiyon nito. Mukhang batang nasukol ng ina na kinakain ang tinago nitong pagkain. Nakita niyang tila nahiya ito dahilan para mapatigil siya sa pagsubo.
Tunog ng cell phone niya ang pumukaw sa atensiyon nilang lahat na naroroon. Doon ay lumihistro ang pangalan ni Don Julio. "Hello po, sir, good morning," magalang na bati sa matanda.
"Just to remind you. Drop Liam at office at exactly nine o'clock. We have a conference meeting today at baka 'di na naman dumating ang batang iyan," anito.
"Okay po, nine o'clock sharp. He'll be there," tugon saka nagpaalam.
Agad na sinipat ang relong pambisig at doon ay napamulagat ang bilugang mata sa nakita. 'O-M-G', hiyaw ng isip nang makitang kinse minutos na lamang bago ang takdang oras, that means she just have fifteen minutes to do her job.
"Sir, we have to move," maawtoridad na wika sa lalaki.
"What?!" singhal ni Liam sa pagmando ng babae sa kanya.
"Narinig mo ang sinabi ko. We have to move!" madiing ulit niya.
"I'm the boss here, so you don't have to dictate what I have to do," anito saka muli ay akmang susubo.
"You're not my boss, si Don Julio iyon. Sabi ko, we have to move! Then we have to move," saka hinila ang lalaki patayo.
Buti na lang pala at naihanda ng matanda lahat ng kakailanganin ng lalaki at mabilis niya itong nabitbit at nilagay sa sasakyan.
"Get inside!" utos ulit niya sa lalaki, ngunit wala siyang nakuhang tugon dito. Nakatayo pa rin ito at walang planong buksan ang sasakyan o pumasok man lang. Kaya muli siyang bumaba at pinagbuksan ito ng pinto.
"Pumasok na po kayo, kamahalan," tinig sarkastikong wika rito.
Ngunit imbes na pumasok ay hinarap siya nito. "Do you think we can make it?"
"Talagang hindi tayo makakarating kung 'di ka pa papasok para makasibad na tayo," matapang na wika saka naman ito tumalima pasakay. "Hay, ang arte!" bulong niya.
"What you say?" kunot-noo na tanong nang makaupo na siya sa driver seat.
"Sabi ko, ang pogi mo sana," pang-aasar dito. Nang makitang nagngalit ang bagang nito ay mabilis na pinasibad ang sasakyan dahilan upang natigil ito at mapakapit nang mahigpit. Hindi na ito nakahirit pa.
Nang makita ang traffic light ay napahinto sila at doon ay hindi nito napigilan ang pagkainis. Ngunit wala siyang planong patulan ito.
"Ito rosary," aniya sa lalaki.
Tumingin ito nang matiim na nagtatanong kung ano ang gagawin nito sa binigay. "Magdasal ka na kasi baka 'di ka umabot ng buhay sa opisina ng Lolo mo sa sobrang nerbiyos mo," nangingiting saad.
Talagang papatulan na siya nito nang biglang mag-go ang signal kaya doon ay pinasibad niya nang napakabilis dahilan para muling mapakapit ito ng mahigpit.
Sa totoo lang ay gustong-gusto niyang humagalpak sa tawa nang makita sa front mirror ang hitsura ng lalaking nasa likuran. Mukha kasing binabad sa suka ang mukha nito sa kaputlahan. At kapit na kapit ito kahit nakakabit naman ang seatbealt nito.
Mabilis na sinipat ang oras sa dashboard at nakitang limang minutos na lang kaya mas lalo pa niyang pinabilis at nang ganap na isang minutos na lang ay mabilis siyang nag-park sa pagitan ng dalawang sasakyan.
Parang nasa karera lang ang feeling niya at lalo siyang na-challenge dahil sa oras na gustong habulin. Unang araw iyon ng kanyang trabaho kaya gusto niyang magpa-impress sa Don.