Chapter 7

2152 Words
Julia POV. Dahil puyat kagabi ay tanghali na ako ng magising kinaumagahan. Maingay rin ang paligid dahil fiesta at sigurado akong sa mga oras na ito ay marami na ang nag-iinuman sa labas ng bahay namin at maging sa mga kapitbahay. Ganito kasi kami dito sa probinsya, dinadayo kami ng karatig barangay sa tuwing may okasyon lalo na kung araw ng kapistahan gaya ngayon. Naging tradisyon na kasi ito ng mga ka barangay ko. Malaki ang pasasalamat namin sa poon dahil kahit mahirap ang buhay ay hindi kami nauubusan ng biyaya galing sa dagat na siya naming pinagkukunan ng aming pang-araw-araw na kabuhayan. Lumabas ako ng silid at uminat-inat na bumungad sa sala. May mga tao sa sulok ng bakuran namin sa ilalim ng punong manga at mukhang maaga nagsimula ang inuman ng mga ito base na rin sa bilang nh mga bote ng Gin na nakatumba sa ilalim ng mesa na kung saan naroon ang umpukan ng mga kaibigan ng tatay ko. "Anak gising ka na pala, maghilamos ka na ng makapag-almusal ka," sabi ng Nanay ko ng makita akong bumungad sa kusina. Agad naman akong sumunod sa sinabi ni Nanay dahil tangahali na rin talaga at isa pa kailangan ko rin mag-toothbrush. Masarap na amoy sinangag at ilang putahe ng karneng ulam ang nakahain sa kusina. "Wow, Nay marami yata tayong ulam," natutuwang komento ko dahil bihira lang talaga kaming magluto ng karne. Karaniwan kasi ay isda ang ulam namin o kaya mga lamang dagat na nakuha namin sa baybayin. "Oo nga anak, binigay ng mga kapitbahay natin. Nagulat nga rin ako kanina ng may maghatid ng mga lutong ulam. Ayan tuloy napainom ang tatay mo ng wala sa oras dahil maya't maya ang dating ng mga bisita," sabi ni Nanay habang nag-sa-sandok ng kanin saka inilapag sa harap ko. Dahil kami lang naman ni nanay sa bahay ay kami na ring dalawa lang ang nagsalo sa almusal. Ang mga kapatid ko kasi ay nagkanya-kayang gala sa kapitbahay. Ganito kasi kami dito sa probinsya, basta ganitong may okasyon ay open ang bawat bahay sa kahit na sino pa ang bisita. Isa ito sa bagay na nakasanayan na naming lahat. Ito rin ang hinihintay ng mga kabataan na gaya ng mga kapatid ko dahil bukod sa maraming palaro ay sigurado akong marami rin ang mga hanay ng tindahan sa plaza at makukulay na badiritas. "Ikaw anak saan ang punta mo ngayon?" tanong ni nanay. "Hindi ko pa po alam Nay, wala pa po ba si Belle?" dati-rati kasi ay maaga pa lang ay nakabubulahaw na ito. Himala yata ngayon na tahimik ang isang 'yun at hindi pa sumusugod dito. "Hindi pa anak, baka napuyat din kagabi sa pageant n'yo. Alam mo naman na masaya ang isang 'yun sa pagkapanalo mo kaya baka inabot ng umaga sa pagkukwento," sabi ng Nanay ko sa pagitan ng pagsubo ng pagkain nito. Natawa ako, kilala na talaga ni Nanay si Belle. Kung sabagay para ko na itong kakambal dahil laging nakadikit ito sa akin. "Girl yahoo, gising na ba ang kamahalan?" Malakas na sigaw nito sa labas ng pintuan. "Naku Belle pumasok ka na dito at mag-almusal," tawag ni Nanay dahil ang baklitang ito gumana na naman ang pagka-malantod at heto panay ang kending ng puwet. May nilalandi na naman siguro sa kainuman ng Tatay ko. "Hoy Belle, papasok ka ba dito o hahatiran kita ng plato at d'yan ka sa pintuan kakain?" nakataas ang kilay na tanong ko. "Heto na, papasok na po. Kay aga-aga ang sungit, may regla ka girl?" nakakalokang tanong nito. Nahampas ko tuloy ito sa braso ng nakaupo na siya sa tabi ko. Puro kalokohan ang alam imbes na kumain na lang sana ito. Magana kaming kumain at syempre pa masaya ang almusal at panay ang tawanan dahil kwela na naman itong si Belle. "Belle, napaano pala 'yang kilay at labi mo bakit parang namamaga?" hindi ko maiwasang hindi ito tanungin. Nag-aalala kasi ako na baka sinaktan na naman ito ng sundalong Papa niya. Alam ko kasi na mainit pa rin ang dugo nito kay Belle. Malimit siyang pinagbuhatan ng kamay nito lalo pa at tingin ni Mang Fredo ay isang kahihiyan na naging anak niya si Belle matapos magladlad ng kaibigan ko at ipangalandakan sa buong El Dorado na isa siyang binabae. Pero napaisip ako, kunot ang noo na bumaling ako sa tumatawang kaibigan ko habang kausap ang Nanay ko. Hindi umuwi ang Papa ni Belle ngayong pista kaya impossible na ang ama nito ang may kagagawan ng mga pasa sa mukha nito. Hindi ko tuloy na iwasan na hindi tingnan ang nakalantad na leeg at balikat nito. Mga kalmot at mahabang gasgas sa balat ang malinaw na nakikita ko. "Naku girl, gawa 'yan ng bruhang si Florencia kagabi. Inabangan ako ng pangit na 'yon ng pauwi ako at maghiwalay tayo," Nakasimangot na sabi nito habang iniikot-ikot ang hintuturo sa mahabang buhok. "Hindi na tuloy ako pretty, diba girl?" Loka-loka talaga ang isang ito, nasuntok at nabangasan na nga at lahat 'yon pa ang naisip nito. "As if naman maganda ka," pang-aasar ko pa. Felingera din kasi ang kaibigan ko. Pakiramdam niya ay babaeng-babae siya porke mahaba ang buhok at kuko sa mga kamay at paa n'ya. "Naku girl, kung may miss gay barangay ngayon, sigurado akong panalo din ang beauty ko gaya mo," kwelang saad nito sabay pilantik ng daliri. "Pwera biro Belle, bakit nakipag-suntukan ka kay Florence?" hindi makatiis na tanong ko. Alam ko naman na matindi ang away ng dalawa at lalong nadagdagan pa iyon ng manalo ako kagabi, bagay na alam kong hindi gusto ni Florence dahil sigurado akong pinamukhaan na naman ito ni Belle na talunan. "Hay naku girl, mahabang kwento pero for your information hindi ako nakipag-suntukan, nakipag-sabunutan ako," maarte na sagot ni Belle. Napailing ako, marami talagang alam ang kaibigan ko. Kahit sa ganitong sitwasyon at pagkakataon ay naisisingit pa nito ang pagiging binabae. "Okay, sabihin na nating nakipag-sabunutan ka nga sa kan'ya. Bakit nga? Bakit umabot kayo sa ganon, ano na naman kasi pinag-awayan n'yo at para kayong mga pusa na nagkakalmutan gamit ang mahaba na mga kuko?" natatawa na magkasunod na tanong ko. Hindi agad ito umimik at nakasimangot na bumaling ng mukha. "Alam mo kasi girl, ang tulad ni Florencia ay dapat na tinuturuan ng leksyon para magtanda. Akalain mo ba na siya ang utak ng pagkasira ng gown mo kagabi. Nalaman ko ng mag-imbestiga ako. S'ya na nga ang may kasalanan siya pa ang may ganang abangan ako sa kanto. Hayon napala n'ya basag ang mukha niya ng ingudngod ko sa semento," gigil at mahabang paliwanag pa nito. Hay ito na nga ba ang sinasabi ko ang mapasok sa gulo ang kaibigan ko. Alam ko namang nagtitimpi rin ito kaso nasagad na ni Florence ng todo ang pasensya niya kaya umabot na sa basag ulo. Kung sabagay ano pa nga ba ang aasahan ko. Pareho naman itong mga matatapang at kung hindi ko inawat bago magsimula ang pageant ay baka doon pa lang nag-rambulan na ang mga ito. "Hindi ako nagsisisi sa ginawa ko Julia. Mabuti na ang ganon ng magtanda s'ya. Hindi ako papayag na basta kalimutan na lang ang pananabotahe sa gown mo lalo pa at alam ko na siya ang may kagagawan at malakas pa ang loob na abangan ako sa kanto," dagdag pa nito. "Okay, pero next time hayaan mo na lang. Isa pa nanalo na tayo kaya mas naipakita na natin sa kan'ya na sa kabila ng pang maliit niya sa atin ay nanalo tayo. Sweet revenge na 'yun Belle, doon palang bawing-bawi na tayo," malumanay na sabi ko sabay tapik sa braso nito. "Alam ko naman 'yan girl, kaya lang minsan talaga kailangan na bangasan muna ang face para mag-tanda. Malay mo magbago kapag naalog ang utak," tumatawa na sabi ni Belle. "Hay naku Belle, mabuti pa ay magsimba tayo at baka sakali na mawala ng katarayan mo kapag na wisikan ka ng holy water ni Father," biro ko na ikinatulis ng nguso nito. Lumipas ang isang linggo ay heto ako pa sakay ng barko papuntang maynila. Dala ang sampung libong piso na kalahati ng napanalunan ko at isang bag ng damit at personal na gamit ay malungkot na nagpaalam ako sa nag-iisang kaibigan ko na si Belle. Malungkot din ang mga magulang ko dahil ito ang unang beses na lalayo ako sa kanila. Mula pagkabata ay lumaki akong kasama sila at ni minsan ay hindi ko naranasan ang mamuhay na malayo sa pamilya ko. Bilang panganay ay kailangan kong magsakripisyo. Kahit hindi ako nakapag-tapos ng pag-aaral ay tiwala ako na magagawa ko silang tulungan gamit ang detirmenasyon at kakayan ko. Sipag at tiyaga , 'yan ang alam kong meron ako na mababaon ko kasama ng kagustuhan na matupad ko ang pangarap ko para sa pamilya. Gusto ko kasing makapag-aral ang mga kapatid ko. Pangarap ko na makatapos sila hindi gaya ko na hanggang dito na lang ang inabot ko. Iniwan ko kina inay ang kalahati ng premyo para may panggastos sila pag-alis ko. Alam ko na kakailanganin nila iyon lalo pa at aalis ako na katuwang ng mga magulang ko para sa araw-araw na paghahanap buhay. Malaking kawalan sa kanila ang pag-alis ko sa ngayon. Pero malaking bagay ang perang iniwan ko para may magamit sila habang naghahanap ako ng trabaho sa Maynila. Malungkot kaming naghiwalay lalo na at panay ang iyak at habilin ng Nanay sa akin. Nakisabay pa ang madramang si Belle na kung makaatungal eh akala mo ay namaalam na ako ng tuluyan. Mula dito sa Pier sa Masbate ay sumakay ako ng barko at dumaog ito sa Pilar Port sa Sorsogon. Nakakapagod man ang byahe ay agad akong sumakay ng bus papuntang Cubao. Bahala na pagdating doon, maghanap agad ako ng matutuluyan kahit maliit na kwarto lang saka maghahanap ng mapapasukan. Siguro naman kakasya ang sampung libong piso na dala ko. Nakakatuwa lang na ng nalaman ni kapitan na aalis ako ay sinagot nito ang pamasahe ko sa barko at nagbigay ng isang libo para sa bus papuntang maynila. Halos kalahati na ng bus ang pasahero ng umalis ito ng terminal. Panay ang tingin ko sa bawat madaanang lugar at pinagsawa ang mga mata sa paligid. Ito ang unang beses na lumabas ako ng lungsod ng Masbate kaya naman excited talaga ako at the same time kinakabahan din pero hindi ako magpapatalo sa kaba dahil ang nasa isip ko ay magagawa ko ang goal ko sa buhay. Ang makanap ako ng trabaho at makatulog ako sa pamilya ko. Baon ang pagmamahal sa pamilya at pag-asa na maiahon ito sa kahirapan ang tanging lakas ko para harapin ang takot na nasa puso ko sa kung ano man ang maaari kong pagdaanan at harapin sa lugar na pupuntahan ko. Determination, 'yan ang tanging meron ako sa ngayon at ang sampung libong piso na hawak ko na luluwas ng maynila. Matapos ang ilang oras na byahe ay tumigil kami sa Naga city. Isa itong malaking bus terminal at marami ang naghihintay na pasahero. Dali-dali akong bumaba at hinanap ang toilet sa takot na umalis ang bus at maiwan ako. Isang matandang babae ang nakaupo na sa katabing upuan ko na kanina ay bakante ng iwan ko. "Makikiraan po Nanang," paalam ko rito saka pumasok at umupo sa upuan ko sa gilid ng bintana. Ngumiti lang ito matapos umupo ng tuwid. Kung pagbabasehan ay mahigit limampu na ang edad nito. Maaliwalas din ang mukha kaya hindi ako nag-alangan na ngitiaan siya pabalik. "Saan ang punta Ineng?" tanong nito. "Sa Maynila po Nanang, maghanap po ako ng mapapasukan na trabaho," mabilis na sagot ko. Mukhang mabait naman kasi ang matanda kaya magaan itong kausap. "Ganon ba, ibig sabihin wala ka pang siguradong mapapasukan?" tanong pa ulit nito. "Opo maghanap pa lang po ako pagdating doon. Wala po kasi akong kilala na maaaring mapag-tanungan at makatulong sa akin kaya lumuwas na po ako ng mag-isa" magalang na sagot ko. "Ano bang trabaho ang hanap mo?" tanong ulit nito sa akin. "Kahit ano po Manang, basta safe po at malinis na paraan," nakangiti na sagot ko. Tumango ito at tila nag-iisip, saglit pa ay bumaling ang mukha nito sa akin at tinitigan ako sa mata. "Gusto mo bang pumasok bilang kasambahay?" tila na nunubok na tanong niya pa. Natuwa ako sa tanong nito kaya agad akong tumango at sumagot ng opo. Hulog ng langit sa akin si Manang na katabi ko at nagpakilala ngla Manang Rose. Nagtatrabaho umano siya sa isang pamilya at naghahanap ng makakasama sa bahay. Hindi raw sumama ang pamangkin niya na sana ay kasama nitong babalik dahil natakot lumuwas ng Maynila at hindi umano pinayagan ng boyfriend. Napangiti ako, ang bait ni Lord sa akin. Hindi niya ako pinabayaan at patuloy na ginagabayan. Alam niyang mag-isa lamang ako at walang kilala sa Maynila kaya along my way, nakilala ko ang mabait na si Manang Rose na handang tulungan ako. .
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD