Julia POV
Laking tuwa namin ni Belle sa resulta ng audition ko. Hindi ito maawat ng kakadaldal sa tabi ko habang panay ang plano ng mga susunod na gagawin namin para paghandaan ang darating na kompetisyon.
Mas excited pa kasi si Belle kesa sa akin. Ayon sa kan'ya ay malaki ang tsansa na manalo ako lalo pa at mga pangit umano sa paningin niya ang mga kalaban ko maliban kay Zeneth na may ibubuga raw at magiging mahigpit na kalaban ko.
Minsan gusto kong maging katulad ni Belle. Ang lakas ng self confidence niya at tiwala siya na makakaya niyang makuha ang mga bagay na gusto niya.
Mabuti na lamang at naging kaibigan niya ako. Naambunan ako ng konting lakas ng loob lalo na sa pagkakataon na ito na talagang kinapalan ko na ang mukha ko at sumali sa beauty contest ng barangay namin.
Malaking bagay kasi kung sakaling mananalo ako. Malaking halaga din ang premyo at doon nakatutok ang atensyon ko kaya pilit na nilalabanan ko ang hiya na humarap sa maraming tao.
Kahit nakakapagod ang maghapong pila at audition ay magaan ang pakiramdam ko ng makauwi ako. May chance kasi akong manalo kung papalarin ako.
Isang linggo ang ginugol namin ni Belle sa pag-practice kung paano maglakad ng tuwid at tama gamit ang mataas na sapatos. Walang araw na hindi ako naglakad ng naka-takong sa likod ng bahay namin na pinagtatawanan ako ng bunso kong kapatid dahil kulang na lang daw ang gula-gulanit na damit at sabog na buhaghag na buhok ay magiging katulad ni Sisa na raw ako sa mga ginagawa ko.
Tama siya nakakabaliw nga ang ginagawa namin ni Belle pero sa tuwing iisipin ko ang premyo ay natatauhan ako.
Ilang beses din napaltos ang balat sa paa ko at gumiwang hanggang sa matumba pero tuloy pa rin ang ensayo ko.
Pareho kami ni Belle pursigido na manalo at talagang seryoso ang ginawa naming paghahanda. Kahit sabihin na barangay contest lang ito ay seryosong laban ito lalo pa at maraming kadalagahan ang naghahangad na manalo gaya ko.
Dumating ang gabi ng pista at isang oras na lang ay magsisimula na ang pageant. Ilang oras na lang malalaman namin ang resulta ng pinaghirapan namin ni Belle.
"Uy girl basta 'wag kang kabahan masyado ha. Isipin mo na lang na ang lahat ng tao sa harap mo na nanonood sa'yo ay bibili ng isdang tinda mo para hindi ka masyadong kabahan," paalala na muli ni Belle. Siguro kung bibilangin ko kung ilang ulit na sinasabi niya ito ay lagpas sa lahat ng daliri ko sa paa at isali pa ang sa kamay ko.
"Oo, nakatatak na 'yan sa isipan ko matagal na nga inaamag, kaya gagamitin ko na," sabi ko sabay tawa kaya lalong nawala ang sumisibol na kaba sa dibdib ko.
"Mukha naman kasing bilasang isda 'yang alaga mo belantot," nakairap na parinig sa amin ni Florence.
"Hoy baklang Florencia, kung ganda lang din ang pag-uusapan natin dito, malayo ang agwat namin ng alaga ko kesa sa inyong dalawa ng tuta mo. Mga mukhang pinaglihi sa ampalaya bukod sa bitter na malubak pa ang mga mukha n'yong dalawa," mataray na parinig din nitong kasama ko.
Hay, nagsimula na naman ang tensyon ng dalawa sa harap ko kaya tahimik na lang akong nakatayo sa tabi ni Belle habang pinapanood at pinapakinggan kung paano nila alipustain ang isa't-isa.
"Kaya pala ako ang pinili ni Roger at hindi ikaw, kahit ganito ako, mas ma-apeal naman ako sa'yo bruha," pang-aasar naman ni Florence kay Belle.
Ito kasi ang ugat ng hidwaan ng dalawa. Akala mo naman ay superstar si Roger at para silang mga baliw na fans na nag-a-agawan sa atensyon nito.
"Tse, kaya lang sumama 'yun sa'yo dahil mukhang pera 'yun. Hello, ayaw kong bumili ng lalaki kagaya mo ano," mataray na sagot ni Belle habang naka-pamewang ang dalawang kamay at panay ang irap nito sa baklang kasagutan nito.
Kung pataasan din lang ng kilay mahirap makapili ng mananalo sa dalawang kaharap ko. Bukod sa pareho naman silang mataray at feeling babae ay mga palaban din at hindi magpapatalo sa isa't-isa.
"Saka, sayong-sayo na si Roger mo. Mas may yummy pa akong papa na natikman kesa naman sa Roger mo na mabaho ang kili-kili at mukhang imbornal ang hininga,"
mayabang na sagot pa ni Belle kay Florence habang nakataas noo.
My god, para akong biglang magkakaroon ng regla sa bangayan ng dalawang baklitang ito sa harap ko. Ayaw nilang paawat at kulang na lang ay kalabitin ang tenga at ilong ay magsisimula na ang rambulan ng dalawang mataray na walang tigil ang palitan ng maanghang na salita.
"Kaya pala sobrang bitter at hindi maka-move on. Kung hindi ko pa alam na nagmamakaawa ka kay Roger na balikan ka, malas mo lang dahil nasilaw na siya sa ganda ko. Sorry ka belantot, mas masarap at ma appeal ako kesa sa'yo," ganting pasaring pa ni Florence kay Belle.
"At saang kanto mo nakuha ang balitang 'yan Aber? Hoy Florencia, walang bitter sa akin. Lahat matamis kaya nga ng bumalik sa akin si Roger mo ay pinagtabuyan ko dahil hindi ako pumapatol ulit sa tira at pinagsawaan ko," mayabang na sagot ni Belle.
Hindi na ako nakatiis at baka maungkat pa pati kung anong mga eksena ng nakaraan nila ni Roger kaya hinila ko na si Belle na nagtatatalak pa habang panay ang ingos at mahaba ang nguso.
Nakasimangot din si Florence na tila handa sa giyera nila ni Belle dahil kita ko sa mukha nito kung gaano din siya ka galit sa kaibigan ko kaya minabuti ko na paghiwalayin ang mga ito bago pa mauwi sa malaking gulo at rambulan ng dalawang nagseselos na mga bading na nasa harap ko.
Ewan ko ba naman kasi sa dalawang ito marami naman palang kapintasan ang Roger na 'yon eh pinag-aagawan pa nila.
Pwede namang mag-move on na lang sila pareho tutal, may bagong papa na rin pala si Belle at hindi na umano interesado si Florence sa lalaki.
"Ano ka ba Belle, nakipag-away ka na naman. Tigilan mo nga si Florence at mag-focus tayo sa pageant. Tingnan mo oh, malapit ng magsimula ano," sabi ko matapos pinandilatan ito ng mga mata.
"Ang bruha kasing 'yun masyadong papansin at pakialamera, tayo lang ang nag-uusap sumabat pa eh. Ayan tuloy na supla ko," nakaingos pa na sabi nito.
Kung pagbabasehan ko ang taas ng kilay ng kaibigan ko ay sigurado ako na palaban ito at hindi magpapatalo kay Florence kaya mas maigi talaga na inilayo ko ito at pinaghiwalay ang dalawa dahil imbes na pageant ang mapanood eh maging wrestling o sabong ng dalawang bakla na nag-a-agawan kay Roger.
Napaka maldita talaga kasi ng isang ito. Paano na lang kaya kung naging totoong babae pa si Belle. Naku, sigurado akong baka nasira na niya kanina pa ang mukha ni Florence kung wala ako sa tabi ng mga ito kanina.
Sa haba ng matutulis na mga kuko nito alam ko na may kalalagyan si Florence sa kaibigan ko.
"Hay naku, kesa matuyuan ako ng matris, halika na. Kumuha ka na ng number mo bago ka pa maubusan at umuwing luhaan," maarteng sabi nito saka kumikinding na naglakad palapit sa organizer ng pageant.
Napaisip tuloy ako, baklang 'yun may matris? Saan niya naman kaya napulot ang ideya na 'yon?
Napailing na lang ako at natatawa sa naisip ko habang nakaupo sa bakanteng silya at naghihintay na makabalik si Belle.
"Girl, number seven ka, kaya maghanda ka ha. Twenty kayong lahat kaya talunin mo ang labing siyam na hadlang sa landas natin. Tandaan mo kailangang manalo tayo at mai-uwi mo ang korona at premyo," bulong ni Belle.
Natawa ako sa sinabi nito kaya nahampas ko siya sa braso saka naman biglang angat ng mata ko at nagtama ang tingin namin ni Zeneth na nakatayo sa isang sulok.
Nakalimutan ko nga pala na lagi itong nakasunod ng tingin sa amin. Kung bakit kasi ang gandang babae nito pero nahumaling pa dito sa maarteng katabi ko na mas mahaba at colorful pa ang mga kuko sa paa at kamay kesa sa aming dalawa.
Kung ako lang, nanghihinayang ako na tanging kay Belle lang nakapokus ang atensyon nito. Hindi lingid sa akin kung gaano ni Zeneth ka gusto ang kaibigan ko.
Kung tutuusin, nasa kan'ya na ang lahat. Maganda siya, matalino at mayaman. Nag-iisang tagapagmana at maimpluwensya ang pamilya dito sa Masbate.
Malas lang niya at ang taong nagustuhan niya ay mas higit na pusong babae kesa sa aming dalawa. Ni minsan ay hindi ni Belle tiningnan na espesyal si Zeneth. Para sa kan'ya babae siya at lalong hindi sila bagay lalo pa at malayo ang agwat ng kanilang mga buhay.
"Hoy Billy, kailan mo papansin si Zeneth?" naisipan kong itanong sa katabing kaibigan ko.
"Hoy ka rin Julia, kapag natalo ka dahil kung ano-ano ang lumalabas sa bibig mo, hahambalusin kita ng walis tambo na nakasabit sa likod ng pinto ng bahay mo," pikon at inis na sabi nito saka inirapan ako na halos mabaling sa kabilang dulo ng silya ang itsura ng mukha nito.
Gusto kong matawa sa asta ni Belle. Napakataray talaga niya at walang pakialam sa paligid at sa mundo basta magawa lamang niya ang gusto. Isang bagay na wala akong kakayahan dahil hindi ako free spirit na kagaya ng kaibigan ko.
Sasagot pa sana ako ng tawagin kami ng organizer ng number ayon sa pagkaka sunod-sunod namin.
Kinakabahan man lalo na at magaganda ang karamihan sa mga kasama ko ay taas noo akong tumayo. Hindi ako dapat kabahan ng bongga. Laban lang, sabi ni Belle alang-alang sa premyo na inaasam ko.
Sa mga oras na ito, nawala ang pagka-mahiyain ko. Napalitan ito ng motivation na isiniksik ni Belle sa utak ko.
Nagsimula na ang contest at lahat kami ay nakapila. Malakas ang kabog sa dibdib na tumayo ako ng tuwid para ipakita na kaya ko at handa ako kahit pa sa loob ko ay tila may mga daga na nag-rambulan at hinahabol ako.
Number five na ang lumabas sa entablado Isa na lang at susunod na ako. Nang tawagin ang number six biglang nangatog ang tuhod ko. Kahit ano palang practice at paghahanda ang ginawa ko, iba pa rin pala talaga ang kaba kapag sasabak ka na sa totoong laban na gaya nito.
"Next, number seven," anunsyo ng emcee.
Nagsimula akong humakbang at taas noo na naglalakad habang nakapaskil ang pinaka matamis na ngiti sa labi ko.
"Number seven, Ms. Julia Marasigan. Eighteen years old, from zone four. Eldest daughter of Mr. and Mrs. Hilario Marasigan," malakas na anunsyo ng emcee na nagpakilala sa akin ng lumabas ako.
Nag-pose ako sa gitna matapos akong ipakilala ng emcee sa lahat at tumapat sa microphone na laan para gamitin namin.
"Hi good evening everyone, I'm Julia Marasigan Eighteen years old, representing zone four!" malakas at buo ang boses na sabi ko.
Palakpakan at hiyawan ang narinig ko na pinangungunahan ng malakas na sigaw ni Belle na nasa baba ng intabladong kinatatayuan ko.
Isang matamis na ngiti ang sumilay sa labi ko at iniwan ko sa mga taong nanonood at nakatunghay sa akin habang naglalakad papasok para magpalit ng damit para sa susunod na portion na paglalabanan namin.
Nahahati ang contest sa apat, una introduction sunod ay talent portion. Pangatlo ang swimsuit at ang last ay ang question and answer na labis na kinatatakutan ko lalo na at limited lamang ang kaalaman ko. Hindi Kasi ako ipinanganak na matalino hindi gaya ng ilan sa kalaban ko, particular ni Zeneth na alam ko namang palaban talaga ito.
Naghanda ako para sa talent portion pero kabado ako sa swimsuit portion lalo na ito ang unang beses na malalantad ang katawan ko sa publiko.
Medyo conservative kasi kami dito sa probinsya. Konting pakita lang ng balat ay siguradong pag-tsismisan ka na ng mga kapitbahay na tsismosa.
Mabilis natapos ang pagpapakilala sa lahat hanggang magkakasunod na muli kaming tinawag para sa susunod na portion na gagawin namin.
Nauna sa akin si Zeneth dahil number four ito isang dance number ang ginawa nito na inaasahan ko dahil magaling talaga itong sumayaw at tulad ng inaasahan malakas na hiyawan ang narinig ko ng matapos ito.
Tinawag na si number five hanggang si six at heto ako na ang sasalang.
Tulad kanina ay nakangiti pa rin ako kahit nangangawit na ang labi ko. Hindi naman siguro nila papansinin na tabingi ang ngiti ko dahil may bahagi ng pagkatao ko ang umaahon ang matinding hiya na pilit na sinasakal at nilalabanan ko.
"Number seven, handa ka na ba?" tanong ng emcee sa akin.
Matapos kong sumagot ay pumailanlang ang intro ng kanta ni Ms. Sarah Geronimo na sino nga ba s'ya.
Tahimik ang lahat ng nagsimula ang intro at naka-ilang lunok ako ng laway bago nagsimula na sabayan ang audio music.
Hiyawan ang narinig ko ng nagsimula ako sa unang lyrics ng kanta.
Napapikit ako bawat linyang binitawan ko tila ba ramdam ko ang emosyon ng kanta kahit pa hindi ko naman kasi nasubukang mabigo lalo na at wala pa akong nagiging boyfriend.
"Julia ako na lang ang mahalin mo!"
Sigaw ng schoolmate ko na si Rico.
"Julia akin ka na lang!"
"Julia single ako!"
"Sagutin mo na kasi ako please!"
Malakas na mga sigaw ang narinig ko matapos kung kumanta kasabay ng palakpakan.
"Hep! Hep! Masyado tayong nadala sa song number ni Ms. Julia. Mga hijo patapusin n'yo muna ang pageant saka kayo umakyat ng ligaw," malakas na sabi ng emcee na naka microphone pa.
Malakas na tawanan ang narinig ko mula sa bulto ng mga taong kaharap ko. Nakangiti matapos kong umikot para sa isang pose at tumalikod sa mga ito habang nag-iinit ang mukha ko sa hiya sa mga ito.
Agad akong pumasok sa silid para magpalit dahil habang nakasalang ang mga susunod sa amin ay kailangang handa na kami para sa susunod na portion.
Halos mangatog ang tuhod ko ng tingnan ko ang suot kong ang kulay green na swimsuit. Nasukat ko na ito sa bahay pero iba pala pag ganitong nasa harap ako ng malaking salamin na nakikita ko ang kabuuan ko.
"Okay ka lang ba Julia?" tanong ni Zeneth sa akin. Sa lahat ng kasama ko sa pageant tanging ito lang ang kinakausap ako. Bukod sa mga busy at kanya-kanyang focus ang mga kalaban namin ay snob din ang iba na tila na hindi ako nababagay dito kasama nila.
Mahirap nga lang kasi ako at iyon ang nakikita nila. Isa rin ito sa dahilan kaya malimit akong tingnan ng mapanuring tingin ng ibang tao at nagiging dahilan para maliitin ako bagay na ipinagtataka ko dahil halos pareho lang din naman kami ng estado sa buhay ng mga ka barangay ko.
Ilan sa mga ito ang nagtaas ng kilay sa akin noong audition pa lang, kaya hindi na ako nagtangka pa na maki-paglapit sa mga ito.
"Yeah, hindi ko lang sigurado kung kaya ko bang lumabas ng nakasuot ng ganito," kagat labi na sagot ko.
"Wag kang kabahan, lahat naman tayo lalabas ng nakaganyan. Isa pa, kung nakaya ng mga kasama natin, kakayanin mo rin. Kung may ganyan lang akong katawan na gaya sayo ibabalandra ko 'yan araw-araw sa harapan ni Billy baka sakaling magustuhan pa niya ako," makahulugan na sabi nito.
Hay, heto na naman kami sa sitwasyon na nauwi na naman kay Belle ang end ng usapan. Pero pasalamat na rin ako sa sinabi nito dahil lumakas ang loob ko kahit paano.
Tama siya, hindi lang ako ang magsususot ng ganito ngayong gabi. Lahat kami ay iisa ang uri ng swimsuit na gagamitin namin. Kulay nga lang ang naiiba pero suma total ay iisa ang uri ng mga suot namin.
Ngumiti ako dito at niyakap si Zeneth.
"Sana may magagawa ako para tulungan ka sa kaibigan ko, kaso mas malandi pa si Belle kaysa sa ating dalawa. Pasensya na Zeneth ha," malungkot na sabi ko saka bumitaw dito.
"Alam ko na 'yun Julia, pero hindi pa rin ako susuko. Baka may pag-asa pa, malay mo, magbago pa si Billy at maging lalaki ulit gaya ng highschool tayo," umaasa na sabi nito.
Hanga talaga ako sa tatag ng loob at determinasyon ni Zeneth. Kung ako ang nasa katayuan niya sigurado ako na kinalimutan ko na si Belle. Para sa akin, hindi ko ipipilit ang sarili ko sa taong hindi ako gusto bagay na pinagkaiba namin ni Zeneth dahil hindi siya sumusuko at patuloy na lumalaban para sa taong kan'yang minamahal.
Sabagay, sayang nga naman si Belle. Magandang lalaki sana ito at marami rin namang nagkakagusto kaya maraming nanghinayang ng nagladlad ito sa madla ng tuluyan.
kung may magagawa lang talaga ako.
Kung sana ay may kakayahan lang ako na baguhin ang lahat ay ginawa ko na para sa babaeng kaharap ko na matagal ng umaasa kay Belle.
Minsan talaga, hindi patas ang kapalaran. Maraming naiinggit kay Zeneth dahil sa angking ganda at yaman pero heto siya patuloy na umaasa sa isang taong alam ko na malabo pa sa sabaw ng pusit na magbagong buhay at bumalik sa pagiging tunay na lalaki.