PIERRE’S POV
“I am Claude…” pakilala ko sa bata. Second name ko lang ang binigay ko upang hindi niya ako makilala ng lubusan.
“Hi kuya Claude, “ pakilala din niya sa akin saka ngumiti ng matamis. Ang cute niya pala saka parehas kaming ngumiti. Sana ganyan din ang magiging anak ko kapag nag-asawa na ako.
Lihim akong napangiti dahil sa naisip ko, “So, tara na Levana. Pumunta na lang muna tayo sa security area para mapatawag natin yung mommy mo, okay?” wika ko sa kaniya.
Tumango naman ito kaya hinawakan ko ang kanang kamay niya at nagsimulang maglakad. Habang naglalakad ay sinisiguro ko na walang anumang pwedeng magturo na ako sa Pierre. Mahirap na lalo pa at may hawak akong bata. Ang kaso lang sa di mawaring dahilan ay pinagtitinginan pa rin ako ng tao. Hindi ko na lamang ito pinansin at medyo binilisan ko ang lakad. Hindi naman nagreklamo si Levana dahil busy siya sa pagsipsip ng lollipop na binigay ko sa kaniya.
“Hello po. Magandang araw,” bati ko doon sa security personnel na nakita ko rito sa customer service.
“Good day, Sir. Ano pong maipaglilingkod ko sa inyo?” tanong niya sa akin saka tiningnan si Levana. Agad naman tuloy nagtago sa likuran ko si Lev.
“Ahm, nakita ko kasi itong batang ito na umiiyak sa isang shop kung saan ako pumunta. Ang sabi niya sa akin ay nahiwalay daw siya sa mama at tita niya,” pagkukwento ko.
Tumango-tango naman yung security personnel saka sinilip si Levana kaya naman lalo tuloy itong nagtago sa akin. Hinarap ko muna si Levana.
“Lev wag kang matakot. Tutulungan niya tayong mahanap ang mommy mo,” paliwanag ko sa kaniya saka hinawakan ang ulo niya para pakalmahin.
Tumango naman si Lev kaya muli akong nagsalita, “now, may itatanong lang siya sa iyo, okay?” saad ko saka muling tumingin sa security personnel.
“Lev ang pangalan mo tama?” tanong nung security personnel kay Levana. Tumango naman siya.
“Okay, Lev. Ang tanong ko ay anong pangalan ng mama mo?” tanong niya kay Levana.
“Synea Allison Gomez po,” sagot naman ni Lev.
“Okay. Pwede po muna kayong umupo diyan sa may bench habang nakikipagcoordinate ako sa iba kong kasamahan. Baka sakaling lumapit na yung mama niya sa isa sa kanila. Kapag po hindi naman, saka po tayo magpapa-announce,” paliwanag nung security personnel sa amin.
Tumango naman ako, “maraming salamat.”
Ngumiti na lamang siya saka nagsimulang tumawag gamit ang kaniyang radio handset. Kaya naman, nilingon ko si Levana pero hindi ito sa amin nakatingin kung hindi doon sa batang babaeng may hawak ng manika kasama ang tatay niya.
“Lev,” tawag ko sa kaniya kaya naman napatingin ito sa akin.
Umupo naman ako upang maging magka-level kami, “ nasaan pala ang papa mo?” tanong ko sa kaniya.
“Nasa trabaho po siya sa malayo,” malungkot na sagot ni Lev.
Napatango naman ako dahil mukhang OFW pala ang papa niya. Lumingon ako sa paligid at napangiti naman ako ng makakita ako ng isang arcade zone.
“Gusto mo bang pumunta tayo doon habang hinihintay natin ang mommy mo?” tanong ko sa kaniya saka tinuro yung arcade zone.
Nilingon niya naman ito at saka ako tiningnan na may malawak na ngiti, “opo,” masayang sagot niya kaya hindi ko mapigilang mapangiti. Ewan ko ba pero ang gaan ng loob ko sa kaniya.
Tumayo naman ako saka tiningnan yung security personnel, “Miss, kapag dumating yung mommy ni Lev, pakituro naman kami sa arcade zone. Lilibangin ko lang muna yung bata para hindi masyado mag-alala,” wika ko.
“Sige po, Sir,” sagot niya sa akin.
“Tara na, Lev,” pag-aya ko kay Lev saka siya hinawakan ang kamay niya at pumunta sa arcade.
Pagdating namin doon ay bumili lamang ako ng token saka ibinigay kay Lev at hinayaan siyang mamili ng nais niyang laro. Masaya kong pinagmamadan si Lev habang naglalaro siya sa carousel. Agad kong kinuha ang cellphone ko upang picturan siya. Hindi ko kasi alam kung magkikita pa kami sa future kaya kinuhanan ko na lamang siya ng larawan na paalala sa akin na higit sa lahat ng kasikatang tinatamasa ko, isang pamilya ang pinakapangarap ko.
“Kuya Claude.” Nabalik ako sa realidad ng tawagin ako ni Lev saka hinila ang laylayan ng suot kong T-shirt.
“Ano yun?” tanong ko sa kaniya.
“Nagtataka lang po ako, hindi po ba kayo naiinitan sa suot niyo?” inosenteng tanong niya. Natawa naman ako kaya umupo ako upang maging magkalevel kami.
“Kasi masyado akong pogi. Baka pagkaguluhan ako pag hinubad ko ‘to,” biro ko sa kaniya. Ngumuso naman ito.
“Hindi ka naman artista para pagkaguluhan,” wika niya. Natawa naman ako saka ginulo ang kaniyang buhok.
“Hindi lang naman artista ang pwede maging pogi ‘no,” paliwanag ko sa kaniya. Nadako ang tingin ko doon sa claw machine at naalala ko yung eksena kanina na tinitingnan ni Lev.
“Tara Lev, punta tayo doon,” aya ko sa kaniya saka tinuro yung claw machine.
“Hindi naman po ako marunong niyan. Sayang po ito,” sagot niya at pinakita yung natitirang token na hawak niya.
“Wag ka mag-alala, ako bahala sa iyo,” wika ko saka tumayo at bahagyang hinila siya papunta doon.
“Ano gusto mo diyan?” tanong ko sa kaniya. Tiningnan naman niya ito.
“Ayun po,” turo niya sa kulay blue na mukhang koala.
“Sige, kukunin ko na for you.”
Naghulog na ako ng dalawang token saka maingat na itinapat ang claw doon sa kinaroroonan nung koala pagkatapos ay pinindot ko na ang button. Dahan-dahan ang paggalaw nung claw hanggang mahulog na ito doon sa butas. Agad ko namang kinuha ito at ibinigay kay Lev.
“Yehey, thank you Tito Claude,” masayang wika niya saka niyakap yung stuffed toy. Nagulat naman ako na mula sa kuya ay tito na ang tawag niya sa akin.
May sasabihin sana ako kay Lev ng tumunog ang cellphone ko. Tiningnan ko kung sino ang tumatawag. Si Ava pala ito, ang manager namin.
“Lev, dito ka lang muna, okay? Sasagutin ko lang yung tawag. Wag kang aalis dito,” wika ko sa kaniya. Tumango naman ito kaya dali-dali akong lumabas nung arcade zone dahil medyo maingay sa loob. Pagkatapos ay sinagot ko na ito.
“Hello Ava,” bungad ko.
[ Nasaan ka na ba? Alam mo bang kanina ka pa namin hinihintay?! ]
“Chill Zephyr. Nasa mall ako,” pagpapakalma ko sa mainit naming lider. Siya pala ang gumamit ng cellphone ni Ava. Kaya bagay sa kaniya yung pangalan niya eh.
[ At anong ginagawa mo diyan? Yung hahanapin mo andito na pero ikaw wala pa! Saka anong ginagawa mo diyan sa mall, ha?! ]
Nailayo ko sa tainga ko ang cellphone ko dahil sa bulyaw ni Zephyr. Mukhang galit na galit na ito.
“Sa studio na lang tayo mag-usap. Pabalik na ako,” pahayag ko.
Hindi ko na hinintay pa na sumagot si Zephyr at pinatay na ang tawag saka bumalik na kay Lev upang magpaalam.
“Lev,” tawag ko sa kaniya. Tumakbo naman ito papunta sa akin.
“Lev, kailangan ko na kasing umalis. Hinahanap na ako sa trabaho ko,” malungkot na wika ko sa kaniya.
Nawala ang ngiti sa labi ni Lev dahil sa sinabi ko, “ganun po ba? Paano po ako? Wala pa po yung mommy ko?” malungkot na tanong niya sa akin.
“Babalik tayo doon sa pinuntahan natin kanina. Doon mo hihintayin ang mommy mo. Wag ka mag-alala kasi safe ka doon,” paliwanag ko sa kaniya.
“Sige po,” malungkot niyang saad.
Hindi ko alam ngunit yung pagkawala ng ngiti sa labi ni Lev ay nagdulot ng hindi ko maintindihang kirot sa puso ko. Tahimik kaming bumalik doon sa security personnel.
“Miss, wala pa ba yung mommy niya?” tanong ko sa kaniya paglapit namin.
“Papunta na daw po, Sir,” sagot niya sa akin.
“Narinig mo yun, Lev. Papunta na daw yung mommy mo,” masayang balita ko sa kaniya. Ngumiti naman ito kaso yung ngiti niya hindi katulad noong kanina.
“Ah Miss, hindi ko na kasi mahihintay yung mommy niya. Pwede bang ikaw na lang muna ang tumingin sa kaniya hanggang sa makarating yung mommy niya?” tanong ko sa kaniya.
“Ay sige po Sir. Wag po kayong mag-alala. Safe po siya dito,” sagot naman nung security personal.
Hinarap kong muli si Lev, “kailangan ko ng umalis, Lev…” paalam ko pero di pa rin siya sumasagot.
Kinapa ko yung lollipop na nasa bulsa ko at ibinigay sa kaniya, “smile ka na,” wika ko.
Kinuha naman niya ito saka ngumiti, “thank you po Tito Claude,” wika niya saka ako niyakap. Niyakap ko naman siya pabalik.
“Sa susunod wag ka ng hihiwalay sa mommy mo, okay? Baka bad guys na yung lumapit sa iyo sa susunod,” paalala ko sa kaniya pagkatapos kong putulin ang yakapan namin.
“Opo Tito Claude,” sagot niya. Tumayo na ako.
“Good girl,” wika ko saka ginulo ang buhok niya. “Oh paano, aalis na ako. Ba-bye,” wika ko saka kumaway sa kaniya.
“Ba-bye po Tito Claude. Mag-iingat po kayo,” wika at kumaway din sa akin.
Tiningnan ko naman yung security personnel na may pahiwatig. Tumango naman ito kaya nagsimula na rin akong maglakad papalayo. Nilingon ko pa si Lev at nakita ko siyang malungkot na umupo doon sa bench. Kung hindi ko lang talaga kailangang umalis ay di ko siya iiwan. Kaso lang kailangan na naming magpraktis para sa mini concert namin mamaya sa Jiminez Empire Hotel.
SYNEA ALLISON’S POV
“Ma’am may nakakita po sa anak niyo. Dinala siya doon sa may admin,” wika nung kuya guard na napagtanungan namin matapos niyang may makausap sa radio handset niya.
Tila naman parehas kaming nabunutan ng tinik ni Luna dahil sinabi niyang iyon. “Saan po ba yung admin?” tanong ko.
“Doon po sa second floor. Diretsuhin niyo lang po ito tas sumakay kayo escalator. Sa may kaliwa po makikita niyo yung customer service,” pagbibigay direksiyon sa amin ng guard.
“Marami pong salamat kuya,” wika ko doon sa guard saka tumingin kay Luna. “tara na,” aya ko kay Luna.
Nagpasalamat muna ito sa guard saka kami nagmamadaling tumakbo papunta sa tinuro ng guard. Liliko na sana ako nang may makabangga ako.
“Sorry Miss”
ITUTULOY!